IKA – 157 LABAS

Nagtataka naman si Bag–aw nang malaman niya na lipos pala ng linggatong ang kalooban  ni Alba samantalang ligtas naman ang kanyang pamilya dahil malayo ang posibilidad upang mangyayari rin sa kanyang mga anak ang naging karanasan niya noong sinunog ng mga soldados ang lumang komunidad pagkat hindi rin naman nila hahayaang maulit ito sa kanilang panahon.  Aminado si Bag–aw na talagang nabigla siya pagkat ngayon lamang naihinga ni Alba ang kanyang totoong damdamin gayong hindi niya dating ginagawa ito dahil mas gusto pang ikuwento kung sinu–sino ang mga naging kasintahan niya at kung paano nagkatuluyan sila ni Sahing maski mahigpit na tinutulan noon ni inang Naga ang kanilang pagsasama.  Hanggang sa natanong ni Bag–aw ang sarili kung ganito rin ba ang magiging damdamin niya kung may pamilya na siya pagkat tiyak na sila ang magiging priyoridad niya kung dumating ang panahon na bagong komunidad naman ang salakayin ng mga soldados nang biglang natigilan siya dahil seguradong mapapabayaan naman niya si Lakay Awallan kaya tama lamang pala kung hindi siya nag–asawa agad lalo’t dumating pa sa kanilang tribu ang problema na posibleng magpapabago sa kanyang buhay kapag hindi na nila maiiwasan ito.  Ah!  Kung batid lamang ni Bag–aw na halos ayaw nang matulog noon ang kanyang amang Alawihaw dahil sa labis na pag–aalala sa kanyang mag–inang lalo’t waring binalewala lamang ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang kanilang problema samantalang nakasaad sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang magiging parusa kapag hindi nababayaran ang kanilang malaking pagkakautang sa buwis at amilyaramyento.  Dahil sa paniniwala na maaaring nalimutan na sila ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay tuluyan na rin nilang sinuway ang ordinansa na nag–oobliga upang bayaran ang kanilang malaking pagkakautang  hanggang sa nagulantang na lamang sila nang biglang salakayin ng mga soldados sa hating–gabi ang kanilang lumang komunidad lalo’t sinilaban pa ang sagradong kubol kung saan nagkulumutan silang lahat para magtago sana sa loob.

            “Bakit?!  Pinanghihinaan ka na ba ng loob . . . ha?!  Mistad?!”  Nais lamang pasiglahin ni Bag–aw ang damdamin ni Alba pagkat importante sa katulad niya na pamilyado ang nananatiling matatag ang kalooban upang handa siya sa anumang kaganapan sakaling magkatotoo ang kanilang pinangangambahan sa halip na nawawalan ng panibulos ang kanyang sarili dahil posibleng mawawalan din pag–asa ang kanyang pamilya kung siya mismo ang nagpapamalas ng tigatig.  Bagaman, naging katawa–tawa para sa mga katutubong Malauegs ang katuwiran ni Lakay Awallan na bata pa siya upang mag–asawa ngunit nagkaroon naman ito ng kabuluhan ngayon matapos mapaglimi niya na may kabutihan din pala nang hindi niya binigyan ng pansin ang pag–aasawa dahil tiyak na magtatalo lamang ang kanyang kalooban kung alin ang magiging priyoridad niya pagdating ng panahon na kailangang magdesisyon siya.  Hindi naman puwedeng igiit ang kanyang tungkulin bilang mandirigmang Malauegs kung buhay ng kanyang magiging pamilya ang nakataya sa sitwasyon na kailangan mamimili siya kung sino ang dapat bigyan ng priyoridad pagkat handang talikuran ng puso ang lahat para sa kanyang mga minamahal lalo’t hindi na bago sa kanya ang damdamin ng isang ulilang lubos.  Samakatuwid, maling–mali pala ang palagay ni Bag–aw kung totoo na hindi naging sumbungan ni Alba sa kanyang mga suliranin ang mga magulang niya kahit buhay pa sina amang Luyong at inang Naga ngunit madali rin namang unawain ang sanhi kung bakit hindi niya magawa ang dumadaing sa kanila kaya ginusto ang manahimik na lamang maski batbat ng pasakit ang kanyang puso.  Hindi hamak na mas mapalad pala siya pagkat si Lakay Awallan mismo ang nag–uusisa kapag nabibigyan niya ng kahulugan ang kanyang pananahimik kaya hindi rin siya naglilihim upang magabayan dahil sa tagal nang magkasama sila ay imposible naman kung hindi pa rin kabisado ng matanda ang kanyang pag–uugali samantalang lumaki siya sa kalinga niya mula nang mamatay ang kanyang mga magulang.  Kalimitan, nasasambit niya na talagang bagay kay Lakay Awallan ang pagiging Punong Sugo ng tribung Malauegs pagkat matalas ang pakiramdam nito kaya nahihikayat din siya upang banggitin ang problema niya kahit may kaugnayan sa naging buhay ng kanyang mga magulang ang kadalasan sa mga tanong dahil palagay ang loob niya habang nag–uusap sila bukod sa nararagdagan din ang kanyang kaalaman.  Kunsabagay, hindi naman naging problema niya ang pangangaso kahit kaunti lamang ang kanyang huli kung minsan ngunit sapat nang katuwiran upang hindi siya magpadalus–dalus ng desisyon ngayong nalaman niya na hindi naman pala sa lahat nang pagkakataon ay katiwasayan ang dulot sa pag–aasawa para hindi rin niya daranasin ang naging karanasan ni Alba.  Sana, mapagmahal at maunawain ang katutubong dilag na itinakda ni Bathala para makapiling niya habambuhay kung darating ang araw na naisin din niya ang mag–asawa pagkat totoong malungkot ang buhay habang nag–iisa pagsapit ng katandaan kaya ayaw rin niyang matutulad kay Lakay Awallan na seguradong tigib ng kalungkutan ang puso kung nagkataong namatay ang kanyang mga magulang na walang anak.  Maya–maya, nagsimula nang humikab si Bag–aw nang magparamdam ang antok kaya pumunta siya sa gulod upang umidlip sana kung hindi dumating si Alba dahil talagang hindi siya nakatulog kagabi nang maalaala ang dalawang soldados hanggang sumagi sa isip niya ang cedula pagkat naiugnay niya ito sa buwis at amilyaramyento kaya tuluyan nang lumimbay palayo ang antok niya.  Ngayon, ramdam niya ang matinding antok ngunit umupo muna siya habang hinihintay ang tugon ni Alba pagkat balak pa rin niya ang umidlip sa pagbabakasakali na makatulog pa siya kahit sandali para mabawi ang kanyang puyat kagabi dahil mangangaso na naman siya bukas nang madaling–araw upang hindi mauulit ang kanyang kamalasan kahapon kaya isang libay lamang ang kanyang naiuwi.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *