IKA – 148 LABAS

Maya–maya, bumuntung–hininga si Lakay Awallan saka sumulyap kay Bag–aw pagkat wala pa rin naririnig mula sa kanya maski tiyak nang hindi magbabago ang kanyang posisyon lalo’t may bayad pala ang cedula ngunit mainam pa rin kung malaman ito ng mga katutubong Malauegs para hindi nila iisipin na inaayunan lamang niya ang salita ng kanilang Punong Sugo.  Matapos mapagtalos ni Lakay Awallan na mali pala upang hikayatin ang lahat para kumuha ng cedula kung isalig niya sa katuwiran ni amang Tagatoy ang sanhi maski totoo na magbibigay sa kanila ng kabutihan ang pagkakaroon nito kung salungat naman dito ang kanilang iniisip hanggang sa napatango siya nang wala sa loob maski hindi siya sumasang–ayon dahil naniniwala siya na mahalaga pa rin sa kanilang buhay ang pagkakaroon ng seguridad.  Tutal, hindi naman siya nagkulang sa pagbibigay ng paalaala sa kanila ay makabubuti ang magpaubaya na lamang siya pagkat ganito rin noon ang tagpo nang magsalu–salungat ang mga paniniwala ng mga kalalakihang Malauegs at ang lupon ng mga matatandang Malauegs kaya buhay nila ang naging kabayaran sanhi ng malaking pagkakamali sa halip na inisip muna ang kapakanan nang lahat.  Hanggang sa napailing nang buong kabiguan si Lakay Awallan kaya nasambit niya na mabuti pa yata kung nangamatay na lamang silang lahat noon maski wala nang natira sa tribung Malauegs dahil hindi na sana muling maliligalig ang kanilang mga puso’t isipan kung batid lamang nila na mauulit din pala ang mga pangyayari makaraan ang mahigit sa dalawampung taon pagkat pansamantala lamang pala ang pagtining ng unos.  Napatingala na lamang siya upang hingin ang patnubay ni Bathala nang muling magpingkian ang kanilang mga paninindigan kahit minsan nang naranasan nila ang matinding kabiguan nang hamunin nila ang kapangyarihan ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit tila hindi pa rin ito nag–iwan ng aral sa kanila dahil lalong naging mapusok ang kanilang mga damdamin nang walang pagsaalang–alang sa magiging kahinatnan nito pagkat sadyang mahal kung maningil ang pagkakamali.  Ngayon, malinaw na sa pniniwala ni Lakay Awallan na kulang pa pala ang mahigit sa dalawampung taon para tuluyan nang mailibing sa limot ang malagim na pangyayari matapos mapagtanto niya na sadyang paulit–ulit lamang ang palabas sa malawak na entablado ng mundo pagkat ganitung–ganito ang tagpo noon maliban sa mga tauhang nagsiganap nang magkaroon ng karugtong ang kasaysayan.  Marahil, hindi pa rin nasusumpungan hanggang ngayon ng mga nangasawi sa lumang komunidad ang katahimikan maski naroroon na sila sa paraiso nang walang sukdulang kapayaaan lalo’t hindi napag–ukulan ng marangal na ritwal ang kanilang mga bangkay kaya maaaring sila ang pilit nagpaparamdam upang ipagpatuloy ng kasalukuyang henerasyon ang sigaw ng katarungan.  Kunsabagay, may basehan naman kung totoo ang palagay na ito pagkat kinitil ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang mga karapatang mamuhay nang mapayapa sa kabundukan ng Sierra Madre at inagaw pa sa madugong kaparaanan ang kanilang lumang komunidad na naging dahilan ng kanilang kamatayan kaya maaaring ibinubulong lamang nila sa kasalukuyang henerasyon na malaking pagkakamali ang magtiwala sila sa gobyerno.

            “Bag–aw!  May sasabihin ka ba . . . ha?”  Matapos tumango ni Bag–aw ay nagmamadaling lumakad siya papunta sa kinaroroonan ni Lakay Awallan upang tiyakin na maririnig nang lahat ang kanyang katuwiran maski hindi ito nalalayo sa kanilang mga pahayag dahil kahapon pa tinututulan na niya ang pagkakaroon ng cedula kahit hindi siya apektado nito pagkat hindi naman siya bumababa sa bayan ng Alcala.  Subalit sinamantala muna ni Bag–aw ang pagkakataon upang yapusin si amang Assassi pagkat sila ni  Lakay Awallan ang nagpapalitan sa pag–aalaga sa kanya noong sanggol pa laman siya lalo’t ‘yon ang kritikal na panahon sa kanyang buhay nang magkasunod na namatay ang kanyang mga magulang dahil sa pagtatanggol sa kanilang lumang komunidad laban sa mga soldados kaya hindi niya nalilimutan ang mga sakripisyong ginawa nila sa kanya.  Palibhasa, sa dulo ng bagong komunidad matatagpuan ang kubol ni amang Assassi kaya may katuwiran siya kung bihira lamang dumadalaw sa kanila sapul nang mag–asawa siya ngunit natatandaan pa niya na si Lakay Awallan ang nagbabantay sa kanyang anak pagkat maliit pa noon si Ulep para iwang mag–isa sa tuwing nangangaso siya dahil maagang namatay sa panganganak ang kanyang asawa.  May mga pagkakataon na nagsasabay sila sa pangangaso ngunit sandali lamang ang kanilang batian basta nasagot ni Bag–aw ang pangangamosta ni amang Assassi para kay Lakay Awallan ay kani–kanya nang galugad sila sa kagubatan kaya nakabuti rin ang ginanap na pulong ngayong umaga pagkat muling nagkasama–sama silang tatlo lalo’t madalang lamang mangyari ito.  Hindi mahagilap ng mga mata ni Bag–aw ang anak ni amang Assassi ngunit hindi na rin siya nagtaka pagkat isa si Ulep sa mga naging sakit ng ulo ni Lakay Awallan mula nang matutunan niya ang bumaba sa bayan ng Alcala nang mag–isa lalo’t araw ng palengke ngayon ay tiyak binalewala na niya ang kahalagahan ng pulong maski alam naman yata niya.  Mangyari, tila nawalan ng direksiyon ang buhay ni amang Assassi mula nang mamatay ang kanyang asawa dahil nabuhos na lamang sa pangangaso ang kanyang panahon ngunit napabayaan naman niya si Ulep maski totoong umuuwi pa rin sa kanilang kubol ang bata pagkat ikukulong naman siya ng mga guwardiya sibil kung sa palengke ng Alcala siya matulog pagsapit ng gabi.  Minsan, iminungkahi ni Bag–aw kay Lakay Awallan na makabubuti kung pumisan na lamang sa kanila si Ulep para madisiplina siya lalo’t pumapayag naman noon si amang Assassi ngunit ayaw naman ng bata dahil talagang hindi na niya magagawa ang pumasyal sa bayan ng Alcala pagkat hindi niya basta matatakasan ang Punong Sugo maski humihina na ang paningin nito ngunit matalas naman ang pakiramdam.  Huminga nang malalim si Bag–aw saka sumulyap kay Lakay Awallan na patangu–tango lamang kahit hindi pa niya sinimulan ang pagsasalita pagkat ito ang unang pulong na ipinatawag ng Punong Sugo mula nang lumipat sa pusod ng kagubatan ang tribung Malauegs ngunit walang pag–aalinlangan na tumayo siya sa harapan nila dahil kagabi pa inihanda niya ang sarili para sa ganitong pagkakataon upang ipahayag din ang kanyang saloobin.  Walang bakas ng pangamba ang kanyang mukha kahit hanggang bukas lamang ang taning na ibinigay ng pamahalaang Kastila ng Alcala upang kumuha ng cedula ang mga katutubong Malauegs ngunit tahimik ang lahat lalo na ang kanyang mga mistad habang hinihintay nila ang kanyang pahayag dahil hindi  naman lingid sa lahat na madalang pa sa ambon ng tag–init kung magparinig siya ng saloobin.  Sapagkat si Lakay Awallan ang namulatan ni Bag–aw mula noong sanggol pa lamang siya hanggang ngayon ay hindi nakapagtataka kung nagiging matulingaw lamang sa apong niya ang binata dahil palagay ang loob niya para sabihin sa kanya ang lahat nang nais niyang iparating sa tuwing nag–uusap sila ngunit hindi niya ginagawa ito kahit sa mga mistad niya.  

            “Tinututulan ko rin . . . ang kautusang ito ng pamahalaan!  Maski makatuwiran pa . . . ang sabihing sadyang kailanganin natin . . . ang cedula!  Ngunit . . . salat naman tayo sa pera!”  Kabalintunaan kay amang Alawihaw pagkat hindi man lamang tinangkang iparinig ang kanyang saloobin kaugnay sa buwis at amilyaramyento kahit tatlong beses nagpatawag ng pulong noon ang lupon ng mga matatandang Malauegs samantalang ngayo’y walang paliguy–ligoy naman na inihayag ni Bag–aw ang pagtutol niya sa cedula maski naririnig ito ni Lakay Awallan.  Tuloy, nabaling kay Lakay Awallan ang mga mata ng mga katutubong Malauegs pagkat malinaw sa mensahe ni Bag–aw na hindi siya pabor sa naging katuwiran ng kanilang Punong Sugo dahil balakid lamang para sa kanila ang magkaroon ng cedula kung hindi naman pala ito libre kaya hindi nila mabigyan ng importansiya maski magkakaloob pa ito ng proteksiyon sa kanila.  Kung nangangailangan naman nng matinding pagsasakripisyo para magkaroon lamang sila ng cedula sa halagang limang peseta bagay na hindi nila kayang gawin pagkat kahangalan naman upang ito pa ang magiging priyoridad nila sa buhay kung ikamamatay naman nilang lahat ang isang linggo na hindi sila tumikim ng pagkain para lamang mapag–iipunan ang pambayad nito.  Masama pa dahil tiyak na dala–dala hanggang sa hinaharap ang kanilang problema kung kinailangang kumuha naman sila ng panibago para sa susunod na taon upang may maipapakita lamang sila sa mga guwardiya sibil habang umiiral ang ordinansang ito kaya papasanin nila nang walang katapusan ang suliranin pagkat hindi naman tumataas ang presyo ng kanilang mga paninda ngunit posibleng magmahal ang cedula.  Ngayon pa lamang naging malinaw kay Lakay Awallan kung bakit tahasang tinututulan ni Bag–aw ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil hindi naman pala ganoon kadali upang magkaroon ng cedula ang bawat isa kung pagbabatayan ang kanilang pinansiyal na kakayahan pagkat ito ang katotohanan na mahirap itanggi maski ikapapahamak pa nila ang pagsuway nito.  Siyempre, priyoridad muna ang kapakanan ng kanilang mga sarili pagkat ito ang nakikita nilang tamang desisyon dahil may pangangailangan din sila na dapat tugunan lalo’t matagal na silang nasadlak sa kahirapan ay talagang magiging kalabisan na rin kung ipambayad pa nila sa cedula ang karampot na biyaya gayong mabibilang lang naman ang pumupunta sa bayan ng Alcala.  Kunsabagay, kasalanan din naman ng pamahalaang Kastila ng Alcala kung bakit dumaranas ng matinding paghihirap hanggang ngayon ang mga katutubong Malauegs pagkat inagaw nito ang kanilang malawak na lupain sa kabundukan ng Sierra Madre kaya malayong bibigyan nila ng priyoridad ang cedula maski humantong pa ito sa panibagong pananalakay ng mga soldados sa kanilang bagong komunidad.  Sakaling dumating ang panahon na kailangan pagbabayaran ng mahal ang kanilang ginawang pagsuway sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay ipauubaya na lamang nila kay Bathala ang magiging kapalaran nila pagkat matamis ang magpaalam sa mundo kung makabuluhan ang dahilan sa pagkamatay maski hindi ito ang kanilang inaasahan dahil hindi na rin katanggap–tanggap kung sila pa rin ang talunan.  Walang kailangan kung maulit man sa kasalukuyang henerasyon ang kasaysayan na iniwan ng mahigit sa dalawampung taon pagkat tiyak nahutok na sila ng maraming karanasan na magiging inspirasyon nila upang isulong ang natatanging adhikain habang nabubuhay sila dahil ito ang nararapat upang hindi tuluyang maglalaho sa kabundukan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *