At ang pagpapatayo ng bahay sa kapatagan ng Sierra Madre ay maaaring bahagi ng kanyang paghahanda kung sakaling pagbigyan ng kapalaran ang kanyang pangarap lalo’t hinihintay na lamang niya ang kautusan mula sa opisina ng Gobernador–Heneral ng Pilipinas kaugnay sa kanyang promosyon para magiging ganap nang gobernador ang kanyang katungkulan. Pagkatapos ang kanyang panunungkulan sa probinsiya ng Batanes ay magiging madali na lamang para sa kanya ang lumipat kapag ipinalabas na ang kanyang promosyon pagkat may bahay na siya sa kapatagan ng Sierra Madre kaya pinaghahandaan na niya ito ngayon pa lamang habang hinihintay naman niya ang utos mula sa Gobernador–Heneral ng Pilipinas dahil pangarap din niya ang maitalaga sa malaking probinsiya. Hindi naman lingid sa kanya na talagang hahantong sa paghihiwalay nilang mag–asawa ang kanyang plano ngunit pansamantala lamang ang kanilang pagsasakripisyo dahil tinitiyak niya na hindi na muling mapapalayo pa sa kanyang piling si Prinsesa Imurung kapag nadestino siya sa malaking probinsiya upang mapapabilis ang katuparan sa kanilang mga pangarap pagkat pinanabikan na rin niya ang magkaroon sila ng anak. Subalit pinagdududahan pa rin ng mga damas malvadas ang tunay na intensiyon ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado kahit marami ang tumatango bilang respeto nila sa kanya dahil siya lamang ang nakababatid sa totoong sanhi pagkat hindi naman nila nababasa sa kanyang mga mata ang katotohanan matangi ang mga salitang binibigkas niya maski may pag–aalinlangan pa rin ang kanilang mga kalooban. Palibhasa, wala sa mga opisyal partikular ang mga Alcalde ang may ganitong plano ay hindi kataka–taka kung matindi ang nararamdamang pangingimbulo ng mga damas malvadas pagkat totoong kalabisan na rin ang dumating na suwerte sa buhay ni Prinsesa Imurung dahil tila hindi pa sapat ang naging anak siya ng Datu ng Itbayat nang mapangasawa pa niya ang Gobernador ng Batanes hanggang sa naisaloob nila na posibleng dinidinig ng Diyos ang lahat nang panalangin niya kahit babaeng katutubo lamang siya. Talagang hindi na rin pag–iinteresan pa ng mga Alcalde ang bumili ng mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre para magiging bahay–bakasyunan sana nila dahil libre naman ang paninirahan ng kanilang mga pamilya sa residencia ejecutiva samantalang hindi nila gamay ang mahirap na pamumuhay sa liblib na pook pagkat galing sila sa sibilisadong bansa. Marahil, wala rin sa plano nila ang manatili ng Pilipinas kung paso na ang kanilang termino bilang mga Alcalde pagkat walang duda na mas gugustuhin pa ng kanilang mga pamilya ang bumalik na lamang ng bansang España kung pagbasehan ang kasalukuyang sitwasyon at kung hindi nga naman produktibo ang kanilang paninirahan na taliwas sa punong–bayan ng Alcala dahil maparaan kaya yumayaman. Pero ang bumili ng lupain ay pruweba naman na kayang ibigay ng isang opisyal ang luho ng kanyang maybahay dahil pinapatunayan nito kung gaano niya pinapahalagahan ang kanilang pagmamahalan lalo’t naging pangako nila sa isa’t isa ang magsama sa hirap at ginhawa ngunit mainam na rin ang naging katuwiran ng mga Alcalde dahil lalong maliligalig ang mga katutubong erehe kung mga damas malvadas din lamang ang maninirahan sa kapatagan ng Sierra Madre.
“¡Pooh! El terreno en este titulo es perfecto . . . para usted y su esposo! ¡Gobernador del Prado! ¡Cerca del rio! ¡Si! ¡Cruza ese rio . . . la tierra en el titulo de Obispo Aduarte! ¡Asi sera facil . . . para tu amada esposa ir a la iglesia! ¡Incluso todos los dias! ¡Aqui!” May dahilan kung bakit kay Prinsesa Imurung ibinigay ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang titulo sa halip na tanggapin ito ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado dahil siya naman ang interesadong bumili ng lupain ngunit kailangan malaman niya ang sagot sa tanong na kanina pa tumatayon sa kanyang isip maski magdudulot pa ng kahihiyan sa babaeng katutubo ang kanyang mapaglihong intensiyon basta mapatunayan lamang ang kutob niya. Kaya minabuti niya ang huwag munang umalis agad sa likuran ng mag–asawang Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado at Prinsesa Imurung matapos ibigay ang titulo upang pakiramdaman ang magiging reaksiyon ng babaeng katutubo sa pagbabasakali na masusungkaran niya kung marunong ba magbasa ang prinsesa ngunit hindi umubra ang kanyang panlalang. Sapagkat siya ang nasawil nang humantong sa kabiguan ang kanyang balakyot na intensiyon dahil ipinasa agad ni Prinsesa Imurung kay Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado ang dokumento sa halip na basahin muna niya saka ngumiti sa kanya upang magpasalamat kaya tumango na lamang siya maski dismayado para hindi pansinin ng Gobernador ng Batanes ang kanyang ginawa. Seguro, nahiwatigan ni Prinsesa Imurung ang intensiyon ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kaya hindi na pinatagal sa kanyang kamay ang titulo pagkat sadyang matatalas ang pakiramdam ng mga katutubo ngunit naaliw naman ang Gobernador ng Cagayan dahil sa naging reaksiyon niya lalo’t limang taon nang biyudo ang may kaarawan maski totoo na naging pangako nito ang huwag nang mag–asawa uli. Kasi, hindi marunong magbasa ang karamihan sa mga kamarera ngunit natuto na lamang sila sa wikang Español pagkat ito ang lengguwahe sa palacio del gobernador kaya maaaring ganito rin ang naging palagay ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno lalo’t hindi pa nagsasalita si Prinsesa Imurung mula nang dumating sila ni Teniente Gobernador Carlos Antillano del Prado sa palacio del gobernador. Gayunpaman, may pagdududa pa rin ang mga damas malvadas kung kayang gisingin ng kagandahan ni Prinsesa Imurung ang nahihimlay na pag–ibig ng Gobernador ng Cagayan kung totoo ang nasagap nilang kuwento na sadyang iniwan sa bansang España ang kanyang puso upang tiyaking mapapangatawanan ang pangakong binitiwan sa puntod ng kanyang hermosa esposa na hindi na niya nanaisin pa ang mag–asawa uli. Kunsabagay, alam naman ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kung anong edad ang nababagay sa biyudong katulad niya dahil maaliwalas pa naman ang kanyang pag–iisip upang ikopromiso sa problema ang kanyang sarili kung kailan matanda na siya para naisin pa ang magiging hinete sa gabi pagkat laging nagpaalaala sa kanya ang matinding banta ng kanyang mga anak na mas gustuhin na lamang nila kung bangkay na lamang niya ang bumalik ng bansang España kaysa darating siya na may asawa. Dagdag pang kinakatakutan niya kung totohanin ng kanyang mga anak ang banta na ipapasok siya sa puntod ng kanilang ina kapag nag–asawa uli siya kaya hindi bale nang wala siyang karamay sa pagtanda habang hinihintay niya ang pagbabalik ng bansang España basta mapapanatili lamang niya ang magandang relasyon ng kanilang pamilya kaysa mailibing nang buhay.
“¡Solo un momento . . . Gobernador Nepomuceno! ¿Como es nuestra seguridad alli? ¿Lo que quiero decir es . . . para el fraile destinado alli?” Sapagkat hindi maipapangako ang kaligtasan para sa sinumang maitatalagang prayle sa itatayong kapilya ni Señor San Jose sa kapatagan ng Sierra Madre dahil walang sariling hukbo ang alqagad ng simbahan para magbibigay ng proteksiyon sa kanya habang ginagampanan ang mga tungkulin niya hanggang hindi pa nagkaroon ng destacamento de tropas doon ang mga soldados upang mapanatag ang kanyang kalooban kahit nag–iisa lamang siya. Hindi sapat ang maghapon at magdamag na pagdarasal ng prayle kung galit ng mga katutubong Malauegs ang gumawa ng marahas na hakbang para ipaghihiganti ang kanilang mga kalahi na pinatay ng mga soldados hanggang sa nawalan sila ng sariling komunidad pagkat tiyak na hindi nila palalampasin ang pagkakataon habang nag–iisa lamang siya sa pook na pawang mga katutubong erehe ang nasa paligid. Puwes, may punto ang tanong ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte dahil kailangan matupad ang pangako ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno na magtatayo ng mga destacamento de tropas ang pamahalaang Kastila ng Alcala para pangalagaan ang seguridad ng may mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre upang hindi sila guluhin ng mga katutubong Malauegs pagkat dating pagmamay–ari nila ang mga lupain na binabanggit sa mga huwad na titulo. Tiyak na hindi magiging madali para sa isang prayle ang manirahan sa liblib na pook nang mag–isa lamang siya dahil walang mahihingan ng tulong sakaling kailanganin niya ito at magiging kalaban niya ang matinding kalungkutan lalo’t galing siya sa sibilisadong bansa pagkat pagsasawaan din niya ang araw–gabing pagdarasal upang libangin lamang ang sarili. Para sa kanya na nagsisimula pa lamang magpalaganap ng pananampalataya ay lubhang delikado ang manatili siya sa kapatagan ng Sierra Madre na pawang mga katutubong erehe ang naninirahan sa paligid maski maitayo pa ang kapilya ni Señor San Jose hanggang walang kampo ng mga soldados ang nagbibigay ng proteksiyon sa kanya dahil hindi maililigtas ng rosaryo kanyang buhay. Depende na lamang kung tuparin ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang plano nito na magpapatayo ng mga destacamento de tropas sa mga ubicacion estrategica upang lalong darami pa ang mahikayat bumili sa mga huwad na titulo kapag nalaman nila na ligtas pala ang magkaroon ng mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre pagkat protektado sila ng mga soldados. Mangyri, maski lumipat na sa pusod ng kagubatan ang mga katutubong Malauegs ay hindi pa rin dapat ipagkibit–balikat ang posibilidad na maiisip nila ang gumanti sa pamahalaang Kastila ng Alcala pagdating ng araw na magagawa na ng mga bagong henerasyon ang lumaban pagkat hindi ito maiiwasan maski tumutol pa si Lakay Awallan dahil may katuwiran naman upang gawin nila ito. Aywan kung naroroon pa rin sa lumang komunidad ng mga katutubong Malauegs ang mga soldados na itinalaga ni Alferez para magbantay pagkat puwedeng sila muna ang mangalaga sa seguridad habang hindi pa sinisimulan ang pagpapatayo sa mga destacamento de tropas sa kapatagan ng Sierra Madre para mapawi lamang ang pangamba ng mga negosyante.
ITUTULOY
No responses yet