IKA – 130 LABAS

Nauna nang pumasok sa kuwarto si Señora Mayora habang nagpupuyos sa galit matapos ang kanilang balitaktakan ngunit hindi naman puwedeng sumunod si Alcalde dahil sadyang itrinangka ng hermosa esposa ang pinto nang magdeklara siya ng guerra mundial kaya sa salas siya matutulog nang magdamag pagkat hindi naman mahirap intindihin ang ibig ipakahulugan n’yon.  Baka mapipilitang makisiping na lamang sa mayordoma si Alcalde ngunit kasama naman nito ang sampung muchacha maski pa dentro del recinto de residencia ejecutiva ang kuwartel nito hanggang sa napailing nang mariin ang kanyang ulo nang mapilitang magpalipas siya sa salas nang magdamag habang pinapapak ng mga lamok ang katawan niya.

            ¡Realmente es tu culpa! ¡San . . . tienes los titulos vendidos! ¡Si tan solo me hubieras incluido! ¿Cual es la razon? ¿Entonces te niegas a aceptarme? ¿Eh? ¡Mientras que todos los años . . . asistimos los dos al cumpleaños del Gobernador de Cagayan! ¿Porque me hiciste esto ahora? ¡Seguro . . . que tienes un amante! ¡Y estuvo contigo antes en el palacio del gobernador! ¡No mientas porque yo tambien descubrire la verdad por Zafio! ¡Si!”  Bagaman, pinuputakti ng mga lamok si Alcalde ay naging mahimbing pa rin ang tulog niya sa salas sanhi ng pagod, puyat, gutom at pagkadismaya sa naging kahinatnan kanina sa subastahan na nagpalubha lamang sa kanyang sama ng loob dahil umuwi siya na walang laman ang kanyang bulsa at nasermunan pa ni Señora Mayora ngunit natuwa din naman siya kahit paano pagkat naisubasta ang dalawampung titulo.  Nang mapabalikwas si Alcalde matapos banggitin sa kanyang panaginip ang pangalan ni Zafio pagkat kumpirmado na siya pala ang nagpaparating sa mga balita na walang katotohanan ngunit ikinagagalit naman ng kanyang hermosa esposa hanggang sa nagpalinga–linga ang kanyang mga mata na waring hinahanap ang kutsero para komprontahin ngunit itinuloy na lamang ang kanyang tulog dahil madilim pa.  Subalit naging mailap na sa kanya ang antok hanggang sa naramdaman na lamang niya ang mga yabag habang umaakyat sa hagdanan kaya dali–daling tumayo siya para hindi malaman ng mga muchacha na sa salas siya natulog lalo na ang mayordoma upang hindi magagawang sumbatan nito si Señora Mayora pagkat totoo rin naman na naging malapit sila sa isa’t isa na dapat lamang ikaalarma.  Sapagkat tunay na malaki ang kaibahan nina Señora Mayora at ang mayordoma kung tuusing maigi ang maraming bagay na tanging si Alcalde lamang ang nakapupuna tulad ng kanilang pag–uugali maski sabihin pang galing sa sibilisadong bansa at may pinag–aralan ang kanyag hermosa esposa habang karaniwang katutubong binyagan lamang ang huli ngunit taglay naman ang kabutihang–loob at kagandahan na nagkakanlong sa maitim na kutis nito.  Tuloy, napapakindat sa pagsang–ayon si Alcalde sa bulong ng sarili niya dahil totoo naman na mas naaasikaso pa ng mayordoma ang mga pangangailangan niya kung ikumpara kay Señora Mayora na nahihibang sa kanyang ambisyon upang magiging santa balang araw samantalang malaki pa ang posibilidad na mapupunta siya sa impiyerno.  Mga pangangailangan na dapat linawin gaya ng paghahanda ng almusal, ihanda ang mga gamit sa paligo habang nagpapakulo ng tubig kung malamig ang panahon, minamasahe siya habang kumakain, laging tinitiyak na plantsado ang kanyang uniporme, inaalalayan siya habang bumababa sa hagdan at hinihintay ang kanyang pagdating hanggang madaling–araw.  Kaya lalong sumisidhi ang pagseselos ni Señora Mayora kahit siya ang may kasalanan dahil ipinauubaya niya sa mayordoma ang obligasyon ng isang asawa sanhi ng kanyang hibang na pangarap maski imposible ang magiging santa siya ngunit tagimtim na lamang ng kanyang kalooban ang malaman na hindi pa naman buntis ang kanyang karibal kung totoong may nangyari nang kababalaghan sa kanila ni Alcalade.  Isa–isang bumati ng magandang umaga kay Alcalde ang mga muchacha ngunit sumabay naman sa paglabas ni Señora Mayora mula sa kuwarto ang paglapit sa kanya ng mayordoma kaya nagmadaling pumasok siya sa silid na naiwang bukas upang samantalahin ang pagkakataon at nang maihanda sa pagpasok sa opisina ang sarili maski puyat siya basta matakasan lamang ang residencia ejecutiva.  Pero hindi niya napigilan ang lumingon upang alamin ang naging reaksyon ng dalawang babae nang magmistulang gumanap sila sa salubong sa araw ng muling pagkabuhay kaya napangiti na lamang siya ngunit katanungan kung ituloy pa rin ng kanyang hermosa esposa ang pagdalo sa misa dahil patapos na ang kalembang sa kampana ng simbahan ng Alcala.

            Segurado, nahulog na si Señora Mayora kung marupok lamang ang mga baitang sa hagdanan dahil lumilikha ng ingay na dinig sa buong residencia ejecutiva ang bawat bagsak ng kanyang mga sapatos kaya kinakabahan si Alcalde kahit pabor sa kanya upang mapapadali ang pagiging biyudo niya pagkat hindi naman maitatanggi na nagmahalan din sila sa isa’t isa kahit may guerra mundial paminsan–minsan kung ito naman ang nagpapatingkad sa kulay ng kanilang pag–iibigan – desde España con amor!  Hindi maipinta ang mukha ni Señora Mayora habang lulan siya sa karwahe lalo’t mabilis pa  ang takbo ng kabayo dahil talagang sinadya rin ni Zafio upang hindi siya antukin pagkat ramdam pa niya ang puyat at pagod hanggang ngayon sanhi ng mahabang biyahe kahapon mula sa bayan ng Tuguegarao pauwi sa bayan ng Alcala maski nakatulog siya ngunit napilitan pa rin bumangon kanina para gampanan ang kanyang obligasyon.  At nang mahabol pa nila ang pagsisimula ng misa ngunit tiyak hindi na puwedeng maglakad nang paluhod ni Señora Mayora maliban na lamang kung gawin niya ito mamaya pagkatapos ang misa kahit tanghali na ang uwi niya sa residencia ejecutiva dahil naging panata na yata niya ito sa hindi rin matiyak na kadahilanan basta asam pa rin niya ang magkaroon ng anak.  Pero posibleng magbabago ang kanyang katuwiran kung bakit kailangan niya ang lumakad nang paluhod kapag nagpaalaala sa kanya ang eksena kanina sa residencia ejecutiva ngunit talaga yatang tinitikis siya dahil hindi lamang minsan nangyari ang tagpong iyon kaya masisisi ba siya kung naisin na lamang niya ang makipaghiwalay kaysa magiging martir.  Tutal, wala namang maaasahan sa mga huwad na titulo maski naibenta pa ang mga ito sa ginanap na subastahan sa palacio del gobernador kaya talagang sayang ang sampung kaha de yero na binili pa mandin sa Maynila kung imahinasyon lamang pala ang malaking halaga na dapat ilagay roon ngunit tanggihan naman kaya ni Alcalde ang matagal nang hinihintay niya na pagkakataon lalo’t malaon nang nag–aabang ang magiging kapalit bilang reyna sa residencia ejecutiva.  Hanggang sa namalayan na lamang ni Señora Mayora ang pagtigil ng karwahe sa mismong tapat sa pintuan ng simbahan ng Alcala kaya nagmamadaling bumaba siya dahil hustong naglalakad pa lamang si Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga papunta sa altar pagkat napuyat din yata sa pag–iisip ang kura paroko ng Alcala kung ano ang magiging paksa sa kanyang sermon.  Kaagad ibinuwelta ni Zafio ang karwahe dahil tiyak naghihintay naman si Alcalde para magpahatid sa munisipyo ng Alcala ngunit plano ng kutsero ang matulog habang hinihintay niya ang pag–uwi mamaya nito sa residencia ejecutiva pagkat talagang pinilit na lamang niya ang bumangon kanina lalo’t halos walang tigil din ang serbisyo niya na madalas inaabot ng madaling–araw.  Hindi nagkamali ang palagay ni Zafio na seguradong magtatagal hanggang madaling–araw ang hora feliz dahil nararapat lamang suyuin ni Alcalde si Alferez para malimutan ang suwatan sa pagitan nilang dalawa na naganap sa palacio del gobernador sanhi ng nawawalang sobre pagkat kailangan masimulan na ang pagtatayo sa mga destacamento de tropas na ipinangako ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno sa mga negosyante na bumili ng mga titulo.  Pero wala yatang balak makipag–inuman ngayon ni Alferez pagkat naghihilik pa siya gayong inihuhudyat na sa kampana ng munisipyo ng Alcala ang alas–nueve ng umaga maliban na lamang kung ipatawag siya ni Alcalde dahil talagang obligadong makipagkita siya sa kanya maski masama pa ang loob niya basta huwag lamang pairalin ang init ng kanilang ulo upang hindi mauulit ang nangyaring sudsuran nila sa palacio del gobernador.  Kunsabagay, hindi naman ugali ni Alferez ang nagtatanim ng galit pagkat siya rin ang mawalan dahil naroroon sa estante ang lunas sa sakit niya at talagang normal na sa magkakasama na may tiwala sa isa’t isa ang magsisihan sila lalo na sa panahon kung kailan kailangang–kailangan nila ang isang bagay ngunit hindi naman mahanap–hanap tulad sa sobre.  Seguro, naghihilik na rin hanggang ngayon si Alcalde kung hindi lamang nagdeklara ng guerra mundial kagabi si Señora Mayora lalo’t nagatungan pa ng hindi kanais–nais na tagpo kaninang umaga ay tiyak tatagal ng isang linggo ang guerra fria nilang mag–asawa dahil wala na rin dapat panghihinayangan pa ang kanyang hermosa esposa pagkat umuwi siya na hindi dala ang napagbentahan sa mga titulo.  Baka dapat nang itapon ni Alcalde sa basurahan ang kanyang kalsunsilyo dahil talaga yatang kumupas na ang anting–anting nito kaya dumanas siya ng matinding kamalasan pagkat wala man lamang natanggap na anumang pakinabang ang kanyang mga kamay maski naibenta ang dalawampung huwad na titulo at nagkaroon pa siya ng hindi malilimutang karanasan nang umuwing gutom.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *