Samantala, hindi naman nakaligtas sa matatalas na mga mata ng mga damas malvadas ang nangingimbulong ngiti ng kanilang mga esposo habang minamasdan ng mga ito si Prinsesa Imurung pagkat waring tinatanglawan ng balangaw ang kanyang katawan dahil sa kinang ng mga ginto kaya lalong naniningkad ang kanyang pambihirang kariktan sa kanilang paningin. Talagang nangingibabaw ang kagandahan ni Prinsesa Imurung sa lahat nang mga kababaihan na dumalo sa kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kung hindi lamang naging balakid ang kulay ng kanyang balat upang isipin na isang diyosa ang bumaba sa palacio del gobernador mula sa kalangitan kaya nabihag nito nang walang kalaban–laban ang puso ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado dahil posible na malaki rin ang deperensya sa mga mata niya. Sapagkat nawaglit na yata sa kanya ang mga naggagandahang Española na naghihintay lamang sa kanyang pagbabalik ng bansang España ngunit maaaring totoo rin ang kasabihan na mas gugustuhin na lamang niya ang mag–ulam ng tuyo kaysa katakam–takam na litson kung milya–milya naman ang layo nang kinaroroonan nito at kailangan pa ba ang banyo kung puwede namang umihi kahit saan.
Sana, pagpalain ang mga puso na may takot sa masamang gawain dahil hindi nabighani kay Prinsesa Imurung ang kura paroko ng Basco kung totoo na araw–araw siyang nagsisimba pagkat nagiging taytay ng tukso ang madalas na pagkikita maski pabulaanan pa ito ng magkalaguyo ngunit wala namang salawahan ang tahasang umaamin ng kanyang kataksilan. Dapat pala ipagpasalamat din ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado ang pagiging tapat ni Prinsesa Imurung sa kanilang pagmamahalan ngunit hindi naman yata tama ang ibahay siya sa kapatagan ng Sierra Madre dahil mga ermitanyo lamang ang gustong mamuhay sa loob ng kuweba maliban na lamang kung talagang ayaw ipaalam ang problema nilang mag–asawa kaya nararapat lamang respetuhin nang lahat. Kunsabagay, habang ayaw maniwala ng mga panauhin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno na mas masarap ang inihaw kaysa sinigang ay talagang malayo ang posibilidad upang magkatotoo ang hinala na parehong hindi alam nina Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado at ng kura paroko ng Basco ang pagkakaiba ng itim at puti dahil may depekto ang kanilang mga paningin. Tuloy, lalong humaba ang mga nagmamantikang nguso ng mga damas malvadas nang biglang yapusin ni Prinsesa Imurung si Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado dahil sa tindi ng nararamdamang kilig kasama na rin ang pasasalamat hanggang sa napaalik–ik siya nang gumanti ang opisyal ngunit katanungan pa rin kung palabas lamang ang kanilang lambingan upang ilihim ang totoong problema sa kanilang mag–asawa. Pati ang malisyosong utak ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte ay nagtatanong din kung ikinasal na ba sina Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado at Prinsesa Imurung ngunit hahayaan naman kaya ng Datu ng Itbayat na magniniig ang dalawa maski walang basbas nang kasal ang kanilang pagsasama kung masamang ehemplo ang ipinapakita naman nito sa kanilang tribu lalo’t hindi nila kalahi ang napangasawa ng nag–iisang prinses ng kanyang buhay. Baka siya pa ang nagkasal sa kanilang dalawa maski sukal sa kanyang kalooban basta huwag lamang malalabag ang kanilang kaugalian ngunit tiyak na walang naganap na pasalap kung naging kagawian na nila ito pagkat mayaman ang Datu ng Itbayat upang obligahin pa niya si Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado kung uniporme lamang ang dala nang madestino siya sa probinsiya ng Batanes.
“¿Te refieres a . . . Gobernador del Prado? ¿Mantengase alejado de Batanes . . . su esposa? ¿Esta bien . . . mi entendimiento? ¿Eh?” Lalong namangha ang lahat nang idaan sa tango ang tugon ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado sa tanong ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno dahil mas ligtas kung manatili na lamang sa probinsiya ng Batanes si Prinsesa Imurung kahit paboritong dalawin ng bagyo ang isla kaysa maninirahan siya sa kapatagan ng Sierra Madre maski magkaroon pa ng kapilya ni San Jose roon kung isang prayle lamang ang itinalaga ay delikado pa rin ang pook habang wala pang naitatayo na destacamento de tropas. Aywan kung narating na ng mga panauhin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang lalawigan ng Batanes maliban kina Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado at Prinsesa Imurung ngunit natitiyak nila na mas ligtas pa rin ang mamuhay roon maski kinailangan pa nila ang tumawid sa dagat lulan ng lantsa para marating ang isla maski peligroso ang biyahe kung masama ang panahon. Samakatuwid, talaga palang hindi na mapipigilan pa ang balak ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado upang ilayo mula sa sibilisadong bayan ng Basco si Prinsesa Imurung ngunit tila hindi man lamang ito ikinabahala ng babaeng katutubo pagkat ngumiti pa siya gayong hindi naman lingid sa kanya ang dulot na panganib kung mag–isang naninirahan siya sa liblib na pook at batid din kaya ng Datu ng Itbayat ang planong ito ng mag–asawa. Sakaling mali upang isipin ng mga damas malvadas na maaaring nagkaroon lamang ng matinding hidwaan sa pagitan nina Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado at ang Datu ng Itbayat kaya napilitang bumili ng lupain sa kapatagan ng Sierra Madre ang opisyal para ilayo si Prinsesa Imurung nang hindi siya madamay ay posibleng ito rin ang isang dahilan pagkat hindi magpupursigeng lumayo ang mag–asawa sukdang mapunta pa sila sa liblib na pook. Gayunpaman, maski nagkaroon ng maraming haka–haka ang lahat kabilang na ang Gobernador ng Cagayan ay sadyang mahirap arukin ang naging desisyon ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado upang itira niya sa liblib na pook si Prinsesa Imurung samantalang naroroon sa probinsiya ng Batanes ang mga magulang ng babaeng katutubo ngunit tiyak na hindi ito ang kanyang naisip na katuwiran maski madali lamang para sa kanya ang bumili ng lupa sa bayan ng Aparri kaysa lumayo pa sila. Posibleng nakondisyon na ang sarili ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado para panatilihing alimis ang problema nilang mag–asawa kahit magiging katanungan ng mga kaibigan nila kung bakit nagpakasal pa sila gayong maghihiwalay rin pala lalo’t hindi pa yata natatagalan ang kanilang pagsasama samantalang sa probinsiya ng Batanes din naman ang kanyang destino hanggang sa magiging palaisipan na rin nila ito habang walang binabanggit tugkol dito ang opisyal. Napaismid naman ang mga damas malvadas dahil hindi nila masang–ayunan ang tinuran ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno na may nakahihigit pa pala sa kagandahang taglay ng mga Española maski masakit tanggapin ang katotohanan na salat sila sa kagandahang–asal kung ikumpara sa babaeng katutubo pagkat tahimik lamang sa tabi ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado sapul nang dumating siya sa palacio del gobernador. Samantalang taglay na yata ni Prinsesa Imurung ang lahat nang katangian na hinahanap ng mga pusong pihikan bukod pa ang mga palamuting ginto sa kanyang katawan gayong abaniko lamang na gawa mula sa Pugad Lawin ang tanging mayroon ang mga damas malvadas maski paulit–ulit pang tumaas ang kanilang mga kilay sa tuwing may ibinubulong ang isa kanila. Pero ayaw pa rin magpaawat ang mga damas malvadas nang maibulong nila sa isa’t isa na maaaring nagkaroon ng karibal si Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado dahil sa mga katangian ni Prinsesa Imurung ngunit ayaw lamang isiwalat nito pagkat totoo naman na pilyo sa mga babaeng katutubo ang mga kura paroko hanggang sa nanlaki ang kanilang mga mata nang magbigay pa ng pruweba ang isa sa kanila. Walang binanggit kung sino ang kanyang tinutukoy basta ipinapaalaala lamang sa kanilang bulungan na may katotohanan ang kuwento tungkol sa mga alagad ng simbahan na ginagamit pa ang utos ng Diyos upang buntisan ang mga kababaihang binyagan dahil madaling linlangin ng kasinungalingan ang kanilang kamangmangan maski mauulit pa nang maraming beses ang ginagawang kahayupan. Pero magiging pabor naman sa mga lahing Pilipino kung totoo ang kuwento ng mga damas malvadas pagkat mababago na rin ang kanilang mga hitsura kaya tiyak na magbibigay ito ng matinding kompetisyon laban sa mga banyaga pagdating ng araw na magkakaroon ng timpalak–kagandahan sa buong mundo basta huwag lamang labio leporino.
“¿Por que? ¿Eh?” Bagaman, hindi dapat pakialaman ni Señor Vittorio Vicente Santores Marasigan ang desisyon ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado ngunit nahikayat pa rin siyang magtanong dahil talagang naging palaisipan para sa kanya kung pagsisimba lamang pala ang problema ni Prinsesa Imurung pagkat natitiyak niya na may simbahan ang bayan ng Aparri kung ayaw nito sa simbahan ng Basco. Kaya sa kanyang tanto ay talagang may problema sina Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado at Prinsesa Imurung pagkat hindi niya ipagpipilitan ang bumili ng lupain sa kapatagan ng Sierra Madre kung walang malubhang kadahilanan ngunit maaaring nahihiya lamang siya upang aminin ito dahil tiyak na maaapektuhan naman ang kanilang pagsasama lalo na ang kanyang tungkulin bilang Gobernador ng Batanes. Habang tinatanong naman ng mga damas malvadas ang grupo nila kung wala ba sa plano ng mag–asawang Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado at Prinsesa Imurung ang magkaroon agad ng anak para maglubag ang loob ng Datu ng Itbayat nang maisaloob nila na maaaring siya ang iniiwasan ng dalawa kung totoo ang hinala nila na tinututulan nito ang kanilang pagsasama.
ITUTULOY
No responses yet