Kung hindi naman masyadong pagod mula sa pangangaso si Bag–aw ay sa tangkil sila naghuhuntahan habang hindi pa nila nararamdaman ang antok ngunit siya na laging gumigising ng madaling–araw ang madalas nauunang matulog dahil ipinagbabawal din sa kanya ni Lakay Awallan ang pamamasyal kahit sa katabing kubol lamang upang hindi siya mapupupyat. At sa tangkil hinihintay ni Lakay Awallan ang pag–uwi ni Bag–aw mula sa pangangaso kahit abutin ng dilim ang kanyang maghapong pagdarasal para sa kaligtasan ng binata basta matiyak lamang niya na sa paglatag ng gabi ay magkasama na sila sa kubol hanggang sumapit ang madaling–araw upang muling gampanan ang kanyang tungkulin bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs habang inihahanda naman ng kanyang apo ang sarili nito sa paagpasok sa kagubatan. Hindi na siya dumarayo pa sa gulod upang manalangin sa tuwing sumasapit ang takip–silim gaya nang ginagawa niya noon sa lumang komunidad pagkat may sariling pamilya na si Assassi kaya sa tangkil na lamang siya nagdarasal para maiwasan ang disgrasya ngunit paminsan–minsan sinasamahan din siya ni Bag–aw kung naisip nito ang magpalipas muna sa pangangaso. Lumalabas lamang siya sa tangkil kung maliwanag na ang paligid upang hintayin ang mainit na salabat mula sa kusina habang nagpapahinga nang mag–isa sa silyon na naging sandalan niya sa pag–aalaga noon kay Bag–aw dahil sumasabay na rin siya sa paggising sa kanyang apo para manalangin sa madaling–araw hanggang sumapit ang umaga. Pero hindi pa rin nawawaglit sa kanyang isip ang malagim na pangyayari sa lumang komunidad kahit mahigit sa dalawampung taon na ang nagdaan lalo na sa tuwing minamasdan niya si Bag–aw pagkat halos nawalan na siya ng pag–asa noon nang makulong sila sa loob ng nagliliyab na sagradong kubol ngunit ngayon niya napagtanto na maaaring kagustuhan din ni Bathala upang makaligtas sila. Seguro, noon pa lamang nagising si Bathala nang gambalain ng mga hagibik ang kanyang kahimbingan dahil natunton niya ang daan ng kaligtasan hanggang sa narating niya ang yungib habang pangko si Bag–aw maski madilim ang paligid sa halip na mang–abala pa siya ng tulong pagkat nangangailangan ng saklolo ang lahat sa mga sandaling ‘yon nang magmistulang impiyerno ang kanilang komunidad. Marahil, alam din ng sanggol na tiyak ikapapahamak nilang dalawa kung pumalahaw siya pagkat hindi man lamang siya nagparamdam ng takot maski gising samantalang maraming beses natalisod si Lakay Awallan habang sinisikap bilisan ang takbo niya dahil yungib na lamang ang natitirang ligtas na pook noong nagliliyab ang kanilang komunidad.
“Cedula?! Ano po ang cedula . . . ha?! Apong?!” Napamaang si Bag–aw nang marinig niya ang salitang cedula mula kay Lakay Awallan pagkat wala naman naikuwento tungkol dito ang kanyang mga mistad gayong sila ang laging bumababa sa bayan ng Alcala kasama ang kanilang mga magulang ngunit siya na rin ang pumakli sa sariling palagay dahil talagang nagiging bihira na rin ang pagkikita nila buhat nang magkaroon sila ng pasmilya. Disin, batid na ng mga kababaihang Malauegs ang tungkol sa cedula kung matagal nang ipinatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang ordinansang ito pagkat tuloy pa rin ang kanilang paglalako ng mga gulay maski hindi araw ng palengke sa bayan ng Alcala dahil kailangan magsipag sila upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng kanilang tribu. Diyata, nagpatupad na naman ng bagong ordinansa ang pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit ano ba ang kahalagahan ng cedula upang obligahin ang mga katutubong Malauegs para magkaroon sila nito dahil posibleng gagamitin lamang na dahilan ito nang maulit ang pananalakay ng mga soldados sa kanilang komunidad kung hindi sila sumunod. Kaya may katuwiran ang mga nabubuhay noon sa lumang komunidad kung tinutulan man nila ang pagbabayad sa buwis at amilyaramento dahil talagang hindi garantiya ang pagtalima upang hindi na magpapalabas pa ng bagong ordinansa ang pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat ito ang totoong nangyayari ngayon ngunit seguradong hindi pa rin magbabago ang kanilang paninindigan kung buhay pa sana sila. Seguro, kahapon lamang nagpalabas ng bagong ordinansa ang pamahalaang Kastila ng Alcala dahil kanina lamang nalaman ni Lakay Awallan ang tungkol sa cedula kung hindi pa dumating ang dalawang soldados upang ipaalam sa kanila na kailangan magkaroon sila nito para sa kanilang seguridad lalo na ang mga kababaihang Malauegs pagkat sila ang laging naglalako ng mga gulay sa bayan ng Alcala. Walang duda na problema ang dulot nito sa mga katutubong Malauegs dahil tiyak na mag–uunahan sila upang bumaba pagkat bukas ang araw ng palengke sa bayan ng Alcala kahit mga kababaihang Malauegs ang pinapayagan lamang ni Lakay Awallan para maglako ng mga gulay ngunit marami naman ang sumasabay sa kanila nang walang paalam. Yamang hindi sila mapagbawalan ni Lakay Awallan ay btiyak na marami sa kanila ang mapahamak kung hindi sila mag–ingat kahit paulit–ulit na lamang ang pangako sa tuwing pinagsasabihan sila samantalang kapakanan nila ang pinangangalagaan ng Punong Sugo dahil seguradong hindi na sila lalabas nang buhay mula sa kulungan kapag hinuli sila ng mga guwardiya sibil. Lalong nagkaroon ng rason ang ginagawang panghuhuli ng mga guwardiya sibil sa mga lumalabag sa batas sanhi ng bagong ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat magiging madali na lamang para sa kanila upang dakpin ang walang maipakitang cedula kaya tiyak marami na naman ang makulong dahil sa simpleng suspetsa lamang na dapat ikabahala ng mga katutubong Malauegs. Seguro, sinadya ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang pagpapatupad sa ganitong ordinansa para lalong paigtingin ang seguridad sa bayan ng Alcala upang mahadlangan ang binabalak ng mga nagsusulong sa himagsikan maski wala pa yatang kumpirmasyon ang balita dahil ibinase lamang ito sa nasagap na usapan ngunit hindi naman seguro magkakaroon ng usok kung walang apoy. Marahil, naneneguro lamang ang pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat talagang dumarami na ang mga naghahangad ng paghihiganti lalo na ang mga inagawan ng mga lupain dahil lamang sa walang naipakitang mga titulo na nagpapatunay sa kanilang karapatan samantalang pamana ito ng kanilang mga ninuno noong wala pa ang mga naghaharing banyaga sa kanilang bayan. Subalit imposible rin naman upang magkaroon ng kilusan sa bayan ng Alcala kung walang gustong pangungunahan ang isinusulong na himagsikan dahil hindi basta mahihikayat ang sinuman para suportahan ang mithiing ito maski matindi ang hangarin ng mga katutubong erehe na inagawan ng mga lupain upang gumanti sa pamahalaang Kastila ng Alcala. Sapagkat wala silang armas na puwedeng ipantapat sa mga fusil ng mga soldados at mga guwardiya sibil dahil hindi simpleng labanan ng katuwiran ang kanilang isinisigaw kundi rebolusyon para palayasin ang kasalukuyang gobyerno kahit pa ikamamatay nila ito basta makita lamang na malaya ang kanilang bayan ngunit may maglalakas–loob naman kayang pamunuan sila pagkat ito ang katanungan na kailangan masagot muna.
“Kapirasong papel lang naman . . . ‘yon! Aywan . . . kung ano ang nakasulat doon! Kasi . . . wikang Kastila ang nakasulat sa papel! Bag–aw! Basta . . . ‘yon daw ang cedula! Alam mo naman . . . Bag–aw! Hindi ako . . . marunong bumasa! Kaya hindi ko na pinag–interesang basahin pa . . . ang cedula! Oo . . . nagpaliwanag ang kanilang inteprete! Pero . . . hindi pa rin malinaw sa isip ko . . . ang sinasabi niya!” Walang duda na hindi pa napapaknit sa alaala ni Lakay Awallan kung paano nagsimula ang dinanas na kaguluhan ng mga katutubong Malauegs, kung bakit maagang namatay si Alawihaw, kung bakit hinangad ni Dayandang ang paghihiganti, kung bakit nilisan nila ang lumang komunidad nang sukal sa kanilang mga kalooban at kung bakit nasadlak sila sa pusod ng kagubatan. Maraming katutubong Malauegs ang nag–alay ng kanilang buhay noong tandisang tinutulan nila ang pagbabayad sa buwis at amilyaramyento dahil naniniwala sila na mababayaran man ang malaking pagkakautang nila sa pamahalaang Kastila ng Alcala ay tiyak na lulusubin pa rin sila ng mga soldados pagkat ginamit na dahilan lamang ang pagpapatupad sa ordinansa. Katunayan, ginamit lamang ang ordinansa sa totoong layunin ng pamahalaang Kastila ng Alcala upang kubkubin ang lumang komunidad ng mga katutubong Malauegs na sumasakop sa malawak na lupain sa kabundukan ng Sierra Madre hanggang sa naganap ang nakapanghihilakbot na pangyayari noong gabi na marami ang nasunog nang buhay kabilang ang lupon ng mga matatandang Malauegs nang matupok ang sagradong kubol na pinagtataguan nila. Baka panibagong taktika ng panlilimbong ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang pagpapatupad sa ordinansa na may kaugnayan sa ceedula upang magpatuloy ang subastahan sa mga huwad na titulo kapag kontrolado na nito ang malawak na kalupaan ng Sierra Madre habang si Alcalde pa ang punong–bayan ng Alcala ngunit magtatagumpay naman kaya siya kung bagong henerasyon ng mga mandirigmang Malauegs ang magiging kalaban ng mga soldados. Kunsabagay, hindi naman yata magiging mabigat sa kalooban ng mga katutubong Malauegs ang magkaroon ng cedula ang bawat isa sa kanila dahil kabutihan din ang dulot nito upang hindi na muling magpamalas ang lagim na minsan nang nanghamok sa kanila noong naroroon pa lamang sila sa lumang komunidad hanggang sa muntik nang maglaho ang tribung Malauegs kung nasawi silang lahat. Sana, higit na pahahalagahan ng mga katutubong Malauegs ang kapayaan na tinatamasa nila sa loob ng mahigit sa dalawampung taon kaysa gisingin sa kanilang mga puso ang poot kung ayaw nila na tuluyan nang maparam sa kabundukan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs pagkat hindi sa lahat nang pagkakataon ay pumapanig sa buhay ng tao ang suwerte. Sapagkat kailangan makibagay rin sila sa pamahalaang Kastila ng Alcala maski magdudulot pa ng masamang epekto ang pagtalima nila sa mga kautusan nito para matutuklasan nila ang kahinaan nito kaysa magpamalas sila ng pagtutol kung ito naman ang magiging dahilan upang upang maulit ang madugong sinapit ng kanilang lumang komunidad. Kung mga kuwento ang pinanghahawakan lamang ng mga bagong henerasyon ng mga katutubong Malauegs ay tiyak na hindi pa nalilimutan ng mga naging saksi sa tunay na sinapit noon ng kanilang lumang komunidad kahit mahigit sa dalawampug taon na ang lumipas lalo’t marami sa kanila ang hindi nakaligtas mula sa nasunog na sagradong kubol. Aywan kung maging katanggap–tanggap sa mga katutubong Malauegs ang katuwiran na makabubuti pa ang huwag na lamang ipaglaban ang kanilang paninindigan para hindi na muling magaganap sa kasalukuyan ang madugong kasaysayan na iniwan ng nakaraan dahil nabubuhay sila sa panahon na apektado sa pagbabago ng mundo ang kanilang mga karapatan at kalayaan. Kahit maagang ipinunla sa puso ng mga bagong henerasyon ng mga katutubong Malauegs ang karunungan sa pakikibaka bilang paghahanda sakaling naisin nila upang ipagpapatuloy ang naging simulain ng kanilang mga magulang ay tiyak na ikapapahamak naman nila ang sobrang kapusukan pagkat mga bala ang kalaban ng kanilang mga tunod.
ITUTULOY
No responses yet