IKA–96 LABAS

Tuloy, kumunot ang noo ni Alferez sabay lapag sa mesa ng kopita niya habang naniniyak ang tingin kung seryoso ba si Alcalde hanggang sa napangiti siya nang maalaala ang promosyon na maaaring dahilan sa kanyang tanong pagkat hindi agad naipagkaloob ito kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ngunit napailing na lamang siya matapos aminin na talagang malaking kawalan ang pagkamatay ng Sargento Primero.  Kaya siya na ang nagpaliwanag upang ipaalaala kay Alcalde ang pagkakadeklara ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz bilang isa sa los desaparecidos en combate nang mabigo ang unang operasyon ng kanyang tropa maski masakit para muling sariwain ang pangyayari pagkat hindi man lamang niya natulungan ang Sargento Primero. ngunit nabaril naman niya si Alwihaw nang lingid sa kanya.  Subalit sa tagumpay ng pangalawang operasyon ay umaasa siya na naipaghiganti na nila si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz maski hindi naibalik nito ang kanyang buhay ngunit tiyak nagkaroon na rin ng katahimikan ang kanyang kaluluwa lalo’t hindi napagkalooban ng marangal na libing ang kanyang bangkay ngunit nalipol naman nila ang mga katutubong Malauegs kung paniwalaan ang naging palagay niya.

            ¡Alcalde! ¿Lo ha olvidado? ¡El Sargento Valeriano Guztavo dela Paz esta muerto!  ¡Si!  ¡Estuvo entre las victimas durante nuestra primera operacon!  ¡Alcalde . . . enfermo!  ¡Porque no pudimos escapar de su cadaver!  ¡Asi que esta entre los desaparecidos en accion!”  Seguro, binabalikan ni Alcalde ang mga araw kung kailan nabanggit sa kanya ni Alferez ang tungkol sa sinapit ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz na malinaw namang namamalas sa galaw ng kanyanag mga mata nang matahimik siya habang nag–iisip nang malalim hanggang sa tumango siya para aminin ang kanyang pagiging ulyanin dahil imposible upang makaligtaang ipaalaala sa kanya ang mahalagang pangyayaring ito.  Nag–alay yata ng maikling dasal para sa yumaong Sargento Primero sina Alcalde at Alferez dahil sandaling katahimikan sila maski duda ang mga butiki sa kisame kung diringgin ito ng langit pagkat may matinding iringan ang namamagitan sa kanilang dalawa at kay Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga kaya may katagalan na rin hindi sila dumadalo sa misa upang hindi sila ang magigng sentro sa sermon ng kura paroko ng Alcala.  Pagkatapos, dinukot ni Alferez ang kanyang panyo upang punasan ang kanyang mukha na nanlilimahid sa pawis saka itinuloy ang pagtungga sa kanyang kopita na natigil nang alipalang hingin ni Alcalde ang kanyang paglilinaw tungkol kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz gayong hindi lang yata sampung beses naikuwento niya ang naganap na sagupaan sa pagitan ng mga soldados at ng mga kalalakihang Malauegs noong unang operasyon nila na nagsanhi sa pagkamatay ng Sargento Primero.  Marahil, sinurot ang konsensiya ni Alcalde nang biglang maalaala ang promosyon na hindi niya naigawad noong nabubuhay pa lamang si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat tahimik pa rin siya gayong hindi niya nararamdaman ito kapag si Señora Mayora ang nagdadalamhati dahil sa matinding paninibugho samantalang sinasalinan na naman ni Alferez ng alak ang kanyang kopita para sa hindi na mabibilang na tagay.  Kunsabagay, pinagkalooban naman ng promocion postuma ang Sargento Primero na tinanggap ni Señor Demetrio Varon Daluz de Zapallo, ang kanyang tiyuhin kahit deklaradong desaparecido en combate siya na magtatagal ng isang taon ngunit tuloy pa rin ang pagpapasuweldo sa kanya ng gobyerno ng bansangEspaña para may konsuwelo naman ang kanyang servicio militar at pampalubag–loob na rin sa mga magulang niya.  Subalit higit na naapektuhan si Alferez pagkat siya na ang gumaganap ngayon sa tungkuling iniwan ni Sarhento Valeriano Guztavo Valerio dela Paz habang wala pang nahahanap na bagong Sargento Primero upang magiging kapalit nito kaya ganoon na lamang ang paghihinagpis ng kanyang kalooban kung lasing siya dahil ito ang sandali na nagiging madaling maalaala ang lahat nang balakin maging ang kanyang plano na pagbabalik ng bansang España.  Tuloy, labis ang kanyang panghihinayang kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz dahil naging huwaran ng mga soldados ang ipinamalas niyang kasipagan at katapangan nang pamunuan niya ang pangkat na unang nakarating noon sa kabundukan ng Sierra Madre hanggang sa natuklasan nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs ngunit sa kasamang–palad lamang pagkat doon din siya namatay.  Seguro, kung nabigyan agad ng katuparan ang pangarap ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz habang nabubuhay pa siya ay tiyak na marami pa ang kanyang logro kaya aywan kung darating pa ang pagkakataon upang magkaroon uli si Alferez ng Sargento Primero na puwedeng ihalintulad sa kanya pagkat tunay na walang katulad ang kanyang katapatan sa servicio militar maski malagay pa sa peligro ang sariling buhay.  Talagang maaasahan siya sa tuwing nagsasagawa ng operasyon ang mga soldados kahit siya lamang ang namumuno sa tropa pagkat laging priyoridad ang kanyang tungkulin habang kasalukuyang nagaganp ang hora feliz sa opisina ni Alcalde gayong si Alferez ang dapat nagpapamalas ng kasipagan pagkat siya ang un Comandante del Ejercito de Alcala

            ¡Oh! ¡Lo siento . . . Teniente! Recuerdo!  Tsk!!!Tsk!!!Tsk!!!  ¡Su temprana muerte es verdaderamente lamentable!  ¡Si!”  Napailing na lamang si Alcalde nang mapagtanto ang kahalagahan ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ngunit sadyang iniwasan niya ang magpasunod ng pahayag upang hindi na mapag–uusapan pa ang tungkol sa promosyon nito na hindi agad naigawad dahil din sa kanyang kapabayaan nang mabaling sa gabi–gabing hora feliz ang kanyang panahon bukod pa ang katotohanan na mas pinagtuunan ng kanyang sarili ang magiging pakinabang niya sa mga huwad na titulo.  Baka maisipan pa niya ang sumigaw upang humingi ng kapatawaran maski hindi na ito naririnig ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz dahil talaga namang walang kaugnayan sa mga gawain ng mga soldados ang layunin sa unang operasyon ngunit tumalima pa rin sila kaysa makasuhan ng insubordinacion  kaya hindi sana siya namatay kung hindi umiral sa kanya ang kasiwalan.  Bagaman, nagdulot ng bagabag sa kanyang kalooban ang pagkamatay ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ay sinisikap na lamang niyang iwaksi sa isip ang sinapit nito dahil wala na rin kabuluhan kung laging babalikan sa alaala ang mga pangyayari lalo’t nagtagumpay naman ang pangalawang operasyon na mas binigyan niya ng halaga pagkat kailangan samantalahin ang pagkakataon na magbibigay ng katuparan sa mga pangarap niya na mapabilang sa hanay ng mga mayayaman.  Tuluyan nang inilapag sa mesa ang kanyang kopita maski nabalam ang pagtungga niya rito para muling alayan ng maikling dasal si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz habang hindi pa natutubog sa alak ang utak niya maski huli na ang kanyang pakipagdadalamhati upang hindi siya mumultuhin pagkat sapat na ang walang katapusang panggugulo ni Señora Mayora sa kanyang panaginip.  Pareho lamang ang naging palagay nila ni Alferez nang aminin niya na talagang malaki ang naitulong ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz sa kanyang plano pagkat siya at ang pangkat nito ang nakadiskubre sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre samantalang sa malaking mapa lamang unang napansin ito kahit pinagdududahan pa nila ang kanyang despues del informe de operacion noon.  Hanggang sa pinagawan niya ng mga huwad na titulo ang malawak na kalupaan ng mga katutubong Malauegs sa kabundukan ng Sierra Madre nang mabigo silang bayaran ang malaking pagkakautang nila sa buwis at amilyaramyento na ginamit lamang niyang sangkalan para sa kanyang sariling kapakinabangan kaya bakas sa mukha niya ang kapanglawan pagkat buhay ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz naman pala ang naging kapalit sa tagumpay ng kanyang plano.  Totoong minsan nang nabanggit noon ni Alferez ang tungkol dito ngunit ngayon lamang niya naramdaman ang desbentaha dahil sa pagkamatay ng Sargento Primero hanggang sa itinuloy na lamang ang pagtungga sa kanyang tagay saka dali–daling nagpasunod nang isa pa matapos muling salinan ng alak ang kanyang kopita pagkat gusto niyang malasing.  Tumango lamang si Alferez nang dumako sa kanya ang mga mata ni Alcalde na waring ipinaparating sa kanyang ang pakikiramay nito matapos mamagitan sa kanilang dalawa ang katahimikan dahil tuluyan na sanang nalimutan niya ang sinapit ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz kung hindi lamang ito naitanong sa kanya ngunit siya na rin ang pumakli na hindi naman seguro masama kung naalaala nila ang Sargento Primero kahit paminsan–minsan.  Kunsabagay, wala na rin dahilan upang balikan pa ang nakaraan maski totoong huli na ang lahat nang ipinagkaloob kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang nauukol sa kanya pagkat wala rin namang nag–aakala na mamamatay siya sa operasyon kaya hayaan na lamang humimlay sa kapayapaan ang kanyang kaluluwa para hindi siya laging nagpaparamdam kay Alferez.  Sapagkat inabot ng madaling–araw ang inuman nina Alcalde at Alferez ay nakatulugan na lamang nila ang huling tagay sanhi ng kanilang kalasingan kung hindi pa pumasok sa opisina ang nababahalang si Zafio matapos ihudyat sa kampana ng munisipyo ng Alcala ang alas–cinco ng umaga dahil ihahatid pa niya sa simbahan ng Alcala si Señora Mayora kung hindi magbago ang isip nito.  Lalo’t dapat palang asahan mamayang pagdating ni Alcalde sa residencia ejecutiva ang pagdedeklara ni Señora Mayora ng guerra mundial dahil tiyak na magdamag din niyang hinintay ang kanyang pag–uwi ngunit nanaisin pa rin ba niya ang magsimba kung tigmak naman ng galit ang puso niya na laging sugatan maski ito pa ang posibleng dahilan upang mabura ang kanyang pangalan sa listahan ng mga magigng santa.  Aywan, basta ang alam ng mga sakristan ay walang duda na malaking ekis ang magiging marka niya sa kalendaryo pagkat ginuguhitan pala ni Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga ang mga araw na lumiliban siya sa pagsisimba dahil naging katuwiran naman ng kura paroko na kasama sa rekomendasyon ang ulat kung gaano siya katapat sa pananampalataya.  Amen!

            Agosto 1864 sa kalendaryo ng pamahalaang Kastila sa probinsiya ng Cagayan.

Ipinagdiriwang sa pamamagitan ng misa kantada ang kapistahan ni Señor San Pedro sa tuwing ika 17 ng Agosto, ang pintakasi sa bayan ng Tuguegarao ngunit madali nang intindihin kung bakit marami ang nahihikayat mamista kahit wala silang kakilala pagkat ito ang laging dinarayo ng mga negosyante mula sa mga karatig lalawigan bilang kabisera ng probinsiya ng Cagayan bukod pa ang maraming pagtatanghal na napapanood sa gabi ng bisperas, ang parada ng mga kandidata sa patimpalak ng kagandahan habang lulan ng kani–kanyang karosa na hinihila ng mga kalabaw at ang inaabangang prusisyon ni Señor San Pedro na lalong nagpapasaya sa pista.  Tuluy–tuloy ang kalembang ng kampana sa simboryo ng simbahan mula nang sinimulan ang unang misa kaninang alas–cinco ng umaga dahil maya’t maya rin ang pasok ng mga parokyano para mag–alay ng pasasalamat pagkat muli na naman silang nabigyan ng pagkakataon upang dumalo sa kapistahan ni Señor San Pedro kahit nanggagaling pa sa malalayong bayan ang karamihan sa kanila habang naging panata naman ng iba ang magsimba lamang.  Hanggang sa dumating ang hinihintay na misa cantada sa pangunguna ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte katuwang ang dalawampung prayle na nagsimula sa pintuan ng simbahan ang pambungad na entrada hanggang sa altar habang masiglang umaawit ang mga kantores upang muling ipagdiwang ang kapistahan ni Señor San Pedro sa kasalukuyang taon na laging inaabangan ng mga relihiyosa nang may pananabik ang mga puso.  Sapagkat tumapat sa araw ng Linggo ang kapistahan ni Señor San Pedro ay nagkaroon ng pagkakataong dumalo sa misa kantada ang mga nagmula sa mga karatig–bayan ng Tuguegarao ngunit kahapon pa dumating ang mga nanggagaling naman sa malalayong probinsiya lalo na ang may mga kamag–anak sa kabisera ng lalawigan ng Cagayan upang tiyakin na hindi nila mapapalampas ang selebrasyon.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *