Siyempre, ayaw rin naman magpadaig kay Prinsesa Imurung ang mga damas malvadas maski nasisilaw na sila sa kinang ng kanyang mga ginto dahil ang pagtanggi ng kanilang mga marido upang magkaroon din sila ng mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre para pagtatayuan ng bahay–bakasyunan ay posibleng hahantong sa diborsiyo na may kasamang reparto. Sapagkat tunay na kahihiyan ang malaman nang lahat na hindi pala kayang ipagkaloob ng mga Alcalde ang mga kapritso ng kanilang mga ama de casa samantalang mura lamang ang halaga kung ibase sa sahod nila dahil depende naman ito sa lawak ng lupain na isinasaad sa bawat huwad na titulo upang magkaroon ng kapitbahay si Prinses Imurung. Mistulang normal na desisyon na lamang para sa mga damas malvadas ang maghamon ng diborsiyo kapag hindi napagbibigyan ang kanilang mga kapritso kaya wala silang pagkakaiba kay Señora Mayora dahil tila isinusuko na sa mayordoma ang kanyang karapatan kay Alcalde basta sa kanya naman mapupunta ang mapagbentahan sa mga huwad na titulo pagkat ano’t bumili pa sila ng kaha de yero kung wala naman palang ilalagak doon. Aywan kung nabanggit ni Alferez sa Comandante del Ejercito de Tierra sa probinsiya ng Cagayan ang tungkol sa subastahan sa mga huwad na titulo pagkat bumili rin siya matapos tiyakin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang pagpapatatayo sa mga destacamento de tropas upang bigyan ng proteksiyon ang mga may lupain sa kapatagan ng Sierra Madre ngunit sukat para sa bahay–bakasyunan lamang ang titulo na kinuha niya. Subalit kumunot ang mga noo ng mga damas malvadas nang malaman nila na bumili rin ng huwad na titulo ang Comandante del Ejercito de Tierra sa probinsiya ng Cagayan dahil muling lumikaw ang kanilang utak maski kailangan pang kumpirmahin ang katotohanan kaugnay sa kanilang nasagap na usap–usapan tungkol sa kanya ngunit dali–daling itinakip sa kanilang mga mukha ang mga abaniko pagkat takot din naman na makulong sila kahit mga opisyal pa ang kanilang mga marido dahil sa kawalan ng pruweba na may kerida siya. Mabuti na lamang hindi dumalo sa misa kantada ang mga damas malovadas pagkat seguradong lumikha ng malaking isyu ang kanilang pagiging darag kaya mapipilitang magsalita ang estatuwa na laging tikom ang bibig upang pangaralan sila hanggang sa pandilatan sila ng mga matang hindi kumukurap, sampalin ng kamay na rosaryo ang laging hawak at ipatugis sa kanyang tandang na hindi tumitilaok! Sa pakiwari naman ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ay walang duda na magiging progresibo ang dating liblib na pook sa kapatagan ng Sierra Madre kung marami ang maganyak mamuhay roon lalo’t kaaya–aya ang klima kaya hindi malayo na maragdagan pa ng isang bayan ang probinsiya ng Cagayan balang araw gaya nang naging pangarap naman ni Alcalde. Subalit malinaw na mapupunta lamang kina Alcalde at Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang mga biyaya nang walang kahirap–kahirap sa halip na magiging karagdagang kita sa kaban ng bayan ng Alcala ang sana’y kabayaran na dapat tanggapin ng mga katutubong Malauegs pagkat sila ang tunay na nagmamay–ari sa malawak na lupain sa kabundukan ng Sierra Madre. Bagaman, batid ng mga katutubong Malauegs na hindi sila magiging bahagi kahit kailan sa pag–unlad ng kanilang bayan dahil hindi angkop ang kanilang kamangmangan sa lipunan na nais paiiralin ng mga banyaga na nagmula sa sibilisadong mundo ngunit hindi pa rin makatuwiran upang agawin ang kanilang mga lupain sa marahas na paraan hanggang sa maraming buhay ang naglaho sanhi ng kasakiman. Habang iwinagayway ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang natitirang mga huwad na titulo upang ipabatid sa lahat na ngayon ang tamang pagkakataon para samantalahin nila ang bumili ng mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre pagkat tiyak na marami pa ang nais magkaroon din kapag napagtanto nila ang magiging kapakinabangan nito sa mga darating na araw. Dahil sa naging resulta sa ginaganap na subastahan sa mga huwad na titulo ay tila nag–iisip na naman si Alcalde pagkat ito pala ang madaling paraan upang hindi balakin ni Señora Mayora ang diborsiyo kahit totoong pabor sa kanya kung ituloy nito dahil hindi na kailangang lumabas pa siya para maghanap ng kapalit kung naroon lamang pala sa residencia ejecutiva ang matagal nang nangangarap para makapiling siya. Palibhasa, masigla ang takbo ng subastahan sa mga huwad na titulo ay nanatili na lamang sa kusina ang mga kamarera nang pansinin ng mga damas malvadas ang kanilang katabaan maski normal lamang ito pagkat nagiging madali na lamang sa kanila ang sumubo paminsan–minsan hanggang sa hindi nila namamalayan ay katumbas ng dalawang bandehado na pala ang naubos nila kaya namamangha na lamang sila kapag tumatayo sa harap ng salamin na hindi sinungaling. “Faltan tres titulos mas!” [Tatlong titulo . . . ang naririto pa!] Nagsara ang subastahan nang bilhin ng Gobernador ng Nueva Vizvaya na si Señor Isidro Palermo Zaldivar de Padua, ang natitirang tatlong titulo dahil pagtatanim ng mais at mani ang balak naman niya sa nabiling mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre para ibenta sa bansang España kahit taunan lamang ang daong ng galyon sa puwerto ng Aparri ngunit hindi ito naging poblema niya pagkat taunan din naman ang anihan. Gustong maghihiyaw sa tuwa ni Alcalde pagkat nagtagumpay ang ginanap na subastahan na walang nagparinig ng pagdududa tungkol sa legalidad sa mga huwad na titulo dahil ito lamang ang pinapakiramdaman niya mula nang inumpisahan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang pagbebenta sa mga ito lalo’t unang pagkakataon nang maisip niya ang katampalasang ito. Ginamit na sangkalan lamang ni Alcalde ang malaking pagkakautang ng mga katutubong Malauegs sa buwis at amilyaramyento ayon sa itinakda sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala upang patituluhan niya ang kanilang malawak na lupain dahil mababayaran man ang malaking halaga ay tuloy pa rin ang kanyang plano ngunit karakang naramdaman niya ang lungkot nang maalaala na hindi pa pala siya kumain ng almusal at pananghalian. Tuloy, natapik niya nang wala sa loob ang sariling balakang matapos maalaala ang kanyang kalsunsilyo pagkat minsan pang napatunayan ang taglay na suwerte nito sa kanyang buhay kaya hindi baleng nagtitiis siya ng gutom dahil hindi naman siya nagkaroon ng kaso maski huwad ang mga titulo na ibinenta niya nang buong kapangahasan hanggang sa naulit pa ang pagtapik niya sanhi ng labis na kagalakan ngunit sa balikat na lamang nang lumingon sa kanya ang Gobernador ng Cagayan. Walang duda na uuwi siya sa residencia ejecutiva dala ang kabayaran sa mga huwad na titulo na nagdulot ng malaking problema sa kanya nang muntik nang mawala ang pinaglagyang sobre sanhi ng kanyang kapabayaan hanggang sa muling dumako sa pangalawang mesa ang kanyang mga mata sa pag–aakala na bumalik si Alferez dahil gusto rin sanang alamin niya ang naging reaksiyon nito. Maya–maya, pumikit siya para mag–alay ng maikling pasasalamat kay Señor San Pedro dahil malapit nang iparada sa mga lansangan ng Tuguegarao ang istatuwa nito ngunit pinahuhulaw muna ang tikatik pagkat tuloy pa rin pala ang prusisyon upang pagbigyan ang kahilingan ng mga deboto maski lumalakas ang hangin sanhi ng nagbabantang sama ng panahon mula pa kahapon. Muling napatingin sa pangalawang mesa si Alcalde ngunit hindi na muling umakyat sa palacio del gobernador si Alferez dahil minabuti niya ang maghintay na lamang sa karwahe nang maisip niya na maaaring malapit na rin matatapos ang subastahan sa mga huwad na titulo nang mapansin niya na isa–isa nang nagbabaan ang mga ayudante ng mga gobernador maging ang mga negosyante mula sa probinsiya ng Bulacan. Habang hinihintay naman ni Alcalde ang magiging parte niya sa napagbentahan sa mga huwad na titulo mula kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno para hindi na siya babalik pa ng palacio del gobernador pagkat ayaw na niyang maalaala pa ang nararanasan niya ngayon dahil hindi pa rin nasasayaran ng kahit isang hiwa ng taba ang kanyang mga labi hanggang sa inihuhudyat na ang alas–seis nang hapon sa munisipyo ng Tuguegarao ngunit nagpapasalamat pa rin siya pagkat nakayanan niya ang tumayo nang matagal. Nang biglang nauntol ang kanyang pasasalamat dahil seguradong hindi matutulog si Señora Mayora hanggang hindi pa siya dumarating sa residencia ejecutiva dala ang napagbentahan sa mga huwad na titulo ngunit mangyayari naman kaya ang kanyang inaasam kung magpaunang–bayad lamang ang mga negosyante gaya nang binabalak ni Don Flavio Engracio San Francisco de Muelle. Balak pa man din niya ang huwag munang pumasok sa opisina upang hindi siya magmamadaling gumising bukas nang umaga para palipasin na rin ang init ng ulo ni Alferez dahil pareho ang naging karanasan nila imbes na masiyahan sila ngunit mangyayari naman kaya ito kung maghuramentado ang kanyang hermosa esposa pagkat hindi rin siya segurado kung maibigay na ngayon ng Gobernador ng Cagayan ang kanyang parte. Kaya hindi siya lumayo sa tabi ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno lalo’t patapos na ang subastahan upang alam ang kabuuang sumada sa napagbentahan sa dalawampung huwad na titulo pagkat siya rin ang nagtakda sa presyo dahil depende naman sa sukat ng lupa ang kuwentahan para malaman ang halaga nito nang hindi maya’t maya ang pagtatanong ng sarili niya.
“¿Como pagar el titulo . . . eh? ¿Gobernador Nepomuceno?” Galing kay Don Flavio Engracio San Francisco de Muelle ang paglilinaw pagkat talagang hindi nagdadala ng malaking halaga ang mga negosyante mula sa lalawigan ng Bulacan dahil sa grupo ng mga salteador na nag–aabang ng mga biyahero kaya magiging problema niya kung ngayon din hingin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang bayad sa mga titulo gayong sapat lamang para sa personal na panggastos ang perang dala nila.
ITUTULOY
No responses yet