Kabutihan, gumanda ang panahon mula pa kaninang madaling–araw maski nanatiling makulimlim ang langit ngunit nagpapasalamat pa rin ang mga prayle lalo na si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte nang mamalas ang mga dumalo sa misa kantada na taliwas sa nagdaang taon pagkat hinagupit ng malakas na bagyo ang bayan ng Tuguegarao sa araw pa mandin ng pista kaya matindi ang naramdamang lungkot noon ng mga naninilbihan sa simbahan dahil kaunti lamang ang nakolektang abuloy. Subalit nabahala si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno nang malaman niya na inabot pala hanggang tanghali ang biyahe ng mag–asawa pagkat posibleng naapektuhan ng mga malalaking alon dahil sa masamang panahon ang paglalayag ng lantsa na sinakyan nila papunta sa puwerto ng Aparri ngunit ikinatuwa pa rin niya ang makita sila ngayon kahit tanghali na nang dumating. Walang duda na ramdam na rin ng mag–asawa ang gutom kahit hindi nila aminin dahil tiyak unang biyahe na umaalis ng alas–cinco ng umaga sa pantalan ng Basco ang sinakyan nila para makadalo sa misa kantada kung hindi lamang tinanghali ang dating ng lantsa sa puwerto ng Aparri ngunit hindi pa yata handa ang mesa upang masimulan na sana ang komida. Lalo’t tahimik lamang si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno habang pinapakinggan niya ang paliwanag ng esposo ng babaeng natibo dahil hindi pa puwedeng simulan ang pagpapakain sa kanyang mga bisita kahit pasado ala–una nang hapon na sa malaking relo ng palacio del gobernador hanggang hindi pa dumarating ang kanyang espesyal na panauhin na manggagaling lamang sa simbahan ni Señor San Pedro ngunit malayo na ito para sa mga nagugutom. Kunsabagay, segurado naman siya na darating si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte dahil tinanggap ng kanyang kabunyian ang personal na paanyaya niya nang minsang pumunta siya sa kumbento upang banggitin ang tungkol sa mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre kaya nararapat lamang ang hintayin niya maski malipasan pa sa gutom ang mga bisita niya pagkat malaking kasalanan kung buto’t tinik ang ihain na lamang sa kanya. Paano kung kumain na pala si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte pagkat segurado na may handaan din sa kumbento para sa mga prayle na umasiste sa misa kantada kaugnay sa kapistahan ni Señor San Pedro dahil hindi naman makipamista ang totoong sadya niya sa palacio del gobernador kundi ang titulo na inaalok sa kanya ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno? Naku! Magiging kasalanan pa yata ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte kapag nalipasan sa gutom ang mga panauhin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno dahil sa paghihintay sa kanya pagkat hindi pa rin natatanaw sa labas ng bintana ang kanyang karwahe gayong inihudyat na sa kampana sa munisipyo ng Tuguegrao ang alas–dos nang hapon samantalang manggagaling lamang siya sa kumbento.
“¿Por que . . . Gobernador del Prado? ¿Eh?” Hindi lingid sa lahat na isa sa mga matatalik na kaibigan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang gobernador ng Batanes na si Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado kaya laging inaasahan ang pagdalo niya sa kanyang kaarawan maliban pa ang kapistahan ni Señor San Pedro dahil panata rin niya ang dumalo sa misa kantada maski malayo ang destino niya hanggang sa napailing siya nang buong panghihinayang pagkat hindi niya nahabol ang mahalagang misa ngayong taon. Dati–rati, bisperas pa lamang ng pista sa bayan ng Tuguegarao ay dumarating na si Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado upang sa palacio del governador na lamang siya magpalipas ng gabi para seguradong magagawa niya ang dumalo sa misa kantada kinaumagahan ngunit naisip naman ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno na maaaring hindi na siya tumuloy pagkat talaga namang masama ang panahon mula pa kahapon. Aywan kung napansin ng mga damas malvadas ang pagkagulat ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno nang dumating si Teniente Gobernador Carlos Antillano Prado sa palacio del gobernador kasama ang babaeng natibo ngunit hindi na niya inalam pagkat kapansin–pansin naman ang kanilang relasyon para hindi na rin lumikha ng intriga ang tanong samantalang mag–isang dumalo siya sa kanyang kaarawan noong nagdaang taon. Pero totoo rin naman na talagang ikalulungkot ng Gobernador ng Cagayan kung hindi siya dumating sa kanyang kaarawan ngayon maski puwedeng ikatuwiran ang masamang panahon na nakaapekto sa paglalayag ng lantsa dahil isa rin siya sa mga nagpahayag ng interes upang magkaroon ng lupain sa kapatagan ng Sierra Madre para pagtatayuan ng bahay na magiging bakasyunan niya balang araw. Sapagkat pansamantala lamang ang pagkatatalaga sa kanya sa probinsiya ng Batanes habang hindi pa lumalabas ang kanyang promosyon kaya pinaghahandaan na niya ang posibilidad na maililipat sa mas malaking probinsiya upan maging ganap nang gobernador para magiging madali na lamang sa kanya na naging panata ang dumalo sa misa kantada tuwing kapistahan ni Señor San Pedro. Dahil hindi na kailangan ang tumawid pa siya sa dagat para dalawin ang kanyang esposa lalo na sa panahon ng kagipitan pagkat lubhang delikado ang sumakay sa lantsa kung may bagyo lalo’t ito ang laging nararanasan nila habang bumibiyahe sila galing sa probinsiya ng Batnes, ang dagdag pang rason kung bakit nais niya ang magpatayo ng bahay–bakasyunan sa kapatagan ng Sierra Madre. Subalit masyado naman yatang inilalayo ni Teniente Gobernador Carlos Antillano Prado sa kabihasnan ang kanyang asawa kung sa kapatagan ng Sierra Madre pa magpapatayo siya ng bahay lalo’t mahirap ang sasakyan at problema rin ang seguridad dahil walang destacamento de tropas ang mga soldados doon para magbigay ng proteksiyon ngunit hindi na isinatinig ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang pahayag na ito pagkat posibleng may ibang dahilan pa siya na hindi na dapat ungkatin. Habang sa isip ng ilang panauhin ay naging katanungan pa rin nila kung bakit hindi na lamang siya maghanap ng lote sa bayan ng Tuguegarao para maraming mapaglilibangan ang kanyang asawa kahit wala siya kaysa kabundukan pa magpapatayo siya ng bahay pagkat hindi dapat nag–iisa ang babaeng natibo dahil sa mga ginto sa kanyang katawan.
“¡Debe haber grandes olas em el mar! ¡Asi que el ferry atraco en el puerto de Aparri al mediodia! ¡Realmente no queremos continuar! ¡Porque mi marido tenia miedo! ¡El ferry podria hundirse!” Marahil, naalaala lamang ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado ang naging reaksiyon ng kanyang esposa habang itinatayon ng malalaking alon ang lantsa na sinakyan nila papunta sa puwerto ng Aparri pagkat nagpasunod pa siya ng alik–ik ngunit ngumiti lamang si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno sa halip na matuwa rin sabay sulyap sa babaeng natibo dahil talagang mapanganib para sa mga sasakyang–pandagat ang maglayag sa panahon ngayon. Tuloy, lalong humigpit ang sakbay ng babaeng natibo sa baywan ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado sa halip na magagalit sa biro nito ngunit hindi ito nakaligtas sa mapagmatyag na mga mata ng mga damas malvadas dahil mga galaw niya ang binabantayan na lamang yata nila imbes na mag–aalala kung mapautot sila pagkat kanina pa kumakalam sa gutom ang kanilang mga tiyan. Lalong sumisingasing ang mga ilong ng mga damas malvadas dahil sa pagngingitngit nang humilig pa sa dibdib ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado ang kanyang esposa na hindi puwedeng gayahin nila pagkat abala sa pakipag–usap sa mga kapwa panauhin ang kani–kanilang mga amado sa halip na sila sana ang pansinin kung kaya nilang gawin ito. Kunsabagay, makatuwiran din naman ang naging komento ng isa sa kanilang grupo na maaaring inaantok lamang ang babaeng natibo pagkat wala siyang panahon para umidlip habang binabayo ng malalaking alon ang lantsa lalo’t umalis ito ng alas–cinco nang umaga sa pantalan ng Basco ngunit ismid lamang ang naging tugon ng kanyang mga amiga dahil salungat sa kanyang pahayag ang kanilang katuwiran. Aywan kung naranasan na ng mga damas malvadas ang sumakay sa lantsa habang ginagalawad ito ng malalaking alon nang maabutan ng unos sa karagatan dahil walang duda na mapipilitan silang manganganak maski hindi buntis kung wala nang bisa ang kanilang mga dasal pagkat madali lamang ang mamintas kung wala namang alam sa katotohanan. Hustong narinig ni Alcalde ang paliwanag ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado nang mapadaan siya upang hanapin si Alferez hanggang sa natigil sandali ang kanyang mga hakbang pagkat unang pagkakataon na namalas niya nang personal ang gobernador ng Batanes ngunit pumiksi lamang siya maski ipinagtataka rin niya ang nagiging katuwiran nito. Kung madalas sa palacio del gobernador si Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado ay hindi niya tiyak pagkat ngayon lamang sila pinagtagpo kaya nalaman na lamang niya mula kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang pangalan nito maski nabanggit na ito kanina sa kanilang masinsinang pag–uusap tungkol sa mga huwad na titulo ngunit ikinatuwa niya ang malaman na siya pala ang isa mga interesadong bumili nito. Segurado, naging kaakit–akit sa mga mata ng mga damas malvadas ang tikas ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado dahil tunay na nangingibabaw ang kanyang tangkad kaya nagsalimbayan din sa kanilang mapaghinalang kaisipan ang maraming katanungan pagkat talagang naging palaisipan para sa kanila ang pagkakaroon niya ng asawa na isang natibo imbes na umibig sa kanyang kalahi. Ayaw isipin ng mga damas malvadas na maaaring hindi na nagawa ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado ang pumalag nang pikutin siya ng babaeng natibo habang iwinawasiwas niya ang hawak na kampilan dahil imposibleng ibigin ng opisyal ang katulad niya kung pagbabatayan ang agwat nila sa estado ng pamumuhay maski napapalamutian pa ng mga ginto ang kanyang katawan.
ITUTULOY
No responses yet