Sapagkat iniiwasan nila ang paninimbad ng mga salteador na nanghaharang sa mga biyahero kahit lulan sila ng karwahe basta gabi dahil walang mahingian ng tulong sa mga liblib na lugar kung saan sila nag–aabang lalo na ang papunta sa lalawigan ng Casgayan pagkat naglipana sa carretera ang mga mandarambong.na talagang pumapatay sa tuwing tumatanggi ang kanilang biktima. Kaya isang grupo sila nang umalis sa lalawigan ng Bulacan para walang salteador ang magtangkang pumara sa kanila dahil hindi na lingid sa kanila ang posibleng mangyari kapag may iniharang sa kalsada at sa carretera na sakop sa lalawigan ng Nueva Vizcaya madalas nangyayari ito pagkat walang nagsasagawa ng patrolya sa lugar upang mapangalagaan sana ang kaligtasan ng mga manlalakbay kahit sa araw kung masama ang panahon. Kalimitan, tumatagal ng isang linggo ang biyahe ng isang grupo kahit ang papunta ng Maynila dahil nagpapalipas muna sila ng magdamag kung saan sila abutin ng dilim pagkat panatag ang kanilang mga kalooban kung sa araw sila naglalakbay kaysa sa gabi na lubhang delikado kahit marami pa sila kaya nagdadala sila ng mga gamit sa pagluluto. Baka magbibigay na lamang sila ng paunang–bayad sakaling humingi ng antisipo si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno at ipapadala na lamang nila sa pamamagitan ng koreo ang balanse pagdating nila sa lalawigan ng Bulacan kaysa babalik pa sila sa palacio del gobernador kung ito lamang ang sadya nila para segurado na walang mangyayaring masama sa kanila. Sapagkat posibleng ipagbibili ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno sa ibang interesado ang mga titulo kung hindi sila maglagak ng paunang–bayad dahil lalong dumami pa ang mga nagpahayag ng kagustuhan upang magkaroon din sila ng mga lupain sa kapatagan ng Sierra Madre nang malaman na magtatayo ng destacamento de tropas ang pamahalaang Kastila ng Alcala para pagkalooban sila ng proteksiyon. Kaya maaaring masusundan pa ang subastahan sa mga huwad na titulo ng pamahalaang Kastila ng Alcala kung matunton ng mga soldados ang bagong komunidad ng mga katutubong Malauegs sa pusod ng kagubatan ngunit hindi naman maipapangako kung kailan ito habang hindi naniniwala si Alferez na may nakaligtas sa kanila noong isinagawa ang pangalawang operasyon.
“¡Solo cincuenta pesos . . . el metro cuadrado! ¡Don Flavio! ¡El pago puede retrasarse! ¡Simplemente no excedas una semana! ¡Si” Marahil, nawaglit lamang sa isip ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno nang siya na ang nagtakda sa presyo gayong binanggit na ni Alcalde ang tungkol dito noong unang nai–presenta sa kanya ang plano niya na pagbebenta sa mga huwad na titulo ngunit tama pa rin naman ang kanyang naging sagot sa tanong ni Don Flavio Engracio San Francisco de Muelle pagkat ito naman ang talagang napagkasunduan nila. Nang gulantangin silang lahat dahil sa sunud–sunod na berso kaya napatingin sila sa labas ng bintana upang alamin ang sanhi ngunit inihuhudyat lamang pala nito ang pagsisimula sa prusisyon na pinangunahan ni Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte habang sinusundan niya at ng mga prayle na umasiste sa kanya sa misa kantada kaninang umaga ang istatuwa ni Señor San Pedro at ang mga deboto na pawang mga katutubong binyagan pagkat kabisado na nila ang dasal sa wikang Latin maski hindi matiyak kung naintindihan nila ito. Sumabay sa hudyat ng alas–cuatro nang hapon ang paalam ng Obispo ng Cagayan kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno dahil nagkaroon pa ng misa sa simbahan ni Señor San Pedro bago ang ginaganap na prusisyon ngunit kapansin–pansin ang kaunting bilang ng mga sumama pagkat maaaring pinangambahan nila ang biglang buhos ng ulan sanhi ng masamang panahon maski sandaling nagpamalas kaninang tanghali ang araw. Samantala, pinangatawanan na lamang ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang naging desisyon niya tungkol sa presyo sa mga lupain nang makita niya ang pagtango ni Alcalde saka dali–daling nag–antanda nang matanaw niya ang karosa ng istatuwa ni Señor San Pedro habang inilalabas ito mula sa simbahan pagkat nalimutan na rin niya ang magsimba kaninang umaga kahit kaarawan din niya ngayon sanhi ng kanyang kaabalahan. Seguro, matagal na ang tatlong buwan para sa kanya upang malimutan ang napag–usapan nila ni Alcalde pagkat nawala rin sa isip niya ang tungkol sa presyo sa mga lupain kung hindi pa itinanong ito sa kanya ng mga negosyante mula sa probinsiya ng Bulacan ngunit mura na ang binabanggit niyang presyo dahil matatagpuan naman sa liblib na pook ang mga lupain bukod sa hindi pa ito desarrollado kaya masuwerte pa rin ang mga bumili sa mga titulo pagkat hindi sila tumitingin sa kasalukuyang panahon kundi sa magiging kapakinabangan ng kanilang propyedad pagdating ng araw na progresibo na ang kapatagan ng Sierra Madre. At wala namang puhunan si Alcalde kundi ang mga pirma niya lamang sa bawat huwad na titulo maski naubos ang mga alak sa estante niya dahil rasyon naman mula sa palacio del gobernador ang mga ito kaya kasakiman na rin para patungan pa niya ang presyo na cincuenta pesos cada metro cuadrado upang hindi siya parurusahan ng tadhana pagkat siya ang dahilan kung bakit napatay sa operasyon si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz. Dapat makuntento na si Alcalde dahil naipagbili naman ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang dalawampung mga huwad na titulo sa minsanang subastahan lamang kahit hindi siya ang naghikayat sa mga negosyante kaya maliwanag na wala siyang partisipasyon maliban sa kaunting pagod noong pinipirmahan niya ang mga naturang dokumento at pagbalangkas sa plano ngunit ipinasa naman niya kay Alferez ang pagsakatuparan nito. Nang malaman ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno na marami pala ang gustong magkaroon ng lupain sa kapatagaan ng Sierra Madre ay bumaling siya kay Alcalde dahil itatanong sana niya maski sa senyas lamang kung may kasunod pa ba ang katatapos lamang na subastahan upang mapangakuan niya ang mga nagpahayag ng interes. Hanggang sa naisaloob ng Gobernador ng Cagayan na maaaring nalibang sa panonood ang pansin ni Alclde kahit pabalik na sa simbahan ni Señor San Pedro ang prusisyon ngunit nagkamali siya dahil abala pala sa pagkukuwenta sa napagbilhan sa mga huwad na titulo ang isip ng punong–bayan ng Alcala base sa presyo na cincuenta pesos cada metro cuadrado. Lingid sa Gobernador ng Cagayan ay pinagsisisihan naman ni Alcalde ang presyo na cincuenta pesos cada metro cuadrado pagkat lumalabas na masyadong mura ang halaga kung pagbatayan ang bilang ng mga naghahangad upang magkaroon din ng lupain sa kapatagan ng Sierra Madre samantalang wala namang dahilan para manghinayang siya pagkat hindi naman siya kasama sa pangalawang operasyon ng mga soldados. Hanggang sa mistulang tumambad sa kanyang harapan ang naaagnas na bangkay ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz nang biglang nagpaalaala sa kanya ang naging kasunduan nila ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno pagkat ikakaltas pa pala ang magiging porsiyento bukod pa ang komisyon niya sa bawat naibebentang titulo dahil siya ang nagsikap gumawa ng paraan upang makumbinsi ang mga honroso. Mabuti natutop agad niya ang sariling bibig sabay kagat sa kanyang dila kaya hindi siya napahiyaw dahil sa sama ng loob pagkat magkakasya lamang pala sa pitaka ang pera na inaakala pa mandin niya ay aapaw sa kanyang bagong bili na caja de hierro ngunit depende pa rin ito sa magiging desisyon ng Gobernador ng Cagayan kung kailangan bang hintayin muna nila na maibibigay ng mga negosyante ang kabuuang bayad para minsanan na lamang ang kuwentahan. Talagang ngitngit ng langit kung tuusin dahil wala rin palang mahihintay na pakinabang maski umepekto ang taglay na anting–anting ng lumang kalsonsilyo hanggang sa nagtanong ang kanyang sarili kung ‘yon lamang ba talaga ang napagbentahan sa dalawampung mga huwad na titulo pagkat biglang naramdaman niya ang takot nang mistulang bumulong sa kanya ang mayordoma na magkakaroon ng guerra mundial sa residencia ejecutiva kung wala naman palang dapat ipaghintay sa kanyang pagdating si Señora Mayora. Kunsabagay, puwede namang lumipat muna siya sa kuwartel ng mayordoma habang mainit pa ang ulo at kumukulo pa ang dugo ni Señora Mayora upang hindi mapapadali ang kanyang pamamaalam sa mundo na tigmak ng mga pgsubok at batbat ng pagtitiis ngunit kailangan sabayan pa rin ng panalangin na sana hindi maisipang sunugin ng naninibughong utak ang residencia ejecutiva. “¡Pero los titulos se los pueden llevar a casa! ¡Despues de todo . . . tienen notario! ¡Solo necesitas estar dado de alta en el . . . tasador municipal de Alcala! ¡Los titulos!” Mabibilang lamng ang nagbigay ng paunang–bayad kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno nang malaman nila na puwede naman palang mahuhuli muna ang balanse kaya wala nang dapat ipag–aalala pagkat tagimtim sa kanilang pagod sa biyahe ang maiuwi na rin ang mga titulo lalo na ang mga negosyante mula sa lalawigan ng Bulacan ngunit masakit naman ang epekto nito kay Alcalde ngayong napatunayan na tama pala ang kanyang sapantaha. Kunsabagay, sapat nang palugit ang isang linggo dahil tiyak nakarating na sa kanilang lalawigan ang mga negosyanteng Bulakeño upang maipapadala agad sa pamamagitan ng koreo ang kanilang balanse pagkat malaking abala sa kanila na maraming inaasikasong negosyo ang muling maglakbay papunta sa bayan ng Tuguegarao para magbayad lamang ng utang. Pero matindi ang panlulumo ni Alcalde nang pumayag si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno upang maglagak ng paunang–bayad lamang ang grupo ng mga negosyanteng Bulakeño maski naroron ang posibilidad na mababalam ang dating ng koreo sa bayan ng Tuguegaro pagkat maliwanag na kailangan bumalik din siya sa palacio del gobernador sa susunod na linggo para kubrahin ang kanyang parte kahit hindi pa niya alam kung magkano.
ITUTULOY
No responses yet