IKA – 134 LABAS

Namangha ang binatang katutubo nang matanaw niya ang hindi inaasahang tagpo maski malayo pa siya ngunit ipinasya niya ang magtago muna imbes na itinuloy ang paglalakad upang hindi mapapansin ang kanyang pagdating sa kanilang komunidad pagkat ngayon lamang nagkaroon ng bisita ang kanilang Punong Sugo kahit may pag–aalinlangan ang kanyang sarili dahil sa kuwento lamang nailalrawan sa kanya ang hitsura ng mga sumalakay noon sa kanilang lumang komnunidad.  Hindi maaaring magkamali ang kanyang hinala kahit hindi pa niya narating ang bayan ng Alcala sapul ng kanyang kamusmusan pagkat mga kuwento ng kanyang mga mistad ang nagpaalaala naman sa kanya upang mag–ingat dahil ngayon lamang nangyari na may naligaw sa kanilang komunidad nang hindi  inaasahan samantalang kanina lamang sumagi sa isip niya ang sinapit ng lumang komunidad.  Dahil hindi maaaring magsisinungaling ang kanilang kasuutan na kaiba sa bahag na tanging panakip sa kanyang katawan hanggang sa naisaloob niya na posibleng hindi pa dumating ang grupo ng mga mangangaso pagkat mga kababaihang katutubo ang kasama lamang ng kanilang Punong Sugo na humarap sa mga bisita kaya gusto sana niya ang lumantad upang alamin ang sadya nila.  Walang duda na mga soldados sila ngunit naging palaisipan naman niya kung paano narating nila ang kanilang komunidad gayong napakalayo na nito mula sa bayan ng Alcala upang matunton pa nila nang ganoon kadali samantalang wala pang nakaaalam maging ang ibang tribu tungkol sa kanilang paninirahan sa pusod ng kagubatan kahit ang kanilang mga dating katribu na ngayo’y mga binyagan na.  Kahiman, walang dapat ipangamba pagkat dalawa lamang ang bisita ng kanilang Punong Sugo maski armado pa sila ng mga fusil at naroroon naman sa likuran niya ang mga kababaihang katutubo nang maalaala ng binatang katutubo kung bakit hindi dapat mangangaso ngayong araw ang mga kalalakihang katutubo kung hindi lamang sadyang kailangan dahil hanggang bukas ng umaga na lamang ang natitirang pagkain nila.  Kahit ngayon pa lamang nakakita ng fusil ang binatang katutubo ngunit naseseguro naman niya na ang mga sandatang ‘yon ang tinutukoy sa mga kuwento ng kanilang Punong Sugo na pumatay sa maraming kalahi nila dahil sa pagtatanggol sa kanilang lumang komunidad hanggang sa nakubkob ito ng puwersa ng pamahaaang Kastila ng Alcala kaya napilitang tumakas ang mga nakaligtas upang hindi sila tugisin ng mga soldados.  Posible ba na sila ang tinutukoy kaya ayaw sanang pumayag ang Punong Sugo nang magpaalam ang mga kalalakihang katutubo para mangangaso sila ngunit gustuhin mang alamin ng binatang katutubo ang pakay ng mga soldados ay nagdalawang–isip namang lumantad upang hindi nila bigyan ng masamang kahulugan ang kanyang pagdating.  Pero naseseguro niya na hindi nila pangangahasan ang pumasok sa kanilang teritoryo kung hindi rin lamang mahalaga ang pakay nila kahit nanatiling katanungan sa kanyang sarili kung paano nila natunton ang mapanganib na mga bulaos papunta sa kanilang komunidad nang walang giya dahil ito lamang ang paraan upang hindi maliligaw ang katulad nilang dayo.  Subalit nagpasalamat na lamang siya dahil naging maginoo naman ang dalawang soldados habang kinakausap nila ang kanilang Punong Sugo pagkat talagang hindi rin siya mangingiming asintahin sila kapag nagpamalas ng masamang tangka ang isa sa kanila kahit armado pa sila ng fusil kung naunahan naman niya na kanina pa tinatanaw nang palihim ang nagaganap na tagpo.  Katunayan, kanina pa nakaumang sa kanyang busog ang tunod kahit nag–iisa lamang siya kung tama ang kutob niya na hindi pa dumating ang kanyang mga kapwa kalalakihang katutubo mula sa pangangaso dahil tiyak na lalaban din ang mga kababaihang katutubo kung magpamalas ng hindi kanais–nais na galaw ang mga soldados pagkat magiging madali na lamang sa kanila upang igupo ang dalawa kapag naagawan ng fusil.  Baka nagpapaalam na ang mga soldados dahil ito ang ipinapahiwatig sa kanilang mga kilos kaya hinintay na lamang niya ang kanilang paglisan upang maniwala sila na kaunti lamang ang bumubuo sa tribu nila sakaling kasama rin sa kanilang pakay ang alamin ang bilang nila pagkat bahagi na ito sa maraming estrahiya kaya hindi puwedeng balewalain ang ganitong sapantaha.  Subalit ikinagulat niya ang malaman na naghihintay lamang pala sa entrada ng kanilang komunidad ang kasama ng mga soldados ngunit hindi na nahabol ng kanyang paningin nang lumantad ang katutubong binyagan na nagsilbing giya maski sinisikap niyang tanawin upang kilalanin sana siya pagkat mabilis silang naparam sa kanyang paningin.  Segurado siya na katutubong binyagan ang naging giya ng dalawang soldados dahil hindi kayang itago sa kasuutan ang kanyang kulay na laging madilim maski maliwanag ang araw ngunit ipinagpipilitan pa rin ang sumunod sa uso para masabi lamang na tanggap niya ang pagbabago na dala ng mga banyaga kahit apektado ang kanyang karapatan.

            “Bag–aw . . . mabuti dumating ka na!”  Oo!  Pagkalipas ang mahigit sa dalawampu’t dalawang taon na sumabay sa pag–inog ng mundo ay isa nang perito na mangangaso si Bag–aw kaya nagagawa niya ang pumasok sa kagubatan nang walang pangingilag sa mga mababangis na hayop kahit nag–iisa lamang siya dahil ito ang nakalakhang laro ng kanyang buhay mula nang matutunan niya ang humawak ng busog at tunod sa patnubay ni Lakay Awallan.  Nasasalamin sa kanyang lindig ang kiya ng isang magiting na mandirigma na namana niya mula kay amang Alawihaw ngunit hindi pa rin maipagmamalaki ang katangiang ito hanggang hindi siya napapasabak sa tunay na laban habang inuulan ng mga bala dahil ‘yon ang totoong sukatan sa katapangang taglay ng mandirigmang Malauegs kaya ito ang dapat paghandaan kung balak niya ang maghiganti upang bigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kanyang mga magulang.  Kahit totoong perito siya sa pangangaso ngunit mga hayop sa kagubatan na walang taglay na sandata kundi ang mga sariling bangis ang mga kalaban niya at hindi nag–iisip ng paraan kung paano siya talunin upang sila ang manaig sa laban samantalang tunay na nakapangingilabot ang tunog ng fusil sa tuwing bumubuga ito ng bala na tumatagos hanggang sa kaluluwa.  Gayunpaman, hindi matatawaran ang pagiging matalisik ng kanyang isip na malaki ang naitutulong sa tuwing gumagawa siya ng desisyon lalo’t lubhang mapanganib ang kagubatan para sa kanya na laging nag–iisa sa pangangaso sa halip na sumabay sa grupo upang madali lamang ang humingi ng saklolo sakaling kailanganin niya ito kahit ito ang madalas na ipinapayo sa kanya ni Lakay Awallan.  Animo, sinusuri ng kanyang matalangas na mga mata ang tunay na pagkatao ng kahit sinong kaharap niya kaya maraming katanungan ang dapat sagutin muna ni Lakay Awallan bago siya mapapaniwala pagkat mistulang sumisisid sa kaluluwa ng kanyang kausap ang tingin niya para alamin ang katotohanan sa sinasabi nito lalo’t likas sa kanya ang pagiging tahimik.  Minsan, nasambit ni Lakay Awallan na hindi karaniwang katutubong Malauegs si Bag–aw kung pagbatayan niya ang mga katangian nito lalo’t malalim kung mag–isip dahil mismong si Alawihaw ay hindi taglay ang ipinamalas na pambihirang talino ng kanyang anak sabay hingi ng paumanhin upang hindi magparamdam ang amang ng kanyang apo.  Kung hindi mahabul–habol noon si Bag–aw ng kanyang mga kalaro dahil sa bilis niyang tumakbo ay hirap pa rin silang sabayan ngayon ang kanyang maliksing paglalakad sa masukal na kagubatan kahit nakayapak lamang ang kanyang matayangkad na mga paa kaya maaaring ito rin ang dahilan kung bakit mas gusto niya ang nag–iisa sa pangangaso pagkat ayaw niya ng makupad ang galaw.  Palibhasa, matalikakas sa kanyang mga ginagawa ay lalo siyang pinagpapala ni Bathala sa gabay ng mga dasal ni Lakay Awallan upang malayo siya sa kapahamakan dahil hindi naman lingid sa lahat na naglipana sa kagubatan ang panganib ngunit hindi naman puwedeng pagbawalan siya ni Lakay Awallan pagkat pangangaso ang kanyang naging libangan.  Madalas lamang nagkakaroon ng galimgim si Bag–aw pagkat lumaki siya na walang nagisnang mga magulang kahit maraming beses nang ipinaliwanag ni Lakay Awallan ang dahilan sa maagang pagkamatay ng kanyang amang Alawihaw at inang Dayandang ngunit lalong pinanabikan niya ang kanilang pagmamahal dahil hindi niya naramdaman ito.  Gabi–gabi, sinisikap niyang harayain sa isip ang kanyang mga magulang kahit sa mga kuwento ni Lakay Awallan lamang niya nakilala kung sino sila hanggang sa nahiling niya na sana magkaroon siya ng pagkakataon upang madalaw ang lumang komunidad kung saan siya isinilang maski imposible ang katuparan nito pagkat pagmamay–ari na ng mga negosyante ang mga nabanggit na lupain.  Binabalikan niya ang mga alaala noong si Lakay Awallan lamang ang kapiling niya pagkat laging nagtatanong ang kanyang sarili kung bakit nag–iisang paslit lamang siya sa kanilang komunidad na walang mga magulang kaya humahaway sa kanyang musmos na isipan ang maraming katanungan kahit makailang ulit nang nasagot ng Apong niya ang lahat nang ito.  Tuloy, taglay niya ang masidhing pangungulila sa kanyang mga magulang lalo na kay inang Dayandang nang malaman niya na hindi napagkalooban ng ritwal ang bangkay nito dahil kailangan nila ang tumakas upang hindi sila magiging bihag ng mga soldados kaya ramdam niya ang matinding kalungkutan sa tuwing nag–iisa siya hanggang ngayong malaki na siya.  “Oo . . . Bag–aw!  Galing dito kanina . . . ang mga soldados na ‘yon!”  Naging ugali na ni Lakay Awallan ang laging isinasama sa kanyang mga dasal ang mag–asawang amang Luyong at inang Naga dahil sa ganitong kaparaanan lamang maipaparating niya ang pasasalamat sa kanila pagkat sila ang tumulong kaya nakayanan pa rin niyang gampanan ang mga tungkulin na iniwan ng mga magulang ni Bag–aw lalo’t matanda na siya ay talagang mahihirapan siya kung wala sila.  Sapagkat silang mag–asawa at si Assassi ang kaagad naalaala niya sa tuwing nagpapagunita sa kanya ang dinanas niyang hirap at sakripisyo dahil silang tatlo ang naging kaagapay niya sa pagpapalaki kay Bag–aw kaya hindi maaaring mapaknit sa isip niya ang kabutihan na ibinahagi nila sa kanya sa mga panahon na talagang kailangan niya ang karamay.  Kaya hindi rin namalayan ni Lakay Awallan ang malaking pagbabago sa kanyang hitsura pagkat maging ang panahon ay katuwang din niya sa pagpapalaki kay Bag–aw ngunit hindi niya pinanghinawaan kahit minsan ang maging bahagi sa buhay ng kanyang apo lalo’t tanaw na niya ang kaway ng dapit–hapon dahil tiyak naman na mag–iiwan ng magandang alaala ang kanyang paglisan.  Mistulang ermitanyo si Lakay Awallan sa kanyang hitsura dahil sa kanyang buhok at balbas na magkapantay na ang haba hanggang sa kanyang tuhod ngunit ramdam naman niya ang kasiyahan sa sarili sa tuwing minamasdan niya si Bag–aw pagkat nagkaroon ng kabuluhan ang kanyang buhay bukod pa ang pagiging Punong Saugo niya sa tribung Malauegs kaya laging puspos ng saya ang kanyang damdamin.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *