IKA – 147 LABAS

Bagaman, may punto ang mungkahi ngunit tama si Lakay Awallan na wala pa rin katiyakan kung magiging katanggap–tanggap ito dahil posibleng naudyukan na rin ng mga kalalakihang Malauegs ang mga kababaihang Malauegs kaya hayagan ang kanilang pagtutol imbes na isipin ang kanilang kapakanan pagkat sila ang laging nahaharap sa panganib sa tuwing naroroon sila sa bayan ng Alcala.  Habang nakikinig si Lakay Awallan ay naisaloob niya na mali pa rin upang paiiralin nila ang sariling kagustuhan lalo’t minsan nang napatunayan na hindi patas kung lumaban ang pamahalaang Kastila ng Alcala dahil naisasakatuparan nito kahit sa hating–gabi ang maitim na plano nang lingid sa mga katutubong Malauegs pagkat sa ganitong paraan hinasa ang mga soldados.  Muling naglakbay ang kanyang paningin hanggang sa nahanap din niya si Bag–aw na lumipat pala sa dulo ng hapag ngunit tumango lamang siya imbes na lumapit sa kanya dahil marami pa ang nahikayat magsalita matapos malaman nila na may bayad pala ang cedula kaya pumiksi lamang siya bilang tugon sa  senyas niya para palapitin siya.  Aywan kung ano ang ibig iparating ni Bag–aw nang magkibit–balikat siya ngunit sa pagkaiintindi ni Lakay Awallan ay maaaring ipinaalaala lamang nito ang kanilang naging palagay habang nag–uusap sila sa tangkil kagabi tungkol sa magiging reaksiyon ng mga kalalakihang Malauegs kapag nalaman nila na may halaga pala ang cedula maski kailangan ito ng kanilang mga pamilya.  Isang isyu na hindi pa nila natatalakay ay ang  tanong kung kailangan din bang kumuha ng cedula ang mga kabataang Malauegs para hindi rin sila sitahin ng mga guwardiya sibil dahil sumasabay sila sa tuwing bumababa sa bayan ng Alcala ang kanilang mga inang maski pamamasyal lamang ang kanilang pakay roon sa halip na tumulong sana sa pagbebenta ng mga gulay.  Napatingala si amang Assassi nang maramdaman ang init ng araw ngunit hindi siya nagpakita ng panghal maski wala pa silang napagkasunduan hanggang ngayon pagkat hindi na bago para sa kanya ang ganitong tagpo kahit ngayon pa lamang sila nagkaroon ng pulong sapul nang inilipat sa pusod ng kagubatan ang kanilang komunidad kaya muling nagpaalaala sa kanya ang nakaraan.  Binatilyo na siya noon nang humantong sa kabiguan ang tatlong pulong na ipinatawag ng lupon ng mga katutubong Malauegs dahil binalewala lamang nila ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala hanggang sa naganap ang pananalakay ng mga soldados sa lumang komunidad kaya suko sa langit ang kanilang pagsisisi pagkat isinagawa ito sa hating–gabi habang natutulog nang mahimbing silang lahat.  Habang nagtatanong naman ang sarili ni Bag–aw kung tama ba ang kanyang hinala na simpleng paraan ng senso ang tunay na layunin ng cedula para magiging madali na lamang alamin ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kabuuang populasyon sa bayan ng Alcala kasama na ang mga komunidad ng mga katutubo ng Sierra Madre upang hindi na mahihirapan pa sa pagmomonitor ang mga guwardiya sibil pakat marami ang dumarayo kung araw ng palengke.

            “Kahit naman yata . . . magkaroon pa ng cedula . . . tayong lahat!  Hindi pa rin . . . ginagarantiyahan nito . . . ang ating kaligtasan!  ‘Yon . . . ang aking paniniwala!”  Talagang napaisip nang malalim si Lakay Awallan dahil hindi puwedeng ipagwalang–bahala ang katuwirang ito pagkat maaaring magkatotoo ang tinuran ng nagsasalita hanggang sa dumako sa mga kababaihang Malauegs ang kanyang mga mata upang pakiramdaman ang kanilang mga reaksiyon maski hindi pa sila dumaing ng problema kahit minsan mula nang sinimulan nila ang paglalako ng mga gulay sa bayan ng Alcala.  Samantalang mga anak nila ang masipag sumasama sa paglalako ng mga gulay ngunit may magagawa ba ang mga kabataang Malauegs kung kursunadahin sila ng mga guwardiya sibil dahil hindi sapat ang magpakita sila ng cedula kung hindi rin naman puwedeng isantabi ang palagay na galit sila sa mga katutubo ng Sierra Madre pagkat hindi na natagpuan ang bangkay ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz maski nakubkob na ng mga soldados ang lumang komunidad.  Hanggang sa nasambit ni Lakay Awallan na dapat pala sabayan ng mga kalalakihang Malauegs ang mga kababaihang Malauegs sa tuwing naglalako sila ng mga gulay sa bayan ng Alcala upang may nagtatanggol sa kanila sakaling dumating ang pangyayaring ito dahil aminado naman siya na lalong nagiging delikado ang sitwasyon habang tumatagal ang panahon pagkat halos walang tigil ang isinasagawang operasyon ng mga soldados sa kapatagan ng Sierra Madre.  Tuloy, naragdagan pa ang problema na dapat talakayin ng mga katutubong Malauegs para minsanan na lamang sana ang pag–uusap upang hindi na mauulit ang pangyayari dahil walang napagkasunduan kahit tatlong beses nagpatawag ng pulong noon ang lupon ng mga matatandang Malauegs kaya nararapat lamang makabuo sila ng desisyon maski tumagal hanggang hapon ang miting ngasyon pagkat kailangan nila ito.  Kaya nabuo sa isip ni Lakay Awallan ang planong hatiin sa limang grupo ang mga kalalakihang Malauegs upang sabayan nila sa paglalako ng mga gulay ang mga kababaihang Malauegs maski halinhinan na lamang ang pagtatalaga para makapagpahinga rin sila basta matiyak lamang ang kanilang kaligtasan dahil walang nakapipiho sa posibleng mangyayari habang papunta sila sa bayan ng Alcala at naglalakad pabalik sa bagong komunidad.  Kunsabagay, walang dahilan upang hindi tanggapin ang naisip na plano ni Lakay Awallan kung talagang handa nang paninindigan ng mga kababaihang Malauegs ang pagsuway sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit kailangan pahalagahan pa rin ang kanilang kapakanan pagkat magdudulot naman ng malaking problema sa kanilang tribu kung mapahamak sila.  Kahit sa paniniwala ng Punong Sugo ay mainam pa rin kung may hawak na cedula ang mga kababaihang Malauegs para maiiwasan ang maya’t mayang paninita sa kanila ng mga guwardiya sibil pagkat malalaman din naman nila na paglalako ng mga gulay ang kanilang sadya sa bayan ng Alcala kaya wala nang dahilan upang paghihinalaan pa sila.  Kaysa wala man lamang maipapakitang cedula ay walang duda na hahantong sa kulungan silang lahat dahil malinaw na linabag nila ang kautusan ng pamahalaang Kastila ng Alcala habang magiging problema naman ng mga kalalakihang Malauegs kung paano sila ililigtas upang hindi nila danasin ang matinding parusa pagkat araw–gabi na binabantayan ng mga guwardiya sibil ang munisipyo ng Alcala.  Subalit makukumbinsi pa kaya ni Lakay Awallan ang mga katutubong Malauegs kung kondisyon na sa kanilang mga kaisipan ang paniniwala na hindi naman pala totoo na nagbibigay nang ganap na seguridad ang pagkakaroon ng cedula upang hindi na sila sitahin ng mga guwardiya sibil dahil lumalabas na nagsasayang lamang pala sila ng pera na dapat ipinambili na lamang sana ng kanilang pagkain.  Pagkatapos, mapupunta lamang pala sa cedula ang mga pinaghirapan ng mga kabahaihang Malauegs pagkat talagang hindi rin biro ang kanilang sinusuong na panganib dahil kailangan tawirin nila ang mga ilog maski delikado kung malakas ang ulan dahil sa bayan ng Alcala lamang puwedeng ilako ang kanilang mga gulay at naroroon din ang karamihan sa mga probisyon na kailangang bilhin para masustinihan ang kanilang mga pangangailangan sa araw–araw.  Yamang ang talagang layunin ng pulong ay mapakinggan ni Lakay Awallan ang iba’t ibang pahayag ng mga katutubong Malauegs kaugnay sa cedula maski ipagpalagay pa nila na simpleng pases lamang ito sa tuwing pumupunta sila sa bayan ng Alcala kaya mainam pa rin ang magkaroon sila nito kung ganito rin lamang ang kanilang mga katuwiran dahil walang paraan para maiiwasan nila ito kapag sinita sila ng mga guwardiya sibil.  Sapagkat tiyak na hindi nila matatagalan ang marahas na parusa kapag ipinasok na sa kulungan silang lahat lalo’t ito pa mandin ang ayaw mangyayari ni Lakay Awallan dahil magiging madali na lamang kay Alferez upang tuntunin ang kinaroroonan ng kanilang bagong komunidad maski itanggi pa nila pagkat maaaring hawak na niya ang ulat ng dalawang soldados

            “May . . . hinala po ako!  Opo . . . Apong Awallan!  Baka ginagamit lamang ng pamahalaan . . . ang cedula!  Para ikubli . . . ang totoong pakay nila!  Baka po . . . !  Gusto lamang alamin ng pamahalaan . . . ang eksaktong bilang po natin!  ‘Yon po . . . ang naging palagay ko!  Apong Awallan!”  Sumabay sa ngiti ang pagtango ni Bag–aw na waring sinasang–ayunan ang kanyang narinig pagkat ganito rin ang kanyang naisip kani–kanina lamang kaya naibulong niya sa sarili na maaaring tama ang kanyang naging sapantaha kahit naroroon ang pagtataka kung bakit nabanggit ito ni amang Tagatoy gayong bihira naman kung pumunta siya sa bayan ng Alcala.  Nanggilalas naman si Lakay Awallan nang marinig niya ang pahayag ni amang Tagatoy hanggang sa naisaloob niya na maaaring ito ang paliwanag na kanina pa hinihintay niya kung bakit mahigpit na tinututulan ng kanyang pamilya ang pagkakaroon ng cedula samantalang batid naman ni inang Danglay na lubhang delikado ang magsama ng mga paslit sa tuwing bumababa siya sa bayan ng Alcala para maglako ng mga gulay.  Dapat mang ikamamangha ang naging sapantaha ni amang Tagatoy ngunit maaaring may katuwiran din siya kung bakit ninais ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang magkaroon ng cedula ang lahat nang mga katutubo ng Sierra Madre kung puwede naman ang mga kababaihang Malaueg lamang dahil talagang hindi rin maiiwasan ang bumaba sila sa bayan ng Alcala upang maglako ng mga gulay.  Sapagkat hindi naman banta sa seguridad ang lahat nang mga katutubo ng Sierra Madre na taliwas sa mga naninirahan sa kabayanan at ang mga dumarayo sa araw ng palengke sa bayan ng Alcala pagkat nanggagaling pa sa iba’t ibang bayan ang mga kumprador kaya may dahilan upang maghigpit sa kanila ang mga guwardiya sibil pagkat malaki ang posibilidad na maaaring balatkayo lamang ang pagiging mamimili ng ilan upang mangalap ng impormasyon.  Nang biglang kinabahan si Lakay Awallan hanggang sa mabilis nilakbay ng kanyang gunita ang mahigit sa dalawampung taon upang balikan ang nakaraan habang hinuhulo niya ang pahayag ni amang Tagatoy pagkat dalawang beses bumalik noon sa lumang komunidad ang pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz bago isinagawa ang kanilang pananalakay dahil sa buwis at amilyaramyento.  Talagang wala sa akala noon ng mga katutubong Malauegs na matatagpuan nila ang mga sarili sa pusod ng kagubatan ngunit kailangan lisanin nila ang lumang komunidad matapos kubkubin ito ng mga soldados pagkat binalewala lamang nila ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kaya naging katanungan ngayon ni Lakay Awallan kung posible bang maulit ang pangyayari sa kasalukuyang panahon dahil lamang sa cedula.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *