IKA – 144 LABAS

Maya–maya, hinahanap ng kanyang mga mata si Lakay Awallan hanggang sa nakaramdam ng kaunting pagtatampo ang kanyang sarili kung bakit hindi man lamang siya ginising nito dahil gusto rin sana niya ang sumabay sa almusal pagkat matagal nang hindi siya dumadalo sa hapag nang mabaling sa pangangaso ang kanyang isip samantalang binata naman siya upang bigyan niya ng priyoridad ito.  Mangyari, pumapasok na siya sa kagubatan para mangangaso kahit madaling–araw pa lamang basta naririnig na niya ang tilaok ng mga labuyo hanggang sumapit ang dapit–hapon kaya hindi siya kasalo sa almusal at pananghalian maging sa hapunan pagkat mas gusto pa niya ang matulog nang maaga upang ipahinga ang kanyang katawan dahil sa maghapong pangangaso.  Kunsabagay, bumabangon naman siya kahit hating–gabi upang kumain kung nagparamdam sa kanya ang gutom saka itutuloy ang kanyang pagtulog hanggang sa magigising uli siya sa madaling–araw dahil ito na ang kanyang nagiging buhay mula noong natutunan niya ang humawak ng busog at tunod para magkaroon ng kabuluhan ang kanyang sarili habang patuloy ang pag–inog ng mundo.  Dahan–dahang lumabas sa kubol si Bag–aw hanggang sa narating niya ang tangkil para tiyakin na nanggagaling sa hapag ang ingay na naririnig niya dahil hindi maaaring magkamali ang kanyang ulinig ngunit hinigop na lamang niya ang sabaw ng pinakukuluang karne ng libay nang sandaling mabaling ang kanyang paningin sa pagkain na sadyang inilaan sa kanya.  Pagkatapos, nagmamadaling lumabas siya sa tangkil nang matanaw niya si Lakay Awallan habang kinakausap ang mga katutubong Malauegs upang ipaliwanag sa kanila ang tungkol sa cedula lalo na ang halaga nito dahil alam naman nila na hindi ibibigay ito nang libre ngunit wala pang nagpapahayag ng kani–kanilang mungkahi hanggang hindi pa hinihingi ito ng kanilang Punong Sugo.  Bumilis ang mga hakbang ni Bag–aw papunta sa hapag nang maisaloob na seguradong siya na lamang ang wala pa sa pulong ngunit totoo naman pagkat si amang Assassi ang katabi ni Lakay Awallan habang napapaligiran sila ng mga kalalakihang Malauegs dahil ninais na lamang nila ang tumayo upang magpaubaya sa mga kababaihang Malauegs.  Aywan kung napansin nila ang kanyang paglapit basta tumayo na lamang siya sa likuran ng kanyang mga mistad upang hindi niya magagambala ang pagsasalita ni Lakay Awallan ngunit napangiti siya nang malaman na hindi pala sila bumaba sa bayan ng Alcala kahit araw ng palengke ngayon kaya naisaloob niya na maaaring kanina lamang nila nalaman ang tungkol sa pulong ngayong umaga.  Sapagkat nalimutan na rin niya para ipabatid sana kina amang Tagatoy at amang Luyong ang tungkol sa pulong ngayong umaga pagkat hindi pa ito alam ng mga kababaihang Malauegs kahit sila ang kasama kahapon ni Lakay Awallan nang dumating sa kanilang komunidad ang dalawang soldados dahil sa kanya nanggaling ang mungkahi nang mabanggit ang bayad sa cedula.  Nahabol pa ni Bag–aw ang panimulang salita ni Lakay Awallan habang ipinapaliwanag niya ang dahilan kung bakit nagpatawag siya ng pulong kahit nagdulot ito ng kaabalahan sa mga kalalakihang Malauegs dahil dapat nagpapahinga sila kung hindi binalak ng ilan ang bumaba sa bayan ng Alcala pagkat mahalagang malaman nang lahat ang bagong ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Upang hindi sila matutop na walang hawak na cedula kapag sinita sila ng mga guwardiya sibil kung naisin nila ang bumaba sa bayan ng Alcala dahil ito ang utos ng pamahalaang Kastila ng Alcala na dapat sundin lalo’t mahirap sawatain ang karamihan sa kanila maski ipinagbabawal na ang pag–alis sa kanilang komunidad para maiiwasan ang kapahamakan.     

            “Minabuti ko . . . ang kausapin kayong lahat!  Ngayong umaga!  Tungkol ito . . . sa kautusan ng pamahalaan!  Ayon sa mga soldados . . . inoobliga tayo ng pamahalaan!  Upang . . . kumuha ng cedula!  At hanggang bukas lamang . . . ang palugit na ibinigay sa atin!  Upang tumalima tayo . . . sa kautusang ito!”  Noon, tatlong beses nagpatawag ng pulong si Lakay Awallan para talakayin ang problema nila sa buwis at amilyaramyento hanggang sa nagpahayag na rin ng mungkahi ang mga kalalakihang Malauegs nang hindi magkasundu–sundo ang lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat ayaw ng mga sumasang–ayon sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala na mangyayari rin sa tribung Malauegs ng Sierra Madre ang naging kapalaran ng mga katutubong Malauegs ng Calantac.  Naging katuwiran naman ng mga tumututol na hindi nila kakayanin ang magbayad sa malaking pagkakautang sa buwis at amilyaramyento bukod pa ang paniniwala na lalong aabusuhin lamang sila ng gobyerno dahil walang garantiya upang hindi na ito muling magpapatupad ng batas kung sumunod sila hanggang sa nagising na lamang sila matapos ang magdamag na pagdiriwang sa taunang dayaw nang dumating ang mga soldados para salakayin ang kanilag komunidad.  Ngayon, naririto pa rin si Lakay Awallan matapos marating ang kasalukuyang panahon upang muling magpapaalaala sa mga kasalukuyang henerasyon habang tinatalakay nila ang cedula kaya maaaring totoo ang kasabihan na paulit–ulit lamang ang kasaysayan ngunit nagkakaiba lamang ang tinatalakay na paksa at ang mga tauhan na sangkot sa kuwento pagkat bahagi na lamang sa mga alaala ang mga dating mukha na nagpamalas ng katapangan sa pagtatanggol sa lumang komunidad kahit humantong sa kabiguan ang kanilang laban nang mangasawi sila.  Kung naging mapusok sa pagtutol noon ang mga kalalakihang Malauegs sa pangunguna ni Alawihaw upang bayaran ang malaking pagkakautang nila sa buwis at amilyaramyento hanggang humantong sa madugong labanan ang kanilang paninindigan ay ganito rin kaya katindi ang damdamin ng mga bagong henerasyon na kinabibilangan ni Bag–aw ngayong lantaran ang kanyang tandisang pagtanggi para magkaroon ng cedula ang lahat nang mga katutubo ng Sierra Madre kahit pamahalaang Kastila ng Alcala  ang nagpalabas ng ordinansa?  Sinamantala ni Lakay Awallan ang pagkakataon upang simulan ang pagtalakay sa cedula habang nagkakatipun–tipon silang lahat para marinig niya ang kanilang panig dahil magiging madali na lamang sa kanya ang gumawa ng desisyon kung may pagsang–ayon ang lahat pagkat kailangan iisang boses ang magiging paninindigan nila sakaling mananaig ang hindi pabor ss ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Ayaw niya hanggang maaari na mauulit ang nakaraan na mistulang multo na laging nagpaparamdam sa kanya sa tuwing nagkakaroon ng ganitong sitwasyon sa kanilang komunidad kahit ipagpalagay pa niya na maaaring nagpaalaala lamang sa mga nabubuhay sa kasalukuyang panahon ang mga kaluluwa na hindi nakasusumpong ng kapayapaan pagkat tunay na naging kalunus–lunos ang kanilang kamatayan dahil sa pagkakamali gayong batid naman nila na bumubuga ng apoy ang mga fusil.  Bagaman, hindi ito ang kanyang inaasahan pagkat tanggap naman niya ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil naniniwala pa rin siya na makabubuti ang magkaroon sila ng cedula para walang dapat ipangangamba kung sitahin man ng mga guwardiya sibil ang mga kababaihang Malauegs sa tuwing naglalako sila ng mga gulay sa bayan ng Alcala.  Problema lamang ang posisyon ng mga kalalakihang Malauegs dahil hindi naman niya saklaw ang kanilang mga pag–iisip upang ipagpalagay na magiging katanggap–tanggap din sa kanila ang pagkakaroon ng cedula kahit bumababa sa araw ng palengke sa bayan ng Alcala ang karamihan sa kanila para dalawin ang kanilang mga kamag–anakan kaya ito ang gustong tiyakin muna niya.  Lalo’t ipinapahiwatig na sa mga bulungan ang kanilang nagkakasalungat na mga palagay habang nagpapaliwanag pa lamang si Lakay Awallan kaya kailangan maipaunawa sa kanila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng cedula bilang proteksiyon sakaling maisipan nila ang bumaba sa bayan ng Alcala dahil seguradong itatanong agad ng mga guwardiya sibil ang tungkol dito.  Kailangan bang ipaalaala pa ang nakaraan upang maintindihan nila kung bakit mahalaga ang sumunod sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil para sa kabutihan din naman nila ang cedula pagkat seguradong hindi rin naman nanaisin pa ng mga nangakaligtas sa lumang komunidad na mauulit ang naging karanasan nila nang salakayin sila ng mga soldados.  Makabubuting tanggapin na lamang nila ang nagaganap na pagbabago para hindi na mauulit ang pangyayaring tinangay na nang mahigit sa dalawampung taon ngunit sapat nang leksiyon ang maraming buhay na naglaho dahil tahasang ipinamalas ang kanilang pagsuway sa kautusan ng pamahalaang Kastila ng Alcala gayong batid naman nila na hahantong lamang ito sa kanilang kapahamakan.  Sapagkat hindi maipapangako ang pangalawang himala upang umasa pa sila ng kaligtasan dahil posibleng tuluyan nang maglalaho sa kalupaan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs kung maulit ang ginawang pananalakay sa kanila ng mga soldados pagkat natutulog pala sa gabi si Bathala kaya pala hindi niya narinig ang kanilang mga hagibik noong nasusunog ang sagradong kubol.  “Nakikita ko . . . ang kabutihan!  Sa pagkakaroon natin . . . ng cedula!  Sapagkat . . . hindi naman kaila sa inyo!  Ang . . . kahalagahan ng cedula!  Lalo na sa mga madalas . . . bumababa ng bayan!  Dahil ito . . . ang laging hinahanap ng mga guwardiya sibil!”  Pansamantalang natigil ang pagsasalita ni Lakay Awallan ngunit ibinigay agad sa kanya ni amang Assassi ang lumbo ng tubig upang painumin siya pagkat halos katatapos lamang nilang kumain ng almusal nang sinimulan niya ang pulong upang malaman ang reaksiyon ng mga kalalakihang Malauegs kaugnay sa cedula na ipinapatupad ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa lahat ng mga mamamayan ng Alcala.  Pagkatapos, nagpalingus–lingos si Lakay Awallan upang alamin kung kabilang na si Bag–aw sa mga dumalo sa pulong pagkat mahimbing pa ang tulog ng kanyang apo nang lumabas siya ngunit hindi na lamang niya ginising ang binata dahil hustong dumaan naman si amang Assassi kaya sabay nang tinungo nila ang hapag para saluhan sa almusal ang mga katutubong Malauegs.  Dahil totoo rin naman na laging madaling–araw ang alis ni Bag–aw para mangangaso kahit mag–isa lamang siya ngunit lingid kay Lakay Awallan ay kanina pa niya pinapakinggan ang kanyang paliwanag dahil talagang hindi rin dapat mawawala siya sa pulong pagkat siya ang mismong nagmungkahi na kailangan ipatawag muna ang mga katutubong Malauegs sa pamamagitan ng pulong upang mapakinggan ang totoong saloobin ng bawat isa kaugnay sa cedula.  Tahimik lamang si Bag–aw maski dumarami na ang nagpaparamdam ng pagtutol habang pinapakinggan nila ang paliwanag ni Lakay Awallan dahil tiyak na bibigyan din sila ng pagkakataon upang ipahayag ang kanilang mga totoong nararamdaman pagkat ito naman ang talagang layunin ng pulong para makagawa sila ng isang desisyon ngunit dapat suportado nilang lahat. 

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *