IKA – 151 LABAS

Lalong mahirap paniwalaan na maaaring mga katutubong Malauegs na laging bumababa sa bayan ng Alcala ang nagparating ng kuwento sa kanilang mga kaibigan tungkol sa kinaroroonan ng kanilang bagong komunidad dahil mahigpit na bilin sa kanila ni Lakay Awallan ang maging maingat sa pagbibigay ng impormasyon kahit sa kanilang mga kamag–anak pagkat walang nakatatalos sa katapatan ng mga ito mula nang yakapin nila ang pananampalataya na ipinalaganap ng mga banyaga.  Ngayon pa ba nila naisip isiwalat ang katotohanan kung kailan napanindigan na nila ang ilihim ito sa loob ng mahigit sa dalawampung taon samantalang mga anak din nila ang malalagay sa kapahamakan kapag linusob ng mga soldados ang kanilang bagong komunidad dahil sila ang mga tinaguriang mandirigmang Malauegs sa kasalukuyan panahon bilang kapalit ng kanilang mga namayapang amang?  Tuloy, naisaloob ni Bag–aw ang tanong kung paano pa nila mapapaniwala ang pamahalaang Kastila ng Alcala na walang katutubong Malauegs ang nakaligtas noong sinalakay ng mga soldados ang lumang komunidad sa hating–gabi ngayong natuklasan na nito ang kanilang pagtatago sa pusod ng kagubatan ngunit pumiksi lamang siya pagkat wala rin maibibigay na sagot ang kanyang sarili.  Kahapon ang unang pagkakataong namalas niya ang mga soldados dahil sa mga kuwento lamang naririnig niya ang tungkol sa kanila.ngunit mas natatakot siya sa pakay ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat nagdulot ng ligalig sa kanya ang cedula lalo’t natapos ang ipinatawag na pulong ni Lakay Awallan maski walang nabuong desisyon dahil mas marami pa ang tumututol kaysa pumapayag.  Aywan kung naisin pa ba niya ang bumaba sa bayan ng Alcala upang makakita lamang ng guwardiya sibil kung kailangan palang magkaroon muna siya ng cedula para sa kanyang seguridad hanggang sa napailing siya pagkat mas gugustuhin na lamang niya ang mangangaso dahil may pakinabang pa kaysa pagurin ang kanyang sarili sa paglalakad papunta’t pabalik sa kanilang komunidad.  Nang masambit niya na totoo pala ang kuwento ng mga mistad niya na kagalang–galang ang hitsura ng mga soldados kung ikumpara sa kanila dahil bahag lamang ang saplot ngunit naseseguro niya na pantay lamang ang kakayahan sa magkabilang panig kahit armado pa sila ng mga fusil ngunit naririto naman sila sa teritoryo na mas kabisado nila mula pa noon.  Maya–maya, lumingon siya upang kilalanin ang may–ari ng boses na gumambala sa kanyang pananahimik hanggang sa kumunot ang noo niya pagkat wala sa pulong kanina at maging sa pananghalian ang tumatakbo papunta sa gulod ngunit naituwid naman ang kanyang maling sapantaha dahil hindi pala bumaba sa bayan ng Alcala ang kanyang mistad.  Kahit hindi magkamag–anak sina Bag–aw at Alba ngunit higit pa sa magkapatid ang turingan nila sa isa’t isa dahil si inang Naga ang naging pangalawang inang niya habang si amang Luyong ang tumayong pangalawang amang niya noong maliit pa lamang siya kaya hindi nito nakaliligtaan ang magbigay ng gatas ng kambing kay Lakay Awallan upang ipainom sa kanya kapag nararamdaman niya sa gabi ang gutom.  Naging pagkaintindi noon ng musmos na isipan ni Bag–aw ay nakatatandang kapatid niya si Alba pagkat madalas iniiwan siya sa kubol nila para makipaglaro kung abala sa pagdarasal si Lakay Awallan at sumasabay sa pangangaso ang binatilyong si Assassi hanggang sa unti–unting naituwid ang paniniwalang ito dahil mismong mga  kuwento ni Lakay Awallan tungkol sa kanyang mga magulang ang nagmulat sa kanya sa katotohanan.

            Mapalad ang magkapatid na Alba at Lawug pagkat parehong buhay pa ang kanilang mga magulang kaya maraming pagkakataong narating na nila ang bayan ng Alcala dahil laging isinasama sila ni inang Naga kahit kailangan nila ang umalis ng hating–gabi sa komunidad upang mailalako sa araw ng palengke ang mga gulay habang abala naman sa pangangaso si Bag–aw kaya mas kapaki–pakinabang ang kanyang maghapon.  Naging bihira na lamang bumababa sa bayan ng Alcala si Alba mula nang magkaroon siya ng sariling pamilya ngunit problemado naman sa kanyang buhay may–asawa pagkat selosa ang maybahay niya imbes na magpasalamat sana sila dahil biniyayaan ng limang anak ang kanilang pagsasama maski minadali lamang ang kanilang kasal nang malaman nina amang Luyong at inang Naga na buntis na ang asawa niya.  Habang kasintahan naman ni Lawug si Amiray, ang anak ni amang Malamban ngunit wala pa raw sa plano ng magsing–irog ang magpakasal dahil nagsilbing aral yata niya ang naging buhay ni Alba pagkat hindi na nagkaroon ng katahimikan ang sarili sapul nang mag–asawa siya na taliwas sa inaasahan kaya ayaw magmadali ng dalawa lalo’t ginugulo na naman sila ng gobyerno.  Samantalang hindi pa nakatapak sa bayan ng Alcala si Bag–aw dahil ayaw sumama sa kanyang mga mistad kahit may pahintulot si Lakay Awallan pagkat mas nalilibang siya sa pangangaso maski totoo na mababangis ang mga hayop sa kagubatan ngunit wala namang nagmamatyag sa kanya maski tumagal pa siya roon hanggang sa pagsapit ng dilim kaya panatag ang kanyang kalooban.  Gayunpaman, hindi niya itinatanggi na hinaharaya rin niya kung ano ang mga namamalas sa bayan ng Alcala lalo na sa araw ng palengke base sa mga kuwento ng magkapatid na Alba at Lawug dahil hindi naman niya inaalis ang posibilidad upang naisin din niya ang sumabay sa kanila balang araw kung bumalik na ang kapayapaan sa kabundukan ng Sierra Madre upang wala nang dapat ipangamba ang kanyang sarili.  Sapagkat talagang mailap siya sa mga banyaga lalo’t nakintal na sa kanyang isip ang kasamaan ng mga soldados pagkat laging nagpaalaala sa kanya ang mga kuwento ni Lakay Awallan na may kaugnayan sa pagkamatay ng kanyang mga magulang dahil ito ang sanhi kung bakit naging ulilang lubos siya ngunit darating pa kaya ang kapayapaan na hinihintay niya.  Kunsabagay, nakabuti rin sa kanya ang nananatili sa kabundukan ng Sierra Madre dahil lalong nahasa ang kanyang kaalaman sa pangangaso pagkat dito nabuhos ang panahon niya kahit may mga pagkakataon na nag–iisa lamang siya habang gumagala sa kagubatan sa tuwing bumababa sa bayan ng Alcala ang kanyang mga mistad sa halip na sabayan sana siya para may pakinabang ang kanilang maghapon.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *