IKA – 133 LABAS

Maraming beses nang narinig niya ang mga kuwento tungkol sa kanilang mga ninuno na hindi nangiming magbuwis ng buhay upang ipagtanggol ang kanilang lumang komnunidad ngunit humantong lamang sa kamatayan ang kanilang pakipaglaban sa mga soldados kaya nanatiling alerto sila para hindi nila matutuklasan ang kanilang bagong komunidad.  Bagaman, naging dalangin nila na sana hindi na magkakaroon pa ng karugtong ang kuwento na iniwan ng nakaraan ngunit kailangan magiging handa pa rin sila pagkat walang nakababatid sa posibleng mangyayari sa hinaharap maliban sa sikapin nilang hadlangan ang anumang binabalak ng pamahalaang Kastila ng Alcala laban sa kanila upang hindi na mauulit ang ginawang pananalakay nila sa lumang komunidad.  Sapagkat hindi rin sila mag–aatubili upang lumaban sakaling mauulit ang nakaraang pananalakay ng mga soldados maski dehado ang kanilang mga armas kung ikumpara sa mga fusil kahit tuluyan nang maglaho sa kabundukan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs dahil sa pagtatanggol sa kanilang kalayaan pagkat magiging kalabisan naman kung manatiling talunan sila hanggang ngayon.

            Mahigit dalawampung taon na ang nakalilipas mula nang makubkob ng mga soldados ang lumang komunidad ng mga katutubong Malauegs hanggang sa naipagbili na rin sa mga negosyante ang kanilang malawak na lupain sa kabundukan ng Sierra Madre ngunit hindi tiyak kung batid na ng pamahalaang Kastila ng Alcala na kasalukuyang namumuhay sa pusod ng kagubatan ang mga nakaligtas mula sa malagim na pangyayari.  Marahil, ganap nang naparam sa isipan ng mga katutubong Malauegs ang nakapangingilabot na karanasan nang silaban ng mga soldados ang kanilang sagradong kubol kaya nasunog nang buhay ang mga nagkakanlong doon kasama ang lupon ng mga matatandang Malauegs ngunit marami pa rin naman ang nakaligtas kabilang ang kanilang Punong Sugo.  Aywan kung totoo na hindi narinig ni Bathala ang kanilang mga dasal dahil wala  rin namang patunay na tulog siya noong gabi na kailangan nila ang kanyang pagpapala mula sa nagliliyab na impiyerno kaya napadpad sila sa pusod ng kagubatan nang sukal sa kanilang kalooban upang takasan ang paniniil ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat ito lamang ang paraan para minsan pa nilang mararamdaman ang kapayapaan na ipinagkait sa kanila buhat nang matuklasan ng mga soldados ang kanilang lumang komunidad.  Subalit naging limitado naman ang kanilang pagpupunta sa bayan ng Alcala dahil lalong napalayo ang kanilang bagong komunidad ngunit hindi pa rin ito nakaapekto sa kanila pagkat madaling hanapan ng lunas ang problema kaya itinuloy nila ang paglalako ng mga gulay sa araw ng palengke upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan lalo’t lumalaki na ang bilang ng kanilang populasyon.  Naging dahilan din ang mahigpit na utos ni Lakay Awallan kung bakit madalang na lamang bumababa sa bayan ng Alcala ang mga katutubong Malauegs maliban sa mga naglalako ng mga gulay dahil nais niyang panatilihin sa paniniwala ng pamahalaang Kastila ng Alcala na tuluyan nang naglaho sa kalupaan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs upang hindi na muulit ang katampalasan na ginawa sa kanila ng mga soldados.  Iniiwasan din ng mga katutubong Malauegs ang napabalitang karahasan ng mga guwardiya sibil upang hindi malalaman ng pamahalaang Kastila ng Alcala na lumipat lamang sa pusod ng kagubatan ang tribung Malauegs dahil hinuhuli nila ang kahit sinong mga katutubong erehe basta kaduda–duda ang kanilang mga kilos para ikulong habang isinasailalim sila sa balayag na may kasamang parusa.  Lalo na ang mga biktima ng kabuktutan dahil posibleng binubuo ng mga dating katutubong Malauegs sa komunidad ng Calantac ang grupo bilang paghihiganti nila laban sa pamahalaang Kastila ng Alcala kahit naroroon ang pagdududa pagkat ngayon pa lamang ba nila naisip ang ganitong adhikain kung kailan naibenta na sa mga negosyante ang kanilang mga lupain.  Maaaring ito naman ang dahilan kaya iniutos ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa mga guwardiya sibil ang paghihigpit sa seguridad sa bayan ng Alcala upang tiyakin na hindi mangyayari ang kanilang kinakatakutan pagkat hindi puwedeng ipagwalang–bahala ang mga nagdaang taon dahil malaki ang pagkakasala nila sa mga mamamayan ng Alcala lalo’t maraming katutubong erehe ang nagdurusa mula nang mawalan sila ng sariling komunidad.  Partikular ang mga naninirahan sa kabundukan ng Sierra Madre bukod pa ang maraming buhay na naglaho dahil sa pagtatanggol sa kanilang mga karapatan nang magpatupad ng mga ordinansa ang pamahalaang Kastila ng Alcala na pawang panlilinlang lamang ang intensiyon imbes na makabubuti sana ito sa kanilang pamumuhay ngunit naging dahilan lamang upang agawin na rin maging ang kanilang kalayaan.  Bagaman, hindi tinutukoy ang grupo na nagbabalak maghimagsik pagkat hindi lamang mga katutubong Malauegs ang biktima sa kabuhungan ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit malayo rin naman para maganap ito dahil mahigpit na tinututulan ng kanilang Punong Sugo ang paghihiganti upang hindi na mauulit pa ang sinapit nila noon nang halos isinuko na nila sa kamatayan ang natitirang pag–asa.  Subalit para kay Alferez ay mainam na ang laging handa ang mga guwardiya sibil maski hindi pa kumpirmado ang balita tungkol sa balak na paghihimagsik ng mga katutubong erehe laban sa pamahalaang Kastila ng Alcala upang hindi masusungkaran ang kanilang puwersa sakaling totoo ito dahil hindi dapat hamakin ang kakayahan nila.  Nagpasama lamang sa sitwasyon dahil hinuhuli ng mga guwardiya sibil ang lahat na naging kaduda–duda ang mga galaw para mahadlangan ang anumang binabalak nila ngunit ito naman ang naging dahilan upang lalong magalit sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga mamamayan ng Alcala pagkat malinaw na pagsikil sa kanilang kalayaan ang nagaganap.  Isinasailalim sa matinding parusa ang mga nahuhuli upang mapipilitang ipagtapat ang kanilang nalalaman tungkol sa himagsikan hanggang sa naiisip ng iba ang magsinungaling na lamang sa pag–aakala na palalayain sila ngunit lalong nakamamatay ang haplit ng latigo hanggang sa wala nang itinatagal ang kanilang mga katawan kaya bangkay na lamang nila ang inuuwi.  Kunsabagay, walang dahilan para mangamba sa ngayon ang mga katutubong Malauegs dahil wala pa naman sa kanila ang hinuli ngunit kailangan pa rin ang ibayong pag–iingat lalo na ang mga bumababa sa bayan ng Alcala upang maglako ng mga gulay sa araw ng palengke pagkat laging nagmamatyag sa loob at labas ng pamilihan ang mga guwardiya sibil.  Marahil, nais lamang iparating ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa mga nagsusulong ng himagsikan sa bayan ng Alcala ang mahigpit na mensahe sa bawat bangkay na inilalabas mula sa kulungan matapos sumailalim sa matinding parusa na handa ang mga soldados at ang mga guwardiya sibil upang supilin ang kanilang tangkang pag–aalsa.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *