IKA – 113 LABAS

Hindi ba puwedeng gawin ang dasal kung tapos na silang kumain para magkaroon ito ng kabuluhan dahil talagang magiging karagdagang pahirap lamang ito sa kanilang tinitiis na gutom pagkat kanina pa kumakalam ang kanilang mga tiyan kaya marami na ang nagbabalak magpaalam upang sumaglit muna sa karinderia kung natagalan pa hanggang alas–cuatro nang hapon ang dating ng Obispo ng Cagayan sa palacio del gobernador.  Katunayan, hindi man lamang kumurap kahit saglit ang kanilang mga mata habang titig na titig sa mga pagkain pagkat lalong nanghihibo ang samyo ng mga putahe kung kailan tumatagal ang hinihintay na pagkakataon gayong abot–kamay na lamang ang mga grasya na dapat magiging agarang lunas na sana sa kanilang gutom kaya pumipikit na lamang sila upang hindi matutukso.  Maging ang kanilang mga kamay ay naghihintay na lamang ng tiyempo upang sunggaban na ang kutsara’t tinidor ngunit obligado pa rin sumabay sa pagdarasal silang lahat pagkat hindi karaniwang alagad ng simbahan ang kanilang kaharap sa mesa kahit siya ang sanhi nang mabalam ng tatlong oras ang komida kaya naging minindal na lamang ang pananghalian.  Tutal, ngayong taon lamang nangyari na pinagsama ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang pananghalian at hapunan ngunit hindi naman niya kasalanan ang pangyayari pagkat hindi niya kontrolado ang mga aktibidad sa simbahan kahit may dulot ding kabutihan kung tuusin dahil puwede na silang matulog mamayang gabi maski hindi na sila manonood sa mga palabas.  Karanasan na seguradong magiging paksa ng kanilang kuwentuhan lalo na sa mga damas malvadas para sa susunod na kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno basta walang magkakalat ng sapakat upang sa kanilang pagbabalik sa palacio del gobernador el año siguiente ay siya pa rin ang Gobernador ng Cagayan kung hindi magbago ang sitwasyon sa seguridad sa probinsiya ng Cagayan.  ¡Ofrezcamos primero una oracion . . . al Señor! ¡Como gracias a el! ¡Por las bendiciones . . . que tenemos aqui frente a nosotros! ¡Y . . . al Señor San Pedro . . . cuya fiesta celebramos . . . hoy! !En el nombre del Padre . . . !”  Aywan kung naging taimtim naman ang pasasalamat ng mga panauhin dahil sumasabay sa kanilang pananalangin ang matinding kaslog sa tuwing dumadapo sa mga pagkain ang kanilang mga mata kahit sinisikap nila ang pumikit pagkat malapit nang ihudyat sa kampana ng munisipyo ng Tuguegarao ang alas–cuatro nang hapon ay nagdarasal pa lamang sila   Subalit tukso namang naglalaro sa isip nila ang mga masasarap na handa ng palacio del gobernador hanggang sa narinig na lamang nila ang pagsisimula ng dasal samantalang kanina pa naghihiso ang mga bisita ng mga katutubong binyagan sa bayan ng Tuguegarao upang alisin ang mga ngima sa kanilang mga ngipin kahit tinolang manok at pulang kanin lamang ang ipinakain sa kanila.  Seguro, dapat magpasalamat na lamang ang mga mamamayan ng Tuguegarao kung hindi naging bisita nila ang Obiso ng Cagayan kahit karangalan din naman ang madalaw sila nito lalo’t kapistahan ni Señor San Pedro pa mandin pagkat mas matimbang pa rin ang kalahi kaysa kanila na mga simpleng tao lamang maski naging mabuting mananampalataya pa sila.  Dapat maging handa si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno sakaling sumayad na sa kulatad ng mga kaldero, kawali’t tulyasi ang sandok dahil walang duda na may epekto rin sa handa niya ang tatlong oras na pagkabalam ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte pagkat seguradong mapaparami ang kain ng kanyang mga panauhin upang masandat ang kanilang matinding kagutuman lalo’t pinagsabay na ang pananghalian at hapunan.  Ah!  Bahala na kung malimas ang handa pagkat ang importante naman ay hindi umalis sa palacio del gobernador nang gutom ang mga panauhin dahil puwede namang bumawi sa susunod na taon kung hindi magiging leksiyon para sa kanila ang pangyayari at kung palawigin pa ni Señor San Pedro ang kanilang pananatili sa mundo bilang parusa nang hindi na sila dumalo sa misa kantada.  Samantalang maaga pa lamang kanina nang dumating sila sa palacio del gobernador habang sa paupahang kuwarto naman nagpalipas ng gabi ang iba sa kanila kaya tinikis sila ng tadhana nang maging hapunan na ang dapat sana’y pananghalian na unang pangyayari ngunit tataglayin naman nila habambuhay ang alaala upang ipagunita sa kanila na obligasyon muna bilang kristiyano bago ang lahat.  Bagaman, mali rin upang isipin na talagang pagkain lamang ang naging sadya nila sa kaarawan ng Gobernador ng Cagayan ngunit hindi naman puwedeng magsinungaling ang kanilang mga kilos pagkat nagkaroon pa sana ng kabuluhan ang tatlong oras na paghihintay nila sa komida kung sumaglit muna sila sa simbahan ni Señor San Pedro dahil ilang hakbang lang naman ang layo nito mula sa palacio del gobernador.  Sapagkat taon–taon naman na ipinagdiriwang ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang kanyang kaarawann dahil may katuwiran din upang magpasalamat siya pagkat pinalawig pa ang kanyang buhay lalo’t masidhi pa rin ang balak niya upang bumalik ng bansang España para makapiling ang kanyang mga anak na matagal nang naghihintay sa kanya.  Biyudo na siya nang maitalaga ng Pilipinas maski ayaw sana niya dahil sa kanyang limang anak ngunit hindi naman puwedeng tanggihan ang utos ng pamahalaan ng España kaya inako na lamang ng kanyang mga magulang ang pag–aalaga sa kanila habang tuluy–tuloy naman ang pagpapadala niya ng mga sulat kahit taon kung tanggapin naman ng kanyang pamilya.  Sa kabilang dako naman kung wariing mabuti ay segradong mapapasambit ng pangako ang sinuman pagkat talaga palang mahirap makasabay sa isang pagtitipon si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte dahil apektado maging ang oras ng kainan maski hindi naging problema para sa kanya ang pagkabalam ng komida kung ito naman ang maging sanhi upang magkasakit sila.  ¡Señor . . bendiga las bendiciones que estan aqui ante nosotros! ¡Para que . . . la gracia que posee sea agradable . . . a nuestros cuerpos!”  Kunsabagay, huwag na lamang isipin ng mga panauhin kung kailan sinimulan ang kanilang pananghalian basta mabusog sila dahil ‘yon naman ang importante pagkat sadyang may mga sitwasyon na hindi agad–agad nararamdaman ang andam kahit gaano pa ang pag–iiwas upang hindi ito mangyayari lalo’t nataon pa sa kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno.  Bagkus, magpasalamat na lamang sila dahil magandang karanasan din naman nang pinagsabay na ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang pananghalian at hapunan pagkat pinapatunayan lamang nito na handang magsakripisyo ang bawat isa sa kanila alang–alang sa may kaarawan para mapasaya lamang siya sa halip na sama nang loob ang naramdaman niya.  Tutal, naihain na sa mesa ang mga pagkain makaraan ang tatlong oras na paghihintay nila kay Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte ay magiging kasiyahan na lamang sana nila ang kumain upang hindi sila uuwing gutom kung ayaw na nilang manood sa mga palabas mamayang gabi para hindi sila mapupuyat ngunit sayang naman kung hindi nila mapanood ang mga Alcalde habang kumikimbot sa sayaw na flamenco kapareha ang kani–kanilang hermosa esposa.  Sana, magsilbing aral din ito sa kanilang lahat upang sa susunod na taon ay magiging priyoridad na nila ang pumasok muna sa simbahan ng Tuguegarao sabay pasasalamat dahil muli silang nagkaroon ng pagkakataon na makibahagi sa kapistahan ni Señor San Pedro pagkat nagiging katuwang din ng suwerte ang dasal para matupad ang mga pangarap sa buhay.  Dapat tanggapin muna nila ang basbas ng misa kantada upang kasiyahan sila ng suwerte bago tumuloy sa palacio del gobernador pagkat tiyak na hindi magkakaroon ng masaganang paghahanda kung hindi ipinagdiriwang ang kapistahan ni Señor San Pedro kaya hindi rin masaya maski matutuloy ang selebrasyon sa kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno dahil dalawang okasyon ang nais nilang samantalahin sa pagpunta sa bayan ng Tuguegarao.  Segurado, matutuwa pa si Señor San Pedro kung dumalo muna sila ng misa kantada kahit walang ibinigay na alay dahil hindi rin naman ang estatuwang hindi nagugutom ang nakikinabang nito kundi ang mga prayle pagkat sila ang may pakana sa ganitong kalakaran upang makalikom ng pantustos sa kanilang mga kapritso kaya nauso ang pista maski ipangutang pa ang handa para may maipakain lamang sa mga bisita.  Kaya mabuti pa sa kanila ang mga katutubong binyagan na dumayo lamang sa bayan ng Tuguegarao para dumalo sa misa kantada dahil sinikap pa nila ang magsindi ng kandila kahit hindi gumawa ng milagro si Señor San Pedro para may nagpakain sana sa kanila bago bumalik sa kani–kanilang bayan pagkat hindi rin naman naunawaan nito ang wikang dialekto na ginamit sa kanilang dasal.  Kung may nagsimba man tulad nina Alcalde at Alferez ay maliwanag na nadamay lamang sila kahit ibang klaseng kamalasan ang kanilang nararanasan dahil hindi rin gumawa ng himala ang handog nila sa misa kantada para mapapadali sana ang paghahanap nila sa nawawalang sobre kaya wala pa rin balita hanggang ngayon sa kanila basta ang tiyak ay hindi pa sila bumalik sa bayan ng Alcala.  Habang nagdarasal si Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte ay panakaw na idinidilat ng mga damas malvadas ang kanilang mga mata upang matyagan ang reaksiyon ni Prinsesa Imurung sa katakam–takam na mga putahe ngunit hindi matiyak kung naidlip lamang ang babaeng katutubo o sadyang yumuko para damhin sa kanyang puso ang dasal patunay na naiintindihan din niya ang wikang Español.  Sana, huwag nang pahabain pa ng Obiso ng Cagayan ang kanyang dasal pagkat nagsimula nang umatake sa mga putahe ang mga langaw dahil gusto rin yatang tikman ng mga ito ang handa ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno na pumuwesto sa kabilang dulo ng mesa upang namamalas niya ang mga panauhin ngunit hindi naman matiyak kung napansin niya na mayroong hindi sumabay sa kanila.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *