Sana, magiging masagana uli ang susunod na taon upang mapapakain na ang mga katutubong binyagan na dumayo pa mandin sa bayan ng Tuguegarao nang walang pag–aalintana sa haba ng kanilang nilalakad para makisaya lamang sa kapistahan ni Señor San Pedro maski naghihimutok ang kanilang mga kalooban pagkat wala man lamang nagmagandang–loob upang hindi sana sila uuwi nang gutom. At ang dapat ipagpasalamat nang higit sa lahat ay hindi dinalasa ng bagyo ang kapistahan ngayon ni Señor San Pedro kahit kahapon pa nagbabanta ang malakas na hangin hanggang kaninang madaling–araw pagkat madalas binabagyo ang pista sa mga nagdaang taon gayon man nanatiling makulimlim ang panahon kaya hindi mainit ang araw.
Sabay lumabas sa simbahan sina Alcalde at Alferez na dumalo muna ng misa kantada ngunit hindi nila kasama si Señora Mayora sa hindi malamang kadahilanan basta ang tiyak ay naghuhuramentado na siya sa residencia ejecutiva pagkat ngayong taon lamang hindi siya nakadalo sa kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno samantalang importanteng araw pa naman para sa kanya ang kapistahan ni Señor San Pedro. Baka hindi nabili ang bagong traje de flamenco dahil hinihintay pa ang mapagbentahan sa mga huwad na titulo pagkat ngayong araw pa lamang gaganapin ang subastahan nito maski hindi pa matiyak kung saan isasagawa kung totoong hindi ito batid ng Gobernador ng Cagayan at maaari namang hindi pa dumating ang minimithing kasuutan kung sa bansang España pa inorder ito para may dating. Pero pinanindigan yata ni Alcalde ang kanyang salita na huwag nang isama si Señora Mayora para hindi siya gumawa ng iskandalo sa palacio del gobernador kapag wala sa listahan ng mga magsasayaw ng baile mamayang gabi ang pangalan nilang mag–asawa pagkat hindi sila nakapag–ensayo dahil napapadalas ang deklarasyon niya ng guerra mundial samantalang hindi naman siya buntis upang masabing naglilihi. Umalis kaninang madaling–araw sa bayan ng Alcala na lulan ng karwahe si Alcalde at sakay naman sa kabayo si Alferez habang papunta sila ngayon sa kalye Real galing ng simbahan ng Tugegarao hanggang sa tumigil sila sa tapat ng palacio del Gobernador ng Cagayan ngunit hindi pa man sila bumaba ay dinig na nila ang galakgakan ng mga panauhin kaya lalong sumidhi ang pananabik nila. Pinatutunayan ng iba’t ibang klase ng mga sasakyang nakaparada sa labas ng palacio del gobernador ang kutob ni Alcalde na marami ang bisita ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ngayong taon ngunit hindi na siya nagtaka dahil sumabay rin sa kapistahan ni Señor San Pedro ang kanyang kaarawan na bihira lamang nangyayari lalo’t araw pa ng Linggo. Tumigil sa tapat ng pintuan ng palacio del gobernador ang karwahe ngunit umalis agad ito matapos bumaba ni Alcalde kahit hindi na niya naibalik ang saludo ng guwardiya sibil dahil sa pagmamadaling umakyat nang mapaglimi na maaaring siya na lamang ang wala pa pagkat kanina pa inihudyat sa munisipyo ang alas–dose ng tanghali kaya natigil na rin ang berso. Talagang hindi nagkamali ang hinala si Alcalde pagkat dinatnan niya sa salas ng palacio del gobernador ang maraming bisita na pawang may mga katungkulan sa pamahalaang Kastila na kinabibilangan ng Gobernador ng Isabela at ng Gobernador ng Nueva Vizcaya ngunit sumiglaw lamang sila dahil hindi dapat maabala ang kanilang pakipag–uusap sa mga negosyante mula sa lalawigan ng Bulacan. Bagaman, kailangan pa rin kumpirmahin ngunit naging gobernador rin yata sa lalawigan ng Bulacan si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kahit anim na buwan lamang ang itinagal bago siya inilipat sa probinsiya ng Cagayan kaya unang inalok niya sa mga huwad na titulo ang mga negosyante na nakilala niya roon dahil sa kahilingan ni Alcalde Procurador Naviero dela Alteza. Ibig kayang sabihin na nagsisinungaling lamang si Alclde dahil talagang imposible rin na hindi malalaman ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang tungkol sa kanyang plano maski ipagpalagay nang hindi niya binanggit na mga huwad ang mga titulo pagkat hindi rin naman niya isusubo ang sarili ngunit seguradong hindi maibebenta ang mga dokumentong ito kung siya lamang na walang kilalang mga negosyante ang mag–isang gumawa ng paraan. Mga Alcalde mula sa iba’t ibang bayan sa probinsiya ng Cagayan ang bumati sa punong–bayan ng Alcala upang iparating ang kanilang kagalakan nang makita siya dahil talagang hindi dapat mawawala ang isa sa kanila kahit gaano pa kalayo ang munisipalidad kung saan sila naitalaga pagkat mahalaga ang okasyon na ipinagdiriwang sa palacio del gobernador sa tuwing sumasapit ang ika 17 ng Agosto. Sapagkat sabay na ipinagdiriwang ng palacio del gobernador ang kapistahan ni Señor San Pedro at ang kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ay lagi nang inaasahan ang maraming panauhin na nagmumula pa sa iba’t ibang lalawigan upang personal na iparating ang kanilang mga pagbati sa kanya kaya hindi kataka–taka kung abala na ang mga kusinero’t kusinera kahit umaga pa lamang ng bisperas. Katunayan, handa na ang entablado para pagdausan ng maraming aktibidad mamayang gabi lalo’t si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang magiging panauhing pandangal at siya rin ang naatasan upang magputong ng korona sa nahirang na Musa ng Cagayan ngunit pinili naman siya ng mga prayle para tiyakin na maliwanag pa rin ang gabi maski makulimlim dahil kahapon pa nagbabadya ang masamang panahon. Mangyari, nangangailangan ng maraming gasera para tanglawan ang buong entablado pagkat sadyang mahirap malasin ang musa kung kakulay niya ang gabi bukod sa hindi rin maipapangako ng mga prayle kung matuwa ang mga banyagang dilag dahil tunay na pagyurak ito sa kanilang kagandahan maski ito pa ang magiging dahilan upang magkaroon ng himagsikan sa lalawigan ng Cagayan. Tuloy, maraming kababaihang binyagan ang takot mabilad sa araw upang hindi malulusaw ang krema na ipinapahid sa kanilang mga balat pagkat hangad din naman nila ang pumuti para mabigyan ng pagkakataon na sumali sa timpalak ngkagandahan ngunit mangyayari man ang pangarap ng mga kayumangging kadalagahan ay malamang patay na sila pagdating ng panahong ‘yon. Samantala, nagmamadali namang sumunod si Alferez matapos kunin ng guwardiya sibil ang kabayo niya lalo’t hindi pa nadadaluyan ng alak ang kanyang lalamunan pagkat umalis sila sa bayan ng Alcala nang madaling–araw para mahabol ang misa kantada ngunit sa dami ng mga panauhin ay hindi na niya mahagilap si Alcalde at ayaw naman niya ang magtanong dahil wala rin siyang kilala sa kanila.
“¡Hola . . . Alcalde! ¡Pense que unca vendrias!” Si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang unang nakapansin kay Alcalde na kanina pa naghahanap sa kanya kung hindi lamang siya pinigil ng mga kapwa Alcalde pagkat nagtataka sila kung bakit mag–isa lamang siya na dumating sa palacio del gobernador gayong dati–rati’y isinasama niya si Señora Mayora ngunit nakabuti naman ang pagtawag sa kanya ng may kaarawan dahil naiwasan niya ang magbgay ng paliwanag. Pagkatapos ang kanilang sandaling kamayan ay inakbayan siya ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno saka tinungo nilang dalawa ang isang sulok upang pasimpleng mag–usap nang masinsinan habang may pagkakataon pa dahil hindi lamang siya ang dapat asikasuhin nito ngunit alam na niya ang dahilan kahit hindi pa siya tinatanong. Tumingin muna sa mga bisita si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno upang tiyakin na walang nakapansin sa kanilang paglayo para walang sumunod sa kanila kahit ang mga Alcalde dahil wala mang kaugnayan sa kaarawan ang tanong niya ngunit importante pagkat ngayon niya malalaman kung tinupad ng punong–bayan ng Alcala ang kanyang pangako. Mabuti na ang walang nakikinig para hindi makompromiso ang pag–uusap nila pagkat ngayon din itinakda ang bentahan sa mga huwad na titulo ayon sa naging katuwiran ni Alcalde noong nagalit siya kay Alferez dahil nabigo ang unang operasyon ng tropa nito ngunit naghahanap lamang yata siya ng dahilan pagkat tumindi ang kanyang pag–aalala nang gabing ‘yon. Ngayon, nais yatang tiyakin ng Gobernador ng Cagayan kung seryoso ba si Alcalde sa kanyang iniwang salita noong huling pag–uusap nila pagkat isa rin ito sa mga dahilan kaya pinaunlakan ng mga negosyante mula sa lalawigan ng Bulacan ang kanyang paanyaya upang dumalo sa kanyang kaarawan at sa kapistahan ni Señor San Pedro na ipinagdiriwang nang sabay ngayong taon. Pangiti–ngiti naman si Alcalde maski wala pang binabanggit si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno pagkat matagal nang naihanda niya ang mga huwad na titulo upang mapasaya naman niya ang may kaarawan at nang hindi masisira ang pangako niya dahil kasalanan ang nagsisinungaling sa kapistahan ni Señor San Pedro para hindi tumalab sa buhay niya ang sumpa na sinambit ng mga mandirigmang Malauegs na nangamatay sa pagtatanggol sa kanilang komunidad. Aywan kung napansin din niya na wala sa kanyang tabi si Alferez basta kanina pa umakyat sa palacio del gobernador ang kanyang fiduciario ngunit maaaring nahanap naman nito ang mga opisyal ng Central Comandancia del Ejercito sa probinsiya ng Cagayan pagkat hindi rin sila dapat mawawala sa kaarawan ng kanilang Comandante en Jehe at ngayon din ang kumperensiya ng mga itinalagang un Comandante del Ejercito sa iba’t ibang bayan. Matapos tiyakin na hindi tumitingin sa kanila ang mga panauhin ay pabulong na tinugon niya ang tanong ng goberndor ng Cagayan dahil ibig sabihin nang magtungo sila sa isang sulok ay hindi dapat mapakinggan ng ninuman ang anumang mapag–usapan nila upang hindi ito makompromiso habang hindi pa naseseguro nito na dala na niya ang mga titulo na ibebenta nila sa mga negosyante.
“¡No puedo perderme tu cumpleaños! ¡Gobernador! ¡Y en la fiesta del Señor San Pedro! ¡Tu lo sabes! ¡Si . . . lo es! ¡Quizas te moleste! ¡Gobernador!” Umiiling nang mariin si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno upang ipaalam na hindi magiging kaabalahan kahit kailan para sa kanya ang makipag–usap kay Alcalde pagkat taglay niya ang mga mahahalagang bagay na wala nito ang kanyang mga panauhin maski nagmula pa sila sa iba’t ibang lalawigan kaya nag–uumapaw ang kasayahang nararamdaman niya dahil labis sa kanyang inaasahan ang suwerte na dumating sa araw pa mandin ng kanyang kapanganakan. Totoong importante rin naman ang Gobernador ng Isabela at ang Gobernador ng Nueva Vizcaya dahil kabilang sila sa mga nagpahayag ng interes upang bumili ng mga titulo ngunit kailangan tiyakin muna niya kung matuloy ba ang balak nila ni Alcalde para maagapan agad nila ang mag–isip ng ikakatuwiran sakaling nagkaroon ng pagbabago ang plano nang masabihan sila habang maaga pa. Maging ang Teniente Gobernador sa lalawigan ng Batanes ay nais din magkaroon ng lupain sa kapatagan ng Sierra Madre maski hindi na inaasahan ang kanyang pagdalo sa kaarawan ng Gobernador ng Cagayan dahil tiyak nakaapekto sa biyahe ng mga lantsa papunta sa puwerto ng Aparri ang masamang panahon na kaninang madaling–araw pa naramdaman. Subalit hindi naman maiaalis kay Alcalde ang mahiya dahil mas binigyan pa ng atensiyon ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang pakipag–usap sa kanya imbes na estimahin niya ang dalawang gobernador sa katuwirang pareho ang kanilang posisyon sa pamahalaang Kastila maski madali nang unawain ang dahilan nito pagkat tangan ng kanyang mga kamay ang malaking biyaya maski totoong hindi pa dapat bilangin habang hindi pa naibebenta ang mga huwad na titulo. Sapagkat segurado naman ang pakinabang niya kay Alcalde basta huwag lamang mapapako sa plano ang kanilang napag–uusapan kaya ito ang binigyan niya ng priyoridad kahit totoo na maraming bisita ang naghihintay pa sa kanyang tapik ngunit may kani–kanyang panahon na dapat hintayin ang bawt isa para mapasalamatan silang lahat kahit walang dalang regalo. Pero totoo rin naman na magandang regalo para sa kanyang kaarawan kung magkaroon ng katuparan ang pangako ni Alcalde kaugnay sa plano na pagbebenta sa mga huwad na titulo ngayong araw pagkat bihira lamang dumarating ang ganitong pagkakataon kaya hindi siya nagdalawang–isip pumayag noong binanggit niya ang tungkol dito.
ITUTULOY
No responses yet