Sapagkat malinaw sa kanyang pang–unawa na nangangailangan ng pagsasakripisyo ang pagsanib ng mga kalalakihang Malauegs sa grupo ni Kumander Tallang dahil kailangan iwan ang kanilang pamilya para ibuhos sa kilusan ang kanilang buong panahon kung pumayag ang kanilang mga maybahay lalo’t hindi pa nareresolba ang kanilang problema sa cedula. Paano na ang magiging buhay ng kanilang mga pamilya kung wala nang magtatanggol sa mga ito dahil hindi puwedeng ipangako ang kanilang agarang pagbabalik sa tuwing nagkakaroon ng problema ang tribung Malauegs pagkat naikompromiso na sa kilusan ang kanilang mga sarili kaya hahayaan ba nila na mag–isang haharapin ng mga kababaihang Malauegs ang mga suliranin habang wala sila? Hanggang sa napailing nang mariin si Lakay Awallan matapos mapaglimi ang mga posibilidad na hindi dapat ipagwalang–bahala nang muling nagpaalaala sa kanya ang mahigpit na utos ng pamahalaang Kastila ng Alcala tungkol sa cedula pagkat seguradong magiging problema rin niya kung biglang lusubin sila ng mga soldados habang sumasailalim sa pagsasanay ang mga kalalakihang Malauegs. Sabihin mang malayo pa upang isipin agad ito ngunit kailangan bang hintayin munang maganap ito kung maaari namang paghandaan na ngayon dahil walang magtatanggol sa bagong komunidad kundi ang mga kalalakihang Malauegs lamang pagkat hindi sa lahat nang pagkakataon ay ipagkakaloob ng grupo ni Kumander Tallang ang tulong kahit gaano pa ito kahalaga para sa kanila. Tuloy, panakaw na dumako kina amang Tagatoy at amang Luyong ang mga mata ni Lakay Awallan habang puspos nang paninimdim ang kanyang kalooban dahil sa paniniwala na sila ang dapat sisihin kung bakit tinutulan ng mga katutubong Malauegs ang pagkakaroon ng cedula gayong magbibigay naman ito ng proteksiyon sa kanilang mga sarili kaya pumiksi na lamang siya .
“Kailangan magkaisa po tayo . . . Lakay Awallan! Opo! Para po . . . sa katuparan ng ating ipinaglalaban! Ang laban po namin . . . laban din po ng buong mamamayan! Opo! Sapagkat tayo rin po . . . ang magiging karamay ng ating mga sarili! ‘Yon po ang totoo . . . Lakay Awallan!” Ngiti ang naging tugon lamang ni Lakay Awallan sa masigasig na panghihikayat ni Kumander Tallang pagkat wala siya sa katayuan upang ikompromiso sa isang kasunduan ang mga kalalakihang Malauegs kahit totoong siya ang Punong Sugo ng tribung Malauegs ngunit hindi kailangan ang mabilisang pagpapasya lalo’t masyadong delikado ang ganitong layunin. Kailangan bigyan muna ng sapat na panahon ang mga kalalakihang Malauegs upang timbangin ang epekto na idudulot sa pagsanib sa kilusan para magabayan sila pagkat mas matingkad ang katotohanan na maraming bagay ang posibleng pagmumulan ng mga problema dahil hindi puwedeng ipagwalang–bahala ang panganib sa tuwing napapalaban sila sa mga soldados. Kahit walang sinuman ang puwedeng sumuway sa utos ng Punong Sugo ngunit kailangan mapakinggan pa rin niya ang tunay na saloobin ng mga kalalakihang Malauegs pagkat mga pamilya nila ang direktang maapektuhan kung magpadalus–dalos siya sa pagbibigay ng basbas dahil hindi niya talos upang ipagpalagay na naroroon pa rin sa damdamin nila ang kagustuhang mapabilang sa kilusan. At nararapat lamang mapakinggan din niya ang boses ng mga kababaihang Malauegs dahil nagiging malapit sa kapahamakan ang mga kalalakihang Malauegs kung mabigat sa kanilang mga kalooban ang pagsanib ng kanilang mga bana sa kilusan maski araw–arawin pa niya ang pagdarasal para sa kaligtasan nila pagkat sadyang matindi ang bawat patak ng mga luha habang araw–gabi ang pagdadalisdis nito. Samakatuwid, nangangailangan ng masinsinang pag–uusap ang isyu upang mapakinggan nang mabuti ang bawat katuwiran at nang maipaunawa sa mga kalalakihang Malauegs na mga sarili mismo nila ang nang–uulot dahil sa sobrang paghahangad na makahawak ng fusil gayong hindi naman lingid sa kanila na mapapasabak lamang sila sa kapahamakan pagkat kailangan harapin nila ang kamatayan sa bawat laban para magtagumpay ang kilusan. Ayaw pangunahan ni Lakay Awallan ang sitwasyon pagkat hindi niya batid ang posibleng mangyari sa bawat araw na dumarating kaya mainam kung isaalang–alang na lamang niya ang kasalukuyan dahil madali nang isipin ang mga pangyayari na puwedeng itagni sa hinaharap ngayong may ideya na siya upang paghandaan ang magiging kaganapan nito.maski hindi pa niya namamalas ito. Baka magdudulot lamang ng suliranin sa kanilang lahat nang higit pa sa nararanasan nila ngayon ang inaakalang kabutihan para sa tribung Malauegs kung naging miyembro na ng kilusan ang mga kalalakihang Malauegs samantalang may solusyon naman ang problema sa cedula kung gustuhin lamang nila ang tumalima sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Maya’t maya ang sulyap ni Lakay Awallan sa mga kalalakihang Malauegs habang nagsasalita si Kumander Tallang ngunit hindi niya piho kung ano ang kanilang iniisip basta tahimik silang lahat hanggang sa naibulong niya sa sarili na maaaring pinag–aaralan din nila ang magiging epekto sakaling magpahayag sila ng kagustuhan upang mapabilang sa kilusan pagkat batid naman nila na minsan nang tinanggihan niya ang kahilingang ito. Ayaw niyang ikompromiso ang seguridad ng kanilang bagong komunidad pagkat wala nang magtatanggol dito kung hayaang sumanib sa kilusan ang mga kalalakihang Malauegs kaya tiyak na lalong masakit kung mawalan din ng kahalagahan ang kanilang ipinaglaban kapag nalamang wala na palang naghihintay sa kanilang pagbabalik dahil iniwan nila nang walang kalaban–laban sa mga soldados ang kanilang mga pamilya. Marahil, hindi magdadalawang–isip si Lakay Awallan upang payagan na mapabilang sa kilusan ang mga kalalakihang Malauegs kung nagparamdam na sa tribung Malauegs ang grupo ni Kumander Tallang noong buhay pa lamang si Alawihaw pagkat ‘yon ang panahon na dumaranas sila ng matinding paniniil mula sa pamahalaang Kastila ng Alcala hanggang sa inagawan pa sila ng mga lupain dahil sa isyu ng titulo.
“Hayaan ninyo . . . Kumander Tallang! Matamang pag–uusapan namin . . . mamaya! Ang tungkol sa bagay . . . na ‘yan! Sapagkat suportado namin . . . ang inyong adhikain sa paraang . . . abot ng aming kakayahan! At asahan ninyo . . . lagi kong ipagdarasal . . . ang tagumpay ninyo!” Ano pa nga ba ang dapat sabihin ni Lakay Awallan gayong natanim na sa isip niya na mga kalalakihang Malauegs lamang ang may karapatang magpasya para sa kanilang mga sarili pagkat may problema rin ang kanilang tribu na kailangan pagtuunan ng pansin kaya alam na nila kung alin ang dapat bigyan ng priyoridad upang walang bumabagabag sa kanilang mga kaisipan. Habang siya ang Punong Sugo ng tribung Malauegs ay hindi niya ipagsasapalaran ang kinabukasan ng mga pamilya ng mga kalalakihang Malauegs maski sabihin pang malaki ang maitulong ng kilusan sakaling salakayin ng mga soldados ang kanilang bagong komunidad dahil tiyak na hindi rin magkakaroon ng katamikan ang kanyang kaluluwa kung siya naman ang naging sanhi ng kanilang mga pagdadalamhati.
ITUTULOY
No responses yet