IKA–103 LABAS

Kung kailan kailangan ni Alcalde ay saka naman hindi niya mahagilap si Alferez samantalang kanina pa siya pabalik–balik sa salas, pasulyap–sulyap sa pasilyo, padungaw–dungaw sa hagdan ngunit hindi pa rin niya matagpuan ang kanyang fiduciario kaya lalong tumitindi ang kanyang kuribrib dahil hindi dapat magtagal ang paghahanap niya hanggang sa naisip niya ang magtanong sa mga guwardiya sibil.  Kunsabagay, talagang mahihirapan sa paghahanap si Alcalde lalo na kung napagitnaan pa ng mga naglalakihang katawan si Alferez pagkat mistulang nagtago na rin siya sa isang sulok maski hindi ito ang intensiyon niya dahil walang rason upang gawin ito ngunit nagbigay naman siya ng problema na posibleng ikapapahamak pa ng una kung ideklara na ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang pagsisimula ng bentahan sa mga huwad na titulo.  Alam ni Alcalde na malayo ang posibilidad upang pumasok sa komedor si Alferez kung talagang hindi na niya natiis ang gutom dahil may delikadesa rin naman siya maski sugapa sa alak pagkat nasa ibang teritoryo siya para gawin ito at hindi niya naging ugali ang tumikim ng pagkain basta may alak sa harapan niya ay kuntento na ang buhay niya sa buong magdamag.  Lalong hindi katanggap–tanggap ang kanyang hinala na maaaring napasubo na sa inuman si Alferez pagkat limitado lamang ang laman ng kopita kaya hindi pa nalasahan ng kanyang dila ang alak dahil isang tagay lamang ang ibinigay sa kanya ng serbidor ngunit naunawaan din naman niya kung hindi na ito nasundan pagkat talagang marami ang panauhin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ngayong taon.  Taliwas sa kanilang hora feliz dahil dalawa lamang sila kaya talagang walang limitasyon ang tagay hanggang sa gumugulapay na lamang sila sanhi ng sobrang kalasingan ngunit siya na rin ang kumambiyo sa sariling palagay pagkat malay ba niya kung may kasamang inuman ang kumperensiya nila lalo’t hindi rin naman niya alam hanggang hindi niya mahahanap si Alferez.  Hanggang sa naisip ni Alcalde na maaaring sumaglit muna sa karinderia si Alferez upang mananghalian dahil pasado alas–dos nang hapon na kaya hindi niya mahanap–hanap pagkat totoo rin naman na hindi sila kumain ng almusal bago umalis sa bayan ng Alcala kaya patungo na sana sa hagdan ang kanyang mabagal na hakbang kung hindi siya nabalam.

            “¡Teniente . . . acaba de llegar!  ¡Te estuve buscando!”  Hanggang sa humantong sa terasa ang paghahanap ni Alcalde kay Alferez dahil sa serbidor na hindi tumanggi nang hingin niya ang tulong nito ngunit nakarating pa siya sa ibaba ng palacio del goberndor bago naisip niya ang magtanong pagkat naliliyo na siya sanhi ng akyat–panaog sa hagdan na pinalulubha pa ng gutom kaya nagpasalamat siya nang hindi nawalan ng malay pagkat tiyak na sa impiyerno na siya magigising.  Kanina, matapos maipagpalagay na maaaring kumain lamang sa karinderia si Alferez dahil nabalam ang komida ay naisip niya ang bumaba para kumpirmahin ito maski nagdududa ang kanyang sarili pagkat hindi ugali ng fiduciario niya ang tumikim ng pagkain maski gutom siya basta nasimulan na niya ang uminom ng alak ay masya pa rin siya kahit animo kawayan na patayun–tayon habang idinuduyan ng hangin ang kanyang katawan.  Subalit hindi na siya lumabas nang malaman niya mula sa guwardiya sibil na walang karinderia sa tapat ng palacio del gobernador pagkat mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitinda ng mga pagkain sa kalye Real upang hindi naaabala ang mga panauhin ng Gobernador ng Cagayan na halos araw–araw kung dumalaw sa kanya kaya nagmamadaling umakyat na naman siya maski hinihingal na sanhi ng kapaguran.  Hanggang sa naalaala niya si Señora Mayora dahil hindi sana nangyari ito kung kasama siya pagkat tiyak na siya mismo ang may hawak sa sobre ngunit napailing na lamang ang kanyang ulo na may pagsisisi ang kalooban kung bakit hindi niya isinama ang kanyang hermosa esposa kung baile lamang ang dahilan gayong madali lang naman isayaw ang flamenco kahit isang oras lamang ang igugol sa ensayo.  Minabuti niya ang bumalik na lamang sa salas kahit hindi niya nahanap si Alferez nang mawala na rin sa isip niya ang tumuloy sa paradahan ng mga karwahe dahil maaaring nagpahinga muna siya roon para magpalipas ng antok habang hinihintay ang pagdating ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte pagkat nangabayo lamang siya nang umalis sila sa bayan ng Alcala kaninang madaling–araw kaya walang paraan upang umidlip din siya.  Habang umaakyat siya sa hagdan ay tinatanong niya ang sarili kung aling parte ng palacio del gobernador ang hindi pa niya napasok ngunit lalong tumindi ang gutom niya dahil tukso naman na umagaw sa isip niya ang komedor nang malanghap niya ang samyo ng mga putahe maski hindi pa puwedeng asaltuhin habang hindi pa dumarating si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte.  Terasa na lamang ang hindi pa niya napuntahan ngunit hindi ito natatanaw mula sa kalye Real gayon man mas kitang–kita ito sa kabilang kalye paharap sa munisipyo ng Tuguegarao kaya napaisip siya dahil hindi naman niya kabisado ang papunta roon pagkat opisina ng Gobernador ng Cagayan ang napapasok pa lamang niya sa tuwing pumupunta siya sa placio del gobernador.  Hindi naman siya nagkamali nang tanungin niya ang serbidor na dumaan sa tapat niya dahil sa terasa rin pala ang kanyang punta upang ihatid ang isang bote ng alak para sa mga opisyal ng militar pagkat sa kanya yata ipinaubaya ang pag–aasikaso sa kanila kaya ito naman ang dahilan upang muling maalaala niya na sabay nga pala sa kaarawan ng Gobernador ng Cagayan ang kumperensiya rin ng mga Comandante de Ejercito del Tierra.  Pigil na pigil ni Alcalde ang sarili para hindi lumikha ng eskandalo ang ngitngit niya pagkat talaga namang hiningal siya sa paghahanap gayong sa terasa lamang pala matatagpuan si Alferez na waring nalibang na sa pakipag–inuman sa mga kapwa opisyal ng militar ngunit may napansin agad siya dahil parang walang anuman lamang sa kanya ang biglang pagbungad niya.  Seguro, kasalukuyang pinupulong ng Comandante de Ejercito del Tierra sa probinsiya ng Cagayan ang mga Alferez sa kanyang ambitos de su competencia upang samantalahin ang pagkakataon habang nagkatipun–tipon silang lahat sa palacio del gobernador pagkat siya ang nagpapaliwanag kaya nagdalawang–isip pa si Alcalde nang ito ang nabungaran niya kahit totoong alam niya na may nagaganap na kumperensiya ngunit wala sa hagap niya na hepe nila ang maabutan niyang nagsasalita.  Diyata, mas binigyan pa ng priyoridad ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang mga opisyal ng militar pagkat naglaan pa siya ng eksklusibong lugar para hindi magambala ang kanilang pulong kaysa mga negosyante na matagal nang nagpahayag ng interes upang bumili sa mga huwad na titulo ngunit mali kung bigyan ng masamang kahulugan ang kanilang ginagawa sa halip na purihin dahil ipinagpatuloy pa rin ang kanilang kumperensiya imbes na sumali sa mga kuwentuhan at uminom hanggang sa malasingTuloy, nawaglit na sa isip ni Alferez si Alcalde pagkat mali naman pala ang kutob ng huli na hindi pa nadaluyanng alak ang kanyang lalagukan gayong posibleng siya na naman ang nakararami ng tagay sa kanilang grupo ngunit isang bagay ang tiyak dahil hindi puwedeng dalasan niya ang pagtungga habang kasama ang kanilang Comandante de Ejercito del Tierra na taliwas sa hora feliz pagkat paglapag pa lamang ng bote sa mesa ay inaagaw agad niya ito para salinan ng alak ang kanyang kopita.  Napatayo si Alferez nang malaman na siya pala ang sadya ni Alcalde ngunit mali yata ang naging palagay ng huli na hawak niya ang nawawalang sobre pagkat walang anumang tangan ang kanyang kamay kundi ang kopita kaya lalong nabahala ang kalooban nito maski nagpangita na sila sa tulong ng serbidor makaraan ang matagal na paghahanap.  Kung namumula na ang pisngi ni Alferez ay namumutla naman dahil sa pagod at gutom ang mukha ni Alcalde bukod pa ang pangamba na posibleng ikamamatay niya kung inatake siya ng infarto pagkat talagang kakatayin siya ng Goberndor ng Cagayan kapag hindi pa rin nahahanap ang mga huwad na titulo sa pagdating ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte.  ¡Lo siento Comandante!  ¡Solo necesito algo . . . Teniente Teomatico Gaviola de Pared!  ¡Si!”  May basbas mula kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kung isinasabay na rin sa kanyang kaarawan ang nagaganap na pulong ng mga Alferez dahil sa kahilingan ng Comandante del Ejercito de Tierra sa probinsiya ng Cagayan upang samantalahin ang pagkakataon habang sama–sama silang dumalo sa okasyon pagkat hindi naman lingid sa kanya na talagang abala ang lahat sa kani–kanilang ambitos de su competencia kaya hindi maiiwasan ng ilan ang magparating na lamang ng paumandin kung hindi siya makadadalo sa kumperensiya lalo na kung sumabay pa ito sa mahalagang misyon.   Kaya hindi nawawala si Alferez dahil obligasyon niya ang dumalo sa miting na laging ginaganap sa kaarawan ng Gobernador ng Cagayan bukod pa ang dumalo sa misa kantada sa tuwing kapistahan ni Señor San Pedro upang ipanalangin ang sariling kalusugan para hindi mapapabilis ang paghahatid sa kanya papunta sa sementeryo pagkat matagal nang hinihintay ng kanyang mga kamag–anak ang kanyang pagbabalik ng bansang España.  Kanina pa kinakausap ng Comandante del Ejercito de Tierra sa probinsiya ng Cagayan ang mga Alferez sa kanyang ambitos de su competencia upang alamin ang sitwasyon sa bayan na kinatatalagahan ng bawat isa sa kanila dahil hindi naman lingid sa kanya na nagpapatuloy ang kanilang Campaña Anti–Dissidence sa lalawigan ng Cagayan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga banyaga at ang mga prayle na nanghihikayat pa rin hanggang ngayon upang magpabinyag na rin ang mga katutubo erehe.  Palibhasa, may kaugnayan sa seguridad ang pulong ay sadyang inihiwalay ang mga opisyal ng militar para hindi makompromiso ang anumang mapagkasunduan nila upang ipatupad ito sa kani–kanilang sus pueblos respectivos maski taliwas dito ang mga ginagawa ng mga soldados sa pamumuno ni Alferez pagkat hindi rin naman nila kayang suwayin ang utos ni Alcalde.  Samantalang tungkol sa pulitika ang kadalasang paksa ng mga opisyal ng pamahalaang Kastila ngunit may interes din sila sa negosyo basta may pakinabang sila rito pagkat hindi naman sila mga santo upang hindi samantalahin ang kapangyarihan na ipinagkatiwala sa kanila mula sa pamunuan ng Gobernador–Heneral ng Pilipinas para may kabuluhan naman ang kanilang posisyon kapag nagretiro na sila.  Naturalmente!  Sapagkat nagiging matamlay ang usapan ng mga opisyal ng militar kung hindi nasasayaran ng alak ang kanilang mga labi pagkat anong galing man nila sa pagbabalangkas ng estratehiya ay dito naman lumalabas ang kanilang kahinaan kaya bihira lamang sa kanila ang hindi borracho lalo na si Teniente Teomatico Gaviola de Pared dahil ginagawng tubig na lamang ang alak.  Pinatunayan ng sampung basyo ng bote na kanina pa nagsimula ang inuman ng mga opisyal ng militar habang isinasagawa ang kanilang kumperensiya ngunit maipagmamalaki naman nila ang pagigng disiplinado pagkat naging maingay na sana ang kanilang grupo kung simpleng manginginom lamang sila samantalang dinig hanggang labas ng palacio del gobernador ang halakhakan ng mga panauhin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno.  Sana, mali upang ipagpalagay na nanganganib ang promosyon si Alferez kung nawaglit na sa isip ni Alcalde ang rekomendasyon pagkat lalong sumulak ang dugo niya nang maalaala na hindi pa nasusundan hanggang ngayon ang unang tagay niya dahil sa paghahanap sa kanya kaya napabuntung–hininga na lamang siya nang mamalas ang kanyang hitsura na mukhang salakata dahil sa epekto ng alkohol samantalang halos gumugulapay na siya sa gutom.  Maski hindi na pala matitikman ni Alferez ang handa ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno pagkat nadaluyan na ng alak ang kanyang lalagukan ngunit hindi ito ikinatuwa ni Alcalde dahil siya ang nagdusa sanhi ng problema na wala pang linaw ang solusyon hanggang hindi natatagpuan ang sobre na posibleng magiging dahilan upang ma–deportar siya pabalik ng bansang España na kalsunsilyong wala nang bisa ang taglay na anting–anting ang tanging laman ng maletin.  Kanina pa sinisikap kontrolin ni Alcalde ang sarili pagkat tiyak na siya rin ang mapasama kapag nalaman ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang kanyang problema kaya ayaw niyang gumawa ng eskandalo ngunit pilitin mang pakalmahin ang kanyang kalooban ay talagang nanginginig ang kanyang kalamnan dahil hindi na niya naiintindihan ang kanyang nararamdaman sanhi ng naghalong galit at pagkabahala.  Baka hindi rin matantiya ni Alferez ang sarili kung ipahiya siya ni Alcalde lalo’t kaharap pa nila ang Comandante del Ejercito de Tierra sa probinsiya ng Cagayan kahit gaano pa siya kabait kung natubog na ng alak ang utak niya ay talagang magdidilim din ang isip niya dahil dati nang may tampo siya sa kanya kaya tunay na nakakahiya kung sa palacio del gobernador pa sila mag–iiringan pagkat maraming panauhin ang manonood sa kanilang maaksiyon at makabagbag–damdaming palabas.  Lumapit si Alferez ngunit hawak pa rin niya ang kopita ng alak sa pag–aakala na hindi magtatagal ang pag–uusap nila ni Alcalde nang biglang inakbayan siya nito papunta sa loob habang ibinubulong sa kanya ang dahilan kung bakit hinahanap siya nito kaya hindi na niya nagawa ang tumanggi gayon man lumingon pa rin siya para magpaalam sana sa Comandante del Ejercito de Tierra maski mas kapani–paniwala ang katuwiran na pinanghihinayangan niya ang nagaganap na inuman.  ¡El sobre de los titulos!  ¿Donde esta?  ¿Eh?  ¿Por que no detiene al Teniente?  ¿Eh?”  Dinala ni Alcalde sa isang sulok si Alferez para tiyakin na walang makaririnig sa kanilang pag–uusap dahil hindi dapat malaman ng mga opisyal ng militar ang tungkol sa magaganap na bentahan sa mga huwad na titulo pagkat seguradong magtatanong sila kahit hindi siya ang dapat magpaliwanag kung bakit magkakaroon nito sa kaarawan pa mandin ng Gobernador ng Cagayan.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *