IKA–97 LABAS

May kani–kanilang layunin kung bakit kinailangan nila ang manalangin kay Señor San Pedro sa tuwing sumasapit ang kanyang kapistahan pagkat sa tinagal–tagal nang pagiging binyagan nila ay hindi pa rin nila nararamdaman ang kaginhawaan na laging sinasambit ng mga prayle kaya nagbakasakli sila na magkakaroon na ng katugunan ang kanilang kahilingan sa taong ito kahit paulit–ulit na lamang dahil ito rin ang kanilang naging dalangin noong nakaraang kapistahan.  Bagaman, talagang naniniwala sila na taglay sa araw ng kapistahan ang biyaya ngunit hindi naman lahat ay nakatatanggap nito samantalang simbahan ni Señor San Pedro ang mayroon lamang sa bayan ng Tuguegarao kung saan sama–samang nagdarasal ang lahat kaya nagtataka sila kung bakit hindi pantay–pantay ang tingin ng estatuwa na hindi kumukurap.  Parang alam ni Señor San Pedro kung kaninong kahilingan ang dapat lamang ipagkaloob pagkat mas nararamdaman pa ng mga mayayaman ang grasya na kabalintunaan naman sa mga pangaral ng mga prayle dahil lagi nilang ipinagdidiinan ang pagmamahal ng mga santo’t santa sa mga mahihirap ngunit taliwas naman dito ang nangyayari matapos mapagtanto nila na maaaring nakadepende rin ito kung paano sila manalangin maski memoryado pa nila ang dasal kung hindi naman nila alam ang kahulugan nito.  Sapagkat totoo rin naman na umaasa lamang sa himala ang mga katutubong binyagan upang may magpapakain sana sa kanila ng pananghalian samantalang gumagawa ng sariling milagro ang mga mayayaman para magiging malinaw sa pagbibilang ng pera ang mga mata ng mga naninirahan sa kumbento kaya talagang magkakaroon ng katugunan ang kanilang kahilingan sa patron pagkat malaki ang pagkakaiba nang lingid sa mga mahihirap.  Sa pagbibigay pa lamang ng alay ay may pagkakaiba na dahil mas makapal ang laman ng sobre na handog ng mga mayayaman sa tuwing kapistahan ni Señor San Pedro kung ikumpara sa mga katutubong binyagan na isang kandila lamang ang nakayanang sindihan para magpasalamat at itinirik sa paanan ng santo na hindi kumikibo maski wala nang ningas pagkat naraanan ng hangin.  Sa pagbabakasakali na magiging malinaw ang kanyang paningin matapos ang kanilang paulit–ulit na pag–aantanda ngunit hindi pa man nangangalahati ang ningas ng pangalawang kandila ay pinalis na naman ng hangin pagkat hindi nila ito nasabayan ng dalangin sa wikang Kastila na tanging pinapakinggan ng rebulto na nagmula pa ng bansang España.  Pero hindi rin naman nila puwedeng ipagbawalang–bahala ang mga pangaral ng mga prayle pagkat daranas daw ng malubhang kamalasan sa buhay ang hindi dumadalo sa pista ni Señor San Pedro kaya pinagsisikapan nila ang maglakad mula sa bayan ng Aparri hanggang sa bayan ng Tuguegarao maski mamamatay na sila sa gutom dahil.sumasabay naman sa kanilang paglalakad ang mga kura paroko na nakatalaga sa bayan ng Lallo, bayan ng Gattaran, bayan ng Alcala at bayan ng Iguig.  Puwes, hindi bale nang umuwing gutom basta buhay pa rin sila sa susunod na kapistahan ni Señor San Pedro pagkat puwede nang pagtiisan ang taunang sakripisyo sa paglalakad upang muling humiling ng kung anu–ano mula sa matimtimang estatuwa na hindi natutulog para huwag lamang tumalab sa kanila ang kamalasan dahil totoong minalas na sila nang wala man lamang nagyaya sa kanila ng pananghalian.

Sapagkat napaniwala sila sa pangako na magiging maalwan ang kanilang pamumuhay kung mapabilang sila sa totoong relihiyon kaya marami ang nahikayat magpabinyag nang maisip ang oportunidad na hindi dapat palampasin ngunit naisin man nila ang umatras ay huli na nang mapagtanto na lalo lamang nagdarahop ang kanilang buhay pagkat kailangan palang paglaanan nila ng kaunting halaga ang abuloy para sa kasiyahan ng mga prayle.  Kung hindi kulang ang itinirik na kandila ng mga katutubong binyagan sa paanan ng estatwa ni Señor San Pedro ay seguradong hindi nito naintindihan ang katutubong dialekto dahil totoo naman na galing pa ito ng bansang España lulan ng galyon na halos isang taon din naglayag sa karagatan habang binabayo ng sigwa lalo’t nanatili lamang ito sa loob ng simbahan sapul nang dumating ito sa bayan ng Tuguegaro kaya walang pagkakataon upang matutunan nito ang katutubong dialekto.  Palibhasa, hindi rin saulado ng mga katutubong binyagan ang dasal sa wikang Latin kahit marami na ang nabunutan ng ngipin dahil sa paulit–ulit na sampal ng mga prayle pagkat nagiging maiksi rin ang pasensiya nila kung walang tinanggap na pasalubong para may konsuwelo naman ang pagtuturo nila gayong mga mahihirap lamang ang karamihan sa kanila.  Sapagkat sadyang mahirap bigkasin at unawain ang hindi nakasanayang wika maski ipailalim pa sa kanilang mga unan ang aklat–dasalan sa tuwing gabi habang natutulog sila hanggang sa ayaw nang magsipagsimba ang mga kalalakihang binyagan para huwag lamang silang makulong dahil tiyak na makakapatay sila ng prayle kung hindi sila ang kusang umiwas.  Pagkatapos, hindi pa ipinahiwatig sa araw ng kapistahan ang inaasam nilang biyaya kaya apektado ng gutom ang kanilang isip habang napuspos ng pagsisisi ang mga sarili dahil dinayo pa nila ang pista sa bayan ng Tuguegarao kahit walang kakilala ngunit ayaw pa rin nilang sisihin ang mga prayle maski maliwanag naman na pawang kasinungalingan lamang ang itinuturo sa knila.  Tuloy, punung–puno ng panghihinayang ang kanilang mga kalooban pagkat kasamang naupos ang iniingatang kusing para may pambili lamang sila ng kandila dahil hindi tinugon ng santo na may lahing Español ang kanilang kahilingan na sana may magmagandang–loob upang pakainin sila bago bumalik sa kani–kanilang bayan ngunit dadalo pa rin sila sa susunod na kapistahan ni Señor San Pedro  maski taglay sa kanilang pag–uwi mamaya ang hindi malilimutang karanasan.  Kunsabagay, sa mga banyaga lamang nagkaroon ng kahulugan ang kapistahan ni Señor San Pedro pagkat sila naman ang nagpauso nito para may dahilan upang dayuhin sila ng mga kamag–anak o mga kaibigan kahit minsan lamang sa isang taon kaya kailangan maghanda rin sila nang may maipakain sa mga bisita nila ngunit ginaya na lamang ito ng mga katutubong binyagan dahil sa panghihikayat naman ng mga prayle.  May sariling pakay rin ang mga prayle kung bakit tuwang–tuwa sila sa tuwing dumarating ang pista pagkat daan–daang pera ang nalilikom nila mula sa mga dumadalo sa misa ngunit ginagamit lamang na pantustos sa kanilang mga luho ang malaking halagang ito na taliwas sa katuwirang ipagdarasal nila ang mga nagbibigay ng abuloy lalo’t hindi rin naman pinakikialaman ng gobyerno ang kanilang mga aktibidad.  Samantalang ordinaryong araw lamang ito para sa mga katutubong binyagan na dumayo lamang upang dumalo sa kapistahan ni Señor San Pedro dahil talagang wala silang maaasahan mula sa kanilang kapwa pagkat nagbago na rin ang mga ugali nila sapul nang manirahan sa bayan ng Tuguegarao gayong naging alay–ay lamang ang hitsura nila sanhi ng suot na damit ngunit hindi naman nabanlawan ng agua bendita ang kanilang balat kaya naniningkad pa rin ang kanilang kaitiman.  Magiliw lamang sila sa mga banyaga para mapanatili ang pagiging katalamitan nila sa kanila habang sinisikap magsalita ng wikang Kastila maski hindi naman kayang bigkasin ng kanilang mga dila na mas nasanay sa pagnguya sa buyo noong hindi pa sila nabihisan ngunit astang marami nang alam samantalang hirap naman basahin ng mapurol na utak ang aklat dasalan.  Palagay yata sa kanilang mga sarili ay mga banyaga rin dahil sa bisa ng binyag nang patakan ng agua–bendita ang kanilang mga noo gayong wala naman talagang nagbago sa kanilang anyo pagkat kakulay pa rin nila ang gabi maski totoong bahagyang pumuti ang mga ngipin nila ngunit hindi naman dapat ipagmamalaki kung maantot naman ang hininga at kingki pa rin ang dati nang kulot na buhok.  Kahit pinandidirihan na nila ang pagsusuot ng bahag ay walang duda na ito pa rin ang gamit nila kung hindi napasailalim sa pamahalaang Kastila ang probinsiya ng Cagayan ngunit ang kabutihan nito pagkat nalantad lamang ang totoong pag–uugali nila na dapat iwasan ng mga katutubong erehe upang walang malalin sa pagiging alangas nila dahil sila ang mga doble–cara kaya hindi puwedeng pagkakatiwalaan ng sekreto.

            Naririnig hanggang sa labas ng simbahan ang tinig ng mga kantores na lalong nagpapasigla sa misa kantada habang ganado naman ang mga prayle sa pangunguna ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte maski pinapawisan na sila dahil sa kapal ng kasulya na suot ng bawat isa sa kanila ngunit kailangan pagtiisan pagkat minsan lamang sa isang taon ipinagdiriwang ang kapistahan ni Señor San Pedro.  Aywan kung naintindihan ng mga katutubong binyagan ang awit ng mga kantores pagkat pinipilit din naman nila ang sumabay sa pagkanta sa pagbabakasakali na maghihimalang dumilat ang mga mata at kumibot ang mga labi ng estatuwa ni Señor San Pedro dahil tiyak na uuwi na lamang sila pagkatapos ang misa kung walang magpakain sa kanila upang muling tuparin sa susunod na taon ang panata.  Kunsabagay, imposible rin na wala man lamang silang natutunan sapul nang maging binyagan sila samantalang wikang Latin ang laging sinasambit ng prayle sa misa sa halip na isinalin sana sa lengguwahe na madaling maintindihan ng mga parokyano ang mga dasal para maraming katutubong erehe ang mahikayat magpabinyag dahil malaki rin naman ang naitutulong nito sa isinusulong na pagbabago ng pamahalaang Kastila.  Kaya hindi kataka–taka kung magduda ang mga kalalakihang binyagan pagkat madalas tumatalikod ang prayle habang isinasagawa ang misa imbes na humarap siya upang masabayan nila ang kanyang pagdarasal maski hindi naiintindihan dahil sa bilis niya magbasa para masabi naman na nagkaroon din sila ng partisipasyon kaya marami sa kanila ang gumigising na lamang kapag umaakyat na siya sa pulpito dahil ginapi sila ng antok.  Saka lamang namamalas ang mukha ng prayle kung naroon na siya sa pulpito upang magbigay ng kanyang homiliya na may kasamang sermon pagkat kulang pang pantustos sa kanyang bisyo ang nakolektang abuloy sa nakaraang misa kahit hindi niya tandisng sinasabi ito ngunit maliwanag naman ang mensahe na nais niyang iparating dahil natanim na sa isip niya ang pagiging mangmang ng mga katutubong binyagan.  Pagkatapos, magkukuwento siya na nagpakita sa kanyang panaginip ang Diyos sa layuning takutin ang mga mananampalataya para magkaroon ng talab ang kanyang mga kasinungalingan upang tuparin ang kanilang obligasyon pagkat kailangan niya ang maraming pera nang masuportahan ang kanyang mga luho ngunit ang totoo’y naghihilik siya sanhi ng sobrang kahimbingan ng kanyang tulog.  Muling haharap ang prayle kung komunyon na dahil siya mismo ang lumalapit upang isubo sa kanilang mga bibig ang ostia ngunit tanda naman niya kung sino lamang ang pumasok sa confesionario en la iglesia bago nagsimula ang misa dahil bawal tumanggap nito ang mga makasalanan ngunit may dahilan naman kung mangilan–ngilan lamang ang nagkukumpisal pagkat magsisimula na lamang ang misa ay hindi pa nila tapos bigkasin ang ipinataw na mga dasal.  Mauulit ang pagharap niya sa mga mananampalataya upang igawad ang kanyang huling basbas para sa pagtatapos ng misa ngunit mga kuwentong–sermon na pawang kathang–isip din ang natatandaan lamang ng lahat dahil nanggaling sa bibig niyang sinungaling ang mga pahayag kaya nagiging ordinaryo na lamang ang ganitong kalakaran sa loob ng simbahan.  Katulad ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte na likod lamang niya ang pinapanood ng mga mananampalataya mula nang mag–umpisa ang selebrasyon kaugnay sa kapistahan ni Señor San Pedro hanggang sa inuusal na niya ang panghuling panalangin upang ihudyat ang pagtatapos sa misa kantada na tumagal nang mahigit isang oras kaya eksakto lamang sa pagsapit ng tanghaling–tapat ang pagharap niya upang igawad ang huling basbas.  Maya–maya, pumailanlang ang nakatutulig na berso para sabayan ang kalembang ng kampana ng simbahan ni Señor San Pedro upang ipabatid sa mga mamamayan ng Tuguegarao na puwede nang simulan ang pagpapakain sa kanilang mga panauhin kahit sa tuwing pista lamang kung dumalaw sila sa kanila kung pinaghandaan din nila ang mahalagang araw na ito dahil naging priyoridad naman ng iba ang negosyo kaya may presyo ang mga pagkain na inihahain nila sa mesa.  Sunud–sunod ang pagpapaputok sa mga berso upang magpasalamat dahil sa magandang suwerte na tinamasa sa buong taon ng mga mamamayan ng Tuguegarao kaya nararapat lamang ang magpakain sila para muling daratal sa kanila ang biyaya lalo na kung may pabalot pa maski inutang sa negosyanteng beho ang ginastos sa handaan.  Ipinapahiwatig din sa malakas na dupikal sa kampana ng simbahan ang galak ng bawat puso dahil maluwalhating nairaos ang kapistahan ni Señor San Pedro kahit maraming tiyan ang nagugutom pagkat hindi nangyari ang milagro na inaasahan pa mandin nila ngunit hindi bale nang muli’t muling mararanasan nila ang kamalasan basta babalik pa rin sila sa susunod na taon kung buhay pa sila.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *