IKA–104 LABAS

Bagaman, sina Alcalde at Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang nakaaalam lamang kaugnay sa isasagawang bentahan sa mga huwad na titulo maski hindi na lingid sa mga negosyante ang tungkol dito ngunit ayaw pa rin niyang pangunahan ang posibilidad na maaaring may ibang plano pa ang Gobernador ng Cagayan pagkat hindi naman siya kasama nang alukin nito ang mga negosyante lalo na ang mga nanggagaling sa probinsiya ng Bulacan.  Pabulong na hinanap ni Alcalde ang sobre ng mga huwad na titulo pagkat pinanindigan na niya ang paniniwala na talagang hawak ito ni Alferez mula nang umalis sila sa bayan ng Alcala maski imposible rin upang akuin ng fiduciario niya ang paghawak nito dahil nangabayo lamang siya hanggang sa bayan ngTuguegaro kaya kopita ang kanyang tangan lamang nang lumapitMalinaw na salungat din sa kanyang sinasabi ang naging reaksiyon ni Alferez nang marinig nito ang kanyang tanong kaya posible na talagang nawawala ang sobre pagkat lumalabas ngayon na wala sa kanilang dalawa ang may hawak rito maliban na lamang kung ipinagkatiwala niya kay Zafio ngunit malayo pa rin ang posibilidad dahil tutok naman sa pagpapatakbo sa karwahe ang kutsero at sa kanya na rin nanggaling ang katuwiran na magkasabwat sila ni Señora Mayora.  Subalit hinintay pa rin niya ang tugon ni Alferez matapos maipagpalagay na maaaring naiwan lamang sa upuan ang sobre pagkat tandang–tanda niya na siya ang huling may hawak rito nang umalis sila sa bayan ng Alcala kaninang madaling–araw upang mahabol pa nila ang misa kantada ngunit hindi naman maitatanggi sa mukha ng fiduciario ang kanyang pagtataka habang tinititigan ang kanyang kausap.  Tuloy, lalong tumindi ang kaba niya dahil magiging problema pa rin niya kung wala nang natatandaan tungkol sa sobre si Alferez ngayong namamad na ng alak ang kanyang utak kaya imbes na magkaroon sana ng tagimtim ang kalooban niya pagkat nagkausap din silang dalawa matapos ang nakahihilong paghahanap niya ay lumubha lamang ang kuribrib niya.  Talagang ngitngit ng kamalasan kung totoong nawaglit na sa isip ni Alferez ang sobre pagkat nakini–kinita na ni Alcalde ang magiging reaksiyon ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kapag sinabi niya na kailangan ipagpaliban muna sa ibang araw ang bentahan sa mga huwad na titulo ngunit hindi naman niya alam kung paano ipapaliwanag ang dahilan basta ang tiyak ay mapapaaga ang balik niya sa bayan ng Alcala para mag–impake.  Baka ipinakita naman ni  Alferez sa Comandante del Ejercito de Tierra sa probinsiya ng Cagayan habang nag–iinuman sila ang mga huwad na titulo para alukin din siya maski imposibleng paniwalaan ang sapantahang ito ni Alcalde dahil hindi tungkol sa negosyo ang pinag–uusapan sa kumperensiya  ng mga opisyal ng militar maliban sa mga negosyante pagkat sila lamang ang nagparating ng interes upang magkaroon ng lapain sa kapatagan ng Sierra Madre.  Sa halip na sumagot agad si Alferez ay tinungga muna niya ang laman ng kopita dahil talagang sayang din naman kung basta na lamang iwan niya ito lalo’t ramdam niya ang pambihirang lasa nito kung ikumpara sa alak na madalas iniinom niya sa hora feliz nila ni Alcalde ngunit kailangan asikasuhin muna niya ang problema ni Alcalde.  Talaga yatang nasarapan siya pagkat dinimol pa ng kanyang dila ang latak ng alak sa kanyang mga labi sa halip na punasan ng panyo ngunit hindi ito napansin ni Alcalde nang sumabay ang pagpikit sa mga mata niya nang muling abalahin ng tanong ang sarili nang pagdudahan na rin niya ang sariling hinala na maaaring naiwaglit lamang ng fiduciario niya ang sobre dahil sa terasa lamang siya nanatili habang kasalukuyan ang kumperensiya ng mga opisyal ng militar lalo na nang marinig niya ang kanyang katuwiran.

            ¡Alcalde . . . no tengo el sobre!  ¡Tu!  ¡Si . . . antes eras tu quien sostenia el sobre!  ¡Antes de que nos vayamos de Alcala!  ¡Despues de que descubri el contenido del sobre!  ¡Tambien te lo devolvi!  ¡Si!  ¡Porque eso es lo que me dijiste!”  Naloko na!  Maliwanag sa pahayag ni Alferez na kapabayaan ni Alcalde ang sanhi kung totoong nawawala ang sobre ng mga huwad na titulo ngunit puwede namang bumalik na lamang sila sa munisiyo ng Alcala para doon maghanap maski wala nang paalam mula kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno dahil tiyak din naman na hindi na sila puwedeng pumunta pa sa palacio del gobernador hanggang sa malalaman na lamang na nagtalaga na pala ng bagong punong–bayan ng Alcala ang Gobernador ng Cagayan.  At kailangan simulan na rin niya ang pag–iimpake sa mga gamit kung mayroon mang naipundar silang mag–asawa maliban sa residencia ejecutiva dahil seguradong pababalikin silang dalawa sa bansang España upang doon lilitisin sa salang insubordinacion at acaparamiento de tierras kahit sa Pilipinas naganap ang mga kaso para tiyakin na hindi magagamit ang kanyang impluwensiya habang dinidinig ang asunto niya.  Aywan kung naisin pa ni Señora Mayora ang bumalik ng bansang España maski libre ang pamasahe nila sa galyon kung kriminal naman ang kasama niya sa biyahe dahil maglalaho naman ang pag–asa niya upang maging santa pagkat ladron pala ang kanyang apuesto epsoso ngunit hindi naman puwedeng basta kalimutan na lamang ang sumpaan nila sa isa’t isa habang ginaganap noon ang kasal nila na magsasama sila sa hirap at ginhawa lalo’t siya ang atat na atat humalik kay Alcalde maski hindi pa ibinigay ng pari ang permiso upang maghalikan na sila.  Siyempre, damay si Alferes dahil naging kasabwat siya kay Alcalde ngunit mas matutuwa pa siya pagkat matagal nang balak niya ang bumalik ng bansang España kaya hindi problema ang magkaroon siya ng kaso dahil walang pamilya na dapat alalahanin niya habang naghihimas ng rehas ang katulad niyang bulandal kahit wala nang hora feliz sa loob ng karsel.  Sana, huwag naman mabulilyaso ang bentahan sa mga huwad na titulo upang hindi ipag–uutos ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang pagbaril sa dalawang tulisan sa liwasan ng Tuguegarao pagkat hindi angkop sa kapistahan ni Señor San Pedro ang ganitong palabas kahit maraming katutubong binyagan ang nalipasan ng gutom dahil wala man lamang nagpakain sa kanila.  Seguro, parusa na rin ito ni Bathala kay Alcalde dahil naging dayukdok siya sa mga kayamanan kahit hindi niya pagmamay–ari samantalang isang kalsunsilyo lamang ang laman ng kanyang maletin nang dumating silang mag–asawa sa bayan ng Alcala pagkat karaniwang mamamayan lamang sila ng bansang España kaya hindi magiging kataka–taka kung pinadpad sa kabundukan ng Sierra Madre ang sobre maski imposibleng isipin upang mangyayari ito ngunit sadyang lumalakas ang hangin sa tuwing naririnig nito ang lingaw ng mga api.  ¡Los pobres!  Marahil, iniisip din ni Alcalde ang magiging kahinatnan sakaling naisin niya ang bumalik sa bayan ng Alcala para takasan ang problema nang huwag lamang siya mapapahiya kung talagang hindi na nila mahanap pa ang sobre pagkat natahimik siya ngunit maya–maya’y umiling siya nang maisip ang magiging reaksiyon ni Señora Mayora kapag nalaman nito ang dahilan kung bakit napaaga ang kanyang uwi.  Pero pinabulaanan naman ng kanyang sarili ang katuwiran ni Alferez pagkat base sa natatandaan niya ay binasa pa nito ang mga titulo upang tiyakin ang laman ng sobre para hindi na sila babalik pa sa munisipyo ng Alcala kung kailan malayo na ang kanilang nararating lalo’t nagmamadali sila upang mahabol ang misa kantada kaya nagkape lamang sila imbes na mag–almusal muna.  Tuloy, nagbanto sa pakiramdam ni Alcalde ang katal sa dibdib, ang gutom at ang pawis pagkat mag–uuwi pala siya ng malaking kahihiyan sa residencia ejecutiva dahil sa kanyang kapabayaan bukod pa sa babalik siya sa bayan ng Alcala na walang pera ang kanyang bulsa na taliwas sa kanyang plano na ilalagak sa bangko ang malaking halaga upang hindi basta magagamit ito sa walang kapararakang gastusin.  Bagaman, imposibleng ipagpalagay na maaaring hawak ni Zafio ang sobre dahil umakyat na sana siya sa palacio del gobernador upang ibigay ito kay Alcalde ngunit kailangan tanungin pa rin siya dahil puwedeng pag–interesan niya ang mga huwad na titulo para sa sariling kapakanan lalo’t hindi maibigay–bigay ang kanyang hinihiling na umento ay may dahilan ngang gawin niya ito.  Bago mag–isip ng maling kakuruan sina Alcalde at Alferez tungkol sa nawawalang sobre ay dapat mahanap agad ito habang hindi pa dumarating si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte dahil tiyak na itatanong uli ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang tungkol dito upang masimulan na ang subastahan sa mga huwad na titulo pagkat ito lamang ang pakay ng kanyang kabunyian kaya kailangan matutuloy ito para mapangatawan ang kanyang pangako sa mga negosyante.  Sapagkat talagang gahol na rin sa oras ay tiyak isasabay na lamang mamaya sa komida ang subastahan sa mga huwad na titulo pagkat ito rin naman ang tamang pagkakataon upang hingin ang pansin ng mga panauhin habang kumakain sila maski poco etico kung tuusin ang planong ito ng Gobernador ng Cagayan ngunit hindi naman puwedeng itakda sa ibang araw kung hindi na rin nila magagawa ang bumalik sanhi ng kanilang kaabalahan at nangangailangan na naman ng panibagog paghahanda para may mailalatag lamang habang pinag–uusapan nila ang negosyo.  Napabuntung–hininga si Alcalde habang umiiling naman si Alferez pagkat hindi dapat mapapahiya ang Gobernador ng Cagayan dahil noong nakaraang buwan pa nagpahayag ng interes upang bumili sa mga huwad na titulo ang mga negosyante kaya isa rin ito sa kanilang sadya sa kanyang kaarawan pagkat imposible ang aksayahin nila sa mahabang biyahe ang araw nila dahil sa layo ng pinanggagalingan nila.  Lalong kinilabutan si Alcalde nang maalaala niya si Señora Mayora dahil seguradong maaapektuhan ang pangarap nito na magiging santa pagkat tiyak ang posibilidad na magkakaroon siya ng kaso kung hindi nila mahanap agad ang mga huwad na titulo hanggang sa napakamot na lamang sa kanyang ulo nang maramdman niya ang unti–unting paglulugot ng pag–asa niya.  ¡Alcalde!  ¡Quizas simplemente dejaste el sobre en el carruaje!  ¿Incapaz?”  Tinatanong ni Alcalde ang sarili kung dapat bang umiling siya upang salungatin ang katuwiran ni Alferez dahil sumisidhi na ang kaba niya habang iniisip ang magiging reaksiyon ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kapag nalaman nito na nawawala pala ang mga huwad na titulo kaya hindi niya maramdaman ang gutom mask nagkape lamang siya kaninang madaling–araw na maaaring nakaapekto naman sa kanyang konsentrasyon pagkat nagiging blangko na ang kanyang malak.  Lalong hindi niya magawa ang tumango pagkat mas nanaig sa kanya ang pagdududa upang sang–ayunan ang katuwiran ni Alferez na maaaring naiwan lamang niya sa karwahe ang sobre dahil na rin sa kanyang pagmamadaling umakyat sa palacio del gobernador sanhi ng sobrang pananabik maski naroroon ang posibilidad na tama ang naging palagay ng fiducirio na posibleng naidlip siya habang papunta pa lamang sila sa bayan ng Tuguegarao kanina hanggang sa nabitiwan niya ito nang hindi niya namalayaan.  Nang mapadako sa simboryo ng simbahan ng Tuguegarao ang kanyang mga mata ay dagling naisip niya ang magpasaklolo kay Señor San Pedro sa paghahanap sa nawawalang sobre pagkat kanina pa nagbabanta sa kanya ang magiging reaksiyon ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kapag naudlot ang gagawing bentahan mamaya sa mga huwad na titulo dahil sa kanyang kapabayaan.  Aywan kung pakinggan naman ang kahilingan ni Alcalde pagkat galit sa mga magnanakaw at sa mga pumapatay ng mga katutubo ng Sierra Madre si Señor San Pedro kahit malaking halaga ang kanyang naging alay kanina sa misa kantada dahil namamalas ng mga mata nito na hindi kumukurap ang kanyang mga maling ginagawa at ang iniisip niya ngayon.  Kahit yata ang bangkas ni Señor San Pedro na hindi rin inaantok ay hindi mag–aabalang tumilaok bilang pakisimpatiya sa mga hayop dahil sa dinanas na pasakit ng mga katutubong Malauegs pagkat kahinlog nito ang mga labuyo sa kagubatan ng Sierra Madre na naging orasan ng mga kalalakihang Malauegs upang gumising nang maaga para mangangaso. Kaya walang katiyakan kung pakinggan ng pintakasi sa bayan ng Tuguegarao ang pakiusap ng nababalisang utak ni Alcalde dahil si Alferez lamang ang maaaring tumulong sa kanya pagkat silang dalawa ang nakababatid kung paano siya nagkaroon ng mga huwad na titulo basta ang malinaw sa ngayon ay nananatiling walang solusyon ang kanilang problema.  Huling pakiusap niya kay Señor San Pedro ay magdilang–anghel nawa si Alferez na maaaring naiwan lamang nila sa karwahe ang sobre para maibsan naman ang kanyang linggatong dahil talagang kinikilabutan siya sa tuwing sumasagi sa isip niya ang magiging rekasiyon ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kaya hayaan nang hindi niya matitikman ang handa nito basta mahanap lamang nila ang mga huwad na titulo.  Sana, hindi pa napulot nang sinuman ang mga huwad na titulo pagkat walang duda na magiging habambuhay ang kanyang pagluluksa dahil seguradong wala na rin siyang puwang sa puso ng kanyang hermosa esposa kapag nalaman niya ang kanyang inabot na kamasalasan sa palacio del gobernador at tiyak na makaririnig siya ng katakut–takot na panunumbat nang kanyang balewalain ang pakiusap niya samantalang taun–taon na inaabangan pa mandin niya ang kapistahan ni Señor San Pedro.  Hanggang sa dumalas ang kanyang buntung–hininga upang pigilin ang sarili na gusto nang sumigaw dulot ng nararamdamang hapis dahil mas malinaw pang isipin na posibleng nasinghalan na niya si Alferez kung nangyari lamang ito sa kanyang opisina maski mauulit pa ang pagtatampo nito sa kanya pagkat mayuyurakan naman ang pagkatao niya, masisira maging ang kanyang dangal at seguradong mawawala na rin sa kanya ang posisyon bilang punong–bayan ng Alcala dahil lamang sa sobre.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *