Tuloy, nanatiling malaking katanungan kung dapat bang matuwa siya ngayong nakilala nila ang grupo na nagsusulong ng himagsikan laban sa pamahalaang Kastila ng Alcala dahil seguradong hindi na muling magkakaroon pa ng katahimikan ang kabundukan ng Sierra Madre kung magsimula na rin ang pagdanak ng dugo pagkat magiging karaniwang sigaw na lamang ng mga sugatang damdamin ang paghihiganti kaya lalong palulubhain lamang nito ang kaguluhan sa halip na makamtam ang matagal nang inaasam na kapayapaan. May hihigit pa ba sa kanilang naging karanasan nang magmistulang naglalagablab na impiyerno sa hating–gabi ang kanilang lumang komunidad kung ikumpara ang anumang naging dahilan ni Kumander Tallang upang maging masigasig siya sa pagsusulong ng himagsikan samantalang silang mga nagbibilang noon ng mga bangkay ay mas pinili pa ang katahimikan kaya itinago nila sa pusod ng kagubatan ang kanilang bagong komunidad para wala nang manliligalig pa sa kanila. Kung naging katanggap–tanggap para kay Lakay Awallan ang mga pahayag ni Kumander Tallang ay hindi piho ng mga kalalakihang Malauegs basta dumako sa kanya ang kanilang mga mata upang alamin ang kanyang reaksiyon ngunit yumuko lamang siya habang sinisikap unawain ang katuwiran ng kanilang mga panauhin hanggang sa sumiglaw na rin sa kanya si Bag–aw. Waring nagpaalaala naman kay Lakay Awallan ang sulyap ni Bag–aw upang huwag maging padalus–dalos sa pagbibitaw ng pangako maski walang pagsang–ayon muna mula sa mga kalalakihang Malauegs dahil maaaring nagbago na rin ang kanilang posisyon at ang mga katuwiran kung naging bukas man noon ang kanilang mga kalooban upang sumanib sa himagsikan. Totoong nangangailangan sila ng tagapagtanggol sakaling salakayin ng mga soldados ang kanilang bagong komunidad sa utos ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil tinanggihan nila ang magkaroon ng cedula ngunit wala rin namang kaseguruhan na darating ang grupo ni Kumander Tallang sa panahon na mangyayari ang kanilang kinakatakutan. Bagaman, may punto ang mga pahayag ni Kumander Tallang dahil lahat naman ng mga katutubo ng Sierra Madre ay walang duda na mga biktima sila ng pambubusabos ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit hindi rin naman puwedeng isantabi na lamang ang katuwiran na babalik din sila sa sariling kuta imbes na mananatili sa bagong komunidad upang bigyan ng proteksiyon ang mga katutubong Malauegs. Oo, kabisabo ng grupo ni Kumander Tallang ang kabundukan ng Sierra Madre kaya magiging madali na lamang para sa kanila upang matyagan ang mga galaw ng mga soldados hanggang sa maisasagawa ang pananambang ngunit sa lawak ng munisipalidad ng Alcala ay walang katiyakan na magagawa agad nila ang rumesponde sakaling kailanganin ng tribung Malauegs ang kanilang tulong. Kaya nararapat lamang pag–isipang mabuti ng mga katutubong Malauegs ang kahilingan ni Kumander Tallang upang walang sinuman ang dapat pagbuntunan ng sisi pagkat sila rin ang higit maaapektuhan sa sariling desisyon kung humantong ito sa kanilang kapahamakan kapag nalaman ng pamahalaang Kastila ng Alcala na suportado nila ang himagsikan. Ipagpalagay nang totoo na hindi basta ipag–uutos ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang paglulunsad ng operasyon para tugisin ang grupo ng manghihimagsik na gumagala sa kabundukan ng Sierra Madre upang mangalap ng kasapi dahil mas mapanganib na maging kalaban ang isang pangkat pagkat hindi madaling manmanan ito kaysa sa malaking puwersa ng kaaway. Subalit ibang kaso naman sakaling mangyayari ang pananalakay ng mga soldados sa bagong komunidad ng tribung Malauegs para muling ipaalaala sa kanila na minsan nang napatunayan na mas makapangyarihan ang gobyerno kaya dapat lamang katakutan pagkat maliwanag naman na tahasang sinuway nila ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Maya–maya, marahang humakbang si Lakay Awallan papunta sa entrada sa tulong nina Bag–aw at amang Assassi para ipakilala kay Kumander Tallang ang kanyang sarili dahil batid niya na kanina pa hinihintay nito ang pagkakataon upang makadaupang–palad siya bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs ngunit sumunod pa rin ang magkapatid na amang Tagatoy at amang Luyong maski hindi niya hiniling pagkat maayos namang nagaganap ang pagtatagpo.
“Ako po naman . . . si Lakay Awallan! Ang Punong Sugo . . . ng tribung Malauegs! Ikinagagalak po namin . . . ang inyong pagdalaw! Tunay na nagbibigay po kayo . . . ng inspirasyon! Sa mga . . . katulad po namin! Opo! Dahil maraming beses na rin kaming . . . dumanas ng pagkaduhagi! Mula sa mga kamay . . . ng mga banyaga!” Kaagad kinamayan ni Kumander Tallang si Lakay Awallan saka nagpasunod ng yapos maski nasa labas ng bakod siya dahil kasiyahan ang makadaupang–palad niya ang Punong Sugo ng tribung Malauegs lalo’t kasalukuyang nangangalap ng suporta mula sa mga katutubo ng Sierra Madre ang kanyang grupo pagkat hindi lamang nakatuon sa tagumpay ang kanilang kilusan kundi layunin din nila ang bigyan ng tinig ang lahat nang naging biktima ng pang–aabuso ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Pinatunayan ni Kumander Tallang sa pamamagitan ng mahigpit na pakipagkamay kay Lakay Awallan ang kanyang kagalakan habang nagaganap ang kanilang pagtatagpo matapos maisaloob na hindi bigo ang misyon ng kanyang grupo maski hindi pa nagpapahayag nang pagsang–ayon ang kanyang kausap ngunit umuusal na ng pasasalamat ang kanyang puso pagkat nasubhan nito ang kapagurang dinanas nila sanhi ng mahabang paglalakad upang marating lamang ang bagong komunidad. Aywan kung batid na ni Kumander Tallang ang kuwento tungkol sa lumang komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil talagang ‘yon ang panahon na matindi ang pangangailangan nila ng kakampi laban sa mga soldados ngunit walang dumating hanggang sa napadpad na lamang sila sa pusod ng kagubatan upang dito itayo ang kanilang bagong komunidad matapos ang kagimbal–gimbal na pangyayari. May dahilan kung bakit naging seryoso ang mga mukha ng mga kalalakihang Malauegs pagkat minsan nang tinanggihan ni Lakay Awallan ang kahilingan ng mga nagsusulong ng himagsikan kaya lalong hindi nila tiyak kung nagbago na ang kanyang desisyon ngayong kausap na niya si Kumander Tallang dahil may katagalan na rin ‘yon ngunit hindi na sila magtataka kung ikatuwiran ng kanilang Punong Sugo ang problema sa cedula. Kunsabagay, hindi rin masabi ng mga kalalakihang Malauegs kung pinamunuan na ni Kumander Tallang ang binubuo pa lamang noon na kilusan dahil mga miyembro lamang ng grupo ang nanghihikayat sa kanila at nangyari pa ito sa kagubatan habang nangangaso sila ngunit sa kasamaang–palad lamang pagkat hindi ang mga mukha na dumating ngayon sa bagong komunidad ang naging kausap nila roon. Ayaw namang isipin ni Lakay Awallan na dapat magagalak ang mga katutubong Malauegs nang makilala nila ang grupo ni Kumander Tallang dahil may tagapagtanggol na sila pagkat lalong hindi na magbabago ang kanyang desisyon ngayong nagbabanta na naman ang pamahalaang Kastila ng Alcala kaya kailangan mapag–usapan muna ang kanilang mga problema sakaling hilingin ng mga kalalakihang Malauegs ang kanyang pahintulot.
ITUTULOY
No responses yet