IKA – 158 LABAS

“Basta kasama kita . . . mistad!  Magpapatuloy sa pag–aalab . . . ang apoy sa aking puso!  Hanggang sa makakamtan natin!  . . . ang lubos na kapayapaan!  Para sa . . . ating tribu!  Oo . . . mistad!”  Biglang napatayo si Bag–aw sa halip na humiga pa siya pagkat wala sa kanyang hinala na ganoon pala katindi ang pagkabahala ni Alba gayong sa isip pa lamang naman nababanaagan niya ang magiging kahinatnan ng kanilang problema sa cedula ngunit hindi batayan kung nagkasalu–salnngat man ang kanilang mga katuwiran dahil posible pang magbago ang sitwasyon basta mahanapan lamang nila ito ng konkretong solusyon.  Oo, hindi niya itinatanggi na nag–aaalala rin siya ngunit mali ang magpagahis sila sa takot dahil lalong mawawalan ng tamang disposisyon ang kanilang mga sarili sa halip na paghandaan nila ang posibilidad upang hindi na mauulit ang sinapit noon ng kanilang mga magulang pagkat ito lamang ang puwedeng gawin nila sa harap ng matinding pagsubok sa kanilang buhay.  Kunsabagay, hindi rin masisisi ang kanyang mistad kung nagbabadya na sa isip niya ang magiging kalagayan ng pamilya niya sakaling kapusin siya ng suwerte sa pakipaglaban sa mga soldados lalo’t armado sila ng mga fusil dahil may isip na siya noon nang maganap ang pananalakay ng mga ito sa lumang komunidad kaya mainam nang aminin ang totoong nararamdaman niya kahit.karuwagan ang kahulugan nito.  Lalo pang nagbaghan si Bag–aw dahil ramdam niya ang malakas na sikdo sa dibdib ni Alba nang yapusin siya nito ngunit nanahimik lamang siya pagkat malinaw naman ang sanhi upang mag–usisa pa siya lalo’t ganoon din ang kanyang nararamdaman ngunit sinisikap lamang niya ang magpakatatag para hindi malingaw ang isip niya sa problema na tila pabalik–balik na lamang.  Katunayan, ganito ang laging ginagawa sa kanya ni Alba dahil sa sobrang tuwa sa tuwing nananalo sila sa laro noong mga paslit pa lamang sila ay idinaraan niya sa mahigpit na yapos ang pasasalamat ngunit malayo na ang mahigit sa dalawampung taon upang tangkain pang ibalik niya ito para hindi nila mararamdaman ang mga problema na dahan–dahan nang sumusungad sa kasalukuyan.  Bakit nga ba hindi sumagi noon sa isip nila kahit minsan ang mga problema na bumabagabag sa kanila ngayon para napaghandaan din sana nila ito sa halip na ibinuhos sa paglalaro ang tanang panahon nila gayong hindi naman pala ganito ang magiging totoong buhay sa kanilang paglaki samantalang maraming beses din naman narinig nila ang kuwento na may kaugnayan sa lumang komunidad?  Marahil, dahil natuon sa paglalaro ang kanilang isip ay hindi man lamang nagpahiwatig maski sa kanilang panaginip ang mga problema na naghihintay lamang pala sa kanilang paglaki kaya nagdulot ng balais sa kanilang mga kaisipan pagkat kailangan gumawa sila ng sariling desisyon ngayong wala na ang mga magulang nila na puwedeng mahingan ng mga suhestiyon.  Gayunpaman,  pinaninindigan pa rin ni Bag–aw na malayong mauulit ang kuwento tungkol sa limang araw na paglalakad ng mga katutubong Malauegs upang hanapin sa pusod ng kagubatan ang pagtatayuan ng kanilang bagong komunidad matapos lisanin ang lumang komunidad dahil sa isyu sa buwis at amilyaramyento na muntik nang ikinasawi nilang lahat kung hindi pa nagising si Bathala.  Mula nang marinig ng mga kasalukuyang henerasyon ang kuwento ng lumang komunidad ay naging panata nila na ipagpapatuloy ang iniwang laban ng mga magulang nila pagkat nararapat lamang maisakatuparan ang tagumpay nito upang hindi sila laging nagpaparamdam nang humantong sa kabiguan ang kanilang mga lunggati noon kaya alipin pa rin hanggang ngayon ng mga banyaga ang mga katutubo ng Sierra Madre.  Katunayan, lubhang nakatutulig ang sigaw na laging umaalingawngaw sa kabundukan ng Sierra Madre habang hindi ito nabibigyan ng katarungan kaya kailangan maisakatuparan ang hinihiyaw na paghihiganti ngayong tangan ng mga nabubuhay sa kasalukuyang panahon ang pagkakataon pagkat sila ang dahilan kung bakit ninais nila ang magbuwis ng buhay dahil hangad nila ang makitang malaya sila.  Sakaling mauulit ang kasaysayan ng lumang komunidad ay hindi nila hahayaang may magbubuwis ng kanyang buhay para hindi na nila muling malalasap ang kabiguan hanggang sa wala nang magbabanta pa upang agawin ang kanilang kalayaan pagkat bahagi rin naman ng kanilang mga pangarap ang magkaroon ng mapayapang pamumuhay sa piling ng kanilang mga pamilya.  Sana, hindi ipagkakait sa kanila ni Bathala ang kagandahan ng Sierra Madre hanggang sa kusang pumikit ang kanilang mga mata sanhi ng katandaan dahil mawawalan din naman ng halaga ang pananatili nila sa paraiso nang walang sukdulang kapayapaan kung kapighatian pa rin ang magiging pamana nila sa mga susunod na henerasyon ng tribung Maluaegs.  Nawaglit na yata sa isip ni Bag–aw ang magpahinga muna sa gulod dahil sumabay na siya kay Alba hanggang sa napatingala siya upang alamin kung nagkanlong na sa kabundukan ang araw nang matanaw niya si Lakay Awallan habang kumakain ng prutas pagkat naipagpalagay naman niya na maaaring tapos na ang pagdarasal ng Punong Sugo para sa takip–silim ngunit nakapulan lamang pala ng makapal na ulap ang kalangitan kaya binilisan na lamang niya ang paglalakad.  Minabuti ni Bag–aw ang bumalik na rin sa kanilang kubol sa halip na magpaiwan pa sa gulod nang magpaalam si Alba upang sa tangkil na lamang siya matutulog dahil talagang hindi na niya malabanan ang antok pagkat madaling–araw na rin nang maidlip siya kaya mataas na ang araw kanina nang magising siya at nagsimula na ang pulong nang bumangon siya.  Yaong pasok niya sa tangkil ay nahiga agad siya sa diban imbes na pansinin muna si Lakay Awallan na napatingin na lamang sa kanya dahil talagang kanina pa gusto niya ang umidlip kung hindi lamang sumunod sa gulod si Alba kaya huwag na siyang gisingin para sa hapunan kung sa pagsapit ng dilim ay tulog pa rin siya upang hindi magagambala ang kanyang kahimbingan.  May kasunod na pagtataka ang sulyap ni Lakay Awallan habang inuuugoy ng kanyang tungkod ang inuupuang silyon upang aliwin ang sarili dahil maaaring hinihintay pa lamang niya ang pagsapit ng takip–silim upang gampanan ang kanyang tungkulin bilang Punong Sugo pagkat sa tangkil ginagawa niya ang pagdarasal kung makulimlim ang panahon.  Kasamaang–palad lamang dahil humimig si Lakay Awallan para kumpasan ang galaw ng silyon na madalas ginagawa niya habang nag–iisa sa tangkil kaya nagambala na naman ang tulog ni Bag–aw hanggang sa napilitang bumangon saka kinuha na lamang ang kanyang talanga upang hasain ang talim ng mga tunod para hindi na magparamdam sa kanya ang antok.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *