IKA – 159 LABAS

Kunsabagay, mabuti na rin kung hindi muna umidlip si Bag–aw para magiging mahimbing ang tulog niya mamayang gabi ngunit kisap–matang nagparamdam sa kanya ang alaala ng kahapon dahil naging musika sa pandinig niya sa tuwing naririnig ang himig na ‘yon noong sanggol pa lamang siya maski garalgal ang boses ng kumakanta pagkat nagkaroon naman ito ng kaugnayan sa kanyang buhay.  Basta ngumiti lamang si Bag–aw nang sumulyap sa kanya si Lakay Awallan dahil itinuloy pa rin ang paglalagis sa kanyang mga tunod habang hinihintay nila ang tawag mula sa kusina para sa hapunan pagkat magkakanlong na rin mamaya lamang sa likod ng kabundukan ng Sierra Madre ang araw hanggang sa dali–daling ibinalik niya sa talanga ang mga tunod saka pumasok sa loob ng kubol.  Doon na niya itinuloy ang paghahasa sa mga tunod pagkat matanda na siya para pagsabihan pa nang maisaloob niya na maaaring sinisimulan na ni Lakay Awallan ang pagdarasal dahil dumatal na ang takip–silim kaya dapat lamang iwasan niya ang lumikha ng ingay sa tuwing sumasapit ang ganitong oras upang hindi niya madidisturbo ang mahalagang sandali sa buhay ng Punong Sugo.  Yamang si Bag–aw ang nakatakdang magiging Punong Sugo ng tribung Malauegs pagkat siya na lamang ang natitirang sanga sa puno ng buhay ng kanilang angkan ay nararapat lamang pag–aralan din niya ang mga ginagawa ni Lakay Awallan bilang paghahanda para kabisado na niya ang mga tungkuling ito pagdating ng araw na kailangan na niya ang humalili dahil walang nakababatid sa posibleng mangyayari sa hinaharap.  Pinatunayan kanina sa ginanap na pulong na taglay niya ang kakayahan sa pagbibigay ng payo dahil nailahad din nang buong linaw ang kanyang damdamin kaugnay sa cedula kaya nag–iwan ng mahalagang mensahe para sa mga katutubong Malauegs ang kanyang huling pahayag pagkat mali pala nang maipagpalagay nila na limitado lamang sa pangangaso ang kanyang kaalaman.

            Kinagabihan.  Hindi na nagpalipas ng antok sa tangkil sina Lakay Awallan at Bag–aw dahil parehong puyat sa nagdaang gabi ang dalawa nang tumagal ang kanilang pag–uusap tungkol sa cedula hanggang sa napatunayan pa sa pulong na talaga palang may bayad ang pagkuha nito sa halagang limang peseta ayon sa itinakda ng ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kaya wala pang nabuong desisyon.  Naunang nahiga si Bag–aw hanggang sa naghihilik na siya pagkat kanina pa lamang sa gulod ay talagang inaantok na siya kaya bumalik agad sila ni Lakay Awallan sa kubol matapos ang hapunan pagkat pagsasayang lamang ng oras ang makipaghuntahan pa sila sa mga kalalakihang Malauegs kung tungkol din lamang sa pulong ang magiging paksa.  Subalit gising pa si Lakay Awallan upang ipinagdarasal ang mga katutubong Malauegs nang malilinawan ang kanilang mga kaisipan dahil lubhang ikinabahala niya ang naging resulta ng pulong kanina lalo’t hindi niya nagawa ang magpalabas ng desisyon hanggang sa muling naalaala niya ang nakaraan pagkat ganito rin nagsimula ang kaguluhang dinaranas ngayon ng kanilang tribu.  Pagkatapos, dahan–dahang pinagpahinga ang kanyang tumatandang katawan hanggang sa kusa nang pumikit ang kanyang mga mata dahil na rin yata sa antok nang may sumambulat sa kanyang malikmata na ikinagimbal niya pagkat naglalakad pabalik sa lumang komunidad ang sarili niya maski matindi ang pagtutol niya ngunit walang nagawa ang kanyang kahinaan.  Hanggang sa dumating na rin sina Alawihaw at ang mga mandirigmang Malauegs upang ipagtanggol ang kanilang lumang komunidad habang nababahala naman siya nang malamang wala na ang mga kababaihang Malauegs kaya nagtatakbo siya upang tiyakin ang hinala na maaaring lumikas na sila sa yungib ngunit lalong nalipos ng pagtataka ang sarili niya dahil hindi tumatapak sa lupa ang kanyang mga paa.  Si Dayandang lamang ang naroroon sa yungib habang umiiyak kaya maaaring ito naman ang dahilan kung bakit hindi narinig nito ang bati niya upang ipaalam ang kanyang pagdating ngunit minabuti niya ang lumabas para hintayin ang pagdating ng mga matatandang Malauegs nang malaman niya na wala rin sila roon kaysa gambalain ang pagdadalamhati ng kanyang manugang.  Maya–maya, namalayan na lamang niya na nagtatakbo na naman ang kanyang mga paa pabalik sa lumang komunidad nang marinig niya ang rapido ng mga putok hanggang sa ikinagulantang niya ang malamang binabaril ng mga soldados ang mga mandirigmang Malauegs kaya tumakbo siya papunta sa gitna upang iligtas sana si Alawihaw ngunit hindi pala siya kabilang sa kanila.  Naghihiyaw siya upang tawagin si Alawihaw habang nananangis ang mga mandirigmang Malauegs hanggang sa nabaling sa kanya ang pamamaril nang malaman ng mga soldados na buhay pala siya ngunit biglang tumayo sa kanyang harapan ang isang bata para hindi siya tamaan kaya nagawa niya ang tumalilis para takasan ang humahabol na mga bala.  Talagang nagtataka siya pagkat mabilis palang tumakbo ang kanyang mga paa sa utos na rin ng bata maski walang hawak na tungkod ang kanyang kamay dahil hindi itinigil ng mga soldados ang pagtugis sa kanya hanggang sa narating niya ang lambak ngunit may nag–aabang na rin pala roon na ikinadismaya niya kaya hindi na niya nagawa ang tumakas nang tamaan siya sa ulo.  Napabalikwas si Lakay Awallan sabay usal ng dasal upang magpasalamat dahil sa panaginip lamang pala naganap ang lahat ngunit nagtatanong naman ang sarili niya kung bakit nagparamdam sa kanya ang mag–asawang Alawihaw at Dayandang hanggang sa umiling na lamang siya nang hindi mabigyan ng kahulugan ang andam saka pinunasan ang kanyang mukha at leeg.  Tuluyan nang tumayo si Lakay Awallan upang punasan na rin ang kanyang buong katawan na halos naliligo sa pawis ngunit naging mailap na sa kanya ang antok habang pilit na inaarok ang mensahe sa panaginip hanggang sa napatingin siya kay Bag–aw dahil naging palaisipan niya ang bata maski nabigong iligtas siya nito kaya nanatiling gising siya hanggang madaling–araw.

            Pansamantalang kinalimutan ng mga katutubong Malauegs ang problema tungkol sa cedula dahil hindi rin naman nagkatotoo ang kanilang pinangangambahan ay naging kampante ang kanilang mga kalooban habang masayang pinagsasaluhan ang kanilang almusal maliban kay Lakay Awallan na hindi pa rin napapalagay hanggang ngayon ang kanyang sarili pagkat naniniwala siya na seguradong mauulit ang kaimbian na minsan nang ginawa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *