IKA – 108 LABAS:

Sana, hindi dahilan ang nararanasan nila ngayon upang hindi na nila nanaisin pa ang bumalik sa susunod na kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno maski kumikibot ang mga labi ng mga damas malvadas dahil sa reklamo na hindi nila kayang ibulalas para hindi iisipin ni Prinsesa Imurung na grupo pala sila ng mga patay–gutom kahit totoo naman na kanina pa umiikot ang kanilang mga pningin.  Talaga yatang nalibang na sa kuwentuhan ang mga opisyal kaya nalimutan na ang kani–kanilang mga damas malvadas na kanina pa nagmamaktol dahil sa gutom samantalang pangiti–ngiti lamang si Prisesa Imurung pagkat tunay na kuntento na siya habang katabi si Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado na maya’t maya ang kindat sa kanya saka magpapasunod ng mahigpit na alakbay na lalo lamang nagpapasidhi sa mga damdaming naninibugho.  Basta sa mga panauhin ay si Alcalde lamang ang hindi nagmano kay Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte ngunit aywan kung napansin ito ni ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno dahil maaaring bumaba na rin siya upang tulungan sa paghahanap sa nawawalang sobre si Alferez pagkat hindi siya mahagilap sa salas ng palacio del gobernador.  Huwag na rin asahan ang pagbabalik ni Alcalde sa palacio del gobernador upang dumalo sa kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno sa susunod na taon kung tuluyan nang nawala ang sobre dahil seguradong hindi na siya ang punong–bayan ng Alcala kung wala nang magagawa pa sa kanyang kaso ang pagiging magkamag–anak nila ng Gobernador ng Cagayan maski lumuha pa ng dugo si Señora Mayora habang nakikiusap para bigyan pa ng pangalawang pagkakataon ang apuesto esposo niya.

            ¡Eso no es nada . . . querido Obispo! ¡Lo importante . . . es que vengas!”  Ano pa nga ba ang dapat asahan mula kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kundi ang tanggapin niya ang paumanhin ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte dahil kabastusan naman kung alamin pa niya ang sanhi kung bakit naatraso ang kanyang dating matapos maipagpauna na maaaring maraming bisita rin ang kumbento pagkat sumabay sa kaarawan niya ang kapistahan ni Señor San Pedro kaya hindi na siya nagtaka.  Kahit kanina pa kumakaslog ang mga bituka ng kanyang mga panauhin dahil buhay pa naman sila maski tatlong oras na tiniis nila ang gutom basta idalangin na lamang ng kanyang kabunyian na huwag sana sila magkasakit nang sabay–sabay pagkat seguradong habambuhay na gagawin niya ang plahelasyon na tanging pahinga ay pagmimisa hanggang sa ikamamatay niya ito.  Katunayan, talagang sinadya ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang magtagal sa komedor pagkat sinusurot ang kanyang konsensiya sa tuwing namamalas ang mga mukha ng mga bisita niya na animo nagmamakaawa para simulan na ang pagpapakain sa kanila kahit hindi pa dumarating ang kanyang importanteng panauhin gayong kaylapit lamang ng kumbento ngunit sinikap na lamang niyang intindihan kung may dahilan man ang pagkabalam nito.  Sapagkat hindi naman puwedeng ipagwalang–bahala ang panauhing pandangal niya dahil lamang sa kanila maski nabalam ang kanyang pagdating pagkat personal pa manding inimbitahan niya ang kanyang kabunyian para dumalo sa kaarawan niya bilang pagpapahalaga sa kanilang pagkakaibigan lalo’t ngayong taon lamang nangyari ang kaabalahang ito.  Minsan, parehong naimbitahan sila sa isang pagtition ay naipagtapat sa kanya ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte ang balak ng kanilang grupo para magpatayo ng kapilya sa kapatagan ng Sierra Madre kaya siya ang unang inalok niya noong ipinaalam naman sa kanya ni Alcalde ang plano nito tungkol sa mga huwad na titulo dahil aminado naman siya na lalong mapapalakas ang panghihikayat ng mga prayle upang magpabinyag ang mga katutubo sa kabundukan ng Sierra Madre.  Marahil, kagustuhan ni Señor San Pedro upang makasalo pa rin ng mga panauhin niya sa pagsisimula ng komida si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte dahil talagang lalabas na sana siya sa komedor kung naantala pa ng ilang saglit ang kanyang pagdating para ipaalam sa kanila na maaari nang kumain pagkat kahihiyan na lamang ang kanyng pinanghahawakan nang tumagal hanggang alas–tres nang hapon ang kanyang handaan.  Kunsabagay, naging maingat lamang siya upang hindi mabahiran ng isyu ang kanyang kaarawan pagkat labag din naman sa kagandahang–asal kung mga mismis na lamang ang ipakain niya kay Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte dahil nahuli ang dating niya gayong mejor amigo pa mandin silang dalawa kaya hindi baleng mapahiya siya kung talagang hindi na nila magawang unawain ang sitwasyon basta mananatiling mahigpit ang tagni ng kanilang pagkakaibigan.  Kaya lalong dumalang kung iwasiwas ng mga damas malvadas ang kani–kanilang abaniko nang malayot ang kanilang lakas dahil halu–halo na ang kanilang nararamdaman – inis sa babaeng katutubo, alinsangan maski makulimlim ang panahon at gutom na taliwas kay Prinsesa Imurung pagkat tila hindi siya apektado sa mga pangyayari habang humihigpit ang lingkis ng kanyang kamay sa baywang ni Teniente Gobernador Carlos Antillano Prado.  Subalit hindi nagbago ang sigla ng kanilang mga bibig pagkat maya’t maya pa rin ang bulungan nila lalo’t hindi pa ipinapahiwatig ang pananghalian samantalang uminit na ang kanilang mga upuan dahil mas bumagal pa yata ang galaw ng oras nang dumating ang Obispo ng Cagayan sanhi ng tila walang katapusang usapan sa halip na intindihin ang mga nagugutom na panauhin.  Lalo’t muling nagsalita si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno dahil nawaglit na yata sa kanyang isip na magiging hapunan na lamang ang inihandang pananghalian sa kanyang kaarawan nang ipahayag ang kanyang kagalakan pagkat nagawa pa rin ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte ang maglaan ng panahon para makasama lamang siya sa mahalagang araw ng kanyang buhay sa kabila ng kaabalahan nito sa mga gawain sa simbahan.  ¡Mi queridos invitados . . . aplaudamos al Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte! ¡Porque acepto nuestra invitacion! ¡Es un honor . . . para todos nosotros! ¡Si! ¡Incluso solo una vez al ano! Si nos visita su majestad el Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte! ¡Causa de su problema!”  Masigla pa rin ang palakpakan ng mga panauhin nang mapakinggan ang pahayag ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno pagkat may katuwiran naman upang mapuspos ng kagalakan ang kanyang puso dahil hindi nawawala si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte sa kanyang kaarawan kahit sabay sa pagdiriwang na ito ang kapistahan ni Señor San Pedro ngunit walang duda na magkakaroon muna ng misa sa palacio del gobernador kung batid lamang ng kanyang kabunyian na wala sa mga panauhin ang dumalo sa misa kantada kaninang umaga.  Pagkatapos ang masigabong palakpakan ay lalong nabalam ang komida nang mga opisyal ng militar sa pangunguna ng Comandante del Ejercito de Tierra sa probinsiya ng Cagayan ang nagmano naman kay Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte ngunit hindi kabilang sa kanila si Alferez dahil maaaring hindi pa niya nahahanap ang nawawalang sobre pagkat hindi yata pinaunlakan ni Señor San Pedro ang kahilingan ni Alcalde dahil may prusisyon pa mamaya.  Sino ba naman ang hindi lantakin ng kamalasan kung pinalampas pa nina Alcalde at Alferez ang pagkakataon na bihira lamang dumarating sa kanilang buhay dahil naging priyoridad pa sa kanila ang paghahanap sa nawawalang sobre pagkat malay ba nila kung dahil sa pagmamano ay nalinawan ang kanilang mga kaisipan upang madaling mahanap ang hinahanap.  Sapagkat hindi direktang lumilikha ng milagro ang mga santo kundi gumagamit sila ng instrumento upang tuparan nito ang kanilang pagpapala ngunit hindi rin naman masisisi sina Alcalde at Alferez pagkat tiyak na ipaalaala na mamaya sa kanila ng Gobernador ng Cagayan ang pagsisimula ng bentahan sa mga huwad na titulo ngayong dumating na ang espesyal na panauhin.  Katunayan, hindi matatawaran ang kapasidad na taglay ng mga alagad ng simbahan maski mga rosaryo lamang ang kanilang tangan sa araw–araw kahit saan sila pumupunta pagkat nagmamano sa kanila ang lahat nang mga opisyal ng pamahalaang Kastila bilang patunay na kinikilala nila ang kapangyarihan ng Diyos gayong hawak na nila ang mga nakamamatay na sandata.  Si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno na pinangingilagan ng mga opisyal ng militar ay lumuluhod sa harapan ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte nang walang pagsaalang–alang sa pagiging matalik na magkaibigan nila pagkat nakahihigit ang tungkulin ng kanyang mejor amigo kaysa kanyang pagiging gobernador sa probinsiya ng Cagayan bukod pa ang katotohanan na puwede siyang sibakin sa serbisyo anumang oras.  Samantala, hindi katuwiran ang dinaranas na gutom upang manahimik muna ang mga damas malvadas dahil dumako naman kay Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte ang kanilang malisyosong mga mata nang sukat ba naman pansinin nila ang kanyang naging reaksiyon na tila namalik–mata nang mamalas ang babaeng katutubo hanggang sa naglaro sa isip nila na maaaring nagkaroon siya ng amor a primera vista kahit paglapastangan ito sa kanya bilang isang alagad ng Diyos.  Kasi, panakaw nang tumingin kay Prinsesa Imurung si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte pagkat maaaring nagtataka siya kung bakit may naligaw na babaeng katutubo sa palacio del gobernador lalo’t hindi naman isa–isang ipinakilala sa kanya ang mga panauhin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ngunit ngumiti na lamang siya dahil hindi rin angkop kung siya pa ang kusang makipagkamay.  Seguro, hindi na rin kailangan alamin pa ng Obispo ng Cagayan kung sino ang mapalad na lalaki sa buhay ng babaeng katutubo dahil si Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado lamang ang buong pagmamalaki na umakbay sa kanya habang kabaligtaran naman ang mga damas malvadas na nagmukhang mga ulila pagkat walang pumapansin sa kanila mula pa kanina kaya inaaliw na lamang ang kani–kanilang sarili kahit hindi nila mapigilan ang sumulyap sa nangigislap na mga ginto.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *