Bagaman, totoong naging kaugalian na sa tribung Malauegs ang pagsusunog sa mga bangkay ngunit kalabisan naman kung buhay pa lamang sila ay ganito na ang naging parusa sa kanila kaya hindi madaling limutin ang kahindik–hindik na pangyayari kahit mahigit sa dalawampung taon na ang lumipas sa halip magpapatuloy ang paglalahad sa kuwento hanggang sa magpasalin–salin ito sa bawat henerasyon. Napatitig na lamang kay Lakay Awallan si Bag–aw imbes bigkasin pa ang kanyang mga katanungan pagkat lalong mali kung ngayon pa niya itutuwid ang pananalig na naging bahagi na sa kanyang buhay sa loob ng dalawampu’t limang taon dahil lamang hindi nagiging malinaw sa kanya ang mga kasagutan sa mga tanong na hindi naman dapat pahalagahan pagkat may mga sitwasyon na sadyang naitakda na ng tadhana kaya hindi puwedeng baguhin. Tiyak na pagtatawanan lamang siya kapag nalaman nila na pinagdududahan niya ang kapangyarihan ni Bathala kung kailan tumagal nang mahigit sa dalawampu’t limang taon ang pananalig niya rito lalo’t siya pa mandin ang inaasahan upang humalili kay Lakay Awallan sa pagiging Punong Sugo dahil siya lamang ang puwedeng pagkakatiwalaan bilang kanyang nag–iisang apo. Sana, patawarin na lamang siya kung nawala ang kanyang pitagan dahil naging mabilis ang alinugnog ng kanyang utak nang magsalimbayan ang maraming katanungan kahit hindi dapat bigyan ng pansin pagkat sadyang mahirap arukin ang kalooban ni Bathala matangi sa panaligan nila nang buong katapatan ang kanyang kapangyarihan upang pagpalain sila. “Sakali man . . . malawak ang Sierra Madre! Hindi pa natin narating . . . ang kabila n’yan! Kaya . . . walang dapat ipangamba! Ang ating tribu . . . Bag–aw!” Palibhasa, sa kabundukan ng Sierra Madre tumanda si Lakay Awallan kaya batid niya na hindi pa narating ng kahit sinuman mula sa alinmang tribu ang silangang bahagi nito dahil kailangan tawirin muna niya ang mahabang tagaytay bago mamalas ang dagat Pasipiko kung makaligtas siya pagkat marami man ang nagtangka noon ngunit hindi sila pinalad mula sa mga naglilipanang panganib sa kagubatan bukod pa ang pangungupinyo ng mga diwata kapag nagalaw ang kanilang mga halamanan at mga alagang hayop. Sapagkat mahigpit na binabantayan ng mga engkanto, mga tikbalang, mga tiyanak at mga duwende ang tagaytay ng Sierra Madre base sa mga kuwento upang tiyakin na hindi ito basta mapapasok ng kahit sino para mapapanatili ang katahimikan at ang pagiging sagrado ng paraiso na hindi pa natutuklasan kaya maraming mangangaso ang naglaho matapos pangahasang pasukin ang silangang bahagi ng kabundukan ng Sierra Madre. Subalit nagkaisa ang paniniwala ng lahat na hindi ito ang paraiso nang walang sukdulang kapayapaan sa kuwento ni Lakay Awallan dahil hindi pa rin matukoy kung saan matatagpuan ito ngunit naging pangarap naman ng mga katutubong Malauegs ang makarating sila rito balang araw kahit nanatiling alamat lamang ito habang hindi pa napapatunayan ang katotohanan tungkol dito. Natatanaw mula sa dalampasigan ng dagat Pasipiko ang banayad na galaw ng mga alon habang mistulang kumikislap na mga brilyante sa tuwing dinadampian ito ng sikat ng araw ngunit mapalad ang sinumang naninirahan doon kung mayroon man dahil tiyak na sagana ang kanyang pamumuhay pagkat malawak ang pinagkukunan niya ng mga yamang–dagat. Gayunpaman, wala pa rin garantiya na hindi mararating ng mga soldados ang silangang bahagi ng Sierra Madre sakaling naisin ng mga katutubong Malauegs ang magtayo ng komunidad doon upang malubos ang kanilang kasarinlan mula sa mapaniil na gobyerno dahil magiging madali na lamang para sa kanila ang tuklasin kung may mga naninirahan doon pagkat sa karagatan dumaraan ang mga galyon. Baka nawaglit na sa isip ni Bag–aw ang laging sinasambit ni Lakay Awallan na walang hindi kayang marating ang mga banyaga basta ginusto nilang puntahan ang isang pook pagkat nagiging madali na lamang ito para sa kanila taglay ang makabagong instrumento na ginagamit sa paglalakbay hanggang sa natuklasan nila ang Pilipinas kaya hindi na rin dapat pagtakhan kung natunton ng dalawang soldados ang kanilang kasalukuyang komunidad. Tuloy, hating–gabi na nang magpaalam si Bag–aw upang ipahinga ang kanyang sarili nang hindi na niya mapigilan ang matinding antok ngunit sumunod na rin si Lakay Awallan nang hindi na niya matagalan ang ginaw dahil sa silid na lamang siya magdarasal maski nagparamdam na ang antok nang magpaalaala ang tungkulin na hindi niya nagawang gampanan kaninang dapit–hapon. Sapagkat natuon sa cedula ang isip niya kaya tumagal ang kanilang pag–uusap nang hindi nila namalayan ngunit maaaring naging maikli lamang ang kanyang dasal dahil humiga na rin siya habang puspos nang galak ang kanyang damdamin pagkat ngayon lamang tumagal ang kanilang kuwentuhan hanggang sa nahiling niya na sana masusundan pa ito kahit laging maagang natutulog ang kanyang apo sanhi ng labis na kapaguran nito sa maghapong pangangaso. Baka itutuloy pa rin ni Bag–aw ang planong pangangaso bukas kahit napuyat siya ngayong gabi dahil hindi balakid ang gawaing nagbibigay ng saya sa kanyang kalooban ngunit maaaring gagawin niya ito pagkatapos ang pulong upang hindi magagalit sa kanya si Lakay Aswallan pagkat isang malinaw na rason din kung bakit napaaga ang kanyang uwi kanina ay para mapapanatag ang kalooban ng Punong Sugo. Talagang hindi dapat abutin ng dilim sa kagubatan si Bag–aw pagkat laging hinihintay ni Lakay Awallan ang kanyang pagdating kaya kailangan ingatan din niya ang sarili habang mag–isa lamang niya na ginagalugad ang guarida ng panganib ngunit may pagkakataon na inaabot din siya ng gabi dahil sa sobrang kagalakan kung buhos ang dating ng kanyang suwerte hanggang sa nawaglit na sa isip niya ang umuwi nang maaga sa komunidad.
Kasamaang–palad, biglang naparam ang antok ni Bag–aw maski nakahiga na siya dahil dala niya hanggang sa papag ang mga napag–uusapan nila ni Lakay Awallan sabay paninisi sa kanyang sarili kung bakit hindi niya nasabi ang mga katanungan na gumagambala sa kanyang isip kaya hindi siya pinatulog na ikinabahala naman niya kung maidlip siya sa kagubatan pagkat itutuloy pa rin niya ang pangangaso bukas kahit tanghali na matatapos ang pulong. Katunayan, kanina pa pabiling–biling sa higaan si Bag–aw dahil pilitin mang ipikit ang kanyang mga mata ay talagang ayaw na siyang dalawin ng antok samantalang naghaharok na si Lakay Awallan matapos ang maikling dasal nito kaya bumangon siya ngunit umupo lamang sa gilid ng papag sa halip na tumayo para hindi niya magagambala ang kahimbingan ng matanda. Inaasahan pa naman niya na magiging mahimbing ang kanyang tulog dahil napagod sa maghapong pangangaso ang kanyang katawan ngunit taliwas dito ang nangyari pagkat laging nagpaalaala sa kanya ang magiging epekto ngayong natuklasan na ng dalawang soldados ang kanilang kasalukuyang komunidad makaraan ang mahigit sa dalawampung taon na pagtatago nila sa pusod ng kagubatan. Minabuti niya ang tumayo kung hindi rin lang siya maidlip pagkat binabagabag ang kanyang kalooban hanggang sa tinungo ng kanyang marahang hakbang ang tangkil kahit madilim na roon dahil pinatay muna ni Lakay Awallan ang gasera bago pumasok sa kubol ngunit tinungo pa rin niya ang bintana maski tumitindi sa pakiramdam ang lamig ng hangin para dalawin lamang siya ng antok. Sumalubong sa kanya ang katahimikan ng hating–gabi hanggang sa hindi napigilan ng kanyang mga paa ang lumakad palabas sa tangkil ngunit naging maingat ang bawat hakbang niya dahil posibleng bigyan ng masamang kahulugan ng mga bantay sa entrada ng kanilang komunidad ang ingay ng kanyang paglalakad kaya hindi rin siya lumayo pagkat magpaantok ang gusto lamang niya. Walang duda na gising ang mga bantay sa entrada nang dumako sa bukana ang kanyang mga mata dahil pinatutunayan ito ng nagliliyab na siga upang tiyakin ang kapayapaan sa buong magdamag habang natutulog nang mahimbing ang mga katutubong Malaueg hanggang sa kanilang paggising bukas ng umaga para gawin ang panibagong pagsisikhay sa buhay. Kanina pa yata nagkanlong sa kabundukan ng Sierra Madre ang buwan pagkat aninag sa kalangitan ang mga bituin habang sinisikap tanglawan ang madilim na mundo at siya na ayaw pa rin dalawin ng antok maski malamig ang paligid dahil sa makapal na ulop ngunit nagpalakd–lakad pa rin siya imbes na damhin ang ginaw para pagurin ang kanyang sarili. Hanggang sa namalayan na lamang ni Bag–aw ay narating na pala ng kanyang mabagal na hakbang ang hapag kaya umupo muna siya habang hinihintay ang muling pagpaparamdam ng antok matapos maisaloob na hindi na lamang niya itutuloy ang balak na pangangaso bukas ng umaga dahil tiyak na tatanghalin siya ng gising kung madaling–araw nang pumikit ang kanyang mga mata. Nanatili muna siya sa hapag dahil babalik lamang siya sa higaan kung talagang hindi na niya mapipigilan ang antok upang tuluy–tuloy ang kanyang tulog pagkat sisikapin pa rin niya ang gumising nang maaga upang dumalo sa gaganaping pulong bukas nang mapakinggan din niya ang pahayag ng bawat kalalakihang Malauegs para malaman din niya ang kanilang posisyon tungkol sa isyung ito. Hanggang sa naipagpalagay niya na maaaring hindi pa siya natutunawan pagkat inaamin naman niya na talagang naparami rin ang kanyang kain sa hapunan dahil sa sabaw ng nilagang karne ng papaw lalo’t nahiga agad siya nang sunud–sunod ang kanyang paghihikab kahit katatapos lamang niya maghapunan kaya napailing na lamang siya sabay haplos sa kanyang tiyan. Subalit umaasa siya na mararamdaman din niya mamaya lamang ang antok pagkat hindi dapat tumagal hanggang madaling–araw ang kanyang pagpupuyat dahil balak pa rin niyang ituloy ang pangangaso kahit pasado tanghali na matatapos ang nakatakdang pulong basta may mapagtuunan lamang ng pansin ang sarili niya kaya nagsimula nang tumilaok ang mga labuyo sa kagubatan nang lumakad pabalik sa kanilang kubol ang kanyang mga paa.
Palibhasa, naging mahimbing ang tulog ni Lakay Awallan sa nagdaang gabi ay maaga pa rin ang kanyang gising kinabukasan ngunit nagpahinga muna siya sa tangkil habang humihigop ng mainit na salabat matapos ang kanyang pagdarasal sa madaling–araw dahil gusto niya ang sumabay sa almusal na inihahain pa lamang ng mga kababaihang Malauegs upang ipaalam sa mga katutubong Maluaegs ang tungkol sa pulong na gaganapin ngayong umaga pagkat hindi ito naiparating kagabi kina amang Tagatoy at amang Luyong nang tumagal hanggang hating–gabi ang pag–uusap nila ni Bag–aw.
ITUTULOY
No responses yet