“Pag–uusapan muna natin . . . ang tungkol sa bagay na ‘yan! Tagatoy! Kailangan . . . mapag–aralan nating maigi! Ang magiging epekto nito . . . sa inyong mga pamilya! At . . . sa ating komunidad! Kaya hindi kailangan . . . ang apurahang pagpapasya! Oo . . . Tagatoy!” Bagaman, manggagaling din naman sa mga kalalakihang Malauegs ang huling desisyon dahil magbibigay lamang ng paalaala si Lakay Awallan bilang gabay sa kanila pagkat walang duda na kailanganin pa rin nila ang pagsang–ayon ng kanilang mga maybahay at mga anak lalo’t pamilyado ang karamihan sa kanila kaya naaayon pa rin sa mapag–uusap mamaya ang kanyang magiging kapasyahan. Sapat na ang narinig ni amang Tagatoy para mapawi ang kanyang pangamba dahil mabibigyan din pala siya nang kahit sandali upang isatinig ang kanyang pagtutol sa mungkahi ni Kumander Tallang pagkat mahalagang malaman ng mga kalalakihang Malauegs na hindi sa lahat nang pagkakataon ay sa labas ng bagong komunidad nagaganap ang laban kaya magagawa pa rin nila ito maski hindi na sila sumapi sa kilusan. Katunayan, hindi takot ang sanhi ng kanyang pagtutol sa kahilingan ni Kumander Tallang pagkat nahubog na ng maraming karanasan ang kanyang pagkatao ngunit ang mawalan siya ng pamilya ay seguradong ikalulugot ito ng kanyang lakas dahil minsan na rin dumanas ng matinding kasiphayuan ang kanyang sarili nang masawi ang kanyang amang noong gabing sinalakay ng mga soldados ang lumang komunidad. Tumango nang pagsang–ayon si amang Luyong matapos mapakinggan ang katuwiran ni Lakay Awallan dahil mas gusto pa niya ang masimulan na ang pag–uusap upang marinig din niya ang mga suhestiyon mula sa mga kapwa kalalakihang Malauegs kahit wala siyang balak sumanib sa kilusan pagkat naniniwala siya na hindi ito ang solusyon sa kanilang problema. Habang hindi naman tandisang masambit ni Bag–aw kung nagkamali lang ba nang ipinagkibit–balikat noon ng mga kalalakihang Malauegs ang kilusan pagkat matagal na sanang naging kasapi sila sa grupo ni Kumander Tallang ngunit biglang pakli rin siya nang maalaala ang naging desisyon ni Lakay Awallan kaya maging siya ay nawalan ng lakas upang banggitin ang tungkol dito. Diyata, natuloy rin pala ang kilusan imbes na nagpagahis sa takot ang mga bumubuo ng grupo pagkat mismong pamahalaang Kastila ng Alcala ang magiging kalaban nila gayong batay sa mga kuwento ay talagang nangangalisag sa sindak ang mga katutubong Malauegs habang naririnig nila ang rapido ng mga fusil noong linusob ng mga soldados ang lumang komunidad. Hanggang sa napailing lamang siya na waring tumututol sa sariling palagay na hindi kayang makipaglaban sa mga soldados ang mga manghihimagsik dahil depende pa rin ito kapag nagaganap na ang sagupaan kahit armado pa sila ng mga fusil at sumailalim ng maigting na pagsasanay sa loob ng maraming taon sa bansang pinanggalingan nila bago naitalaga sa bayan ng Alcala. Subalit siya na rin ang nagpapatunay na gaano man kabisado ng mga manghihimagsik ang kabundukan ng Sierra Madre dahil dito na sila isinilang ay mahalagang mapag–aralan pa rin ang sitwasyon pagkat hindi matatamo ang tagumpay kung magpatangay sila sa kapusukan hanggang sa natanong niya kung sumailalim din kaya sila ng pagsasanay lalo na ang paghawak sa mga fusil. Kung nagawang gumapang ng mga ahas papunta sa kabihasnan ay seguradong naglilipana na rin sa kabundukan ng Sierra Madre ang mga soldados dahil halos araw–araw ang kanilang ginagawang operasyon upang tiyakin na walang mga gumagalang disidente pagkat kailangan ng mga may lupain sa kapatagan ang seguridad para sa kanilang itatayong negosyo. May palagay si Bag–aw na priyoridad ni Kumander Tallang ang pagsasagawa ng pananalakay sa mga destacamento de tropas upang magkaroon ng fusil ang bawat miyembro ng grupo ngunit nangangailangan naman ito ng maraming kasapi para maisasagawa nang sabay–sabay ang pag–atake kung gusto nitong mapapabilis ang pagsakatuparan sa kanilang misyon. Marahil, ito ang dahilan kung bakit hinihikayat ni Kumander Tallang na sumapi sa kilusan ang mga kalalakihang Malauegs ngunit naniniwala si Bag–aw na mas epektibo kung limitado lamang ang bilang ng miyembro ng kilusan para magiging madali na lamang sa kanila ang magtago dahil malawak ang kabundukan ng Sierra Madre basta huwag lamang sila magkakanlong sa mga komunidad upang hindi madamay ang mga naninirahan doon. Katunayan, hindi naman kailangan tapatan ni Kumander Tallang ang hukbo ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil walang sariling rekurso ang kanyang grupo upang masustinihan ang kanilang mga pangangailangan maliban sa umasa sa tulong mula sa mga sumusuporta sa kanilang adhikain ngunit tiyak na mabibilang lamang sila sanhi ng takot na matutop ng mga soldados ang ginagawa nila. Baka kahit isang dueño sa bayan ng Alcala ay hindi nagparamdam ng suporta sa kilusan pagkat hindi nila hahayaang magsara ang mga negosyo nila at lalong ayaw ng mga ito ang makulong dahil tiyak na ganitong parusa ang kasasapitan nila kapag natuklasan ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang palihim na simpatiya kaya mainam pa ang ipikit na lamang ang kanilang mga mata, itikom ang kanilang mga bibig at magkunwaring walang naririnig. Paneneguro na rin upang hindi maaapektuhan ang kanilang mga negosyo sakaling magkakaroon ng pagbabago ang sitwasyon sa darating na mga araw dahil alam naman nila na laging pasulong ang panahon maski magpalit pa ng gobyerno pagkat malayo ang posibilidad para bumalik sa sinauna ang buhay ng mga tao kung narating na niya ang kasalukuyan. Tuloy, naisaloob ni Bag–aw na lalong hindi dapat magtiwala sa mga dueño de tienda ang grupo ni Kumander Tallang pagkat mga mestisong Intsik ang karamihan sa kanila at maging ang mga katutubong binyagan dahil hindi puwedeng panghawakan ang kanilang katapatan kaya walang interes sa mga nagaganap sa kanilang paligid ang mga ito matangi sa mga negosyo nila. “Tayo nang bumalik sa hapag . . . para masimulan na . . . ang pag–uusap!” Kaya naging pananghalian na lamang ang almusal ng mga katutubong Malauegs dahil hindi na nagpanibagong luto pa ng pagkain ang mga kababaihang Malauegs pagkat naging madalian ang pag–uusap kaugnay sa kahilingan ni Kumander Tallang ngunit wala rin namang nagpahayag ng kagustuhan kahit isa sa kanila upang sumanib sa kilusan na taliwas sa inaasahan ni Lakay Awallan matapos mapakinggan nila ang kanyang paliwanag na nagbibigay–laya sa kanilang sariling desisyon. Kahit si Bag–aw na nag–iisip sumapi sa kilusan ay hindi nagsalita nang sinimulan na ni Lakay Awallan ang pagtatanong kung sino sa mga kalalakihang Malauegs ang nagnanais sumama sa grupo ni Kumander Tallang ngunit walang umimik na kabalintunaan noong unang tinanggap nila ang paanyaya pagkat halos lahat ay nagpahayag nang kahandaan kung hindi lamang tinutulan niya ito.dahil walang dumating mula sa mga nagsusulong ng kilusan upang siya ang mismong kausapin sana nila. Baka naghihintay lamang ng tamang pagkakataon si Bag–aw pagkat wala namang masama kung subukin niya maski daramdamin pa ni Lakay Awallan ang kanyang plano dahil hindi rin naman ipagpipilitan niya ang sariling kagustuhan ngunit kailan pa magkakaroon ng katuparan ang kanyang pangakong paghihiganti upang mabibigyan sana ng katarungan ang pagkamatay ng kanyang mga magulang.
ITUTULOY
No responses yet