IKA – 179 LABAS

Aywan basta bahag ang suot lamang ng mga katutubo ng Sierra Madre nang dumating sa bayan ng Alcala ang mga banyaga pagkat maaaring hindi pa naibulong noon sa kanila ni Bathala kung paano ang paghahabi ng damit upang maiiba naman ang kanilang anyo sa mga hayop sa kagubatan dahil ito ang nakagawian nila mula nang masilayan ng kanilang kamusmusan ang mundo.  Patunay lamang na hindi naging importante sa kanila ang sibilisasyon basta may pagkakaisa sila habang namumuhay nang mapayapa sa komunidad sa gabay ng kanilang Punong Sugo na sadyang itinalaga ni Bathala upang hindi sila lumiwas mula sa matuwid na layunin pagdating ng panahon na kailangang gumawa sila ng mahalagang desisyon para sa kanilang kinabukasan.  Kaya gaano man kaimportante ang sibilisasyon kung wala namang nagmumulat sa mga kaisipan ng mga katutubo ng Sierra Madre tungkol sa kabutihang dulot nito ay talagang hindi nila mabibigyan ito ng pagpapahalaga lalo na kung walang pagsisikap ang pamahalaang Kastila ng Alcala upang mabago sana ang kanilang kaugalian sa halip na makontento sa sinaunang pamamaraan ng pamumuhay.  Sapagkat mas gusto pa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang ganitong sitwasyon upang madali na lamang manipulahin ang pagiging mangmang ng mga katutubo ng Sierra Madre sa pamamagitan ng pagpapatupad sa mga ordinansa na salungat sa kanilang mga paniniwala tulad ng titulo, buwis at amilyaramyento at cedula para magkaroon lamang ng katuwiran ang mga ginagawang panlilimbong.  Hangarin ng kahit sino ang magkaroon din siya ng mga bagay–bagay na nakikita niya sa kapwa ngunit sino naman ang magpamalas ng malasakit sa kanya kung tinalikuran na rin siya ng mga katutubong binyagan matapos yakapin nila ang pananampalataya kaya masisisi ba siya kung sa sariling interpretasyon ay sisirain lamang pala ng pagbabago ang buhay  niya.  Sapagkat maliwanag naman na ikinahihiya ng mga katutubong binyagan ang dating buhay mula nang mapatakan ng agwa bendita ang mga noo nila kahit pagsusuot ng maringal na kasuutan ang nabago lamang sa pagkatao nila ngunit tuluyan nang itinakwil ang kanilang nagisnang kaugalian imbes na pinagyaman ito bilang alaala sa kanilang pinagmulan.  “Isipin mo na lamang . . . ha?!  Galing sila . . . sa ibang bahagi ng mundo!  Pero naging madali lamang sa kanila . . . ang makarating sa ating bayan!  Dahil . . . ang kanilang kagalingan . . . at katalinuhan!  Ang naghatid sa kanila . . . dito sa bayan natin!”  Aywan kung nagdulot ng kabutihan ang pagkakatuklas ni Fernando Magellan ng Pilipinas kung pagbabatayan ang aklat na inilathala sa bansang España dahil naglalaman ito ng mga mapanirang impormasyon tungkol sa mga katutubo na tinawag nilang mga Pilipino pagkat nagsimula sa hubad na tanawin ang lahat sa panahon na halos katatapos lamang yata likhain ni Bathala ang mundo.  Mangyari, nang malaman nila na may mga katutubo sa hilagang bahagi ng mundo ay sinaliksik nila ang tunay na pagkatao ng mga ito ngunit ang anumang kagandahang taglay sa aklat na ito ay papuri na nauukol lamang sa mga banyaga habang malinaw na nakasama naman sa mga Pilipino kaya mahirap sang–ayunan ang paniniwalang ito hanggang ngayon.  Sapagkat masahol pa sa hayop kung tratuhin ng mga banyaga ang mga katutubo matapos ituring na isang uri ng alipin lamang sila na sa Pilipinas lamang natatagpuan pagkat mismong impormasyon mula sa aklat ang nagsisiwalat na hindi nararapat mapabilang sa lipunan ang mga katulad nila dahil sa kanilang kulay at anyo kaya katanungan na hindi mabigyan ng malinaw na kasagutan kung bakit ipinagpilitan sa mundo ng mga hayop ang sibilisasyon.  Nakapanlulumong isipin na sa sariling bayan pa naging alipin ang mga katutubo sa halip na sila ang dapat na iginagalang ng mga banyaga ngunit ayaw rin namang ibunton kay Bathala ang kanilang hinanakit kung bakit hindi sila pinagkalooban ng sapat na katalinuhan upang magagawang tapatan sana nila ang taglay na mga kaalaman ng mga mananakop para hindi sila inaalipusta.  Samakatuwid, walang duda na tama ang naging palagay ni Lakay Awallan na mananatiling pangarap na lamang ang pag–asa upang maiahon sana sila mula sa kinasasadlakang kumunoy habang walang nangyayaring pagbabago sa kanilang buhay dahil madaling napapaniwala sa mga kasinungalingan ng mga banyaga ang kanilang mga sarili sanhi ng kawalan ng pinag–aralan kaya lalong naging miserable ang kanilang kalagayan.  Lalong nalugso sa pagdurusa ang kanilang buhay pagkat naging karagdagang pabigat lamang ang mga titulo, buwis, amilyaramyento at cedula na puwersahang ipinapatupad sa kanila ng pamahalaang Kastila ng Alcala gayong hindi naman ito ang lunas ng kahirapan kaya nagpapatuloy ang pananangis ng kanilang mga kalooban sanhi ng dinaranas na kaapihan.  Gayunpaman, maraming katutubo ng Sierra Madre ang nagpapabinyag pa rin na talagang kataka–taka kung tuusin pagkat hindi naman lingid sa kanila ang ginagawang pagyuyurak ng mga banyaga sa dangal ng mga katutubong erehe gayong hindi naman puwedeng ikatuwiran na may sariling paniniwala na sila dahil wala namang nabago sa kanilang mga anyo matapos guhitan ng abo ang kanilang mga noo.  Mangyari, hindi mabigkas–bigkas ng mga katutubong binyagan ang katotohanan na hindi rin nila kayang ipagtanggol ang mga sariling karapatan mula sa tandisang pambubusabos ng mga prayle kaya talagang imposible upang ipaglalaban nila ang mga katutubong erehe maliban sa magbulag–bulagan sa mga nangyayari sa paligid dahil kasalanang mortal ang magpamalas sila ng simpatiya sa kanila.  Ano ba ang kayang gawin ng kinikilalang Diyos ng mga banyaga na hindi magagawa ni Bathala maliban sa simbahan kung saan sila nagdarasal araw–araw sa pangunguna ng mga prayle dahil wala nito ang kanilang Punong Sugo upang talikuran nila ang pamumuhay sa kabundukan ng Sierra Madre gayong naririto ang katahimikan maski totoong salat sa mga bagay na sa kabayanan lamang nahahanap?  Hanggang sa nalungkot ang puso ni Lakay Awallan pagkat mabibilang na lamang ang nanatiling tapat sa mga kaugalian na iniwan ng kanilang mga ninuno dahil talagang marami ang nahikayat sa mga pangako ng mga prayle na magbibigay ng kaginhawaan ang pagtanggap ng pananampalataya maski walang katiyakan ang katuparan nito basta magkaroon lamang ng dahilan ang paninirahan nila sa bayan ng Alcala.  Segurado, napagdaanan din ng mga katutubong binyagan ang naging karanasan ni Kumander Tallang ngunit maaaring idinadalangin na lamang nila ang sariling pagkakamali kung talagang hindi na magagawang ituwid pa pagkat pumipigil na lamang sa kanila ang kahihiyan upang tumiwalag sa pananampalataya matapos matigmak sa pagsisisi ang kanilang mga damdamin.  Sapagkat batid nila na wala nang babalikan pa sa kabundukan ng Sierra Madre ang mga katulad nila matapos talikuran ang kanilang tribu nang walang pagsaalang–alang sa posibleng mangyayari sa hinaharap dahil hinayaang linlangin ng mga dilang bulaan ang kanilang kamangmangan upang mamulat sa katotohanan na ikapang–anyaya lamang pala nila ang magtiwala sa mga banyaga.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *