IKA – 135 LABAS

Mistulang ermitanyo si Lakay Awallan sa kanyang hitsura dahil sa kanyang buhok at balbas na magkapantay na ang haba hanggang sa kanyang tuhod ngunit ramdam naman niya ang kasiyahan sa sarili sa tuwing minamasdan niya si Bag–aw pagkat nagkaroon ng kabuluhan ang kanyang buhay bukod pa ang pagiging Punong Saugo niya sa tribung Malauegs kaya laging puspos ng saya ang kanyang damdamin.  Pati ang kanyang mga kilay ay pinakupas din ng panahon ngunit walang dapat ikabahala maski lubhang nakaapekto ito sa kanyang paningin na nagsisimula nang mangulimlim pagkat tanda ito ng pagiging maalam na pinagyaman ng maraming karanasan upang magiging katanggap–tanggap ang bawat pagpapasya niya dahil hindi dapat nagkakamali sa pagbibigay ng disposisyon ang Punong Sugo.  Napangiti siya nang dumako ang kanyang mga mata sa biyaya na dala ni Bag–aw ngunit agad din napalis ito sa kanyang mga labi nang mapansin ang seryosong tingin ng kanyang apo dahil tiyak na hindi nito ikinatuwa nang makita ang dalawang soldados maski malayo na sila dapwa hinayaan na lamang niya sa halip na magtanong pagkat may dahilan naman.  Nabaling ang mga mata niya sa direksiyon kung saan nakatingin si Bag–aw hanggang sa naisaloob niya na tama ang kanyang hinala pagkat ganito rin ang kanyang reaksiyon kanina maging ang mga kababaihang Malkauegs dahil talagang magtataka ang kahit sino kung paano narating ng mga soldados ang kanilang komunidad kung wala pa namang nakababatid sa bagong teritoryo nila.  Kunsabagay, siya na rin ang maysabi noon na hindi na nila dapat pagtakhan pa kung paano natuklasan ng grupo ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang kanilang lumang komunidad pagkat naging madali lamang para sa mga banyaga upang marating ang Pilipinas samantalang nanggaling pa sila sa kanlurang bahagi ng mundo lulan ng galyon kaya hindi na dapat ikagulat pa nila kung narating na rin ng dalawa ang kabundukan ng Sierra Madre.  Minabuti niya ang lumapit pa rin kay Bag–aw kahit unti–unti nang naglalaho sa kanilang paningin ang dalawang soldados at ang giya sa halip na pumasok siya sa kubol para magdasal pagkat malapit nang sumapit ang takip–silim dahil tungkulin ito na hindi niya kinakaligtaan kahit wala na ang lupon ng mga matatandang Malauegs na laging sumasabay sa kanyang pagdarasal.  Pero sinabayan niya si Bag–aw habang papunta sa kusina ang hakbang upang ipaubaya sa mga kababaihang Malauegs ang libay dahil ganito pa rin ang ginagawa ng mga kalalakihang Malauegs sa tuwing dumarating sila mula sa pangangaso pagkat bahagi na ng buhay nila ang sama–samang kumakain habang kaharap ang kanilang Punong Sugo.  Tuloy, kinagigiliwan ng mga kababaihang Malauegs si Bag–aw dahil sa kanyang mabuting kalooban patunay na maayos ang pagpapalaki sa kanya ni Lakay Awallan ngunit hindi na dapat pagtakhan pa ang pagiging huwaran niya sa kabaitan pagkat tiyak na siya ang magiging Punong Sugo balang araw kung sundin ang puno ng buhay ng kanilang angkan.  Tanging kulang sa buhay ni Bag–aw ay ang babaeng magmamahal sa kanya maski taliwas ito sa paniniwala ni Lakay Awallan pagkat tiyak na ikalulungkot niya kung magkaroon na ng sariling pamilya ang kanyang apo dahil hindi niya napaghandaan ang mamuhay na mag–isa kapag dumating sa kanya ang ganitong sitwasyon ngunit maaaring magbago pa rin ang katuwirang ito.  Kaya ang katuwiran ng Punong Sugo na masyadong bata pa si Bag–aw sa edad na dalawampu’t limang taon para isipin na niya ang pag–aasawa ay hindi masang–ayunan ng mga katutubong Malauegs pagkat lahat nang mga kababata niya ay may kani–kanila nang pamilya samantalang pangangaso naman ang inaatupag niya sa halip na maghanap ng makatuwang sa buhay.  Naku!  Huwag naman sanang magkatotoo ang kanilang hinala na mas gugustuhin pa yata ni Lakay Awallan ang maging bulandal si Bag–aw para sila pa rin ang magkasama hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay dahil lalabas na makasarili siya imbes na hayaang bumukod ang kanyang apo pagkat normal nang kalarakan sa tuwing nagkakaroon ng asawa ang mga anak.  Aywan kung bakit sumabay pa si Lakay Awallan pagkat inaalalayan pa rin siya ni Bag–aw kahit may tungkod na siya habang sumbabay naman nito ang libay hanggang sa narating nila ang kusina ngunit hindi rin sila nagtagal doon dahil nagluluto pa lamang para sa hapunan ang mga kababaihang Malauegs kaya pumasok na lamang sila sa tangkil upang ituloy ang kanilang pag–uusap.  Seguro, kapag napagtanto na rin ni Bag–aw ang malaking kakulangan sa kanyang buhay ay tiyak na siya mismo ang magpursige sa paghahanap ng makasama niya sa pagtanda bago pa magiging huli ang lahat hanggang sa hindi na niya kayang batahin ang kalungkutan na may pagsisi kung bakit hinayaang mamuhay nang mag–isa ang kanyang sarili dahil maiiwan din siya kung patay na si Lakay Awallan.

            “Nakita ko po ang kanilang pag–alis . . .  Apong!  Ano po ba . . . ang kanilang sadya?!”  Pagkatapos ipaubaya sa mga kababaihang Malauegs ang libay ay itinuloy nina Lakay Awallan at Bag–aw ang pag–uusap habang naglalakad sila pabalik sa tangkil pagkat iisang kubol man ang kanilang tinitirhan ngunit bihira pa rin maghuntahan silang dalawa dahil laging pagod mula sa pangangaso ang binata hanggang sa matutulog na rin ang Punong Sugo kung hindi na niya mapigilan ang antok.  Kalimitan, madilim na ang uwi ni Bag–aw galing sa pangangaso kaya madalang ang pagkakataon upang makipagkuwentuhan muna siya kay Lakay Awallan pagkatapos kumain ng hapunan pagkat mas gusto pa niya ang humiga na lamang para ipahinga ang kanyang pagal na katawan dahil doon din naman ang patutunguhan ng paghihintay niya kung magpaantok pa sa tangkil.  Kaya sinasamantala lamang ni Lakay Awallan ang maagang pagdating ngayon ni Bag–aw mula sa pangangaso dahil bihira lamang mangyayari ito lalo’t inabutan pa niya ang dalawang soldados maski paalis na sila ngunit sa kanyang tingin ay maraming gustong itanong ang kanyang apo tungkol sa kanila dahil nagtagal pa siya sa tangkil sa halip na tumuloy sa kanyang silid upang humiga habang hinihintay ang kanilang hapunan.  Bagaman, malapit na ang takip–silim upang mag–alay siya ng panalangin ay maaaring mamayang gabi pa niya gagawin ito dahil kailangan mapakinggan muna niya ang saloobin ni Bag–aw tungkol sa mga soldados pagkat siya man ay nabigla rin sa kanilang pagdating kanina lalo’t pumasok sa kagubatan ang mga kalalakihang Maluegs ngunit naging magalang naman sa kanya ang dalawang banyaga kaya nagkibit–balikat na lamang siya.  Ngayon, hindi na siya lumalabas pa sa kanyang kubol upang magdasal sa loob ng sagradong kubol tuwing madaling–araw na kabaligtaran sa madalas ginagawa niya sa lumang komunidad noon kahit balak sana niya ang bumuo uli ng lupon para may katuwang siya sa pagbibigay ng payo sa mga katutubong Malauegs ngunit nag–iisang matanda lamang siya sa kanilang tribu.  Matatandaan na malaking kubol ang unang itinayo ng mga kalalakihang Malauegs nang dumating sila sa pusod ng kagubatan para magkasya lamang silang lahat habang pinapalipas nila ang magdamag pagkat pasibsib na noon ang araw sa kanluran nang matagpuan nila ang pook na pagtatayuan ng bagong komunidad kaya gahol na sila ng panahon.  Pero ito ang naging kubol ngayon ni Lakay Awallan imbes na magiging sagradong kubol sana dahil na rin sa payo niya ngunit naglagay na lamang ng ampil sa gitna upang magkaroon ng tangkil ang harapan kung saan ginagawa niya ang pagdarasal pagkat maliit pa noon si Bag–aw para iwan kung ito lamang ang sadya niya kahit kasukob pa nila si Assassi kung siya naman ang laging hinahanap ng kanyang apo.  Nagtayo na lamang ng maraming kubol ang mga kalalakihang Malauegs para sa kanilang mga pamilya upang hindi na maaabala pa ang kanilang Punong Sugo pagkat buhos sa pag–aalaga kay Bag–aw ang kanyang panahon lalo’t nagdurusa pa sila sanhi ng matinding kasiphayuan noon lalo’t pinilit lamang nila ang tumakas nang walang paghahanda dahil hindi nagkakaloob ng tiyak na kaligtasan ang pananatili sila sa loob ng yungib.  Tuloy, napaglilimi ni Lakay Awallan na kanina pa pala nagmamatyag si Bag–aw nang marinig niya ang kanyang tugon ngunit nagtatanong naman ang sarili niya kung bakit hindi siya tumuloy pagkat may dahilan naman kung hindi niya namalayan ang kanyang pgdating dahil natuon sa dalawang soldados ang pansin niya habang ipinapaliwanag ang kanilang sadya.  Kunsabagay, malayo pa lamang kanina si Bag–aw ay sumalubong agad sa kanyang paningin ang dalawang soldados ngunit hindi niya tinangka ang lumantad upang alamin sana ang kanilang pakay dahil hindi rin naman niya magagawa ang makipagtalastasan sa kanila kahit maraming katanungan ang nagsasalimbayan sa kanyang isip hanggang sa naisaloob niya na maaaring nagpapaalam na sila kay Lakay Awallan pagkat paalis ang kanilang mga hakbang papunta sa entrada.  Kaya naisip itanong ni Bag–aw kay Lakay Awallan ang pakay ng dalawang soldados pagkat masyado nang liblib ang kinaroroonan ng kanilang komunidad upang marating pa rin nila ito kahit may giya pa sila kung katutubong binyagan naman dahil tiyak wala na rin siyang alam sa mga naging kaganapan sa kabundukan ng Sierra Madre kung sa bayan ng Alcala siya naninirahan mula nang yakapin ang pananampalataya.  Napalatak na lamang siya habang umiiling ngayong nalaman na ng pamahalaang Kastila ng Alcala na nagtatago lamang pala sa pusod ng kagubatan ang mga katutubong Malauegs na nakaligtas noong gabi na sinunog ng mga soldados ang kanilang lumang komunidad hanggang sa nasambit niya na malaki ang posibilidad upang mauulit ang pangyayari kung hindi ito mabigyan agad ng solusyon kaya napaisip siya.

            “Ipinaalam lamang nila sa atin . . . ang tungkol sa bagong kautusan ng pamahalaan!  Inaatasan ang lahat . . .  upang kumuha ng cedula!  Kabilang tayong . . . mga katutubo!  Ito . . . ang paliwanag ng kasama nila!  Oo . . . Bag–aw!  Marunong pala sa wikang Kastila . . . ang kasama nila!  Mula . . . sa tribung Ibanag daw siya!  Bag–aw . . . siya ang nagpapaliwanag kanina . . . sa akin!”  Isinabay na rin ni Bag–aw ang pagpahinga sa tangkil kahit pansamantala lamang habang nag–uusap sila ni Lakay Awallan para hindi siya maiidlip pagkat ayaw rin niya ang matulog na hindi naghapunan muna lalo’t puro prutas ang laman lamang ng kanyang tiyan mula pa kaninang madaling–araw ngunit wala siyang balak lumiban sa pangangaso bukas maski walang sasama sa kanya dahil sayang naman ang maghapon na wala siyang ginagawa.  Naging pahingahan din ni Lakay Awallan ang tangkil sa tuwing sumasapit ang tanghali upang magpalipas ng antok dahil may silyon siya na sadyang ginawa noon ng mga kalalakihang Malauegs para magiging madali na lamang patulugin ang sanggol na si Bag–aw kapag sinusumpong ng alumihit habang tumutugoy ang upuan ngunit napapakinabangan pa rin ito hanggang ngayon.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *