IKA – 116 LABAS

Kunsabagay, hindi dapat sinusubukan ang ugali ng tao lalo na kung ubos na rin ang kanyang pasensiya kaya posibleng nadunggil na ni Alferez si Alcalde kung natagalan pa ang paglabas ng Gobernador ng Cagayan sa salas pagkat talagang nakapanghihinayang din naman nang maabala ang pakipag–inuman niya sa mga kapwa opisyal ng militar dahil sa problema na hindi naman siya ang may kagagawan.  Pagkatapos, hindi pa siya napasabay sa komida dahil sa paghahanap sa sobre hanggang sa naibulong niya sa sarili na mabuti pa kung tuluyan nang nawala ito para natutop sana ng Gobernador ng Cagayan ang kapabayaan ni Alcalde nang magiging leksiyon sa kanya habambuhay ang pangyayari ngunit sadyang hindi rin niya kayang pagmasdan habang inilulugpo ng matinding problema ang punong–bayan ng Alcala pagkat siya rin naman ang sisihin ni Señora Mayora kapag may nangyaring masama sa apuesto esposo nito.  Nagpasunod pa ng mariing iling si Alcalde para pawiin ang pagdududa ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno upang hindi na siya muling magtatanong pa saka ibinaling sa sobre ang kanyang tingin dahil seguradong ito ang sadya niya nang masimulan na rin ang bentahan sa mga huwad na titulo maski magdudulot ng kaabalahan kung isabay ito sa komida ngunit paneneguro na rin nang hindi na ito mawawaglit uli sa kanyang mga kamay.  Tumango lamang si Alferez ngunit paiwas ang tingin niya habang pinatotohanan ang katuwiran ni Alcalde nang sumulyap sa kanya ang Gobernador ng Cagayan dahil nadamay pa siya sa problema imbes nagsasaya kasama ang mga kapwa opisyal ng militar na seguradong subra–sobra na ang nararamdamang kabusugan samantalang siya’y nagtitiis pa rin sa gutom.  Subalit maaliwalas na ang mukha ni Alcalde habang hawak niya ang sobre matapos isakripisyo ang kanyang gutom para lamang mahanap ito habang pormal naman ang mukha ni Alferez pagkat talagang hindi niya magawa ang ngumiti ngayong wala na silang problema dahil sadyang mahirap iwaksi sa isip ang  kanyang sama ng loob maliban na lamang kung abutan siya kahit isang kopita ng alak lamang.  Mangyari, basang–basa sa pawis ang katawan ni Alferez pagkat siya ang napagod sa paghahanap sa sobre gayong naiwan lamang pala ito sa karwahe sanhi ng kapabayaan ni Alcalde kaya huwag naman sana mag–aamoy embalsamado siya dahil ayaw pa niyang mamatay kahit totoo sa kanyang panaginip na unti–unti nang sinusundo siya ni kamatayan.  Sapagkat hindi rin naman niya itinatanggi sa kahit kanino na talagang halos alkohol ang dumadaloy na lamang sa kanyang buong katawan lalo’t hindi na siya naligo kaninang madaling–araw dahil sa pagmamadali para mahabol pa nila ang misa kantada na ginagawa lamang sa tuwing kapistahan ni Señor San Pedro hanggang sa napailing siya nang maisaloob na hindi yata ikinatuwa ng estatuwa na hindi kumukurap ang kanilang handog–pasasalamat.  Pagkatapos, ayaw pa rin tanggapin ni Alcalde ang kanyang pagkakamali maski natagpuan na ang sobre hanggang sa humantong sila sa mainit na pagtatalo dahil tama rin naman ang naging katuwiran niya kung bakit hindi ipinaalaala sa kanya ang tungkol dito habang naroroon sila sa simbahan ni Señor San Pedro kaysa nagkandarapa pa sila sa paghahanap nito kung kailan kailangan nang ibigay kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno .

            ¡Oh! ¿Como hablamos . . . eh? ¿Alcalde? ¿Estas listo? ¿Eh?”  Kung batid lamang ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno na muntik nang mabulilyaso ang itinakda niyang subastahan sa mga huwad na titulo ay tiyak nagtatakbo na siya papunta sa simbahan ni Señor San Pedro upang magpasalamat pagkat tunay na kalabisan nang kahihiyan kung nasira pa maging ang kanyang pangako sa mga negosyante gayong sapat nang inagwanta ng kanyang mga panauhin ang tatlong oras na gutom dahil hindi naman puwedeng ibunton niya sa Obispo ng Cagayan ang paninisi.  Naniniyak naman ang kanyang tanong kay Alcalde pagkat hindi dapat mapurnada ang usapan nila dahil wala nang panahon upang ipagpaliban pa ang kanilang plano ngayong naririto na ang mga negosyante at ang Obispo ng Cagayan na gustong magkaroon ng mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre kaya sayang naman kung hindi nila agapan ang pagkakataon dahil maaaring hindi na daratal pa ito sa mga susunod na araw.  Mabuti na lamang naging mabait pa rin kina Alcalde at Alferez ang kapalaran nang ipinagkaloob nito ang solusyon sa kanilang matinding problema na muntik nang sumira sa kanilang pagkakaibigan dahil nagkaroon din yata ng kaunting bisa ang handog nila sa misa kantada maski naroroon pa rin ang malaking katanungan tungkol dito pagkat mas matimbang ang posibilidad na dahan–dahan nang nagpaparamdam ang kapangyarihan ng kinikilalang Bathala ng tribung Malauegs.  Nagbunga rin ang ginawang sakripisyo ni Alcalde nang hindi siya sumabay sa pananghalian ng mga honroso maski walang tigil ang kaslog sa kanyang bituka habang hindi pa nila natatagpuan ang sobre dahil mas importante ito kaysa handa ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno pagkat minsan lamang niya malalasahan ang mga putahe maski totoo namang ginataang bakalaw sa laing ang madalas na ulam niya sa residencia ejecutiva.  Samantalang habambuhay naman na magbibilang siya ng kayamanan kapag naibenta na ang mga huwad na titulo basta huwag lamang maisipan ni Señora Mayora ang magsampa ng diborsiyo dahil tiyak na punumpuno ng pagsisisi ang kanyang kalooban hanggang sa matutuklasan niya na hindi na pala kailangan ang lumabas pa siya para maghanap ng bagong hermosa esposa pagkat nasa residencia ejecutiva lamang pala ang magiging kapalit ng kanyang esposa infiel.  Segurado, araw–gabing magtatanong ang kanyang sarili kung bakit isinama pa niya sa Pilipinas ang kanyang hermosa esposa pagkat tiyak na walang matitira sa kanya kundi ang pinaglumaang kalsunsilyo ngunit hindi naman niya basta maitatapon sa basurahan o gawing basahan dahil sa valor sentimental na taglay nito sa kanyang buhay na laging dumaranas ng kabiguan. Sapagkat ito lamang ang saplot niya sa unang gabi nila ni Señora Mayora pagkatapos ang kanilang kasal hanggang sa dumating sila ng Pilipinas ngunit itinago niya ito sa aparador maski bumili na siya ng isang dosenang bagong kalsunsilyo pagkat ito ang nagbibigay sa kanya ng suwerte na pinatutunayan naman ngayon kahit nagkakaroon ng sandaling pagkabalam ang epekto nito kung minsan.  Maya–maya, napasulyap siya kay Alferez upang tiyakin na hindi nito narinig ang bulong ng kanyang isip pagkat hindi rin siya segurado kung naikuwento na niya ang tungkol sa kanyang kalsunsilyo basta ito ang suot niya ngayon para maamo ang suwerte kaya malakas ang loob niya na matatagpuan nila ang sobre dahil ito ang kanyang nararamdaman matapos ang pasimpleng hagod sa kanyang balakang.  Sana, maging tapat siya sa tanong kung kaya ba natagpuan agad nila ang nawawalang sobre makaraan ang mahigit sa tatlong oras na paghahanap nito dahil hindi masyadong tumalab sa kanila ang kamalasan nang maging pangontra rito ang kanyang ropa interior na may valor sentimental pagkat naging saksi ito sa unang gabi nila ni Señora Mayora?  ¡Cualquiera!

            ¡Si . . . Gobernador! ¡Si! ¡Verdad . . . aqui estan los titulos! ¡Leelo! Para creerme! ¡Alla!”  Tama pala ang naging palagay ni Alferez na posibleng nabitawan lamang ni Alcalde ang sobre nang hindi niya namalayan dahil maaaring naidlip din siya habang tumatakbo ang karwahe pagkat madilim pa nang umalis sila sa bayan ng Alcala ngunit ang ibunton sa kanya ang paninisi ay talagang ibang usapan na pagkat malinaw pa ang kanyang malak kahit limang tagay na ang kanyang natungga kanina.  Kaya ganito ang naging palagay niya pagkat wala siyang napansin na anumang bagay ang nahulog habang sinusundan niya ang tumatakbong karwahe dahil sa kulay pa lamang ng sobre ay walang duda na makikita agad ito kahit madilim ang kalsada ngunit matindi ang paghihimutok ng kalooban niya kay Zafio pagkat natulog lamang ang kutsero nang walang pakundangan sa kahalagahan nito sa halip na umakyat sana siya sa palacio del gobernador upang isunod ito kay Alcalde.  Samantalang hindi na matali ang sarili ni Alcalde sanhi ng nawawalang sobre dahil tiyak na malalagay sa kompromiso si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kung hindi ito natagpuan hanggang sa naabala na rin siya na ang talagang sadya sa palacio del gobernador ay dumalo sa kumperensiya ng mga itinalagang Comandante de Ejercito del Tierra ngunit kailangan ang magpaalam muna siya para tumulong sa paghahanap sa mga huwad na titulo.  Aywan kung kailan napansin ni Zafio ang sobre pagkat wala naman siyang sinasabi kay Alcalde nang matapos ang misa kantada dahil nagpaiwan siya sa karwahe nang naisin pa niya ang umidlip muna sa halip na pumasok din sa simbahan ni Señor San Pedro kaya mailap sa kanyang buhay ang grasya kahit umento sa sahod ang laging iniisip niya ngunit ayaw namang pag–ukulan ng kaunting panahon ang kanyang pananampalataya.  Maaaring hindi pa rin napansin ng kutsero ang sobre lalo’t wala siyang binanggit nang bumaba sa karwahe si Alcalde sa tapat ng palaco del gobernador pagkat wala namang rason para pag–interesan pa niya ang laman nito dahil batid na ni Señora Mayora ang tungkol sa magaganap na bentahan sa mga huwad na titulo ngunit hindi naman talos ng sinuman ang totoong iniisip niya kaya nararapat lamang pagdudahan pa rin ang palagay na ito.  Seguro, napansin lamang ni Zafip ang sobre noong ipinarada na niya ang karwahe ngunit nahawa na rin yata siya sa kabayo na may takubmata kaya lagi nang sa iisang direksiyon tumitingin dahil hindi man lamang niya naisip ang isunod ito kay Alcalde para hindi na sana nagkaroon ng problema ang kanyang among pagkat puwede namang sumaglit sa palacio del gobernador kung ginusto lamang niya.  Bagkus, hinintay pa niya na isa kina Alcalde at Alferez ang bumaba mula sa palacio del gobernador upang kunin ang sobre hanggang sa muling pumikit ang kanyang mga mata habang nagsudsuran ang dalawa pagkat walang gustong umamin sa kanyang pagkakamali kaya mutik nang magpingkian ang kanilang mga kamao kung tuluyan nang humilagpos ang kanilang galit.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *