Marahil, nagtataka si Bag–aw kung bakit nahikayat sumanib sa grupo ni Kumander Tallang ang isang binatilyo gayong bata pa siya upang isangkot sa kilusan ang sarili pagkat imposible namang hindi niya batid ang peligro na dulot sa ganitong aktibidad maliban na lamang kung talagang may mabigat na dahilan upang gawin niya ito ngunit napaisip pa rin siya. “Muli . . . ang aming pasasalamat! Paalam . . . mga kapanalig! Paalam po . . . Lakay Awallan!” Masayang lumisan ang grupo ni Kumander Tallang maski hindi nagbitaw ng pangako si Lakay Awallan upang asahan niya ito pagkat malinaw naman ang katuwiran nito ngunit mainam sana kung mapabilang sa kilusan ang mga kalalakihang Malauegs dahil hindi na lingid sa kanya ang kanilang katapangan kaya kinakatakutan sa kabundukan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs. Gayunpaman, nag–iwan man siya ng bilin kung paano mararating ang kanilang kuta ngunit depende pa rin ito sa mapag–uusapan mamaya nina Lakay Awallan at sa mga kalalakihang Malauegs kaya walang nangahas magsalita kanina upang ikompromiso ang kanilang mga sarili pagkat ayaw nilang pangungunahan ang kanyang desisyon lalo’t muling nagpaalaala sa kanila ang kanyang mahigpit na pagtutol noon. Mamaya pa lamang malalaman kung sinu–sino sa mga kalalakihang Malauegs ang nagnanais sumanib sa kilusan lalo’t pamilyado ang karamihan sa kanila kaya ito ang dapat isaalang–alang nila upang hindi magugulumihanan ang kanilang mga kalooban habang sumasailalim sa pagsasanay dahil hindi rin naman basta isasabak sila sa laban na walang gagawing paghahanda muna sa kanilang mga sarili. Aywan kung magpahayag ng interes ang mga kabataang Malauegs pagkat sila ang wala pang pamilya na dapat isaalang–alang ngunit kailanganin pa rin ang pahintulot ng kanilang mga magulang dahil hindi pa nila nararanasan kahit kailan ang mapalaban sa mga soldados, ang rapiduhin ng mga bala, at mayanig sa nakagigimbal na putok ng mga fusil habang nagaganap ang sagupaan. Noon, nagugulantang na lamang ang mga mandirigmang Malauegs dahil sa hindi inaasahang pananalakay ng mga soldados ngunit sa sitwasyon ngayon ay dapat magiging agresibo sa pagsasagawa ng asalto sa mga destacamento de tropas ang mga manghihimagsik bukod pa ang pananamsam sa mga fusil para masabayan nila ang hukbo ng pamahalaang Kastila ng Alcala kung may tangan nang ganitong sandata ang bawat miyembro ng kilusan. Pero buhay naman ang laging katumbas sa bawat tagumpay pagkat sadyang hindi naiiwasan ang pagkakamali.sanhi ng nakapangangalisag na sitwasyon dahil hindi nagbibigay ng proteksiyon ang ginawang pagsasanay kundi naging gabay lamang ito kung paano gamitin ang tamang disposisyon sa panahon na umiigting ang labanan habang nagsasalimbayan sa lahat nang direksiyon ang mga bala. Nanatili pa sa entrada ang mga kalalakihang Malauegs habang sinusundan nila ng tingin ang grupo ni Kumander Tallang hanggang sa gumanti pa siya ng kaway habang nagpahabol naman ng maikling dasal si Lakay Awallan para sa kanilang ligtas na paglalakbay pabalik sa kuta ngunit tiyak na mahirap hanapin ang binanggit na pook pagkat ngayon lamang nila narinig ito. Aywan kung dapat pa bang asahan ang pagbabalik ng grupo ni Kumander Tallang sa kanilang bagong komunidad pagkat mas matimbang sa paniniwala ni Lakay Awallan ang huwag na lamang umasa dahil walang kaseguruhan ang buhay ng mga manghihimagsik sa tuwing napapalaban sila kaya ito ang isa sa mga kadahilanan kung bakit tinututulan niya ang mapabilang sa kilusan ang mga kalalakihang Malauegs. Maya–maya, isa–isa nang bumalik sa hapag ang mga kalalakihang Malauegs nang tuluyan nang naglaho sa kanilang paningin ang grupo ng mga manghihimagsik upang ipagpatuloy ang nabalam na almusal pagkat naghihintay naman ang kanilang mga gawain na kailangan maisagawa sa maghapon lalo na ang mga kababaihang Malauegs dahil balak nila ang sumaglit sa tumana para mamitas ng mga gulay. Balak samantalahin ng mga kababaihang Malauegs ang araw ng palengke bukas ng umaga sa bayan ng Alcala maski ipinagbabawal pa ni Lakay Awallan ang paglalako ng mga gulay ngunit may naisip nang plano ang mga kalalakihang Malauegs upang pumayag siya kaysa magpagahis sila sa takot kung ikamamatay naman nilang lahat ang gutom lalo na ang mga anak nila. Sana, pumayag ang Punong Sugo sa mungkahi nila na magtalaga ng tatlong kalalakihang Malauegs upang sabayan sa paglalako ng mga gulay ang mga kababaihang Malauegs para huwag lamang matigil ang kanilang hanapbuhay kahit magiging problema nila ang mga guwardiya sibil kapag hinanapan sila ng cedula ngunit may paraan naman dahil mas kabisado nila ang bayan ng Alcala. Aywan kung ano ang gumugulo sa isip ni Lakay Awallan dahil tahimik siya maski hindi na natatanaw ang grupo ni Kumander Tallang ngunit naghihintay naman sa kanya sina Bag–aw at amang Assassi upang sabayan siya pabalik sa hapag pagkat uminom lamang siya ng salabat kanina nang maabala ang kanilang agahan kaya nagpaiwan na rin sina amang Tagatoy at amang Luyong. Nang maipagpalagay ng magkapatid na maaaring binabalangkas na ng kanilang Punong Sugo ang mga paksa na nais nitong talakayin mamaya sa pulong nila kaugnay sa kahilingan ni Kumander Tallang para maliliwanagan ang mga nagnanais sumanib sa kilusan ngunit tiyak na hindi sila pagkat minsan nang naransan nila ang mapalaban sa mga sdoldados nang dalawang beses pa kaya ipinagpasalamat nila ang mapabilang sa mga nangaligtas. Katunayan, ramdam pa rin nila ang matinding kapighatian nang mapasama sa nasunog na sagradong kubol ang kanilang amang kaya hindi nila hahayaang maulit pa ito dahil kahangalan na rin kung iwan pa ang kanilang mga pamilya gayong alam na nila ang posibleng mangyayari sa bagong komunidad kung walang magtatanggol dito matapos tutulan nila ang pagkakaroon ng cedula. Aywan kung balak ni Bag–aw ang sumanib sa kilusan dahil may katuwiran naman para ipahayag ang kanyang kagustuhan pagkat nararapat lamang samantalahin ang pagkakataon upang maipaghihiganti ang kanyang mga magulang ngunit sa kalagayan ngayon ni Lakay Awallan ay payagan kaya siya nito kahit naririyan si amang Assassi na puwedeng pagbilinan.
Kaya pala natahimik si Lakay Awallan pagkat sumupang sa kanyang utak ang maraming katanungan ngunit kailangan mapakinggan muna ito ng mga kalalakihang Malauegs para sila mismo ang mag–isip ng kasagutan nito sakaling ipagpipilitan pa rin ang kanilang kagustuhan upang mapabilang sa mga manghihimagsik dahil ramdam na niya ang magiging epekto nito kapag iginawad na sa kanila ang kanyang basbas. Ngayon, lalong naging malinaw sa kanya ang mga problema na posibleng idudulot kung mapabilang sa grupo ni Kumander Tallang ang mga kalalakihang Malauegs dahil walang duda na mahahati lamang ang kanilang konsentrasyon kung hindi rin nila maaatim upang pababayaan ang bagong komunidad pagkat iniisip ang kanilang mga pamilya habang natutuon sa misyon ang kanilang mga mata hanggang sa mapapahamak lamang sila. Tuloy, nangangatal na sa takot ang katawan ni Lakay Awallan gayong sa isip pa lamang naninindak ang posibleng mangyari sa kanya dahil hindi na taglay ng kanyang katawan ang kakayahan para lumaban pa kahit dating mandirigmang Malauegs din siya kaya tiyak na pikit–matang isusuko na lamang niya sa kamatayan ang sarili kung kapusin ang kanyang mga dasal.
ITUTULOY
No responses yet