IKA – 155 LABAS

Kaya hindi pala puwedeng awayin ni Sahing si Alba kung nag–umpisa kaninang hating–gabi ang relyibo niya hanggang ngayong tanghali pagkat kailangan niya ang matulog nang maaga upang hindi antukin sa pagbabantay pagsapit ng kanyang turno dahil seguradong pananagutan niya kung may nangyaring masama sa mga oras ng kanyang tungkulin.  Tinanggap ni Bag–aw sa pamamagitan ng marahang tango ang paliwanag ni Alba saka nagpasunod siya ng umis nang mapaglilimi niya ang sanhi kung bakit hindi sumabay sa pananghalian ang mistad niya hanggang sa muling naalaala niya ang cedula dahil na rin sa kanyang tanong na may kinalaman sa naging desisyon ni Lakay Awallan maski hindi pa ito naipahayag kanina pagkat wala pa namang napagkasunduan.  Tumango pa siya dahil talagang hindi kayang ilihim ang kanyang paghanga pagkat nagagawa pa rin ng kanyang mistad ang ngumiti maski simbigat ng mundo ang pinapasang problema habang nagdurusa ang kalooban niya kaya hindi naiiwasan ng kanyang sarili ang magtanong kung paanong nakakayanan niya ang ganitong buhay maliban sa katuwiran na kailangan paninindigan ang naging desisyon nang gustuhin niya ang maagang pag–aasawa.  Seguro, gusto lamang marinig ni Alba ang paliwanag ni Bag–aw dahil katatapos lamang pala ng kanyang relyibo sa pagbabantay sa entrada ng kanilang komunidad kaya maaaring hindi pa nababanggit ni Sahing na sadyang tinapos ang pulong maski hindi pa nagpahayag ng desisyon si Lakay Awallan pagkat kailangan na nila ang kumain ng pananghalian.  Sa pagbabalik–tanaw ni Bag–aw kaugnay sa ginanap na pulong kanina ay naisaloob niya na maaaring hindi na kailangan magpahayag pa ng desisyon si Lakay Awallan dahil kung arukin nang mabuti ang nagkakaisang katuwiran ng mga katutubong Malauegs ay malinaw na tinatanggihan nila ang pagkakaroon ng cedula maski ikapapahamak pa nila ang pagsuway sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Pero si Lakay Awallan ang nangangamba kung mas naisin pa nila na maulit ang madugong kasaysayan dahil sa isang paninindigan na posibleng ikapapahamak lamang nilang lahat pagkat lumalabas na hindi ito nag–iwan ng mahalagang aral sa kanilang buhay gayong dapat ito ang nagsisilbing basehan upang hindi na sila muling magkakamali pa sa paggawa ng desisyon.  Segurado, maraming pagbabago ang nagaganap na sa puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala nang lingid sa mga katutubong Malauegs pagkat sa pamilihang bayan ng Alcala lamang nagpipirmi ang mga kababaihang Malauegs habang naglalako sila ng mga gulay kaya walang pagkakataon upang mangalap sila ng mga impormasyon dahil hindi rin naman ito ang kanilang sadya para pagsikapang gawin.  Samantalang priyoridad naman ng ilan ang dumalaw sa mga kamag–anakan kaya bumababa sila sa bayan ng Alcala sa araw ng palengke imbes na sumagap sana ng mga balita na mapapakinabangan ng mga kalalakihang Malauegs pagkat mas nakahihigit ang katunggali na may hawak ng maraming impormasyon tungkol sa kanyang kalaban dahil nagiging madali na lamang ang pagsasagawa ng plano sakaling magkaroon ng mananalakop.  Kunsabagay, maraming beses mang sumailalim sa pagsasanay noon ang mandirigmang Malauegs ngunit wala pa rin nagawa ang mga ito dahil sadyang palamara ang pamahalaang Kastila ng Alcala kaya hindi dapat magtiwala ang mga kasalukuyang henerasyon pagkat taliwas na ang sitwasyon ngayon kung ihalintulad ito sa nagdaang panahon lalo’t wala pang ginawang paghahanda ang mga sarioi nila.  Walang duda na nakatulong nang malaki sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang lumipas na mahigit sa dalawampung taon para sa mejoramiento ng hukbo nito dahil kailangan tuluy–tuloy ang paglulunsad ng operasyon sa kabundukan ng Sierra Madre kaugnay sa Campaña Anti–Dissidence a Largo Plazo upang magkaroon ng katuparan ang pinapangarap na bagong bayan“Mistad . . . sa palagay ko!  Baka mauulit na naman sa panahon natin . . . ang sinapit noon ng ating tribu!  Dahil sa . . . cedula naman ngayon!  Nagkamali pala ako . . . mistad!  Kasi . . .  ang akala ko . . . tuluy–tuloy na ang kapayapaan . . . sa ating komunidad!  Pero maikli lang pala . . . ang dalawampung taon!  Oo . . . mistad!  Dahil . . . muli na namang ginugulo ng pamahalaan  . . . ang ating komunidad!”  Natitigan ni Bag–aw ang seryosong mukha ni Alba dahil totoong hindi puwedeng ipagwalang–bahala ang kanyang mga sinasabi pagkat ganito rin ang naging damdamin niya nang matanaw ang dalawang soldados maski paalis na sila nang mapaaga ang uwi niya mula sa pangangaso kahapon ngunit nag–iwan naman ng malaking katanungan ang kanilang paglisan matapos mapagtanto na hindi na pala lingid sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang katotohanan na pinagsikapan pa manding ilihim nila ito nang mahigit sa dalawampung taon.  Salungat sa kanyang naging reaksiyon kahapon na nagtataka kung paano natuklasan ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang bagong komunidad sa pusod ng kagubatan ay mas umiiral sa kanyang puso ngayon ang pangamba lalo’t ganito rin pala ang saloobin ni Alba ngunit pilit pa rin sinikil niya ang totoong nararamdaman dahil kailangan magiging matatag siya sa pagharap sa mga pagsubok.  Hanggang sa napailing na lamang siya pagkat walang tiyak na sagot ang kanyang sarili kung may paraan pa bang natitira upang hindi na mauulit ang malagim na pangyayari samantalang hindi pa naghihilom ang iniwang sugat nito sa kanilang mga damdamin makalipas ang mahigit sa dalawampung taon dahil hindi pa pala nagtatapos doon ang kasaysayan hanggang hindi pa naisusulat sa huling pahina ang natitirang tagpo ng huling kabanata kaya laging bumabalik sa kanilang gunita.  Matagal nang naging suliranin ng mga katutubong Malauegs ang ginagawang panunupil ng mga banyaga mula noong itinatag ang gobierno revolucionario ngunit sa tanong kung masumpungan pa ba nila sa mga darating na araw ang inaasama na kapayapaan ay mga kasalukuyang henerasyon ng mga kalalakihang Malauegs ang tanging nakababatid pagkat nakasalalay sa kanilang mga kamay ang kasagutan nito.  Sapagkat mistulang sumusunod sa mga katutubong Malauegs ang anino ng nakaraan lalo’t muling nagparamdam sa kanila ang galamay ng pamahalaang Kastila ng Alcala makaraan ang mahigit sa dalawampung taon na pananahimik nila sa pusod ng kagubatan dahil talaga yatang wala nang ligtas na pook para sa kanila pagkat nagawa pang pasukin ng mga soldados ang kasuluk–sulukang bahagi sa kabundukan ng Sierra Madre.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *