Kasamaang–palad, salungat naman dito ang naging katuwiran nina Lakay Awallan, amang Tagatoy, amang Luyong at amang Assassi dahil armado ng mga fusil ang grupo ng mga kalalakihan ay kailangan pa rin magiging mapagmasid sila pagkat hindi madaling kalimutan ang naging karanasan nila sa lumang komunidad kahit unang sitwasyon pa lamang ang ganitong kaganapan buhat nang mailipat sa pusod ng kagubatan ang kanilang bagong komunidad para ilihim sana sa pamahalaang Kastila ng Alcala.
“Malapit na po sila . . . Apong! Ano po . . . ang dapat naming gawin?! Ha?! Para hindi po tayo . . . masusungkaran! Sakaling masama po . . . ang kanilang pakay! Ha . . . Apong?!” Napaisip si Bag–aw nang maramdamn niya ang pag–aalala dahil ang tunay na layunin ng kalaban ay laging nagkakanlong sa kanyang isip na mas matalas pa kaysa anumang sandata ngunit mahirap wariin pagkat sadyang mapanlinlang ang kanyang mga ngiti kaya malumay ang tiwala ng kaaway upang tiyakin ang kanyang tagumpay hanggang sa maisakatuparan niya ang mapanlimbong na hangarin. Masisisi ba si Bag–aw kung muling nagkaroon ng hinala ang isip niya na maaaring kinasangkapan lamang ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang grupo ng mga kalalakihan upang linlangin ang mga katutubong Malauegs dahil may mga katutubong binyagan na mas matimbang pa ang katapatan sa mga banyaga kaysa kanilang mga dating katribu mula nang yakapin nila ang pananampalataya pagkat naging mga sukab na rin sila gaya nang ginagawa sa kanila ng mga prayle. Puwes, mainam pa rin ang maging handa sila imbes na pakitaan ng tiwala ang grupo ng mga kalalakihan upang hindi rin sila mapaglalangan lalo’t ngayon lamang may naligaw na mga dayo sa bagong komunidad nang wala sa hagap nila makaraan ang mahigit sa dalawampung taon kaya nararapat lamang pagdududahan amg grupo hanggang hindi pa naging malinaw ang kanilang sadya. Lumapit pa sa bakod ang mga kalalakihang Malauegs upang magkanlong sa mga puno para matibay ang kanilang depensa ngunit sa puwesto ng mga tanod tumuloy sina Lakay Awallan at Bag–aw maski malapit ito sa entrada pagkat nagsisilbing moog naman ang dalawang puno ng tindalo kaya hindi magiging madali sa grupo ng mga kalalakihan ang pumasok sa loob. At isa–isang itinukod sa kani–kanilang mga busong ang tunod nang marinig nila ang paalaala ni Bag–aw upang magiging madali na lamang sa kanila ang gumanti kung humantong sa sagupaan ang hindi inaasahang pagtatagpo dahil hindi puwedeng balewalain ang mga fusil lalo’t ganitong mga armas ang kumitil sa buhay ng kanilang mga amang. Hindi na rin lumabas sa mga kubol ang mga kababaihang Malauegs at ang kanilang mga pamilya maski hindi ligtas ang magtago sa loob sakaling sumiklab ang kaguluhan pagkat lalong malalagay sa peligro ang kanilang buhay kung sumuot pa sila sa karawagan habang walang tangan na anumang pandepensa ang kanilang mga sarili laban sa mga mababangis na hayop sa kagubatan. Sana, sabayan din ng mga kababaihang Malauegs ang pagdarasal ni Lakay Awallan dahil kanina pa nagsusumamo ang kanyang puso habang puspos ng pangamba para iadya sila ni Bathala mula sa nagbabantang kapahamakan kahit ang totoo’y sinisikap na lamang niya ang maging matatag pagkat sa kanya kumukuha ng lakas ang mga kalalakihang Malauegs bilang Punong Sugo. Marahil, nagkaroon ng positibong tugon ang panalangin ni Lakay Awallan pagkat unti–unting lumilinaw sa kanyang paniniwala na talagang kapayapaan ang pakay lamang ng grupo ng mga kalalakihan dahil ito ang natatanaw niya sa mga kilos nila kaya mabilis na dumako sa mga kalalakihang Malauegs ang kanyang mga mata upang maagapan ang kanilang binabalak. Seguro, talasan na lamang ang kanilang mga pakiramdam upang hindi sila magkamali pagkat hindi dapat magsimula sa kanila ang marahas na aksiyon dahil tiyak na mapipilitang gumanti ang grupo ng mga kalalakihan gamit ang mga fusil nila maski wala sa intensiyon nila ang maghasik ng kaguluhan kung malagay naman sa peligro ang mga sarili nila.
“Basta huwag n’yo lang buksan . . . ang entrada! At hintayin muna ninyo . . . ang utos ko!” Yamang hindi naman ipinahiwatig sa mga kilos ng grupo ng mga kalalakihan ang masamang layunin ay naging palagay ang kalooban ni Lakay Awallan matapos maisaloob na posibleng malayo ang kanilang pinanggagalingan pagkat bakas sa mga mukha nila ang matinding kapaguran maski malamig ang umaga sanhi ng mahabang paglalakad dahil maaaring may pinuntahan pa sila bago tumuloy sa bagong komunidad. Kaya dali–daling ibinalik ng mga kalalakihang Malauegs sa kanilang talanga ang mga tunod nang mapagtanto nila na talaga palang walang dapat ipangamba pagkat binubuo ng sampung miyembro lamang ang grupo ng mga kalalakihan lalo’t hindi naman gulo ang sadya nila sa bagong komunidad ngunit seryoso pa rin ang kanilang mga mukha hanggang hindi pa sila nagpakilala. Bagkus, masaya pa rin ang grupo ng mga kalalakihan nang marating nila ang bagong komunidad ng mga katutubong Malauegs maski nahirapan din yata sila sa paghahanap dahil masyadong liblib ang kinaroroonan nito ngunit nang matunton nila ito sa pusod ng kagubatan ay talagang ikinasisiya rin naman nila dahil hindi dapat mabibigo ang kanilang misyon pagkat ngayon ang tamang panahon upang magkaisa ang mga katutubo ng Sierra Madre para sa mabuting layunin. May dulot na kabutihan din pala ang naisip ni Lakay Awallan nang ipasya niya na kailangan alamin muna nila ang totoong pakay ng grupo ng mga kalalakihan kaya naiwasan nila ang pagkakamali dahil sa matamang pagmamatyag.sa sitwasyon kaysa naging padalus–dalos sila pagkat malaki ang posibilidad upang magkaroon ng desencuentro sa mga kapwa kalahi. Baka makatulong pa ang magaganap na pagtatagpo sa pagitan ng tribung Malauegs at ang grupo ng mga kalalakihan pagkat binigyan na naman ng panibagong problema ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga katutubong Malauegs nang magpalabas ito ng ordinansa para magkaroon ng cedula ang bawat mamamayan ng Alcala kaya pansamantalang itinigil ng mga kababaihang Malauegs ang paglalako ng mga gulay sa bayan ng Alcala. Palibhasa, kapayapaan ang taglay ng grupo ng mga kalalakihan ay napahinagpis ng pasasalamat ang mga kalalakihang Malauegs nang mamalas nila ang kanilang mga ngiti habang saglit namang tumingala si Lakay Awallan upang muling pasalamatan si Bathala ngayong napanatag na ang kanilang mga kalooban dahil talagang wala nang puwedeng masusulingan ang mga pamilya nila maliban sa lumaban para sa kaligtasan kung nagkataon na totoo pala ang kanilang kinakatakutan. Hindi bale nang armado ng fusil ang bawat isa sa grupo ng mga kalalakihan kahit palaisipan pa rin ang totoong pakay nila basta huwag lamang itutok sa kanila dahil maraming mandirigmang Malauegs ang napatay na ng ganitong sandata kabilang ang kanyang nag–iisang anak na si Alawihaw noong naroroon pa sila sa lumang komunidad kaya hindi na ito bago sa kanilang paningin. Hanggang sa nasambit ni Lakay Awallan na natuloy rin pala ang binubuong himagsikan maski binabalak pa lamang itatag ito noon ng mga biktima ng kabuhungan ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil siya mismo ang tumanggi upang mapabilang dito ang mga kalalakihang Malauegs nang magkaroon siya ng pagdududa pagkat paanyaya ang tinanggap lamang niya sa halip na lumapit sana sila para napag–usapan ang kanilang tunay na adhikain sa pakikibaka.
ITUTULOY
No responses yet