At kung hindi magkaroon ng panibagong problema pagkat hindi pa rin ipinapaliwanag ni Alcalde hanggang ngayon kung paano maililihim ang bentahan sa mga huwad na titulo gayong isasabay pala ito sa kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno lalo’t mga kilalang negosyante pa mandin ang kanyang kliyente kaya tiyak na sila rin mismo ang panggagalingan ng kuwento kapag nagkarooon ng usap–usapan tungkol dito. Pero hindi ito naging problema kay Alcalde basta mapasaya lamang niya si Alferez dahil isusumite na niya sa susunod na buwan ang rekomendasyon ng promosyon kung mahintay pa ito ng un Comandante del Ejercito de Alcala pagkat bakat na sa manipis na balat ang mga buto sa kanyang dibdib na pinalulubha pa ng maya’t mayang ubo ngunit matikas pa rin naman ang kanyang lakad kahit laging kumakalam sanhi ng gutom ang kanyng sikmura. Tuwing pista sa bayan ng Tuguegarao ay pumupunta sa palacio del gobernador ang mga punong–bayan mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Cagayan upang personal na iparating ang kanilang pagbati kaugnay sa kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno na laging sumasabay sa kapistahan ni Señor San Pedro kaya napakahalaga ng nasabing okasyo at ito ang pagkakataon na hinihintay naman ni Alcalde. Bagaman, puwede nang ibulong ni Alcalde kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang tungkol sa promosyon ni Alferez ay tiyak na may kahilingan din siya na hindi puwedeng tanggihan pagkat may presyo ang lahat nang bagay lalo’t promosyon ang pinag–uusapan dahil nangangahulugan din ito ng umento sa suweldo kahit hindi masyadong kailangan ni Alferez ang pera ngunit may halaga pa rin ito para magkaroon siya ng bagong ropa interior.. Naturalmente! Pero walang balak banggitin ni Alcalde kay Alferez ang tungkol sa promosyon upang hindi rin mangyayari sa kanya ang kamalasang sinapit ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz basta huwag lamang siyang bangungutin dahil talagang hindi na siya matutulungan pagdating sa ganitong sitwasyon kung malamig na ang kanyang katawan.lalo’t kailangan na naman niya ang kanyang serbisyo kaugnay sa nakatakdang araw ng bentahan sa mga huwad na titulo. Puwes, tama lamang ang naging katuwiran ni Alcalde dahil talagang kailangan lasingin muna niya si Alferez sa tuwing hora feliz nila habang wala pang kaseguruhan ang kanyang promosyon pagkat manggagaling pa sa tanggapan ng Gobernador–Heneral ng Pilipinas ang kautusan saka ipapadala ito sa opisina ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kung hindi magkaroon ng himagsikan sa bayan ng Alcala.
“¡Yo vengo de la antigua comunidad indigena . . . Alcalde! ¡Yo personalmente supervise la asignacion de soldados alli! ¡Para que los nativos no intenten regresar alli! ¡Si . . . alguno de ellos sobreviviera!” May dahilan naman pala kung halos naliligo sa pawis ang katawan ni Alferez pagkat galing pala siya sa dating komunidad ng mga katutubong Malauegs ngunit posibleng umalis siya ng madaling–araw kung doon siya natulog kagabi dahil hindi niya kakayanin ang magparoo’t parito sa layo ng bayan ng Alcala mula sa kabundukan ng Sierra Madre maski sumakay pa siya sa kabayo kaya talagang hindi siya matatagpuan ni Alcalde kahit sinadya na nito ang kanyang opisina. Samakatuwid, nakabuti rin pala ang naging desisyon ng mga katutubong Malauegs nang magpatayo sila ng bagong komunidad sa pusod ng kagubatan sa halip na nanatili sa yungib pagkat talaga palang magtatagal sa dating komunidad nila ang mga soldados upang tiyakin na wala nang magtatangkang manirahn doon habang hindi pa naibebenta sa mga negosyante ang mga huwad na titulo. Talagang hindi puwedeng balewalain ang posibilidad na matutuklasan din ng mga soldados ang kanilang paninirahan sa yungib kung hindi sila umalis agad kaya mabuti na lamang pumayag ang lahat sa mungkahi ni Luyong habang may pagkakataon pa kahit dumanas sila ng hirap sanhi ng limang araw na paghahanap ng malilipatan ngunit nalayo naman sila sa kapahamakan. Kung nagtalaga pa ng karagdagang soldados sa dating komunidad ng mga katutubong Malauegs si Alferez ay maliwanag na balak din niya ang magtayo ng destacamento de tropas para hindi na bumabalik pa sa munisipyo ng Alcala ang kanyang tropa sa tuwing nagsasagawa sila ng operasyon pagkat masyado nang malayo ang kanilang nilalakad. Pero mali ang naging palagay ni Alferez pagkat may nakaligtas din sa mga katutubong Malauegs sa awa ni Bathala nang lingid sa kanya ngunit walang dahilan upang mababahala siya dahil hindi na banta sa pamahalang Kastila ng Alcala ang sampung kalalakihang Malauegs bukod sa malayo na ang kanilang bagong komunidad maliban na lamang kung magpanagpo ang mga katulad nila na biktima sa atrosidad. At talagang hindi na rin sila babalik pa sa dating komunidad maski naging masakit sa kanilang mga kalooban nang isuko sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang mga lupain ngunit tanggap na nila ang masaklap na kabiguan dahil nangyari na ang lahat kaya wala nang dapat alalahanin ang mga negosyante na nagnanais magkaroon ng lupain sa kapatagan ng Sierra Madre. Basta naging dalangin na lamang nila ang magkaroon ng ganap na kapayapaan ang kanilang buhay sa bagong komunidad sa patnubay ni Bathala upang tuluyan nang malilimutan nila ang nakaraan kahit taglay nito ang mga alaala ng kanilang mga minamahal pagkat mali ang magpagapos sila sa kahapon kung hindi naman makabubuti sa kanila kaya nararapat lamang ipagpatuloy nila ang pagtahak sa landas na maghahatid sa kanila tungo sa magandang bukas. Matapos magpaliwanag ni Alferez ay tinungga ang laman ng kanyang kopita habang nagtataka naman ang tingin sa kanya ni Alcalde nang gumuhit sa alaala niya si Sarhento Valeriano Gustavo dela Paz hanggang sa kumunot ang noo niya pagkat maaaring sumagi sa isip niya ang promosyon na dapat naipagkaloob sa Sargento Primero noong nabubuhay pa siya kung ito man ang sanhi nang sandaling pananahimik niya..
“¿Por que . . . Teniente? ¿Por que tu? ¿Eh? ¡Espero que se lo dejes al . . . Sargento Valeriano Gustavo dela Paz!” Diyata, hindi pa pala batid ni Alcalde ang sinapit ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz samantalang mahigit limang buwan na ang lumipas mula nang ideneklara siya bilang isa sa mga perdido en accion dahil sa tinamong kabiguan sa unang operasyon maski mahirap paniwalaan pagkat si Alferez ang laging kausap niya kaya walang dahilan upang hindi mababangit sa kanya ang dating Sargento Primero. Lalo’t madalas pa ang kanilang hora feliz na tumatagal hanggang madaling–araw ay imposible na hindi nila napag–uusapan ang Sargento Primero kahit minsan pagkat wala namang dahilan upang ilihim ni Alferez ang pagkasawi nito noong inilunsad ang unang operasyon dahil dumanas ng marming herido ang kanyang tropa kaya hindi kaagad naisakatuparan ang pangalawang operasyon. Noong gabi na pinapunta niya sa residencia ejecutiva si Alferez ay talagang ipapaalam na sana nito ang tungkol sa mga soldados na nangasawi sa unang operasyon kung hindi lamang siya nagalit nang malaman ang nakagigimbal na resulta dahil naman sa sariling interes niya ngunit sa pagkakaalam ng fiduciario ay nabanggit pa rin niya ito kinabukasan bago siya hinatid ni Zafio pabalik sa munisipyo ng Alcala. Marahil, nawaglit lamang sa alaala ni Alcalde ang tungkol sa pagkasawi ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz dahil iba ang pinagtuunan ng kanyang isip habang maaaring nakaligtaan na rin ni Alferez upang banggitin ulit sa kanya na kabilang sa los desaparecidos ang dating Srgento Primero sanhi ng kaabalahan niya sa pagbabalangkas ng plano nang mga araw na ‘yon. Subalit tiyak napag–usap nila ito habang hinihintay nila ang mga bala mula ng Maynila kaya imposible na hindi niya alam kahit noong gabi na naghahanda para sa pangalawang operasyon ang mga soldados ay seguradong napansin niya ang pagkawala ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz dahil naroroon siya bago umalis sa munisipyo ng Alcala ang tropa sa pangunguna ni Alferez. Kunsabagay, hindi na dapat pagtatakhan pa kung humina man ang kislot ng utak ni Alcalde pagkat talagang malaking epekto sa kanyang pag–iisip ang gabi–gabing kalasingan kaya hindi na niya naitanong kahit sa sarili kung bakit hindi na niya nakikita ang Sargento Primero nang limang buwan habang ginagawa ni Alferez ang plano ng pangalawang operasyon dahil tiyak na kailanganin ng opisyal ang tulong nito.
ITUTULOY
No responses yet