IKA – 131 LABAS [IKA–5 KABANATA]

            Kublihan ng mga maiilap at mababangis na hayop ang kagubatan dahil nagiging sanggalang nila ang masiit na kasukalan upang hindi sila madaling mahahanap habang ginagalugad ng mga mangangaso nang halos araw–araw ang kanilang pusikit na guwarida para matugunan ang pangangailangan ng mga ito pagkat sa ganitong kaparaanan umiikot ang buhay ng bawat nilikha ng Maykapal.  Naririyan din ang mga naglalakihang puno na pinamamahayan naman ng mga makamandag na hayop tulad ng mga dambuhalang sawa habang nag–aabang ng masisila kaya nagdudulot sila ng panganib dahil inaatake rin nila ang mga mangangaso kung matindi na ang kanilang nararamdamang gutom ngunit laging armado ang tao laban sa panganib bukod pa ang kanyang utak na nagbibigay sa kanya ng kalamangan.  Laging nangingibabaw ang talino ng tao kahit gaano pa kabangis ang mga dambuhala dahil nag–iisip siya ng paraan kung paano ililigtas mula sa kapahamakan ang sarili pagkat hindi rin naman siya papayag upang magiging biktima kung kaya naman niyang paslangin ito gamit ang katutubong armas para patunayan na mas nakahihigit ang kanyang kakayahan.  At hinahapunan din ng mga ibon ang mga naglalakihang puno sa tuwing sumasapit ang dapit–hapon upang doon magpalipas ng gabi pagkat segurado ang kaligtasan nila kung sa mga matatayog na sanga sila dumadapo dahil tiyak na walang magtatangkang gambalain sila habang natutulog sa buong magdamag para hindi sila masasambilat ng mga hayop na gising kung kailan gabi.  May kani–kanilang teritoryo ang mga hayop segun sa kanilang grupo upang doon lamang sila mananatili at depende sa lakas, tapang at laki upang tumagal ang buhay nila pagkat sadyang marahas ang batas sa kagubatan ngunit kailangan harapin ang hamon maski dehado sila hanggang sa humahantong sa paghihiwag sa talunan tuwing nagtatapos ang laban dahil nagiging imposible ang tumakas kung agresibo ang kalaban.  Kadalasan, kumikilos sila nang isang kawan bilang proteksiyon laban sa mga hayop na mas matatapang pa kaysa kanila bukod pa ang mga mangangaso na mahirap takasan dahil iglap sumisibad ang kanilang mga tunod kapag nauunahan sila nang hindi nila namamalayan kahit gaano pa katalas ang kanilang mga pandamdam kung mas siyerto naman ang kutob ng tao pagkat sanay na siya sa ganitong laro.  Bagaman, umiiral ang batas ng kalikasan sapul nang likhain ni Bathala ang mundo ay malayang namumuhay sa kagubatan ang mga hayop maski hindi naiiwasan kung sila rin ang sumisibasib sa ibang grupo upang patunayan lamang ang kanilang kahigtan sa isa’t isa ngunit may nakahihigit pa sa kanila kahit gaano pa sila katapang dahil pinangingilagan naman nila ang tao.  Talagang angkop pamumugaran ng mga maiilap na hayop ang kagubatan dahil damang–dama ang kapayapaan sa malamig na klima lalo na sa tuwing sumasapit ang gabi pagkat hindi nila ramdam ang takot sa paraiso na sadyang nilikha ni Bathala para sa kanila lamang matangi sa araw kapag nagsisimula na ang paghahanap sa kanila ng mga mangangaso.  Tanging gumagambala sa katahimikan ng kagubatan ang aluy–oy mula sa hayuhay ng mga sanga sanhi ng marahang isil ng hangin sa gabi na lalong nagpapasarap sa tulog hanggang sa muling maririnig ang tilaok ng mga labuyo pagsapit ng madaling–araw para gisingin ang lahat upang bigyan ng babala sa darating na panganib taglay ng mga mangangaso.  Paminsan–minsan, nagugulo ang kapayapaan kapag sila–sila ang nagpanghamok hanggang sa humahantong ito sa kasawian ng mga mabubuway na hayop kung hindi nila naisip ang tumakbo kaya nagpupulasan upang magtago sa lungga ang mga tumatakas mula sa panlalantak habang nag–aabang naman sa puno ang mga sawa para dawiin nang mapakinabangan ang mga patay kaysa hayaang mabubulok.  Nangyayari ang paninibasib kapag dumarayo sa ibang teritoryo ang mga hayop upang maghanap ng mga pagkain dulot ng matinding kagutuman pagkat natutulog lamang sila sa halip na lumabas sa lungga kung walang humpay ang pag–uulan dahil lalong dumidilim ang kagubatan sanhi ng makapal na ulop at lalabas lamang sila kung payapa na ang paligid ngunit ito naman ang hinihintay na pagkakataon ng mga mangangaso.  Tuloy, pinangingilagan ng ibang kawan ang mga mababangis na hayop dahil ginagamit na panlalang ang kanilang taglay na kapangyarihan ngunit hindi ito ang totoong batayan pagkat depende pa rin sa lakas at tapang kung alin sa kanila ang dapat katakutan lalo’t may nakahihigit pa sa kanila upang harapin nang walang pangamba ang pinakamabagsik na hayop sa kagubatan.  Sapagkat nilikha ni Bathala ang mga hayop para sumunod sa kagustuhan ng kanyang natatanging obra – ang tao na mas makapangyarihan ang taglay na lakas at kagalingan kaysa kanila kahit may mga pagkakataon na ginagapi ang kanyang katapangan kung nawaglit sa isip niya ang pag–iingat dahil sa sobrang tiwala sa sarili ngunit bihira pa rin mangyari ito.  Walang mga mababangis na hayop ang hindi kayang pasunurin ng tao dahil siya ang nagbansag sa kanila ayon sa itinakda ni Bathala kaya batid niya kung alin ang nararapat supilin upang hindi ito makapaminsala sa kanyang mga kauri at ang dapat paramihin para lunasan ang kanyang gutom kung kinapos na ang kanyang mga inimbak na pagkain.  Ito ang katotohanan kung bakit magkaiba ang kanilang anyo nang likhain sila ni Bathala dahil buntot ang naging simbolo ng mga hayop habang bahag naman ang kasuutan ng tao upang ikubli ang pagiging kalot ng kanyang katawan para igalang siya ng ninuman kaya pinapatunayan lamang sa katuwirang ito na hindi ordinaryong nilikha ang tao pagkat malalim kung mag–isip kaysa mga hayop.

Sapagkat kanina pa hindi napapakali ang kawan ng mga usa ay naaabala ang kanilang panginginain dahil sa maya’t maya ang palingus–lingos upang hindi sila malilingat nang maramdaman ang nakaambang panganib na tiyak mangyayari anumang sandali ngunit nanatili pa rin sila sa halip na tumalilis nang mawari na maaaring likha lamang ng hangin ang pahiwatig ng pangamba.  Pero posibleng nangungubli lamang sa paligid ang panganib habang nagmamatyag ito dahil nagiging madali lamang sa mga hayop sa kagubatan ang bigyan ng kahulugan ang kahit marahang bunto ng hangin pagkat sadyang matatalas ang kanilang mga pakiramdam na tanging katangian nila ngunit napaglalangan din sila kung minsan sanhi ng katakawan upang matighaw ang gutom nila.  Tuloy, napapatingala ang mga usa, napapalingon sa kasuluk–sulukan hanggang sa nagiging mailap ang kanilang mga mata ngunit hindi pa rin nila tinangka ang tumalilis dahil maaaring gutom sila matapos ang maghapon at magdamag na ulan kahapon kahit walang banta ng masamang panahon dapwa nagdulot naman ng matinding lamig kaya ramdam ng mga hayop ang ginaw maski may pananggang makakapal na balahibo ang kanilang mga katawan.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *