IKA – 112 LABAS

Kunsabagay, talagang hindi rin siya mabubusog dahil hindi naman niya malalasahan ang mga masasarap na putahe kung patuloy na gumugulo sa kanyag konsentrasyon ang sobre maski tunay na nakapanghihinayang pagkat hindi niya matitikman ang karne ng libay na pinakuluan ng dalawang gabi upang lumambot ngunit bumawi na lamang siya sa susunod na hainan.  Pero mas nakapanghihiyang ang mawalan ng malaking halaga kung hindi na matagpuan pa ni Alferez ang sobre kahit sa kanyang pakiramdam ay maaaring nangangailangan lamang ng mahaba–habang dalangin habang hindi pa ito hinahanap ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno dahil abala pa siya sa pag–eestima sa Obispo ng Cagayan ngunit mainam pa rin kung hawak na sana niya ito upang hindi kakaba–kaba ang dibdib niya.  Hindi baleng mag–ulam ng bislad bukas ng umaga sa residencia ejecutiva si Alcalde kung hindi man niya matikman ang handa ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno basta dala na niya ang napagbentahan sa mga huwad na titulo dahil kagabi pa inihanda ni Señora Mayora ang kaha de yero maski masama ang kanyang loob nang malaman na hindi pala siya puwedeng dumalo sa kaarawan ng Gobernador ng Cagayan.  Mga guwardiya sibil ang nadudungawan ni Alcalde sa ibaba nang dumako siya sa hagdan upang silipin kung paakyat na si Alferez ngunit ipinagpalagay na lamang niya na maaaring naghahanap pa ang fiduciario nang wala siyang nadungawan kaya minabuti niya ang sumunod sa kanya dahil sa pakiwari niya ay mistulang lumiliit ang mundo habang tumatagal ang paghahanap nila.  Ayaw naman niyang isipin na posibleng bumalik pa sa munisipyo ng Alcala si Alferez upang hanapin sa kanyang opisina ang sobre pagkat tiyak tapos na ang pista sa bayan ng Tuguegarao sa kanyang pagbabalik sa palacio del gobernador at seguradong ipinakulong na rin siya ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno dahil sa salang panlilinlang.  Baka hiningi lamang ni Alferez ang tulong ni Zafio para mapapadali ang paghahanap nila sa sobre ngunit balak na rin yata ni Alcalde ang tumulong pagkat lalong tumitindi ang kaba niya nang magsimula na ang komida dahil tiyak na hahanapin na rin siya ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno upang maumpisahan na ang bentahan sa mga huwad na titulo.

            Lalong tumindi ang gutom ng mga panauhin nang tumambad sa kanila ang maraming pagkain na kanina pa pala inilatag sa mesa kabilang ang mga tinapay na sinlaki ng abrasador, mga kakanin at mga prutas kaya napuspos ng pananabik silang lahat habang isa–isang umuupo ngunit titig na titig ang mga mata sa mga putahe na tila nanghihimok upang gantsuhin na ng tinidor.  Siyempre, hindi maaaring mawawala ang mga alak na noong isang linggo pa dumating galing ng bansang Portugal sakay ng galyon na isang taon din naglayag sa karagatan dahil sa kahilingan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kaugnay sa kanyang kaarawan ngayon pagkat ito ang laging itinatanong sa kanya lalo na ang mga kapwa opisyal ng pamahalaang Kastila at ng mga militar kaya sadyang pinaghandaan niya ang okasyong ito para hindi siya mapupulaan.  Kasya sa unang mesa ang limampung bisita na kinabibilangan nina Gobernador Señor Vittorio Vicente Santores Marasigan, ang Gobernador ng Nueva Vizcaya, ang mag–asawang Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado at Prinsesa Imurung, ang Comandante del Ejercito de Tierra sa probinsiya ng Cagayan, ang mga Alcalde mula sa mga bayan ng Cagayan at ang mga damas malvadas dahil kasalanang mortal kung hindi makasalung–pinggan ang mga esposo nila kaya hindi sila nawawala sa mga pagtitipon tulad ngayon ngunit tukso ng kamalasan dahil katapat naman nila ang babaeng katutubo.  Kabilang din sa unang mesa ang mga kilalang negosyante mula sa lalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Don Flavio Engracio San Francisco de Muelle dahil kahapon pa dumating sa bayan ng Tuguegarao ang kanilang grupo upang agapan ang masamang panahon ngunit sa mga paupahang kuwarto sila nagpalipas ng gabi sa kabila ng mahigpit na paanyaya ng Gobernador ng Cagayan upang sa palacio del gobernador na lamang sila tumuloy.  Habang alalay naman ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno hanggang sa kabisera si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte para magiging komportable ang kanyang pagsubo dahil mali pala ang naging sapantaha ng mga panauhin na posibleng nananghalian na siya sa kumbento nang maipagpauna nila na maaaring isinunod agad niya ang pagbibinyag sa mga sanggol matapos ang misa kantada pagkat sayang din naman ang piso–piso sa bawat patak ng agua bendita sa ulo, pahid ng abo sa noo at dampi ng asin sa labi.  Kaya pinagmamasdan pa lamang ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte ang mga inihaing pagkain ay namimintog na ang kanyang mga pisngi maski itanggi pa niya pagkat dumadalas ang galaw ng kanyang lalagukan sa sobrang pananabik ngunit hindi ito napansin ng mga damas malvadas na dapat ipagpasalamat niya dahil takam na takam naman sa mga putahe ang kanilang mga mata.  Aywan kung bakit hindi man lamang natantiya ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno samantalang malimit naman ang pagkikita nila ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte upang hindi niya makalkula kung kasya ba sa laki ng kanyang katawan ang silya na inilaan niya para hindi na sana nagkaroon ng problema lalo’t sa kaarawan pa mandin niya nangyari kaya hindi ito nakaligtas sa mga mata na kanina pa pinagmamasdan ang espesyal na panauhin niya.  Tuloy, sumusuliling ang nangungutyang mga mata ng mga damas malvadas hanggang ikinadkad nang sabay–sabay ang kani–kanilang abaniko para takpan ang kanilang mga mukha dahil napatingin na rin sa kanila ang lahat upang ipaalaala na hindi dapat pinagtatawanan ang kapintasan ng kapwa ngunit mapagkunwaring tao lamang ang hindi matawa sa sitwasyon na naging dahilan kaya sandaling napalis sa isip ang nararamdamang gutom.  Palibhasa, hindi pinagsikapan ang dumalo sa misa kantada dahil naging priyoridad nila ang handaan sa palacio del gobernador kaya nawaglit sa isip nila na nagiging kapanalig ng demonyo ang sinumang lumalapastangan sa alagad ng simbahan lalo’t sa harap pa naman ng mga biyaya na naghihintay na lamang para isubo pagkat hindi na kailangan bigkasin pa ang sumpa upang tumalab ito.  Lalo’t wala namang basehan ang kanilang mga haka–haka na maaaring buntis ng kambal si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte dahil hindi magkasya sa silya ang kanyang katabaan maski simpleng biro lamang ito pagkat ipinagbabawal sa kanyang relihiyon ang pag–aasawa sapul nang maordenahan siya ngunit puwede sa mga prayle ang magkaroon ng tagapag–alaga sa kanilang banal na kulasisi.  Taliwas sa nararamdaman ni Prinsesa Imurung pagkat siya ang nag–aalala habang minamasdan ang kalagayan ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte dahil hindi yata sumagi sa isip ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang ganitong pangyayari sa halip na palitan ang kanyang silya upang magiging maginhawa ang kanyang pag–upo kaya hindi niya dapat ikagagalit ang paninisi nila.  Hanggang sa naisaloob ni Prinsesa Imurung na maaaring kulang lamang sa ehersisyo ang Obispo ng Cagayan at totoo naman pagkat nabuhos sa mga gawaing simbahan ang kanyang buong buhay kaya bumulong siya kay Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado upang tulungan sana ng esposo niya ang espesyal na panauhin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ngunit siya ang nalungkot nang kinindatan lamang siya nitio.

            Sa pangalawang mesa umupo ang mga Comandante del Ejercito sa bawat bayan sa probinsiya ng Cagayan, dalawang prayle, ang mga ayudante ng mga Gobernador at ang iba pang mga panauhin ngunit hindi kabilang sa kanila si Alferez dahil hindi naman malaman kung may resulta na ang kanyang paghahanap sa sobre hanggang sa nagsimula na ang komida gayunman umaasa pa rin si Alcalde sa himala mula sa naging alay niya sa misa kantada.  Sadyang nagpaiwan pa sa salas si Alcalde imbes na sumabay sana siya dahil nakatulugan na yata ni Alferez ang paghahanap sa sobre lalo’t marami–raming tagay na rin ang nainom ng fiduciario bukod pa ang antok na posibleng hindi na rin kinayang labanan nito hanggang sa napapamura na siya pagkat hindi na yata niya kayang timpihin ang galit kung hindi lamang nagpaalaala sa kanya na naririto siya sa palacio del gobernador.  Hanggang sa ipinasya niya ang bumaba na lamang para tulungan si Alferez kung hindi pa nahanap nito ang sobre pagkat naisip na rin niya ang umiwas dahil tiyak itatanong na ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno sa muling pag–uusap nila ang tungkol sa mga huwad na titulo kaya nagmamadaling tinungo niya ang hagdan.  Seguro, inuusig ng kaluluwa ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz si Alcalde kaugnay sa promosyon na hindi niya tinupad noong nabubuhay pa lamang siya dahil talagang wala nang saysay ang pagsisisi maski sabayan pa ng dasal pagkat hindi na ito naririnig ng patay at posibleng ipinagkaloob na rin ni Bathala ang kahilingan ni Lakay Awallan upang iparamdam sa kanya ang ngitngit ng langit.  Sapagkat hindi lamang pinag–interesan ni Alcalde ang malawak na lupain ng mga katutubong Malauegs sa kabundukan ng Sierra Madre kundi siya rin ang dahilan nang masawi sa pagtatanggol sa kanilang komunidad ang kanyang kaisa–iisang anak kaya naiwan sa kanyang pangangalaga si Bag–aw nang maulila ang sanggol sa mga magulang niya.  Talaga yatang hindi napapakinabangan ang anumang galing sa masamang paraan pagkat laging kaakibat nito ang kamalasan sa buhay dahil mas pinapakinggan ng langit ang sigaw ng mga api kung naging mahirap para sa kanila upang makamtan ang katarungan kaya walang kabuluhan ang abuloy kahit gaano kalaki pa ang halaga nito kung hind rin naman nabibili ang himala.  Palabas pa lamang ng palacio del gobernador si Alcalde ay sumalubong naman sa paningin niya si Alferez kaya hinintay na lamang niya ang kanyang paglapit na mistulang nabintay ang katawan dahil lungagi ang ulo imbes na masigla sana pagkat naupungan na ng alak ang kanyang sarili ngunit hindi ito ang npansin niya pagkat lalong dumalas ang pagdarasal niya nang walang namalas na sobre sa kanyang kamay.  Mabuti pa ang postura ni Alferez kapag nalalasing siya kaysa hitsura niya ngayon dahil waring napalaban siya ng sapakan hanggang sa nalayot ang kanyang lakas maski imposibleng isipin na nagpanghamok pa sila ni Zafio nang dumating siya sa karwahe pagkat takot din naman ang kutsero kung ipasok siya sa bartolina pagbalik nila sa bayan ng Alcala kahit mamagitan pa si Señora Mayora.  Sino ba naman ang hindi manlupaypay kung kape’t alak lamang ang laman ng kanyang tiyan mula kaninang madaling–araw hanggang ngayong alas–tres nang hapon kahit sanay nang hindi kumakain ng almusal, pananghalian at hapunan ang kanyang katawan ngunit kulang naman siya sa tulog lalo’t napagod pa siya sa paghahanap sa sobre gayong wala naman siyang mapapala sa mga huwad na titulo.  Muli’t muli ang pagtatanong ng sarili ni Alcalde kung natagpuan na ba ni Alferez ang sobre para makagawa na siya ng huling desisyon sa halip na umakyat pa siya sa palacio del gobernador pagkat hindi baleng mapahiya siya basta huwag lamang sa harap ng mga panauhin lalo’t naroroon pa ang Obispo ng Cagayan dahil tanggap na rin niya ang magiging kahantungan sa kanyang pagkakamali.

            “Muchas  gracias . . . Gobernador!”  Sapagkat nagparaya rin sa katawan ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte ang luklukan kahit nahihirapan siyang huminga basta masimulan lamang ang dasal para sa pasasalamat pagkat sobrang parusa na rin kung paghintayin na naman hanggang mamayang gabi ang mga panauhin matapos ang mahigit tatlong oras na pagtitiis nila sa gutom dahil seguradong nakakatakot kung malimutan na rin nila ang pagiging sibilisado upang daluhungin nang sabay–sabay ang mga pagkain.  Problema na lamang kung biglang sumpungin ng salupinit ang Obiso ng Cagayan pagkat hindi niya basta magagawa ang tumayo para sumaglit sa palikuran kaya simulan na rin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang manalangin upang hindi mapapaaga ang palabas gayong dapat mamayang gabi pa mapapanood ito ng mga mamamayan ng Tuguegarao ngunit may magagawa pa ba siya kung sadyang wala nang paraan.  Mahabaging langit!  Kailangan pataboy sa bintana ang pagpapaypay sa kanya habang kumakain upang tangayin ng hangin palabas ng palacio del gobernador ang sanghid dahil posible palang magaganap ang malakas na pasabog kung hindi na niya mapipigilan pa ang bunto sa kanyang tiyan ngunit sisihin na nila ang lahat nang santot’t santa basta huwag lamang siya pagkat hindi niya ginusto ang umupo sa masikip na luklukan.  Sa halip, idalangin na lamang ng may kaarawan na huwag naman sanang ikagagalit ni Señor San Pedro kung magkasira–sira ang silyang asana dahil sa lakas ng utot ng kanyang mejor amigo matapos ang komida para hindi ito magiging pangunahing balita bukas ng umaga sa mga pahayagan sa bayan ng Tuguegarao kahit mauuna nang lumaganap mamaya sa kabayanan ang kuwento ng mga damas malvadas.  Siyempre, maski katakam–takam ang mga biyaya kung basta na lamang isinusubo sa mga bibig na kanina pa naglalaway ay seguradong nagiging lason din ito sa mga katawan dahil hindi katuwiran ang tatlong oras na paghihintay para balewalain ang nakagawiang dasal upang mauulit pa ang ganitog handaan sa susunod na taon maliban sa kanilang naging karanasan ngayon kahit magiging kagalakan pa sa kanila kapag binabalikan ang iniwang alaala nito sa tuwing kapistahan ni Señor San Pedro.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *