IKA – 175 LABAS

Talaga yatang mahimbing ang tulog ni Lakay Awallan pagkat hindi man lamang niya napansin si Bag–aw na sumulyap pa sa kanya habang lumalapit sa bintana nang patiyakad ngunit napailing na lamang siya nang malaman na pasibsib na pala ang araw dahil mangangaso pa rin sana siya basta huwag lamang siya maiinip kaya napuspos siya nang panghihinayang.  Muling pumasok sa loob ng kubol si Bag–aw ngunit talanga at busog ang tangan na niya nang bumalik sa tangkil pagkat wala na sa isip niya ang pangangaso maski nanghihibo pa rin ito sa kanya dahil ayaw rin naman niyang gabihin sa kagubatan upang hindi sermon ang naghihintay sa kanyang pag–uwi at lahat nang kalalakihang Malauegs ay dumalo sa ginanap na pulong kanina kaya walang nangangaso ngayong araw.  Pagkatapos, kinuha naman niya sa isang sulok ang lagisan at pamunas ngunit nawala yata sa isip niya na seguradong magagambala ang mahimbing na tulog ni Lakay Awallan kung balak palang hasain niya ang mga tunod para may mapagkaaabalahan lamang ang sarili niya na hindi nahirati nang walang ginagawa sa maghapon kaya mas gusto pa niya ang mangangaso kaysa magpirmi sa kubol.  Animo humahaba ang araw sanhi ng nararamdamang inip dahil nagiging mabagal din ang galaw ng mundo para sa kanya kung walang ginagawa samantalang sa pangangaso ay hindi niya namamalayan ang pagsapit ng dapit–hapon lalo na kung kinasiyahan pa ng suwerte ang kanyang kasipagan maski pagod siya ngunit naging paki–pakinabang naman ang kanyang buong maghapon.

            Kunsabagay, bukas pa dapat mangangaso si Bag–aw maski hindi pa nagpasabi sa mga kalalakihang Malauegs ang mga kababaihang Malauegs pagkat nakaimbak pa sa kanilang tinggalan ang maraming tapa dahil naging sunud–sunod ang pasok nila sa kagubatan upang sulitin ang mga araw na natigil ang kanilang pangangaso nang dumating ang grupo ni Kumander Tallang at nasundan pa ito ng dalawang araw na pulong.  Pero nagiging kainip–inip para sa kanya ang araw kung walang pinagkaaabalahan sa maghapon ang sarili pagkat nakasanayan na niya ang pumasok sa kagubatan nang madaling–araw dahil naging paraiso na niya ito sapul nang matutunan niya ang humawak ng busog at tunod maski ito rin ang dahilan upang ipagpalagay kung bakit binata pa siya hanggang ngayon.  Kabalintunaan ang mga pamilyadong kalalakihang Malauegs dahil may napaglilibangan sila habang sinasamantala ang araw na hindi sila nangangaso upang ipasyal sa bayan ng Alcala ang kanilang mga anak ngunit tiyak magbabago na ito ngayong kailangan nang magpakita sila ng cedula upang hindi sitahin ng mga guwardiya sibil kaya napailing siya pagkat pinanindigan pa rin nilang lahat ang huwag tumalima sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Naging katuwiran ng lahat ang grupo ni Kumander Tallang na handang magbigay ng proteksiyon sakaling salakayin ng mga soldados ang kanilang bagong komunidad maski mariin ang pagtutol ni Lakay Awallan sa pahayag na ito pagkat mangyayari lamang ang pangako kung sumanib sa kilusan ang mga kalalakihang Malauegs ngunit ayaw rin namang iwanan ang kanilang mga pamilya.  Tuloy, hindi mabigkas–bigkas ni Bag–aw ang kanyang hangaring sumanib sa kilusan dahil nag–aalala siya sa magiging reaksiyon ni Lakay Awallan kahit naniniwala siya na makatulong sana ito sa kanyang balak pagkat ngayon ang tamang panahon para isakatuparan ang paghihiganti habang may kakayahan pa siya kaysa palalampasin ang pagkakataon sanhi ng takot kung pagsisihan din naman niya.  Unang pinunasan ni Bag–aw ang antigong talanga na tanging pamana ng kanyang amang Alawihaw ngunit malaki ang kanyang pasasalamat kay amang Assassi pagkat hindi niya iniwan ito nang magkaroon ng lingaw habang nasusunog noon ang sagradong kubol hanggang sa napahiwalay pa siya kay Lakay Awallan na lumikas agad sa yungib upang takasan ang kalunus–lunos na sinapit ng kanilang lumang komunidad sa mga kamay ng mga manlulipig.  Napapangiti na lamang siya sa tuwing naiisip na imposibleng mapasakanya ang antigong talanga na mas matanda pa kaysa kanya kung buhay pa ang kanyang amang Alawihaw ngunit hindi na niya hinayaang maglakbay pa sa nakaraan ang alaala niya pagkat kailangan matapos agad ang paglalagis niya sa mga tunod dahil tiyak magtatawag na mamaya para sa kanilang hapunan ang mga kababaihang Malauegs.  Talagang matindi rin naman ang ginawang pag–iingat ni Lakay Awallan sa talanga upang tiyakin na mapakikinabang pa ito ni Bag–aw ngunit maaaring kulang na ang mga tunod dahil nahulog ang iba habang tumatakbo noon si amang Assassi papunta sa yungib upang sundan siya bukod pa ang naganap na balyahan sa loob ng sagradong kubol nang silaban ito ng mga soldados.  Pagkatapos, sinimulan naman niya ang paghahasa sa talim ng mga tunod upang wala nang aalalahanin sa paggising niya bukas nang madaling–araw pagkat balak niya ang matulog nang maaga sa halip na makipagkuwentuhan pa kay Lakay Awallan para hindi siya mapupuyat ngunit nalimutan yata niya ang matandang natutulog sa silyon dahil nasa tabi lamang siya nito.  Kalaunan, nagising ang mga mata na hindi pa dapat dumilat nang lumikha ng yakis ang paghahasa niya sa mga tunod ngunit maaaring nakabuti rin ito dahil malapit nang sumapit ang takip–silim kaya puwedeng nang simulan ni Lakay Awallan ang pagdarasal maski ihahatid na lamang sa kubol ang kanyang pagkain kung hindi niya magawa ang dumulog sa hapag upang sumabay sa kanilang hapunan.  Kalimitan, ganito ang ginagawa ng mga kababaihang Malauegs maski hindi ipinagbilin sa kanila upang hindi naaabala ang kanilang Punong Sugo dahil batid naman nila na nagdarasal siya sa tuwing dapit–hapon ngunit itinatabi na rin nila maging ang pagkain ni Bag–aw kung inabot ng dilim ang kanyang uwi mula sa pangangaso para tuluy–tuloy na ang kanilang pamamahinga sa gabi.

            “Sa lagay na ‘yan . . . Bag–aw!  Nakapagpahinga ka na . . . ha?!”  Siyempre, nagulat si Bag–aw pagkat talagang nawakli na rin sa isip niya si Lakay Awallan na kanina pa natutulog sa silyon dahil sa kaabalahan niya ngunit hindi naman mawari kung galit siya pagkat malumanay pa rin ang kanyang pagsasalita maski pormal ang kanyang mukha kaya idinaan na lamang niya sa ngisi ang paghingi ng paumanhin.  Kusang itinigil na lamang niya ang paglalagis sa mga tunod maski wala na yatang balak matulog uli ni Lakay Awallan dahil malapit na rin ang oras upang simulan niya ang pagdarasal sa takip–silim pagkat hindi baleng makaligtaan niya ang kumain basta huwag lamang ang kanyang tungkulin kay Bathala lalo’t siya ang nagligtas sa kanilang dalawa.  Habang liniligpit ni Bag–aw ang kanyang gamit sa pangangaso ay nagkaroon siya ng pagdududa kung talaga bang naidlip si Lakay Awallan pagkat hindi naman niya narinig ang palatandaan ng kanyang kahimbingan ngunit ibinalik na lamang niya sa talanga ang mga tunod maski lima lamang dito ang nahasa niya dahil hindi naman nagagamit nang minsanan lamang sa isang araw ang mga ito.  Dahil nababawi pa rin niya ang tunod kung napuruhan sa isang tudla lamang ang hayop kahit totoo na may pagkakataong nagagawa pa rin ng ibang hayop ang tumakbo maski nakatarak na sa katawan nito ang pana ngunit nangyayari lamang ito kung wala nang bisa ang dita sa talim dahil kailangan lingguhan ang pagtutubog nito para hindi nagmimintis kapag ginagamit.  Sapagkat inuunat ni Lakay Awallan ang kanyang mga braso ay naisaloob ni Bag–aw na maaaring hindi pa sana siya magigising kung hindi niya inabala hanggang sa natigatig ang kalooban niya pagkat maliwanag na nadisturbo lamang niya ang kanyang tulog ngunit kabastusan naman kung iutos niya sa Punong Sugo ang umidlip uli kahit ganito ang ginagawa niya noong maliit pa lamang siya.  Pagkatapos, humilig sa bintana ng tangkil si Bag–aw saka hinarap niya si Lakay Awallan na patingin–tingin pa rin sa kanya ngunit hindi naman galit kaya naging hulo niya na maaaring hindi dahilan ang nilikhang yakis ng paglalagis niya sa mga tunod kundi kusang dumilat ang mga mata nito dahil malapit na rin lumatag ang dilim para sa takip–silim na pagdarasal.  Kunsabagay, pagpapalipas lamang ng oras ang idlip ni Lakay Awallan sa hapon ngunit gusto naman niya ang magpuyat sa gabi dahil talaga yatang umiiksi ang pahinga kapag tumatanda na ang isang tao kaya hindi rin kataka–taka kung dumaing ng maraming sakit ang kanyang katawan pagkat malinaw naman na kulang siya sa tulog lalo’t nagiging pihikan na rin siya sa pagkain.  Hindi rin maintindihan ni Bag–aw kung bakit kailangan bumangon din ng madaling–araw ni Lakay Awallan samantalang may oras pa naman para ituloy ang kanyang tulog pagkatapos ang pagdarasal pagkat naiiwan naman siya sa kubol kaysa sabayan ang paggising niya nang maaga kaya napupuyat din siya dahilan upang manghina ang kanyang katawan   Naisaloob niya na talaga yatang unti–unti rin nalalayot ang taglay na lakas ng katawan sabay sa pagtanda nito kaya aminado siya na hindi malayong ganito rin ang sasapitin ng kanyang sarili pagdating ng araw dahil laging tampak sa lamig sa madaling–araw sa tuwing pumapasok siya sa kagubatan hanggang sa napangiti siya pagkat hindi pa naman nahiling sa kanya ni Lakay Awallan ang magpahilot bago matulog.  Pumiksi lamang siya nang mapaghulo na talagang hindi sapat ang pag–iinom ng mainit na salabat sa tuwing umaga upang mapapanatili nito ang lakas ni Lakay Awallan dahil panlaban lamang ito sa lamig sanhi ng pabagu–bagong tiyempo ng panahon pagkat kubol lamang ang kanilang tirahan kahit may albuaryo kung kulang naman ang kaalaman nito sa panggagamot.

            “Gising na pala kayo . . . Apong!  Pasensiya na po . . . opo!  Kung nadisturbo ko po . . . ang tulog n’yo!”  Kanina, naunang bumalik sa kubol si Bag–aw matapos ang kanilang pananghalian dahil kausap pa ni Lakay Awallan si amang Assassi ngunit tiyak na si Ulep  ang kanilang pinag–uusapan kahit hindi niya narinig pagkat naging ugali na ng bata ang bumababa sa bayan ng Alcala nang walang paalam sa kanyang amang maski hinahanapan na ng cedula ang mga katutubo ng Sierra Madre.  Walang duda na hiningi ni amang Assassi ang payo ni Lakay Awallan dahil talagang naging problema niya si Ulep kung dakpin ng mga guwardiya sibil at ikulong sa munisipyo ng Alcala pagkat hindi rin naman mapagbawalan ang kanyang anak lalo’t sa gabi lamang nagkikita silang mag–amang sa tuwing dumarating siya mula sa maghapong pangangaso.  Aywang kung ano ang natanggap na payo ni amang Assassi basta siya ang sumabay kay Lakay Awallan hanggang sa tangkil ngunit namalayan pa niya ang kanilang pagdating dahil hindi siya naidlip agad nang magpaalaala naman sa kanya ang bilin ni Lawug tungkol sa kanilang lakad mamayang gabi sa tawid ng ilog pagkat nag–aatubili ang sarili niya upang banggitin ito sa kanyang apong.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *