IKA – 128 LABAS

Sapagkat mangyayari lamang ang kuwentahan sa mga napagbebentahan kung bayad na ang lahat nang bumili sa mga huwad na titulo kaya muling napahampas sa baywang ang kanyang kamay sa pagbabakasakali na gumana uli ang suwerte ng kalsunsilyo niya upang hindi masisira ang kanyang pangako kay Señora Mayora maski imposibleng mababago pa ang desisyon.  Seguro, gagawa na lamang siya ng paraan kung sila ng Gobernador ng Cagayan ang naiwan na lamang upang linawin kung kailan ba talaga puwedeng kubrahin ang kanyang parte para hindi siya magpabalik–balik sa palacio del gobernador dahil ito rin naman ang magiging katuwiran niya kapag nag–usisa si Señora Mayora basta huwag lamang umeksena si Zafio kung ayaw ng kutserong ‘yon na maaldabis niya.  Tiyak din naman na hindi nanaisin pa ni Alferez ang sumama sa kanya kung pagbasehan ang kaninang sinapit nilang dalawa dahil kulang ang isang linggo upang malimutan niya ang masamang karanasan samantalang pista at selebrasyon sa kaarawan ng Gobernador ng Cagayan ang pinuntahan nila sa palacio del gobernador ngunit umuwing gutom na animo’y sinadya ang pangyayari pagkat silang dalawa lamang ang tanging nagkaroon ng ganitong sumpa.  Napahinagpis si Alcalde nang maisip na maaaring sa unang linggo ng Setyembre pa matatanggap niya ang pera dahil sa buwang ito gaganapin ang miting ng mga punong–bayan sa probinsiya ng Cagayan kaya biglang naparam ang kasayahan sa kanyang puso pagkat kabiguan pa rin ang naging resulta maski natagpuan nila ang nawawalang sobre.  Walang duda na madilim na ang balik nila sa bayan ng Alcala kung hintayin pa niya ang pag–alis ng mga panauhin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ngunit kailangan magtiis siya kahit abutin ng hating–gabi para malaman kung hanggang kailan dapat kunin ang parte niya dahil talagang mapipilitang sumama si Señora Mayora sa kanyang pagbabalik sa palacio del gobernador upang malaman mismo niya ang totoo.  Bagaman, walang katiyakan kung paunlakan pa si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang kahilingan ni Alcalde kahit silang dalawa na lamang sa palacio del gobernador dahil pagod din siya sa pag–eestima sa mga panauhin lalo’t siya pa ang naging tagapagsalita sa ginanap na subastahan sa mga huwad na titulo at may darating pang mga bisita mamaya na manggagaling naman ng Maynila ay talagang kailangan magpahinga muna siya kahit sandali lamang.  Baka imumungkahi na lamang ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang magpalipas ng gabi sa palacio del gobernador si Alcalde upang bukas na nila pag–uusapan ang tungkol sa napagbebentahan sa mga huwad na titulo pagkat mga negosyante mula sa lalawigan ng Bulacan ang nagbigay pa lamang ng patinga habang nag–iwan naman ng pangako ang karamihan sa mga bumili ng lupain sa kapatagan ng Sierra Madre.  At lalong hindi maaasikaso ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno si Alcalde dahil sa gaganaping baile mamayang gabi at siya pa ang naatasan upang magputong ng korona sa Mutya ng Tuguegarao kaya nakabuti sana kung isinama na lamang niya si Señora Mayora para kabilang silang mag–asawa sa mga magsasayaw ng flamenco.  Kaysa kakaba–kaba ang kanyang dibdib dahil tiyak na magsususpetsa ang kanyang hermosa esposa kung hindi niya dala ang napagbentahan sa mga huwad na titulo kaya napapadalas ang kanyang buntung–hininga, kamutin ang batok at muling tapikin ang kanyang balakang sa pagbabakasali na gumawa ng milagro ang kalsonsilyo gayong anting–anting lamang ang mayroon ito.

            Pagkatapos ang subastahan sa mga huwad na titulo ay kani–kanyang paalam na ang mga panauhin ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno dahil pipilitin naman ng mga negosyanteng Bulakeño ang bumiyahe kaysa datnan pa sila ng bagyo sa probinsiya ng Cagayan pagkat ligtas naman ang maglakbay hanggang sa lalawigan ng Isabela kung saan posibleng abutin sila ng gabi.  Nagmamadali na rin bumalik sa bayan ng Alcala si Alcalde matapos magpaalam kay Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ngunit siya lamang ang nakababatid kung nagkausap silang dalawa bago siya umalis sa palacio del gobernador basta tahimik siya habang tumatakbo ang sinasakyang karwahe dahil nagbanto sa kanyang katawan ang sama ng loob, gutom at antok sanhi ng puyat.  Sapagkat lalong pumangit ang mukha ni Alcalde ay may palagay ang kaluluwa ng nasirang Sargento Primero na hindi pumayag ang Gobernador ng Cagayan upang paluwalan muna niya ang parte ni Alcalde maski segurado namang makokolekta niya ang kabuuang bayad sa mga huwad na titulo pagsapit ng isang linggong plaso na ibinigay niya sa mga bumili.  Habang minabuti na rin ni Alferez ang umuwi imbes na magpaiwan siya sa bayan ng Tuguegarao maski tuluy–tuloy ang kasayahan sa palacio del gobernador lalo’t pinigil pa ng Comandante del Ejercito de Tierra sa probinsiya ng Cagayan ang mga opisyal ng militar para magkaloob ng seguridad mamayang gabi sa liwasan ng Tuguegarao pagkat nakatakdang magbigay ng mensahe si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno bilang panauhing pandangal sa gaganaping koronasyon sa Mutya ng Tuguegarao.  May rason naman kung bakit hindi nagkaroon ng interes para manood ng baile mamayang gabi si Alferez maski hilig pa niya ang sumayaw dahil matindi pa rin ang paghihimutok ng kanyang kalooban pagkat nalimitahan ang pag–inom niya ng alak gayong hindi naman siya ang magkaroon ng pakinabang sa mga huwad na titulo maski naibenta na ang lahat nang ito.

Idinaraing din ni Alferez ang gutom dahil hindi na muling naghain ng pagkain ang mga kamarera mula nang sinimulan ang subastahan sa mga huwad na titulo ngunit obligado pa rin siya upang bumalik sa palacio del gobernador sa susunod na taon kahit ano pa ang naging karanasan niya ngayon pagkat tungkulin niya bilang itinalagang Comandante del Ejercito de Alcala ang dumalo sa kumperensiya.  Sapagkat hindi puwedeng balewalain niya ang kumperensiya na laging isinasabay sa kaarawan ng Gobernador ng Cagayan bukod pa ang magaganap na pulong sa buwan ng Setyembre kasama ang mga Alcalde sa probinsiya ng Cagayan ngunit tiyak na wala nang magaganap na subastahan sa mga titulo dahil hindi pa natutuklasan ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang bagong komunidad ng mga katutubong Malauegs.  Samantalang mamatay–matay naman sa tindi ng pagsisisi si Alcalde dahil hindi na nga niya natikman ang handa ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno maliban sa isang tagay ng alak ay hindi pa niya naiuwi ang napagbentahan sa mga huwad na titulo kaya tuliro ang kanyang utak habang pinag–iisipang maigi ang magiging katuwiran niya pagkat tiyak na ibubugad agad sa kanya ni Señora Mayora ang tanong tungkol sa pera.  Kung alam lamang ni Señora Mayora na dumanas ng mahigit sa tatlong oras na gutom ang mga panauhin ay tiyak na magpapasalamat pa siya kahit ngayong taon lamang hindi siya isinama niAlcalde para dumalo sa kaarawan ng Gobernador ng Cagayan ngunit segurado rin naman na magtutungayaw siya kung ipaalam din sa kanya na muntik nang hindi matuloy ang subastahan sa mga huwad na titulo kung hindi nahanap ni Alferez ang sobre.  Yamang hindi na mapigilan ni Alcalde ang antok ay minabuti niya ang umidlip hanggang sa naghihilik na siya habang tumatakbo pabalik sa bayan ng Alcala ang karwahe dahil wala nang dapat ipag–aalala na mauulit pa ang nangyari sa sobre pagkat wala nang hawak na anuman ang kanyang mga kamay ngunit ayaw namang kumpirmahin ang ibinubulong ng kanyang utak kung talaga bang wala na siyang balak bumalik sa palacio del gobernador para kubrahin ang kanyang parte.  Madali namang unawain ang kasiphayuang nararamdman ni Alcalde pagkat humantong sa matinding kabiguan ang inaasahang tagumpay sa kanyang mga plano lalo’t maraming pangarap ang hindi na magkakaroon ng katuparan dahil naging bangungot ang sana’y magandang panaginip kaya posibleng hindi na rin nanaisin pa niya ang gumising.  Gayunpaman, hindi puwedeng tanggihan ni Alcalde ang bumalik sa palacio del gobernador sa susunod na taon pagkat tungkulin ng mga punong–bayan sa lalawigan ng Cagayan ang dumalo sa kaarawan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno kung siya pa rin ang Gobernador ng Cagayan lalo’t malapit na yata ang kanyang jubilacion habang wala rin katiyakan ang buhay niya sa darating na mga araw dahil sa mga atraso niya sa mga katutubo ng Sierra Madre.

            Basta ang nasambit na lamang ni Alcalde ay malas sa kanya ang kapistahan ni Señor San Pedro ngayong taon pagkat dumanas siya ng matinding kabiguan maski totoong naibenta ang dalawampung huwad na titulo ay tiyak na kanina pa siya nagtatakbo papunta sa kumbento upang itanong kay Obispo Diego Eleuterio de Soria Aduarte kung puwede pa bang bawiin ang handog niya sa misa kantada para ito na lamang ang ibigay niya kay Señora Mayora.  Seguro, unti–unti nang kumukupas ang taglay na suwerte ng kalsunsilyo lalo’t ngayon lamang niya isinuot uli ito mula nang maging punong–bayan ng Alcala siya pagkat posibleng kinapitan ng kamalasan ang lumang kasuutan nang gamitin niya ito sa walang saysay na layunin gayong isip lang naman niya ang nagkaroon ng ganitong paniniwala.  ¡Quiza!  Maging sa pagtulog ay taglay ni Alcalde ang matinding sama ng loob dahil nagkaroon pa siya ng kahati imbes na solo sana niya ang malaking halaga mula sa napagbentahan sa mga huwad na titulo ngunit konsuwelo na lamang niya ang malaman na walang pumansin sa legalidad sa mga ito kung isipin na mga kilalang negosyante pa naman sila hanggang sa natapos ang subastahan.  Isang bagay ang napagtanto naman ni Alcalde matapos ang naganap na negosasyon pagkat naging madali lamang sa kanya na dating empleyado lamang sa pinanggalingang bansa upang kumbinsihin si Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno na may mataas ang pinag–aralan kaya naging Gobernador ng Cagayan para ibenta nito sa mga negosyante ang mga huwad na titulo nang walang kaalam–alam sa pinagmulan ng mga ito. 

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *