Darating man ang araw na sila naman ang dapat mamaalam ay walang duda na masayang lilisanin nila ang kabundukan ng Sierra Madre dahil naging pamana nila sa mga susunod pang henerasyon ang kalayaan na ipinagkait sa kanilang mga ninuno hanggang sa kanilang panahon basta huwag lamang kalilimutan na buhay nila ang naging kapalit nito. “Sino ba sa inyo . . . ang may ipon?! Gayong umaasa lang naman tayo . . . sa ating mga pananim . . . na ibinebenta natin sa murang halaga! Gustuhin man nating taaasan . . . ang presyo ng mga gulay! Ngunit . . . hindi naman maaari! Sapagkat sumusunod lang tayo . . . sa dikta ng mga binyagan!” Bagaman, totoo na matagal nang nagbebenta ng mga gulay sa bayan ng Alcala ang mga kababaihang Malauegs ngunit wala namang nababanggit na problema ang mga ito pagkat nagpapahinga agad sila pagdating sa komunidad sanhi ng pagod at puyat dahil sa magdamag na paglalakad maski yata gutom sila kung talagang hindi na kayang batahin ang matinding antok kaya namangha si Lakay Awallan nang marinig niya ang pahayag ni Bag–aw. Basta masaya sila habang ibinabahagi ang mga kuwento na nasasagap nila mula sa paglalako ng mga gulay ngunit pakli naman ni Lakay Awallan ay maaaring hindi na lamang ipinaparating sa kanya ang kanilang mga karaingan upang hindi na magiging karagdagan pa ito sa kanyang mga alalahanin dahil wala rin naman magagawa ang pagiging Punong Sugo niya. Sapagkat ibinabase rin sa sitwasyon ng kalakalan ang presyuhan ng mga paninda lalo na kung matumal ang bentahan kaya pumapayag na lamang ang mga kababaihang Malauegs sa halagang sapat lang na ipambili rin sa kanilang mga pangangailangan basta mailalako lamang ang kanilang mga gulay bago sumapit ang tanghali maski labag sa kanilang mga kalooban. Hanggang sa napatingin sa mga kababaihang Malauegs si Lakay Awallan nang maramdaman niya ang matinding habag dahil talagang sila ang higit nahihirapan sa tuwing sinusunong ng bawat isa ang bakol ng mga gulay habang tinatawid ang maraming ilog basta marating lamang nang maaga ang bayan ng Alcala upang sambutin ang pagdating ng mga mamimili sa pagsisimula ng kalakalan. Kahit kabisado na ng mga kababaihang Malauegs ang halaga ng mga pera ngunit nagagawa pa rin ng ilan ang dayain sila lalo na kung sabay–sabay ang namimili sa kanilang mga paninda pagkat sadyang walang konsensiya ang karamihan sa mga naninirahan sa bayan ng Alcala samantalang naturingang mga katutubong binyagan ang mga ito ngunit hindi man lamang nila iniisip ang dinaranas na hirap at pagod ng kanilang mga dating katribu. Sa halip na sila ang dapat nagpapamalas ng malasakit dahil dati rin silang namumuhay sa kabundukan ng Sierra Madre ngunit nagagawa pa rin samantalahin ng mga ito ang kamangmangan ng mga katutubong erehe pagkat nalalin na rin sila sa pag–uugali ng mga banyaga kaya nakakayanan nila ang manlinlang gayong batid naman nila kung gaano kahirap ang kanilang buhay. Kaya hindi rin puwedeng sisihin ang mga katutubong Malauegs kung natubog sa galit ang kanilang mga damdamin pagkat hindi madaling limutin ang mga pangyayari maski tinangay na ito ng mahigit sa dalawampung taon dahil hindi pa ganap naghihilom ang mga sugat na iniwan nito lalo’t karamihan sa mga bagong henerasyon ay walang nagisnang mga amang habang naging ulilang lubos naman ang mga katulad ni Bag–aw. Ah! Kabutihan, hindi sila pinababayaan ni Bathala maski itinatakwil sila ng sibilisasyon dahil hindi pa sila handa upang talikuran ang nagisnang kalinangan at pananalig sapul nang isinilang sila sa kabundukan ng Sierra Madre pagkat ito ang nagbibigay sa kanila ng tibay at lakas ng loob sa mga panahon ng kagipitan at sa tuwing nahaharap sila sa matinding pagsubok. Salamat din sa kalikasan pagkat hindi nawawalan ng pagkain ang kanilang hapag kahit sa panahon ng tagbisi kaya labis–labis ang kanilang natatanggap na mga biyaya mula sa pagtatanim at pangangaso sa kagubatan dahil laging pinagpapala ni Bathala ang kanilang kasipagan ngunit dalangin pa rin nila na sana patuloy na mararamdaman nila ang katahimikan maski nagbabadya na naman ang panibagong kaguluhan. Tanging tagimtim ng kanilang mga puso ang makaulayaw sa buong magdamag ang kapayapaan habang natutulog nang mahimbing sa gabi silang lahat upang muling haharapin ang hamon ng buhay sa kanilang paggising sa umaga pagkat nakapapagod na rin ang laging hindi matali dahil sa problema na sumasabay hanggang sa panaginip upang hanapan ng solusyon ngunit tinatanggihan naman maski naririyan na ito sa isip dahil ipinapairal sa puso ang galit. “Tuloy . . . kulang pa rin! Sa mga pangangailangan natin . . . ang napagbibilhan ng ating mga produkto! Ngayon . . . ! Sino ba sa atin . . . ang may kakayahan?! Upang kumuha ng cedula . . . sa halagang limang peseta?!” Napuspos ng galak ang puso ni Lakay Awallan habang minamasdan ang pagsasalita ni Bag–aw maski salungat sa kanyang katuwiran ang pahayag niya ngunit nasambit pa rin ng kanyang sarili na hindi pala nagkamali ang kanyang naging palagay na taglay niya ang bambihirang katangian pangkat may kabuluhan ang mga salita niya maski tahimik lamang dapwa malalim kung mag–isip bukod pa ang pagiging perito niya sa pangangaso. Walang duda na tuwang–tuwa si amang Alawihaw kung buhay pa sana siya habang pinapakinggan ang pagsasalita ng anak pagkat punung–puno ng kumpiyansa ang sarili niya upang patunayan na mas nakatatakot ang mga mababangis na hayop sa kagubatan kaysa humarap siya sa kanila para ipaliwanag ang dahilan kung bakit tinututulan niya ang kumuha ng cedula. Habang walang tigil naman ang pagpapalakpak ni inang Dayandang pagkat taglay ng anak nito ang kahusayan ng isang tunay na madirigmang Malauegs kahit ang lahat nang ito’y sa alaala na lamang nararamdaman dahil hindi na matanaw ang nakaraan na tumangay sa kanilang mag–asawa palayo sa kasalukuyan maliban sa mga bakas na iniwan nila. Tuloy, naluluha ang mga mata ni Lakay Awallan nang biglang nagpaalaala ang nakaraan habang tinatanong ang sarili kung paano niya mapapalaki si Bag–aw pagkat matanda na siya upang gampanan ang tungkulin na iniwan sa kanya ng mag–asawang Alawihaw at Dayandang lalo’t binatilyo pa lamang noon si amang Assassi kaya hindi pa masyadong maaasahan. Hanggang sa napasiglaw siya kay amang Assassi na tahimik lamang sa kanyang tabi ngunit naglakbay pa ang kanyang mga mata upang hanapin ang mag–asawang amang Luyong at inang Naga pagkat malaki rin ang naitulong nila sa pagpapalaki kay Bag–aw noong mga panahon na bagong lipat pa lamang sila sa pusod ng kagubatan para takasan ang mga soldados. Habang matamang pinapakinggan naman ng mga katutubong Malauegs si Bag–aw pagkat ngayon lamang nila narinig ang kanyang pagsasalita kung hindi pa nagkaroon ng pulong sa kanilang komunidad ngunit napatunayan naman na nagagawa palang talakayin niya ang ganitong paksa para magiging malinaw sa kanilang lahat ang epekto nito kahit sanggol pa lamang siya noong sinalakay ng mga soldados ang lumang komunidad hanggang sa lisanin nila ang dating teritoryo upang lumipat sa pusod ng kagubatan. Palibhasa, malalim kung mag–isip ang nag–iisang apo ni Lakay Awallan ay hindi naiwasan ng mga katutubong Malauegs ang humanga sa kanyang galing lalo’t may kabuluhan ang kanyang mga pahayag na kabaligtaran sa mga naunang nagsasalita pagkat pawang mga haka–haka lamang ang kanilang mga sinasabi kaya lalong nagiging tensiyonado ang lahat sa halip na makalikha ng solusyon sa kanilang problema. Kunsabagay, hindi kataka–taka kung namumukod siya sa mga bagong henerasyon pagkat Punong Sugo ng tribung Malauegs si Lakay Awallan habang dating pinuno ng mga mandirigmang Malauegs ang kanyang amang Alawihaw at posibleng may katangian din ang kanyang inang Dayandang na taglay niya ngayon kaya malinaw na may pinagmamanahan ang kanyang katalinuhan. Salungat man sa posisyon ni Lakay Awallan ang pahayag ni Bag–aw tungkol sa cedula ay nagagawa pa rin ng matanda ang ngumiti pagkat hindi lamang pala magaling mangatuwiran ang kanyang apo sa tuwing nag–uusap silang dalawa ngunit may saysay rin pala ang mga pahayag niya lalo’t ito ang kailangan ngayon upang makabuo sila ng isang desisyon. Katunayan, malaon nang napapansin ni Lakay Awallan ang mga katangian na ipinamamalas ngayon ni Bag–aw ngunit naghihintay lamang pala ito ng tamang pagkakataon tulad ng ginaganap na pulong ngayong umaga upang masaksihan ng mga katutubong Malauegs kaya tama ang naging palagay niya na mas magaling ang anak kaysa kanyang amang Alawihaw. Kung sinalubong ng mga anasan ang pagsasalita kanina ni Lakay Awallan ay tahimik ang lahat habang pinapakinggan nila si Bag–aw gayong ngayon pa lamang niya nasubukan ang magsalita sa pulong ngunit ito naman ang nagpapatunay na karapat–dapat siya upamg maging Punong Sugo ng tribung Malauegs kung kailangan nang magtalaga ng kapalit pagdating ng araw. “Pakiusap ko lang . . . sa inyo! Pakalilimiin nang maigi muna . . . ninyo! Kung . . . nararapat bang bigyan ng priyoridad . . . ang cedula?! Kaysa . . . mga pangangailangan ng inyong pamilya?! Ngunit . . . huwag n’yo rin isantabi! Ang posibleng hakbang ng pamahalaan . . . laban sa atin! Puwes . . . nasa inyo ang desisyon!” Napaisip nang malalim ang mga katutubong Malauegs nang tumimo sa utak nila ang malaking katanungan pagkat tunay na nakahihira ang sitwasyon kung walang ligtas na direksiyon ang maaaring puntahan para makamtan ang katahimikan habang pinaninindigan ang kanilang naging kapasyahan kaugnay sa pagkakaroon ng cedula kaysa piliting pasunurin sila nang sukal sa kanilang mga kalooban. Lalong natahimik ang mga katutubong Malauegs nang mapagtanto nila na posibleng mangyayari ang kanilang kinakatakutan kapag pinangahasan nilang suwayin ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil hindi naman lingid sa kanila ang sanhi kung bakit narating nila ang pusod ng kagubatan matapos kubkubin ng mga soldados ang lumang komunidad. Pagkatapos, dahan–dahang tumayo si Lakay Awallan sa tulong ni amang Assassi nang maipagpalagay na maaaring doon na nagtatapos ang pagsasalita ni Bag–aw dahil tumingin siya sa kanya na waring nagpapasalamat pagkat nabigyan siya ng pagkakataon upang maipaalam sa lahat ang posisyon niya kaugnay sa cedula ngunit nag–iwan naman ito ng mahalagang mensahe para may basehan sila sa pagbuo ng desisyon nang walang pagsisisi ang kanilang mga kalooban. Kung tama ang pagkaiintindi ni Lakay Awallan ay ipinaalaala lamang ni Bag–aw na ganito nagsimula ang pangyayari noon dahil sa buwis at amilyaramyento kaya ipinauubaya na niya sa mga kalalakihang Malauegs ang pagbuo ng desisyon para mahanapan ng solusyon ang kanilang problema sa cedula nang walang pasubali sa posibleng hakbang ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat batid naman nila na limitado lamang ang kanilang kakayahan laban sa mga soldados.
ITUTULOY
No responses yet