IKA – 119 LABAS

Seguro, naalaala ng mga negosyante ang tungkol sa bentahan sa mga huwad na titulo dahil napatingin sila sa Gobernador ng Cagayan habang hinihintay na ilantad niya ang nilalaman sa sobre pagkat hindi pa rin pala nagbago ang kanilang interes upang magkaroon ng mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre makaraan ang tatlong buwan na paghihintay na salungat naman sa naging palagay ng may kaarawan.  Samantalang napasambit naman ng pasasalamat ang mga kamarera pagkat natigil din ang labas–masok nila sa kusina lalo’t wala namang nag–aakala na pagsasabayin na pala ang pananghalian, minindal at hapunan ngunit masaya pa rin sila maski hapung–hapo sa pag–eestima sa mga panauhin dahil itinigil nila ang paghahain sa mga pagkain kaya hindi kinapos ang handa ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno.  ¡Lo estoy sosteniendo ahora . . . los titulos de los terrenos ubicados . . . en el municipio de Alcala! ¡El gobierno de Alcala esta listo . . . para subastar estos titulos! ¡Y como te prometi! ¡Por supuesto que eres una prioridad . . . si quieres tener un terreno alli! ¡Porque el gobierno de Alcala . . . construira la civilizacion alli! ¡Con tu ayuda!”  Muling nagkaroon ng ingay habang lumalakas ang bulungan nang malaman ng lahat na mga titulo pala ang laman ng sobre lalo na ang mga negosyante mula sa lalawigan ng Bulacan dahil ito ang talagang pakay nila nang dumalo sa kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kaya madaling–araw ng bispera nang dumating sila sa bayan ng Tuguegarao para hindi abutin ng masamang panahon habang bumibiyahe sila.  Katunayan, talagang hindi nila inakala na ipinagdiriwang din pala sa bayan ng Tuguegarao ang kapistahan ni Señor San Pedro pagkat walang nabanggit tungkol dito si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno maliban sa pinadadalo sila sa kanyang kaarawan upang lumahok sa gaganaping subastahan sa mga huwad na titulo na tinanggap naman nila nang walang pagdadalawang–isip maski nabatbat ng pagtitiis ang kanilang mahabang biyahe.  Sadyang iwinagayway nang buong tiwala ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang mga huwad na titulo habang humahakbang nang marahan ang kanyang mga paa para ipamalas sa lahat ang katotohanan sa kanyang pangako lalo na sa mga nagpahayag ng interes noon upang magkaroon ng mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre dahil kailangan muling hikayatin ang sinumang nagbago na ang desisyon makalipas ang tatlong buwan na paghihintay ngayong tumambad na sa kanya ang katibayan.  Puwes, sila naman ang hinihintay niya para tuparin ang kanilang mga kompromiso kung hindi pa nagbago hanggang ngayon ang kanilang desisyon dahil ito na ang pagkakataon kung talagang desidido pa rin sila upang magkaroon ng mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre ngunit magagawa ba nilang tanggihan ang alok ng Gobernador ng Cagayan kahit nagkaroon sila ng hindi malilimutang karanasan sa kanyang kaarawan dahil nabasbasan naman sila ng Obispo ng Cagayan.  Tumigil sa paglalakad sa pagitan ng dalawang mesa si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno upang mamalas ng lahat ang mga huwad na titulo pagkat kailangan maipamudmod niya ang dalawampung kopya para hindi na siya muling magtatakda ng subastahan lalo’t mahirap ang manghikayat sa mga negosyante kahit kaibigan pa niya ang karamihan sa kanila dahil sa sitwasyon na rin ngayon sa lalawigan ng Cagayan.  Nalipos naman ng kagalakan si Alcalde habang minamasdan niya ang pagiging masigasig ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno sa panghihikayat sa mga negosyante hanggang sa hindi sinasadyang napasulyap siya kay Alferez na pumuwesto sa pangalawang mesa habang kahuntahan nito ang mga kapwa opisyal ng militar ngunit tiyak na hindi negosyo ang kanilang pinag–uusapan.  Subalit labis na pagkadismaya ang bumabagabag naman sa kalooban niya dahil hindi niya natanggihan ang naging kasunduan nila ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno basta matuloy lamang ang bentahan nang kanyang hilingin ang magkaroon din siya ng kahit kaunting porsiyento mula sa mapagbebentahan sa mga huwad na titulo bukod pa ang magiging bahagi naman sa bayan ng Tuguegarao at para sa simbahan ni Señor San Pedro.  Kaya pumayag siya maski labag ito sa kanyang kalooban dahil hindi rin naman niya maibebenta sa pamamagitan ng sariling diskarte ang mga huwad na titulo pagkat limitado lamang sa mga dueño de tienda sa bayan ng Alcala ang mga negosyante na kilala niya at lalong hindi niya aalukin ang mga ito upang hindi makumpirma ang anumang nabalitaan na nila tungkol sa totoong nagaganap sa kabundukan ng Sierra Madre maski ito ang naging usap–usapan na sa araw–araw.  Sapagkat totoo naman na talagang kailanganin niya ang ayuda ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno para magiging pera ang simpleng papel na pirma lamang niya ang nagbibigay ng kahalagahan nito kaya sadyang inilihim niya ang pagiging huwad sa mga titulo upang hindi magbago ang kanyang desisyon ngunit ito naman ang nagpapatunay kung gaano siya katuso.  Dahil tiyak hindi na siya ang punong–bayan ng Alcala kung sa unang pag–uusap pa lamang nila ng Gobernador ng Cagayan ay alam na nito na dinaya rin ang paggawa sa mga titulo para mapagbigyan lamang ng agrimensor ang kanyang kapritso pagkat kinamkam lamang niya mula sa mga totoong nagmamay–ari ang mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre.  Kaya pumayag agad si Alcalde maski sukal sa kanyang kalooban ang naging kasunduan nila ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno pagkat posibleng malalaman din nito na nagsisinungaling lamang pala siya kapag hinayaan pa niyang maungkat sa kanilang pag–uusap kung paano nagkaroon ng titulo ang pamahalaang Kastila ng Alcala kung pagmamay–ari naman ng mga katutubo ng Sierra Madre ang mga lupaing balak ibenta niya.  Sana, hindi magsasanhi ng bangungot sa pamahalaang Kastila ng Alcala lalo na kina Alcalde at Alferez ang maraming dugo na dumanak sa mga lupain na sakop ng lumang komunidad ng mga katutubong Malauegs lalo’t laging nagpaparamdam doon ang mga saligawsaw na humihingi ng katarungan sa tuwing sumasapit ang hating–gabi pagkat tunay na mabagsik ang ganti na hindi namamalas ninuman ngunit nararamdaman.

            ¡Pretendo tener una hacienda . . . en las llanuras de la Sierra Madre! ¡Entonces . . . necesito un terreno amplio. . . Gobernador Nepomuceno!”  Napatingin kay Don Flavio Engracio San Francisco de Muelle ang lahat nang siya ang unang nagpahayag ng interes upang bumili ng titulo dahil hindi niya pagtitiyagaan ang magdamag na biyahe kung hindi rin lamang siya desidido na magkaroon ng malawak na lupain sa kapatagan ng Sierra Madre para sa binabalak na hacienda maski naipabatid na sa kanya ang problema ng seguridad doon pagkat wala pang naipapatayong  destacamento de tropas.  Hindi naman naikubli ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang nararamdamang kagalakan nang lapitan niya ang negosyante mula sa lalawigan ng Bulacan dahil talagang inaasahan na niya ito kung pagbatayan ang kanilang huling pag–uusap kahit salita pa lamang ang kanilang naririnig mula sa kanya pagkat wala pa siyang hawak na anumang dokumento noon.  Walang pag–aatubili na tinanggap ni Don Flavio Engracio San Francisco de Muelle ang isang titulo mula sa kanya ngunit wala napuna ang negosyante kahit anumang indikasyon upang pagdududahan niya ang legalidad nito matapos basahin hanggang sa namalas niya ang mga pirma nina Alcalde, agrimensor at Alferez lalo’t notaryado pa mandin ang hawak niya.  Pinapatunayan sa reaksiyon ni Don Flavio Engracio San Francisco de Muelle na hindi ito ang unang pagkakataon na bumili siya ng titulo ngunit tila kulang pa rin ang kagalingang taglay niya pagkat hindi niya napansin ang pagiging huwad nito maski hindi ito magbibigay ng problema sa kanya balang araw dahil magagawa pa bang kuwestiyunin ng mga patay ang legalidad nito.  Pagkatapos, matamang pinag–aralan niya ang sukat ng lupa na binabanggit sa titulo gamit ang kanyang anteojos ngunit hindi rin nagtagal nang dumako sa pangalawang mesa ang kanyang tingin sabay kaway kaya napatingin din doon si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno para kilalanin kung sino ang kanyang tinatawag hanggang sa may tumayo upang lapitan siya na itinigil muna ang pagbabasa dito.  Nagmamadaling lumapit kay Don Flavio Engracio San Francisco de Muelle ang lalaki na si Fructuoso Vuelta de San Miguel upang alamin ang naging problema niya sa titulo habang napatingin naman kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno si Alcalde dahil tiyak na lilikha ng eskandalo ang kanyang ginawang panliliho kung may napansin na anuman ang negosyante mula sa lalawigan ng Bulacan.  Lingid kay Alcalde ay hiningi lamang ni Don Flavio Engracio San Francisco de Muelle ang suhestiyon ni Fructuoso Vuelta de San Miguel pagkat ipinabasa rin niya ang titulo hanggang sabay pang napailing ang dalawa dahil posibleng hindi sila kuntento sa lawak ng lupain na isinasaad sa dokumento kung hacienda ang balak itayo nila kaya napabuntung–hininga nang malalim ang punong–bayan ng Alcala nang maisaloob na mali pala ang kanyang kutob.  Sapagkat talagang kulang ang dalawang ektarya para gawing hacienda ay ibinalik ni Don Flavio Engracio San Francisco de Muelle ang titulo para hanapan siya ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno nang mas angkop sa kanyang negosyo ang lawak ng lupain upang minsanan lamang ang pagpapatayo ng bakod para hindi ito pasukin ng mga intruso pagkat inaasahan nang mangyayari ito kung walang nagbabantay.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *