Seguro, tinatanong niya ang sarili kung obligado rin bang kumuha siya ng cedula samantalang hindi pa niya nararating ang bayan ng Alcala sapul nang isinilang siya pagkat hindi rin siya masisiyahan habang namamasyal sa plasa ng Alcala, sa pamilihan ng Alcala kung laging nagmamatyag sa kanyang kilos ang mga guwardiya sibil kaya mas gustuhin na lamang niya ang mangangaso. Baka muling naramdaman ng katawan ni Lakay Awallan ang kapaguran pagkat sumandal siya sa silyon habang iniuugoy ito ng kanyang tungkod dahil ginusto pa niya ang sumabay kay Bag–aw papunta sa kusina kanina imbes nagpaiwan na lamang sana sa tangkil upang sabayan ng dasal ang dahan–dahang pagkanlong ng araw sa kabundukan hanggang sumapit ang takip–silim. Inaamin naman niya na lubhang nakaapekto sa kanyang katawan ang unti–unting panlalayot ng kanyang lakas upang maging limitado na lamang ang kanyang galaw ngunit hindi na dapat pagtakhan pa pagkat dalawang buhay ang kanyang inaruga nang maulila sa inang si Alawihaw at nang magkasunod na nasawi ang mga magulang ni Bag–aw gayon man walang pagsisisi ang kanyang kalooban kung ganito man ang naging buhay niya. Kunsabagay, sadyang kumukupas ang lahat nang mayroon ang tao dahil sa tagal ng kanyang pananatili sa mundo habang hinihintay ang pagdatal ng kanyang hangganan pagkat maihahambing sa katanghaliang–tapat ang lakas ngunit kusang lumalamig pagsapit ng dapit–hapon sa buhay niya para ipahinga ang sarili maski tumututol ang kanyang kalooban kung inaamin naman ng isip niya ang kahinaan. Aywan kung magpatawag siya ng pulong bukas para mapag–usapan ng mga katutubong Malauegs ang panibagong kautusan ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat hindi pa ito batid ng mga kalalakihang Malauegs ngunit maaaring pauwi na rin sila galing sa pangangaso dahil dumidilim na ang paligid lalo’t sila na lamang ang hinihintay upang sumabay sa hapunan na kanina pa naihanda.
“Pero . . . Apong! Dapat ikonsidera rin po natin! . . . ang halaga ng cedula! Tiyak . . . may bayad ‘yon! Opo . . . Apong! Nabanggit po ba nila . . . kung magkano po ang cedula? Ha?! Apong!” Bagaman, para sa proteksiyon ng mga katutubong Malauegs ang cedula ngunit may katuwiran din naman si Bag–aw pagkat hindi ito basta ibibigay na lamang nang libre sa kanila ng pamahalaang Kastila ng Alcala upang tumalima sila dahil malayong mangyayayri ito kaya tiyak na magkakaroon sila ng problema kung iasa lamang nila sa mapaglalakuan ng mga gulay ang pambayad nito Sapagkat totoo naman na walang ibang pinagkikitaan ang mga katutubong Malauegs kundi ang paglalako ng mga gulay ngunit kasya lamang sa kanilang mga pangangailangan ang napagbebentahan nito kahit araw–araw nang bumababa sa bayan ng Alcala ang mga kababaihang Malauegs maski delikado sa kapatagan ng Sierra Madre dahil kailangan iwasan nila ang mga destacamento de tropas. At kailangan din maglaan sila para sa sariling konsumo sa halip na ilako ang lahat nang mga produkto nila na ibinibenta na lamang sa murang halaga kung matumal ang bilihan upang hindi sila magtatagal sa bayan ng Alcala dahil maglalakad pa sila pabalik sa kanilang komunidad maski delikado kung maharang sila ng mga soldados kaya lumilihis sila palayo sa landas na nararaanan ang mga destacamento de tropas. Kunsabagay, nahahati sa tatlong grupo ang mga kababaihang Malauegs dahil madalas na inaabot ng magdamag ang kanilang paglalakad pabalik sa bagong komunidad kaya ibang grupo naman ang umaalis ng hating–gabi na sinasabayan ng tatlong kalalakihang Malauegs para tuluy–tuloy ang paglalako nila ng mga gulay sa bayan ng Alcala. Samakatuwid, nararapat lamang pala ang magkaroon ng cedula kahit ang mga kababaihang Malauegs muna upang hindi matitigil ang paglalako nila ng mga gulay lalo’t laging gabi kung bumaba sa bayan ng Alcala ang kanilang grupo ay hindi na magiging problema pa nila sakaling naharang sila ng mga soldados basta isipin na lamang nila na para sa kapakanan ng mga katutubo ng Sierra Madre ang ipinapatupad na kautusan ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Kahit mahirap panghahawakan ang palagay na makabubuti sa kanila ang pagsunod sa batas pagkat hindi maaaring ipagwalang–bahala ang nakaraan upang paniwalaan ang katuwiran na minsan nang nagpahamak sa kanilang lahat dahil mas malaki pa ang posibilidad na magdudulot lamang ng higit na pinsala ang pangalawang pagkakamali kung maging padalus–dalos ang kanilang desisyon. Walang duda na ito ang naiisip ngayon ni Bag–aw kung pagbabasehan niya ang mga kuwento na maraming beses nang narinig niya upang ipagdiinan ang katotohanan na hindi kailanman nagparamdam ng malasakit sa mga katutubo ng Sierra Madre ang pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat kabalintunaan naman sa naging akala nila noon na para sa kanilang kabutihan ang layunin ng gobyerno nang magpatupad ito ng mga ordinansa. Pero hindi rin naman puwedeng isantabi ang masamang epekto kung ipagpilitan ng mga katutubong Malauegs lalo na ang mga kababaihang Malauegs ang huwag kumuha ng cedula pagkat walang ibang paraan kundi ang sumunod sila kaysa tahasang labagin ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil naroroon sa bayan ng Alcala ang mga mahahalagang bagay na hindi nabibili sa kabundukan ng Sierra Madre. Dapat bigyan ng priyoridad ang kaligtasan ng mga kababaihang Malauegs upang hindi sila huhulihin ng mga guwardiya sibil habang naroroon sila sa bayan ng Alcala dahil walang naipakitang cedula samantalang ipinabatid na sa lahat nang mamamayan ng Alcala ang tungkol sa ordinansang ito ng pamahalaang Kastila ng Alcala para sa kanilang proteksiyon. Segurado, maraming ulit nang nabanggit sa kuwento ni Lakay Awallan na ang tandisang pagtanggi ng mga katutubong Malauegs upang bayaran ang malaking pagkakautang nila sa buwis at amilyaramyento ang sanhi kung bakit sinalakay ng mga soldados ang kanilang lumang komunidad kaya napilitan silang lisanin ito upang huwag lamang tuluyang maglalaho sa kabundukan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs. Kaya nararapat lamang na isipin din ni Bag–aw ang kaligtasan ng mga bumababa sa bayan ng Alcala maski hindi paglalako ng mga gulay ang sadya nila roon pagkat tiyak na maaapektuhan din ang kanilang tribu kapag natuklasan ni Alferez na may mga katutubong Malauegs pala ang namumuhay pa rin sa kabundukan ng Sierra Madre kung isa sa kanila ang dinakip ng mga guwardiya sibil dahil sa isyu ng cedula. Kabalintunaan sa kanyang naging paniniwala na tuluyan nang naglaho sa kalupaan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs matapos ang sinapit nila noong gabi nang sinilaban ng mga soldados ang kanilang lumang komunidad dahil sino ba naman ang mag–akala na may nakaligtas pa rin mula sa nasusunog na sagradong kubol upang isipin na isinalba sila ng himala samantalang magdamag na nagliliyab ang apoy.
Sandaling natahimik si Lakay Awallan nang mapagkuro niya na tama ang katuwiran ni Bag–aw dahil talagang kailanganin nila ang malaking halaga kung kumuha ng cedula ang lahat nang mga katutubong Malauegs para masunod lamang nila ang utos ng pamahalaang Kastila ng Alcala upang hindi na mauulit ang madugong kasaysayan ng nakaraan kahit walang kaseguruhan ang bukas ngunit malay ba nila kung lumikha ng himala ang kanyang mga dasal bilang Punong–Sugo. Aywan kung sanhi ng hindi inaasahang pagdating ng mga soldados kaya nawala sa isip niya upang alamin kung may bayad ba ang pagkuha sa cedula dahil tiyak na ito rin ang unang tanong ng mga kalalakihang Malauegs kung magpatawag siya ng pulong bukas ng umaga upang talakayin ang kautusang ito ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Gayunpaman, natitiyak niya na hindi magiging libre ang pagkuha sa cedula lalo’t pamahalaang Kastila ng Alcala ang nagpalabas ng kautusan dahil laging isinasaad sa bawat ordinansa ang pagpapataw ng mabigat na parusa sa sinumang ayaw sumunod dito tulad noong tumanggi sila upang bayaran ang malaking pagkakautang nila sa buwis at amilyaramyento. Kahit magiging kabawasan sa mapagbebentahan ng mga gulay kung pilitin pa rin nila ang kumuha ng cedula ngunit kapanatagan ng kalooban ang dulot naman nito sa mga kababaihang Maluegs dahil wala nang dapat ipangamba maski maharang pa sila ng mga soldados habang papunta sa bayan ng Alcala basta huwag lamang magpamalas ng anumang dahilan upang komprontahin sila. Tuloy, napailing nang buong kabiguan si Lakay Awallan matapos maisaloob kung bakit hindi niya naisip agad ang tungkol sa halaga ng cedula pagkat tiyak na itatanong din ito ni Bag–aw hanggang sa naalaala niya ang mga kababaihang Malauegs upang sa kanila na lamang lilinawin niya kung may nabanggit ba ang giya tungkol dito dahil sila ang kasama niya nang dumating ang dalawang soldados. Pero hindi rin naman masisisi si Lakay Awallan kung bakit hindi niya naitanong sa giya ng dalawang soldados ang tungkol sa halaga ng cedula para naging malinaw sana ang pagparating niya ng balita dahil talagang hindi rin niya inasahan ang walang kaginsa–ginsang pagdating nila sa kanilang komunidad kaya kinabahan agad siya pagkat pinayagan pa naman niya upang mangangaso ang lahat nang kalalakihang Malauegs. Katunayan, siya pa ang nagulantang nang alipalang bumungad sa kanilang komunidad ang dalawang soldados makaraan ang mahigit sa dalawampung taon na labis niyang ikinabahala dahil wala sa kanyang hinagap na matunton pa rin nila ang kanilang kinaroroonan gayong naririto na sila sa pusod ng kagubatan upang takasan ang pamahalaang Kastila ng Alcala matapos kubkubin at silaban nito ang kanilang lumang komunidad. Talagang nanlumo siya pagkat nawalan ng saysay ang pagsisikap nila sa loob ng mahigit sa dalawampung taon upang ilihim ang kinaroroonan ng kanilang bagong komunidad para mananatili sana sa paniniwala ng pamahalaang Kastila ng Alcala na walang tribung Malauegs ang nakaligtas kahit isa man lamang sa kanila matapos sunugin ng mga soldados ang kanilang lumang komunidad. Aywan kung dapat bang sisihin niya ang giya ng mga soldados pagkat malinaw na siya ang nagpahamak sa kanila ngunit naging katanungan naman ng sarili niya kung paano nalaman nito ang kanilang bagong komunidad samantalang wala pang sinuman mula sa ibang tribu ng mga katutubo ng Sierra Madre ang nakababatid sa kanilang pinaglipatan dahil mahigpit ang bilin niya sa mga kababaihang Malauegs upang iwasan ang pagbanggit tungkool dito habang naroroon sila sa bayan ng Alcala. Tiyak matagal nang naninirahan sa bayan ng Alcala ang giya dahil pinatunayan ito ng kanyang pagiging katutubong binyagan kaya imposible na alam pa niya ang sinapit ng mga katutubo ng Sierra Madre hanggang sa muling napatingin si Lakay Awallan sa direksiyon kung saan huling natanaw nila ang dalawang soldados ngunit lumatag na ang dilim sa kapatagan ng Sierra Madre.
ITUTULOY
No responses yet