Mangyari, mga kalalakihang Malauegs ang kinakausap lamang ng mga nagsusulong ng kilusan habang nangangaso sila samantalang mainam sana kung siya ang kanilang kaharap upang alam niya kung sino ang dapat pagbilinan ng kanyang kahilingan pagkat pamilyado ang kanilang sinusungko ngunit walang dumating mula sa kanilang grupo hanggang sa naparam na rin ito sa kanyang alaala. Habang abala sa pagbabalik–tanaw ang isip ni Lakay Awallan ay napansin naman ng mga kalalakihang Malauegs ang dalawang miyembro sa grupo ng mga kalalakihan dahil uniporme ng mga soldados ang suot nila ngunit madaling nabigyan ito ng katuwiran na maaaring napalaban na rin sila sa puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat ito lamang ang malapit na posibilidad lalo na kung matagal nang aktibo sa pakikibaka ang kilusan nang lingid sa kanila. Marahil, naalaala lamang ng mga kalalakihang Malauegs ang dalawang soldados na dumating sa kanilang bagong komunidad may isang linggo na ang nakararaan upang ibando ang ordinansa tungkol sa cedula kaya naging palagay nila na posibleng nakaengkuwentro ng grupong ito ang mga banyagang ‘yon habang pabalik sila sa bayan ng Alcala pagkat hindi basta maisusuot ng karaniwang katutubo ang uniporme kung hindi ganito ang kinasasapitan ng dalawa. Natuon naman sa pinakamatandang lalaki ang pansin ni Lakay Awallan matapos maisaloob na maaaring siya ang pinuno ng grupo ng mga kalalakihan dahil na rin sa kanyang hitsura ngunit hindi nakaligtas sa kanyang matalas na paningin ang kuwintas nito lalo’t ngayon lamang siya nakakita ng munting krus kaya nausal niya nang walang pagdududa na mga katutubong binyagan sila. Tuloy, kumunot ang noo niya nang maging katanungan ng kanyang sarili kung bakit isinusulong nila ang himagsikan laban sa pamahalaang Kastila ng Alcala gayong mga katutubong binyagan naman pala silang lahat dahil natitiyak niya na taliwas ito sa mga pangaral ng mga prayle kahit hindi pa niya napasok ang simbahan ng Alcala pagkat mismong bayan ng Alcala ay hindi pa niya narating. Katunayan, kusang bumabalik sa kanyang gunita ang mga pangyayaring naganap sa lumang komunidad sa tuwing naaalaala niya sina Alawihaw at Dayandang kahit mahigit sa dalawampung taon na ang lumipas hanggang sa nagkaroon sila ng mga bisita ngayon kaya naging katanungan na lamang niya kung darating pa ba ang hinihintay nilang bukas upang lubos na maramdaman nila ang kapayapaan.
“Magandang umaga po . . . sa inyong lahat!” Sabay–sabay na binati ng grupo ng mga kalalakihan ang mga katutubong Malauegs maski naging sorpresa kay Lakay Awallan ang biglaang pagdating nila pagkat hindi naman umaasa ng dalaw ang kanilang tribu maliban sa mga soldados kaya inaasahan na nila ang marahas na aksiyon mula sa pamahalaang Kastila ng Alcala dahil sa cedula. Pagkatapos, tumingala ang mga kalalakihan para malasin ang kani–kanilang dalawang kamay habang itinataas nang sabay–sabay at binibigkas ang pasasalamat hanggang sa bumuo ng hugis–puso ang kanilang mga palad saka pinagdaop nang mahigpit na sinundan naman ng pagtungo upang patunayan ang kanilang katapatan sa pakipagkaibigan dahil talagang kapayapaan pala ang hatid nila sa mga katutubong Malauegs maski walang paabiso ang kanilang pagdating. Ramdam ng mga katutubong Malauegs ang lubos na kagalakan matapos mamalas nila ang naging kaugalian sa pagpaparating ng mensahe ng pakipagkaibigan sa mga kapwa katutubo ng Sierra Madre upang ipaunawa sa kanila na hindi sila mga kaaway lalo’t nagpasunod pa sila ng mahigpit na yapos at pakipagkamay para pawiin sa kanilang mga kaisipan ang anumang pagdududa. Kunsabagay, malaking bagay ang magkaroon sila ng mga bisita pagkat matagal na panahon din iniwasan nila ang makipagtalastasan sa kahit kanino habang namumuhay sila sa pusod ng kagubatan dahil sa takot na matunton sila ng mga soldados maski ipinagptuloy nila ang paglalako ng mga gulay sa bayan ng Alcala ngunit nanatiling lingid sa pamahalaang Kastila ng Alcala ang katotohanan na iniwan nila sa lumang komunidad hanggang sa dumating noong nakaraang linggo lamang ang dalawang soldados. Aywan kung hanggang kailan magtatagal ang kasayahang nararamdaman ng mga katutubong Malauegs dahil tiyak na aalis din mamaya lamang ang grupo ng mga kalalakihan ngunit sapat na ang may dumalaw sa kanila sa panahon na sadyang kailangan nila ang kakampi kahit katanungan pa rin kung magbago na kaya sa pagkakataong ito ang desisyon ni Lakay Awallan. Sana, lalo’t nanggaling pa yata sa malayong pook ang grupo ng mga kalalakihan ngunit nagawa pa rin nila ang ngumiti maski basang–basa sa pawis ang mga katawan nila at humihingal sanhi ng labis na kapaguran pagkat naniniwala sila na hindi ipagkakait ni Lakay Awallan at ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang suporta sa adhikaing isinusulong nila. Tuloy, nais nang lubusin ni Lakay Awallan ang kanyang paniniwala na hindi na lihim sa kabundukan ng Sierra Madre ang katotohanan na muling itinatag ang komunidad ng tribung Malauegs sa pusod ng kagubatan makaraan ang mahigit sa dalawampung taon dahil una rito ang dalawang soldadosna talagang gumulanttang sa kanilaang walang karingat–dingat na pagdating ng mga ito at ang grupo ng mga kalalakihan pagkat dapat mang ikatutuwa ang pagdalaw nila ngunit hindi naman maiiwasan ang magkaroon sila ng pangamba. Mahirap mang paniwalaan na maaaring nagkataon lamang kung bakit magkasunod pang dumating sa bagong komunidad ng mga katutubong Malauegs ang dalawang soldados at ang grupo ng mga kalalakihan makaraan lamang ang isang linggong pagitan maski totoong magkaiba ang kanilang layunin ngunit pareho namang hindi inaasahan ang kanilang pagparito. Aywan kung ito ang dahilan pagkat hindi pa rin iniutos ni Lakay Awallan ang pagbubukas sa entrada maski palagay na ang mga kalooban nila dahil nararapat lamang patuluyin ang grupo ng mga kalalakihan para maalok ng kahit tubig man lamang upang mapawi ang kanilang uhaw dahil tiyak nanggaling pa sila sa malayong bayan kaya bakas sa kanilang mga mukha ang matinding kapagalan. Seguro, nawala rin sa loob ni Bag–aw upang imungkahi kay Lakay Awallan ang pagpapatuloy sa mga kalalakihan dahil natuon naman sa mga fusil ang kanyang paningin kahit ganitong sandata rin ang tangan ng dalawang soldados ngunit ngayon lamang nagkaroon ng malinaw na hugis sa kanyang mga mata ang armas na bumubuga ng apoy pagkat sa mga kuwento lamang nalaman niya na ito ang pumatay sa mga dating mandirigmang Malauegs. Kaya naibulong niya sa sarili na seguradong karaniwang tanawin na lamang sa mga madalas bumababa sa bayan ng Alcala ang makakita sila ng mga fusil pagkat ito rin ang armas ng mga guwardiya sibil hanggang sa binalingan niya si Alba upang linawin sana ang kanyang kutob ngunit hindi natuloy ang kanyang pagtatanong dahil hustong nagpakilala naman ang pinuno ng grupo ng mga kalalakihan. Pero natitiyak niya na ganitong sandata ang kumitil sa buhay ng kanyang amang Alawihaw base na rin sa kuwento ni Lakay Awallan dahil dalawang tama ng bala sa noo ang ikinasawi nito kaya sana magkaroon din siya ng fusil upang mapag–aralan niya kung paano ba paputukin ito para hindi na siya maninibago pagdating ng araw na may makukumpiska sila.
ITUTULOY
No responses yet