IKA – 170 LABAS

Kunsabagay, hindi niya itinatanggi na kabutihan para sa mga katutubo ng Sierra Madre ang layunin ng grupo ni Kumander Tallang ngunit kailangan pa rin ang maging maingat siya dahil hindi makatuwiran upang ikompromiso niya sa isang kasunduan ang mga kalalakihang Malauegs kung hindi naman tangan ng kanyang mga kamay ang kanilang kaligtasan.  At higit na isinaalang–alang niya ang kalagayan ng tribung Malauegs lalo’t minsan na rin inagawan sila ng komunidad ng pamahalaang Kastila ng Alcala hanggang sa muntik nang maparam sa kalupaan ng Sierra Madre ang kanilang lahi kung hindi pa nagparamdam ng habag sa kanila si Bathala kaya tunay na masakit ang mawalan ng karapatang mamuhay nang tahimik.  Kaya araw–gabing idinadalangin niya na sana hindi na mauulit ang pangyayari maski duda siya kapag nalaman ng pamahalaang Kastila ng Alcala na sumanib pala sa kilusan ang mga kalalakihang Malauegs pagkat magkakaroon na ng dahilan upang lusubin sila ng mga soldados kung kailan walang magtatanggol sa bagong komunidad dahil may misyon ang grupo ni Kumander Tallang.  Tuloy, naseseguro ni Lakay Awallan na hindi rin hahayaan ng mga kalalakihang Malauegs upang malagay sa kapahamakan ang kanilang mga pamilya kahit tungkulin din nila ang ipaglaban ang kalayaan ng kanilang inang bayan dahil mapait namnamin ang tagumpay kung mga alaala ng mga mahal sa buhay ang laging kaulayaw na lamang nila sa gabi.  Puwes, huwag munang hilingin ngayon ni Kumander Tallang ang pagsanib ng mga kalalakihang Malauegs sa kilusan dahil  sila pa mandin ang inaasahan ng tribung Malauegs pagdating ng panahon na magkakaroon ng problema ang kanilang bagong komunidad matapos nilang mapagtanto na hindi pa rin pala ligtas ang paninirahan nila sa pusod ng kagubatan na pinapatunayan ng dalawang soldados pagkat talagang maging palaisipan nila kung paano natunton ng mga ito ang kanilang kinaroroonan.  Habang patangu–tango lamang ang mga kalalakihang Malauegs tanda ng kanilang pagsang–ayon nang mapakinggan nila ang naging tugon ni Lakay Awallan kaugnay sa pahayag ni Kumander Tallang dahil maaaring nagbago na rin ang kanilang posisyon maski naging desidido sila upang sumanib sa kilusan noon pagkat batid naman nila na magiging mahirap para sa kanilang mga pamilya ang mapalayo sila.  Sa panahon pa naman na nahaharap sa problema ang kanilang tribu ay nararapat lamang manatili sila upang may magtatanggol sa kanilang bagong komunidad pagkat tiyak na sila rin ang sisihin kung maulit ang sinapit ng lumang komunidad dahil mahirap ang manalig sa pala–palagay lamang lalo’t minsan nang napatunayan ang pagiging buhong ng pamahalaang Kastila ng Alcala.

            “Sige po . . . Lakay Awallan!  Hihintayin na lamang po namin . . . ang inyong pasabi!  Maaari po ninyong papuntahin . . . ang inyong sugo . . . sa hibaybay!  Malapit po sa lindero ng Gattaran . . . at ng Lallo!”  Pagkatapos, muling kinamayan ni Kumander Tallang si Lakay Awallan upang lalong pagtibayin ang pagkakaibigan sa pagitan ng kanyang grupo at sa mga katutubong Malauegs maski hindi nagpahayag ng pangako ang kanilang Punong Sugo ngunit kasayahan niya ang makilala sila dahil naiparating nila ang mga impormasyon na dapat malaman nang lahat para magising ang kanilang mga damdamin na matagal nang nilagom sa takot sanhi ng ginagawang pang–aapi ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Habang kinakamayan naman ng kanyang mga kapanalig ang mga kalalakihang Malauegs dahil sila ang inaasahan nila na magiging karagdagang lakas ng kilusan upang magtagumpay ang ipinaglalaban nila kahit totoong nakahihigit ang hukbo ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit magbibigay inspirasyon naman sa kanila ang mainit na suporta pagkat pangarap ng bawat mamamayan ng Alcala ang maging malaya muli ang kanilang bayan.  Puspos ng pag–asa ang kalooban ni Kumander Tallang maski hindi nagpahayag ng pagsang–ayon si Lakay Awallan ngunit naniniwala siya na mahihikayat din balang araw ang mga kalalakihang Malauegs upang sumanib sa kilusan dahil ito lamang ang natitirang paraan kung nais nilang mabaklas ang tanikalang gumagapos sa kanilang kalayaan at karapatan mula sa pambubusaosn ng mga banyaga.  Nag–aalab sa kanyang puso ang mithiin na makitang malaya ang kanyang bayan mula sa pananakop ng mga banyaga kahit marami rin namang natutunan ang kanyang sarili nang yakapin niya ang pananamplataya ngunit hindi ito katuwiran upang magbulag–bulagan siya habang niyuyurakan ang dangal ng mga katutubong binyagan pagkat taliwas ito sa mga pangaral ng mga prayle.  Sana, magtatagumpay ang kilusang itinatag niya upang muling maibabalik sa kanyang bayan ang ganap na kalayaan tulad ng mga ibon sa kalawakan, ng agos sa mga ilog, ng mga halaman sa kaparangan, ng hangin sa kapaligiran pagkat ito ang tunay na larawan ng mapayapang mundo na sadyang nilikha ng Maykapal para paninirahan ng mga tao na hinulma ng pagmamahal.  Samantala, sumilay ang mga ngiti na bihirang gumuhit sa mga labi ng mga kalalakihang Malauegs pagkat malaking kabawasan sa kanilang mga hilahil ang malaman na hindi lamang pala sila ang lumalaban sa mga banyaga maski nakapanghihinayang isipin kung bakit ngayon lamang nagparamdam sa kanila ang grupo ni Kumander Tallang makaraan ang mahigit sa dalawampung taon.  Katunayan, naisaloob din ni Lakay Awallan ang pasasalamat dahil nakilala nila ang grupo ni Kumander Tallang ngunit huwag nitong isipin na igagawad niya sa mga kalalakihang Malauegs ang kanyang basbas pagkat mahalaga ang mapag–usapan muna nila ang tungkol sa kilusan upang mailatag ang mga desbentahe na dapat malaman nang lahat kapag ipinagpilitan pa rin nila ang sumapi rito.  Bagaman, nararapat lamang ipaglaban ng bawat katutubo ng Sierra Madre ang kanilang kalayaan ngunit hindi simpleng adhikain ito kaya hindi rin madaling isakatuparan dahil kaakibat nito ang mga mabibigat na obligasyon ng bawat kasapi ng kilusan pagkat hindi lamang mga soldados ang magiging kalaban nila habang naroroon sila sa larangan ng digmaan.  Walang duda na magiging kalaban din nila ang kanilang mga sarili pagkat kailangan isakripisyo ang kanilang mga pamilya sa sandaling sumanib sila sa kilusan maging sukal man ito sa mga kalooban nila dahil laging priyoridad ang kanilang tungkulin kaya ang dumalaw sa kanilang mga mahal sa buhay kahit minsan ay imposible nang mangyayari maliban sa panaginip.  Baka ang kasunod sa huling paalam para sumama sa himagsikan ay paglilibing na lamang ng kanilang mga bangkay kung may pagkakataon pa upang gawin ito dahil kinapos sila ng suwerte pagkat ang katotohanan na hindi puwedeng pasubalian ay kailangan mamumuhunan ng buhay ang kilusan kung nais nitong magtagumpay ang layunin laban sa pamahalaang Kastila ng Alcala.  Nanatiling tahimik si Bag–aw nang mapasulyap sa kanya si Lakay Awallan ngunit hindi na siya nagtanong dahil mahirap talusin ang iniisip ng kanyang apong basta sinundan na lamang niya ang direksiyon ng tingin nito hanggang sa kumunot ang noo niya nang mapansin ang isang binatilyo sa grupo ni Kumander Tallang na seguradong katutubong binyagan din.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *