Hanggang sa muling itinuon sa damuhan ang kanilang pansin nang hindi mapiho ang pinanggagalingan ng panganib lalo’t hindi dapat sayangin ang pagkakataon na kaloob ng bawat araw pagkat hayop sila na laging inaasa sa kasalukuyan ang buhay dahil hindi nila iniisip ang kinabukasan basta mabusog ngayon ay kuntento na sila. Kabalintunaan naman ang mga tao dahil marunong sila mag–impok para paghandaan ang kanilang pangangailangan sa hinaharap upang hindi sila nawawalan ng pagkain lalo na sa panahon ng tagbisi pagkat sadyang nagiging mahirap sa kanila ang pagtatanim at apektado naman ang kanilang pangangaso kung may bagyo. Subalit may dahilan pala kung bakit hindi napapalagay ang mga usa pagkat kanina pa nakaumang sa kanila ang tunod habang naghihintay lamang ito sa tamang pagkakataon upang hindi nila maisip ang kumarimot nang takbo kapag naramdaman nila ang nakaambang panganib na nagkukubli sa puno kaya talagang hindi madaling pansinin ang may tangan ng busog kung kakulay naman nito ang paligid lalo’t unti–unti nang lumulubog sa kanluran ang araw. Nang humaginit ang tunod matapos batakin ng dalawang kamay ang busog ay biglang nabulabog ang mga usa nang iglap nagkatotoo ang pinangangambahang panganib kaya nagpulasan sila para hindi masusundan ang panunudla sa kanila ngunit hindi tiyak kung alin sa kanila ang minalas basta may nagpupumiglas upang hindi maiiwan sa pagtakbo hanggang sa tuluyan nang napahiga ito. Mabilis nagpanakbuhan papunta sa karawagan ang mga usa ngunit tinangka pa rin ng iba ang lumingon upang alamin kung may naiwan ba sa kanilang pagtakas kahit wala silang kakayahan para iligtas ito hanggang sa isa–isang naglaho ang mga hayop nang dahan–dahang lumalantad ang gumambala sa kanila mula sa pinagkukublihan nito. Talagang hindi na nagawa ng isang usa ang tumakbo matapos tumimbuwang nang tamaan ng tunod ang kanyang apad na tumagos pa sa puso ngunit tuluy–tuloy pa rin ang pagpipiglas sa pagbabakasali na magagawa pa rin niya ang tumayo upang hindi maiiwan nang mamalas ang paglapit ng mangangaso na napangiti pa habang minamasdan ang kanyang huli. Sapagkat isang binatang katutubo ang lumantad mula sa kanyang pinagtataguan habang tuwang–tuwa nang makita ang libay na nagsisikap pa rin tumayo pagkat unang huli niya ito gayong kaninang madaling–araw pa sinimulan niya ang pangangaso ngunit nagbunga naman ang kanyang pagtitiyaga nang hindi siya nawalan ng pag–asa kahit tumagal hanggang hapon ang kanyang paghihintay sa suwerte. Pagkatapos tulawin ang leeg ng libay ay tinalian niya ng nito ang mga paa para magiging madali na lamang isumbabay ito sa kanyang balikat dahil ipinasya niya ang bumalik na sa komunidad sa halip na ituloy pa ang pangangaso pagkat delikado sa nag–iisang katulad niya ang datnan ng gabi sa kagubatan nang mapansin niya na dahilig na ang araw. Hanggang sa naisaloob niya na hindi naman pala malas ang kanyang araw ngayon kahit unang huli pa lamang niya ito sa maghapong pangangaso dahil ninais niya ang mag–isa sa halip na sumabay sa grupo upang ilayo ang sarili sa walang kabuluhang mga kuwentuhan maski nagtataka siya pagkat ngayon lamang nangyari na muntik nang malasin ang pangangaso niya.
Habang naglalakad pauwi sa komunidad ang binatang katutubo ay sumbabay niya ang libay na wala nang buhay matapos tulawin niya ang leeg nito ngunit naging pangako naman niya na kailangan agahan niya ang pangangaso bukas upang hindi mauulit ang kamalasan na tinamo niya ngayong araw maski wala namang dapat ipag–aalala pagkat hindi naman siya inoobliga ng kanilang Punong Sugo. Bakas sa kanyang mukha ang hindi mailarawang saya pagkat segurado na ang ulam ng kanyang tribu na magtatagal ng dalawang araw ngunit hindi ito katuwiran upang magpahinga siya pagkat nakasanayan na niya ang mangangaso araw–araw dahil lalong naging kainip–inip para sa kanya ang manatili sa kubol kaya ito ang naging libangan niya. Sapagkat naging paraiso na niya ang kagubatan sapul nang matutunan niya ang pangangaso dahil payapa ang kanyang buhay habang kaulayaw niya ang katahimikan kaysa naroroon siya sa komunidad pagkat hindi na siya bata pa para sayangin sa paglalaro ang araw kahit ramdam niya ang inggit sa tuwing bumababa sa bayan ng Alcala ang kanyang mga kababata kasama ang kanilang mga inang. Kunsabagay, hindi lamang siya ang nangangaso ngayong araw ngunit sinadya niya ang humiwalay sa grupo dahil sa pag–aakala na buwenas ang nag–iisa pagkat walang maingay ngunit hapon na nang dumating ang kanyang suwerte gayon man masaya pa rin siya sa halip na iniisip ang kamalasan habang maya’t maya humihinto sa paglalakad upang mamitas ng prutas dahil ito ang kanyang naging pananghalian lamang. Sana, naging maamo sa kanyang mga kasama ang suwerte para mahaba–haba ang kanilang pahingalay ngunit balak pa rin niya ang pumasok sa kagubatan bukas kahit mag–isa lamang siya dahil wala naman siyang pamilya maski hindi niya agahan ang gumising para mahintay ang sinuman sa kanyang mga mistad na gustong sumabay sa pangangaso niya. Mangyari, halos araw–araw na ang ginagawang pangangaso nila para matugunan lamang ang pangangailangan ng kanilang tribu dahil lumalaki na ang kanilang populasyon nang maagang nagsipag–asawa ang mga mistad niya ngunit idinaraan na lamang niya sa ngiti nang maalaala na siya na lamang ang binata pa sa kanilang lahat pagkat wala namang dahilan upang magmamadali siya. Pero hindi sila dapat mangangaso ngayong araw kung hindi lamang naubusan sila ng pagkain pagkat kailangan tuluy–tuloy ang pagbabantay sa kanilang komunidad dahil hindi pa rin nila nararamdaman ang kapayapaan makalipas ang mahigit sa dalawampung taon maski lumipat na sila sa pusod ng kagubatan kaya bumilis ang kanyang paglalakad kahit may sumbabay siya. Bagaman, may pahintulot ang kanilang pangangaso mula sa nag–iisang matanda sa kanilang tribu ngunit naiwan sa pag–aalala ang kanilang mga puso dahil walang puwedeng umalalay sa kanya kung biglang salakayin ng mga kalaban mula sa ibang tribu ang kanilang komunidad maski malayong mangyayari ito pagkat wala pa namang nakababatid sa eksaktong lokasyon sa kanilang pamayanan. At pinaghahandaan din nila ang biglang pagdating ng mga soldados sa komunidad nila kahit hindi pa nila nararating ang kanilang komunidad ngunit may posibilidad na mangyayari ito sa mga darating na araw pagkat nanatili pa rin hanggang ngayon ang problema na dapat sumabay na sa paglipas ng dalawampung taon kaya naroroon pa rin sa mga puso nila ang pag–aalala. Kahit hindi pa niya nakaharap ang kahit isa sa kanila ngunit totoong nababahala na siya kung pagbabasehan ang mga kuwento ng mga matatanda kaya tiyak na walang magtatanggol sa mga pamilya ng mga mistad niya kung itaon sa pangangaso nila ang kanilang biglang pag–atake sa komunidad dahil ganito raw ang kanilang istilo upang hindi nila mapaghandaan.
ITUTULOY
No responses yet