IKA – 160 LABAS

Sa payo na rin ni Lakay Awallan ay itigil muna ng mga kababaihang Malauegs ang paglalako ng mga gulay sa bayan ng Alcala pagkat noong isang linggo pa nagsimula ang pagpapatupad sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kaya tiyak sinimulan na rin ng mga guwardiya sibil ang panghuhuli sa mga walang maipapakitang cedula upang ikulong sa munisipyo ng Alcala para parusahan.  Minsan, sinubukan ng mga kababaihang Malauegs ang maglako ng mga gulay sa bayan ng Alcala maski walang hawak na cedula ang sinuman sa kanila ngunit hindi na ito nasundan pa kaysa hintaying matuklasan ng mga guwardiya sibil ang kanilang ginagawa pagkat walang duda na buhay naman nila ang magiging kapalit nito dahil hindi madaling linlangin ang awtoridad.  Mistulang isang malaking pamilya ang mga katutubong Malauegs habang sama–samang kumakain ng almusal maski payak lamang ang kanilang pamumuhay ngunit sagana naman sa mga pagkain ang kanilang hapag dahil laging pinagpapala ni Bathala ang kanilang kasipagan sa pagtatanim ng mga gulay at pangangaso sa pamamagitan ng mga dasal ni Lakay Awallan na ginagawa niya dalawang beses sa maghapon.  Baka puwede na rin simulan ang pagtatanim ng palay sa susunod na buwan pagkat matagal nang hinihintay ito ng mga kalalakihang Malauegs ngayong nagiging madalas na ang pangungulimlim ng panahon kaya seguradong malapit nang darating ang tag–ulan na malaking tulong naman sa kanila dahil madali na lamang araruin ang mga lupa na tumigang sanhi ng matinding init ng araw.  Gaano man kalayo mula sa bayan ng Alcala ang tribung Malauegs ay paraiso naman para sa kanila ang kabundukan ng Sierra Madre pagkat dito nagsimula ang kanilang paghabi ng mga pangarap nang mamulat sa kagandahan ng mundo ang kanilang mga mata upang bigyan ng katuparan ang kanilang mga pagpupunyagi maski batbat ng hapis ang buhay nila.  Katunayan, hindi natatagpuan sa magulong kabayanan ang paraiso na madalas nagpaparamdam sa panaginip dahil mga hilahil na nagdudulot ng mga suliranin ang nasusumpungan lamang dito pagkat sadyang mailap ang kapayapaan sa teritoryo ng mga poon habang laging panatag naman ang mga kalooban ng mga katutubong Malauegs maski sa liblib na pook sila namumuhay.  Palibhasa, walang nagbabantay sa kabundukan ng Sierra Madre ay puwedeng pasukin anumang oras ng mga kalakihang Malauegs ang kagubatan kahit tumagal pa hanggang sa pagsapit ng dilim ang kanilang pangangaso dahil hindi naman armado ng mga fusil ang mga hayop gayong mas mababangis pa ang mga ito kaysa sa mga guwardiya sibil sa bayan ng Alcala.  Mga batas ng kalikasan ang naging saligan ng mga katutubo ng Sierra Madre para magkaroon ng gabay ang bawat kilos nila pagkat hindi dapat malalabag ang mga tuntunin ng mga naninirahan sa kagubatan kahit hindi sila nakikita ngunit madalas namang nagpaparamdam upang magbigay ng paalaala na lagi nilang minamatyagan ang kanilang mga ginagawa.  Naging tanglaw nila sa paglikha ng mga desisyon ang patnubay ni Bathala upang magiging katanggap–tanggap ito sa kanilang lahat ngunit hindi lamang matiyak kung kagustuhan pa rin ba niya nang suwayin nila ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat malinaw naman na talagang nalalagay sa panganib ang bagong komunidad dahil lamang sa cedula.  Walang duda na inilalagay lamang nila sa kompromiso ang mga sarili nang walang pumunta sa munisipyo ng Alcala upang kumuha ng cedula hanggang sa napaso na lamang ang itinakdang taning pagkat pilit pa rin ipinaglalaban ang paninindigan gayong minsan nang yumuko ito sanhi ng matinding kabiguan ngunit tila kulang pa ang aral na iniwan nito sa kanila.  Baka lingid sa kanila ay naghihintay lamang sa tamang pagkakataon ang pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat may basehan na upang lipulin ang mga katutubong Malauegs gaya nang ginawa noon ng mga soldados sa lumang komunidad dahil sa buwis at amilyaramyento kaya seguradong higit pa sa mga naranasan nila ang posibleng mangyari kung patuloy ang kanilang pagsuway nang buong kapangahasan.  Dapat alaalahanin ng mga katutubong Malauegs na minsan nang narating ng dalawang soldados ang kanilang bagong komunidad kaya seguradong hindi na muling mararamdaman ang inaasam na kapayapaan kung tuluyan nang inilugpo sila sa kasawian pagkat  magiging madali na lamang para sa pamahalaang Kastila ng Alcala upang iutos sa puwersa nito ang pagsalakay sa kanila.  Tanging magagawa nila ay ipakiusap kay Bathala na huwag sanang itulot nito na sa hating–gabi pa magaganap ang pananalakay ng mga soldados pagkat wala na ang yungib na naging kublihan nila maliban sa kagubatan ngunit nag–aabang naman doon ang mga mababangis na hayop upang silain sila kaya talagang mangyayari ang posibilidad upang tuluyan nang mapaparam sa kalupaan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs.

            “Apong Awallan!  Apong Awallan . . . may dumarating po!  Opo!  Grupo po . . . ng mga kalalakihan!”  Biglang nawalan ng lasa ang masarap na almusal ng mga katutubong Malauegs maski dapat nang asahan ang ganitong balita pagkat tinutulan nila ang pagkakaroon ng cedula kahit may kaparusahan ang pagsuway nito hanggang sa nagkatinginan silang lahat nang maipagpalagay na maaaring mga soldados ang dumarating upang isagawa ang pagsalakay sa kanilang komunidad sa utos ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Biglang napatayo si Lakay Awallan nang iglap nagpaalaala sa kanya ang cedula ngunit walang narinig mula sa kanya ang mga katutubong Malauegs pagkat hindi ito ang panahon upang manisi siya habang dinudukwang na ng panganib.ang kanilang komunidad basta napatingin na lamang siya sa kanila dahil mistulang binalewala nila ang kanyang pagiging Punong Sugo.  Pumikit nang mariin ang kanyang mga mata upang labanan ang balais dahil biglang dumiklap sa isip niya ang nakaraan habang tinatanong ang sarili kung saang sulok pa ng Sierra Madre puwedeng lumikas pagkat kasamang tinangay ng mahigit sa dalawampung taon ang yungib na laging pinaglilikasan nilang lahat sa tuwing may ganitong kaganapan.  Nabahala siya pagkat noong nakaraang linggo lamang dumating sa kanilang bagong komunidad ang dalawang soldados kaya hindi puwedeng ipagkibit–balikat ang balita dahil hukbo ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang inaasahan lamang nila sa ganitong oras ng umaga para salakayin sila maski malayo ang posibilidad upang isipin agad niya ang tungkol dito.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *