IKA – 141 LABAS

Bagaman, walang malay pa siya noong gabi na ikinasawi ng kanyang inang Dayandang ang pagtatanggol sa kanilang lumang komunidad kahit paghihiganti ang totoong.layunin ng kanyang inang ngunit tiyak na hindi nangyari ito kung hindi rin sana pinatay ng mga soldados ang kanyang amang Alawihaw maski nanatiling katanungan kung naisip ba niya ang maghiganti upang bigyan ng katarungan ang sinapit ng kanyang mga magulang.  Sapagkat hindi puwedeng balewalain ang mga kuwentong naririnig niya mula sa mga nangakaligtas sa pangyayaring ‘yon dahil siya ang kinikilabutan sa tuwing naalaala niya ang mga musmos at ang lupon ng mga matatandang Malauegs na kasamang nasunog nang buhay nang walang awang sinilaban ng mga soldados ang sagradong kubol kaya malinaw na hindi tao ang turing ng mga banyaga sa mga katutubo ng Sierra Madre.  Sa kanyang pananahimik habang hinihintay ang tugon ni Lakay Awallan ay sumupang sa isip niya ang isang katanungan kung saang bahagi pa ba ng mundo puwedeng magkanlong ang mga katutubong Malauegs upang hindi na sila muling guguluhin ng pamahalaang Kastila ng Alcala matapos maisaloob niya na tila unti–unting sumisikip ang malawak na kalupaan ng Sierra Madre para sa kanila.  Segurado, wala nang matitirang katutubong Malauegs kung maulit pa ang pangyayari dahil munting katutubo man ay tiyak hahawak na rin siya ng busog at tunod upang ipagtanggol ang kanilang komunidad sukdang dumanak ang dugo sa kabundukan ng Sierra Madre pagkat mawawalan na rin ng halaga ang buhay kung walang kalayaan, kung tuluyan nang maglaho ang pook na sadyang inilaan ni Bathala para sa kanya.  Tumayo sa tabi ng bintana ng tangkil si Bag–aw upang hanapin sa labas ang pook na magiging kasagutan sa kanyang katanungan hanggang sa naglakbay pa nang matagal sa kapaligiran ang kanyang mga mata maski walang naituro sa kanya ang liwanag ng buwan kundi ang silweta ng kabundukan ngunit ipinapahiwatig lamang nito na walang dudang paglilipat sa pusod ng kagubatan ang kanyang magiging suhestiyon kung kaya na niya ang magparating ng mungkahi noong mga panahong iyon.  Napailing siya nang buong kapaitan dahil kabundukan na laging pinapasok niya upang mangangaso ang narating lamang ng kanyang mga mata ngunit hindi siya nawawalan ng pag–asa pagkat natitiyak naman niya na hindi itutulot ni Bathala ang mamuhay nang libong taon sa kabundukan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs kung hayaan naman nitong pasanin nila habambuhay ang lahat nang kabiguan.  Hanggang sa napatingin siya kay Lakay Awallan nang magpaalaala sa kanya ang kuwento nito pagkat naniniwala ang lahat na tiyak masaya nang naninirahan sa paraiso nang walang sukdulang kapayapaan ang kanilang mga yumao kabilang ang kanyang mga magulang kaya naging katanungan naman niya kung may posibilidad ba upang magkita-kita silang mag–anak doon pagdating ng araw na kailangan na rin niya ang sumunod sa kanila.

            “May awa sa atin . . . si Bathala!  Bag–aw!  Tiyak . . . hindi niya papayagan!  Upang . . . magiging palaboy tayo!  Sa . . . sariling bayan!”  Aywan kung dapat pa rin bang panghahahwakan ang paniniwalang ito ni Lakay Awallan dahil hindi naman maipagkakaila na tulog si Bathala noong gabi na sinalakay ng mga soldados ang kanilang lumang komunidad kaya marami ang nangasawi pagkat mga nagbabagang punglo ang naging tugon lamang sa kanilang mga dasal imbes na naging pananggalang sana sa kanilang buhay ang kanyang kapangyarihan.  Kahit makailang beses silang nagsusumamo noon ay hindi pa rin nagawang gisingin ng kanilang mga dasal ang kahimbingan ni Bathala gayong nakatutulig na ang putukan, halos maabot na ng mga nagbabagang bala ang kanyang kinaroroonan sa langit ngunit hindi pa rin naganap ang inaasahang himala upang mailigtas sana silang lahat mula sa nagliliyab na impiyerno.  Kunsabagay, marami–rami rin naman ang nakaligtas maski hindi napakinggan ni Bathala ang kanilang mga panalangin dahil tulog siya ayon sa paniniwala ng mga nangasawi mula sa malagim na pangyayari maski masakit ang naging paraan sa kanilang pagkamatay pagkat napasama sila sa nasunog na sagradong kubol samantalang mga bangkay lamang ang inaaalayan ng ganitong ritwal.  Kabalintunaan naman ang naging katuwiran ni Lakay Awallan dahil kabilang siya nat si Bag–aw sa mga nangakaligtas hanggang sa tumibay pa ang kanyang pananalig nang matagpuan nila sa pusod ng kagubatan ang pook na itinakda para pagtatayuan ng kanilang bagong komunidad makaraan ang limang araw na paglalakad habang tinitiis nilang lahat ang pagod at gutom.  Patunay lamang na hindi totoong natutulog si Bathala na taliwas sa mga iniisip ng mga dumaranas ng kabiguan sa tuwing binabayo sila ng mga pagsubok kundi sadyang nangyayari ang ganitong kaganapan pagkat hindi kayang hadlangan ng kahit anong kapangyarihan ang anumang naitakda na sa buhay ng bawat nilalang mula sa paglilihi ng kanilang mga inang hanggang sa isinilang sila.  Kalimitan, ipinauubaya na lamang ni Lakay Awallan kay Bathala ang solusyon sa kanilang mga suliranin dahil siya rin naman ang nagtalaga sa kanya bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs kaya lubos ang kanyang pananalig na hindi niya pinapabayaan ang kanilang lipi pagkat higit nilang kailanganin ang pagpapala niya ngayong nagiging masalimuot ang kanilang buhay.  Kaya hindi rin niya kinakaligtaan ang pagdarasal sa madaling–araw at sa pagsapit ng takip–silim kahit gaano pa kahirap para sa kanya ang tungkuling ito lalo’t kailangan maisasagawa niya ang pag–aalay sa tuwing kabilugan ang buwan bilang pasasalamat nila kay Bathala pagkat naging mabuti siya sa kanila lalo na sa mga kalalakihang Malauegs ngunit kayanin pa kayang salikupan ng panalangin ang kanilang tribu ngayong muling nagparamdam ang banta ng kasawian.  Bagaman, dumarami na ang nararamdamang sakit ng kanyang katawan ngunit kailangan magsakripisyo siya dahil sa ganitong paraan lamang naipapamalas niya kay Bathala ang kanyang katapatan pagkat naging pangako niya sa sarili na gagawin ang lahat para magampanan ang kanyang mga tungkulin bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.  Gapiin man ng karamdaman ang kanyang katawan hanggang sa humilagpos ang kanyang huling hininga ay walang kailangan pagkat kasiyahan niya ang paglingkuran si Bathala dahil karangalan ang maging Punong Sugo ng tribung Malauegs lalo’t bihira lamang ang nabibigyan ng ganitong oportunidad maski totoo na marami ang naghahangad ngunit hindi sila pinalad kahit saglit na pagkakataon.  Sandaling natigil ang pagsasalita ni Lakay Awallan nang huminga siya nang malalim kaya kaagad kumuha ng isang lumbo ng tubig si Bag–aw para ipainom sa kanya sabay hagod niya sa kanyang likod pagkat maaaring nagpaparamdam na ang kanyang hika dahil talagang sumisigid na rin ang lamig sa paligid habang lumalalim ang gabi ngunit nawala yata sa kanyang isip na hindi dapat nagpupuyat siya.  Tuloy, nawaglit na rin sa isip ni Bag–aw ang paraiso nang walang sukdulang kapayapaan dahil talagang naging palaisipan para sa kanya hanggang ngayon mula nang marinig niya ang kuwento pagkat hindi naman nabanggit ni Lakay Awallan kung saan ito matatagpuan upang mapuntahan sana niya nang malaman kung totoong may ganitong pook para malubos ang kanilang paniniwala sa katotohanan tungkol dito.  Sapagkat imumungkahi rin sana niya para sa paraiso nang walang sukdulang kapayapaan na lamang magtayo ng komunidad ang tribung Malauegs upang hindi na sila mahahanap pa ng mga soldados ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil hindi na pala sila ligtas kahit naririto sila sa pusod ng kagubatan makalipas ang mahigit sa dalawampung taon.  “Nakikita . . . ni Bathala!  Ang . . . mga kaganapan!  Hindi niya hahayaan . . . upang maglaho ang ating tribu!  Dahil mahal n’ya . . . ang mga katutubong Malauegs!  Oo . . . Bag–aw!  Mahal tayo . . . ni Bathala!”  Sa pananahimik ni Bag–aw habang pinapakinggan ang paliwanag ni Lakay Awallan ay sumiloy sa kanyang utak ang maraming katanungan ngunit minabuti niya ang sarilinin na lamang sa halip na iparinig pa ang mga ito dahil ayaw niya ang maging lapastangan kay Bathala pagkat apo siya ng Punong Sugo ng kanilang tribu basta tumango na lamang siya maski may pagdududa ang kanyang kalooban.  Baka sumpain lamang siya ni Bathala dahil salungat sa mga pahayag ni Lakay Awallan ang mga katanungan na nagsasalimbayan sa kanyang utak hanggang sa napailing siya pagkat hindi naman malilinawan ang kanyang sarili kung hindi niya isatinig ang mga ito ngunit isinaalang–alang din naman niya ang damdamin ng kanyang apong lalo’t sensitibo ang paksa.  Nagtatanong ang kanyang sarili kung bakit hindi hinadlangan ni Bathala ang ginawang pananalakay ng mga soldados sa kanilang lumang komunidad hanggang sa maraming katutubong Malauegs ang nangamatay kabilang ang kanyang mga magulang kung tunay na makapangyarihan siya dahil nasa mga kamay niya ang pag–asa nila nang magmistulang mga hayop sila habang binabaril nang mga sandaling ‘yon?  Bakit hinayaan ni Bathala upang mangyari sa mga katutubong Malauegs ang kalupitang ito kung totoo na siya ang kanilang kaligtasan kahit marami na ang nangasawi noong gabing sinilaban ng mga soldados ang kanilang lumang komunidad hanggang sa nasadlak sila sa kapighatian at napilitang lisanin ang mga lupain na pamana pa mandin ng kanilang mga ninuno?  Bakit hindi pinarusahan ni Bathala ang pamahalaang Kastila ng Alcala nang kubkubin nito ang lumang komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil lamang sa kawalan ng titulo na magpapatunay sa kanilang mga karapatan sa mga lupain sa halip na pinakinggan sana niya ang kanilang mga pagsusumamo kung talagang siya ang kanilang tagapagtanggol?  Tuloy, naisaloob ni Bag–aw na maaaaring si Lakay Awallan lamang yata ang pinapakinggan ni Bathala pagkat nagiging masigasig siya sa pagdarasal habang abala naman sa paghahanapbuhay mula sa umaga hanggang sumapit ang dilim ang mga katutubong Malauegs kaya nakaramdam ng pagtatampo ang kanyang sarili dahil naturingan silang nag–iisang tribung Malauegs sa kabundukan ng Sierra Madre ngunit hindi naman nila nararamdaman ang kanyang pagpapala.  Minabuti niya ang huwag nang iparating kay Lakay Awallan ang kanyang mga hinanakit sa buhay upang hindi humantong sa pagtatalo ang kanilang pag–uusap ngunit talagang ayaw magpaawat ang kanyang sarili nang gumuhit na naman sa kanyang utak ang panibagong katanungan ngunit pumikit na lamang siya dahil tiyak na mayayanig ang Punong Sugo kapag nabigkas niya ang mapangahas na tanong.  Bakit hinayaan ni Bathala na masunog nang buhay ang lupon ng mga matatandang Malauegs gayong araw–gabi naman ang ginagawang pagdarasal nila kahit karamihan sa kanila ay halos hindi na makayanan ang paglalakad papunta sa sagradong kubol ngunit sinisikap pa rin gampanan ang kanilang mga tungkulin hanggang hating–gabi pagkat ito ang naging panata nila?

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *