IKA – 161 LABAS

Dumako sa mga kalalakihang Malauegs ang mga mata ni Lakay Awallan dahil nagtayuan na rin sila habang hinihintay ang kanyang utos kung dapat bang paghandaan na nila ang pagdating ng grupo ng mga kalalakihan ngunit walang narinig mula sa kanya pagkat kailangan tiyakin muna nila kung sinu–sino ang mga dumarating upang hindi sila magkakamali.  Sa halip, pinaglilimi nang maigi ng Punong Sugo ang balita dahil imposible rin naman upang gumawa agad ng marahas na hakbang laban sa kanila ang pamahalaang Kastila ng Alcala samantalang kailan lamang napaso ang taning kaugnay sa pagkuha ng cedula ngunit ayaw naman tumining ang kaba sa kanyang dibdib kahit grupo ng mga kalalakihan ang natatanaw ng mga tanod sa bukana.  Sapagkat unang pangyayari na bumungad sa kanila ang ganitong balita buhat nang mailipat sa pusod ng kagubatan ang kanilang bagong komunidad kaya may katuwiran upang matigatig ang kanilang mga kalooban dahil hindi puwedeng isantabi ang nakaraan kung ito naman ang laging nagpaalaala sa kanila sa tuwing may ganitong sitwasyon.  Hanggang sa napatingin sa tangkil ang kanyang mga mata sa pag–aakalang sumunod agad si Bag–aw upang sumabay sa almusal pagkat gising na siya maski hindi pa bumangon ngunit kagabi pa lamang ay nabanggit na niya na magpapahinga muna siya sa pangangaso ngayong araw dahil balak niya ang sumabay sa mga manununda sa ilog para maiba naman ang kanyang libangan.  Subalit hindi na pala kailangan ipasundo pa si Bag–aw pagkat ginising na siya ni Alba nang lingid kay Lakay Awallan upang ipaalam sa kanya ang tungkol sa masamang balita kaya papunta na sa hapag ang takbo ng dalawa dahil kailangan may paghahanda nang gagawin ang mga kalalakihang Malauegs maski hindi pa tiyak kung soldados ang dumarating ngunit mainam na ang maneguro.  Tumango lamang si Lakay Awallan nang bumulong sa kanya si Bag–aw upang kumpirmahin ang balita ngunit siya lamang ang may sakbat na talanga at hawak na busog pagkat ito ang hinanap agad niya dahil hindi dapat mawalay ito sa kanyang sarili nang malaman ang sanhi kung bakit sinundo siya at si Alba na dumaan muna sa kanilang kubol bago tumuloy sa tangkil.  Mangyari, naging ugali na ng mga kalalakihang Malauegs ang dumulog sa hapag maski hindi sakbat ang kanilang mga talanga pagkat abala lamang ito habang kumakain sila dahil hindi rin naman nila inaasahan ang masamang balita ngunit malapit lamang ang kani–kanilang mga kubol kaya madali nang saglitin ang kanilang mga busog at talanga kung talagang kailanganin nila ang mga ito.

            “Marami ba sila?!”  Nang unti–unti nang bumabalik ang hinahon ni Lakay Awallan matapos ang sandaling pagkahira ng kanyang isip ay tinanong niya ang tanod upang tiyakin ang balita dahil mali ang magpadalus–dalos siya sa pagbibigay ng desisyon para sa mga kalalakihang Malauegs gayong hindi pa naman malinaw sa kanila kung anong grupo ng mga kalalakihan ang dumarating.  Bagaman, mga soldados ang inaasahan nila ngunit naisaloob niya na malayong iutos ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang pagsalakay sa kanilang bagong komunidad pagkat hindi naman ganoon kahalaga ang cedula kung ikumpara sa buwis at amilyaramyento lalo’t sa bayan ng Alcala lamang puwedeng ipatupad ito ng mga guwardiya sibil kaya ito ang dahilan kung bakit iginigiit niya upang magkaroon nito  ang mga kababaihang Malauegs.  Kasamaang palad, ayaw pa rin tumining ang tahip sa kanyang dibdib kahit maya’t maya ang buntung–hininga niya habang sinisikap tiyakin ang sariling sapantaha maski naroroon sa isip niya ang pagdududa dahil umaga rin noon nang isinagawa ang unang pagsalakay ng mga soldados sa kanilang lumang komunidad maski totoong humantong sa kabiguan ang operasyon sa pangunguna nina Alferez at Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ngunit si Alawihaw naman ang naging kapalit sa tagumpay ng mga kalalakihang Malauegs.  Maya–maya, nagpanakbuhan patungo sa kani–kanilang mga kubol ang mga kalalakihang Malauegs upang balikan ang kanilang mga busog at talanga dahil hindi na kailangan hintayin pa nila ang utos ni Lakay Awallan pagkat seguridad ng kanilang bagong komunidad ang nalalagay sa panganib lalo’t walang malilikasan ang kanilang mga pamilya kung biglang sumiklab ang kaguluhan.  Ipinagbilin na lamang nina amang Tagatoy at amang Luyong ang pagkuha sa kanilang mga busog at talanga pagkat hindi dapat lumayo sila sa tabi ni Lakay Awallan upang madali na lamang maipapatupad sa mga kalalakihang Malauegs ang kanyang instruksiyon kung ipag–utos niya ang paghahanda habang hinihintay nila ang pagdating ng grupo ng mga kalalakihan para hindi sila masusungkaran sakaling totoo ang kanilang hinala.  Unang pangyayari mula nang maitatag sa pusod ng kagubatan ang bagong komunidad ng mga katutubong Malauegs ngunit hindi na bago kina Lakay Awallan, amang Tagatoy, amang Luyong at amang Assassi ang ganitong sitwasyon kaya mabuti na ang maging maagap sila maski kutob ang nagbabala pa lamang sa kanilang mga kaisipan pagkat nasaksihan nila kung paano ginawang impiyerno ng mga soldados ang kanilang lumang komunidad.  Lalo’t nabubuhay sila sa panahon na kaakibat sa bawat pagsikat ng araw ang peligro kaya tiyak na pagsisisihan nilang lahat hanggang sa kamatayan ang hatid na kapahamakan nito kung hindi nila bigyan ng pansin pagkat sinambilat na ng dalawang soldados ang kapayapaan na naging kaulayaw nila sa loob ng mahigit sa dalawampung taon nang walang kaginsa–ginsang dumating sila sa kanilang bagong komunidad.  At pinalulubha pa ito nang tinutulan nila ang pagkuha sa cedula maski batid na nila ang magiging kahinatnan sa kanilang desisyon dahil hindi dapat isinasantabi ang iniwang aral ng nakaraan kung ayaw nilang maulit ang pangyayari pagkat walang puwang ang pagkakamali lalo’t minsan nang napatunayan na sadyang walang puso para sa mga katutubo ng Sierra Madre ang pamahalaang Kastila ng Alcala.  Sana, tama ang hinala ni Lakay Awallan na maaaring ibang grupo ng mga kalalakihan ang natatanaw ng mga tanod kahit hindi niya mabigyan ng katuwiran ang kanilang totoong pakay kung bakit pumarito sila sa bagong komunidad nang maagang–maaga at walang paabiso muna upang hindi sila malingming dahil mga soldados lamang ang may ganitong istilo.  Siyempre, kailangan pa rin tiyakin ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang tungkol sa kanilang pagtutol sa ordinansa kaya mas malaki pa ang posibilidad upang bumalik ang dalawang soldados para mangalap ng ebidensiya tulad ng ginawa noon sa pangkat ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz dahil tatlong beses nagpabalik–balik sila sa lumang komunidad bago isinagawa sa hating–gabi ang pangalawang operasyon habang mahimbing ang tulog nilang lahat.  At hindi basta ilulunsad sa araw ang operasyon ng mga soldados dahil hindi na lingid sa kanila na laging napaghahandaan ng mga katutubong Malauegs ang kanilang pagdating kahit wala nang yungib na puwedeng pagtataguan nila ngunit magiging madali na lamang ang paghahanap ng ligtas na liblib pagkat matagal na silang namumuhay rito kaya kabisado na nila ang pusod ng kagubatan.

            “Ano . . . sa tingin mo?!  Mga soldados ba sila . . . ha?!  Gaano pa sila kalayo . . . mula sa ating komunidad?!  Ha?!”  Nagpasunod ng tanong si Bag–aw upang tiyakin kung talaga bang grupo ng mga kalalakihan lamang ang tinutukoy ng tanod dahil madali namang makilala ang mga kasuutan ng mga soldados bukod pa ang mga fusil na tanging sandata nila lalo’t maagang lumatag sa paligid ang liwanag ng araw mula sa likod ng kabundukan ng Sierra Madre pagkat maaliwalas ang kalangitan. 

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *