“Puwes . . . Apong! Sumanib na lamang po tayo sa kilusan . . . kung ganoon po pala! Para may katuwang po tayo . . . sa pagtatanggol ng ating komunidad!” Nang walang pagdadalawang–isip na binigkas ni Bag–aw ang kanyang intensiyon ngayong mismong pagkakataon na ang humawi ng balakid sa kanyang hangaring mapabilang sa kilusan maski hindi direktang iminumungkahi ang kanyang sarili para hindi mapupuna ang kanyang totoong balak ngunit nalimutan yata niya na matalas ang pakiramdam ni Lakay Awallan. Kapagdaka, dumako kay Bag–aw ang mga mata ni Lakay Awallan nang kisap–matang maisaloob na tama pala ang kanyang kutob matapos magparamdam ang kanyang pinangangambahan maski hindi tahasang inamin sa kanya ang kagustuhan niya para sumanib sa kilusan dahil hindi rin naman mahirap unawain ang intensiyon ng suhestiyon upang limiing pa nang maigi ito. Diyata, handang sumanib sa grupo ni Kumander Tallang si Bag–aw maski ikamamatay pa niya kapag nagkahiwalay sila ngunit hinuhulo muna niya ang kanyang posibleng dahilan sa halip na daramdamin agad ito pagkat maaaring may kaugnayan sa pahayag na ito ang kanyang pagiging ulilang lubos nang maaga dahil seguradong matagal nang inaasam–asam ng kanyang sarili ang pagdating ng pagkakataong ito upang magkaroon ng katuparan ang kanyang balak.
“Bag–aw . . . bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs! Ipinagkakatiwala ko sa iyo . . . ang mahalagang tagubilin! Ipagpapatuloy mo . . . Bag–aw! Ang laban na sinimulan . . . ng ‘yong amang!”
Nang kanawa–nawang nagpagunita ang mahalagang paalaala para sa isang sanggol pa noon na si Bag–aw habang unti–unting inaaagnas ng apoy ang bangkay ng kanyang amang Alawihaw kaya napapikit nang mariin ang mga mata ni Lakay Awallan nang mapagtanto na dumating na pala ang panahon upang maisakatuparan ang bilin maski inusal ito sa mga araw na nagdurugo ang kanyang puso at litung–lito ang kanyang isip dahil mahaba na ang mahigit sa dalawampung taon kung bawiin pa niya ito. Natampi na lamang ni Lakay Awallan ang kanyang noo matapos maseseguro na paghihiganti ang nag–udyok kay Bag–aw upang naisin niya ang sumanib sa kilusan pagkat nararapat lamang samantalahin ang pagkakataon ngayong nakilala niya ang grupo ni Kumander Tallang ngunit sana sumagi rin sa isip niya ang matanda na mag–isang maiiwan sa kalungkutan dahil sa kanyang paglayo. Kunsabagay, handa namang magparaya ang kalooban ni Lakay Awallan kahit ayaw niya ng kaguluhan pagkat hindi ito ang kanyang nagisnan ngunit pikit–matang hahayaan niya upang mangyayari ito kung sa ganitong kaparaanan matutupad ang matinding hangarin ni Bag–aw para mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kanyang mga magulang. Subalit naipanalangin pa rin niya na sana magbabago pa ang desisyon ni Bag–aw dahil handa rin namang magsakripisyo ang kanyang sarili basta huwag lamang lumayo ang binata sa panahon pa mandin na talagang kailanganin niya ang gabay sa kanyang pagtanda pagkat puwede namang isakatuparan ang paghihiganti kahit hindi siya sumanib sa kilusan. Pero sa pagtataya sa kasalukuyang sitwasyon ay nararapat lamang magkaroon ng cedula ang mga katutubo ng Sierras Madre dahil ito ang laging hinahanap ng mga guwardiya sibil kaya malinaw na proteksiyon para sa kanila na madalas bumababa sa bayan ng Alcala ang layunin nito kaysa naisin nila ang mapabilang sa grupo ni Kumander Tallang.kung hindi rin naman magkakaroon ng katahimikan ang kanilang buhay. Maliban na lamang kung hindi pa naging leksiyon sa kanila ang sinapit ng lumang komunidad dahil mabibilang na lamang ang talagang dumanas ng kahindik–hindik na karanasan habang wala muwang sa katotohanan ang karamihan pagkat sa pusod ng kagubatan sila isinilang ngunit ito naman ang malinaw na dahilan kung bakit tanggap ni Lakay Awallan ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Baka magiging dahilan lamang ng kapahamakan ang mariing pagtutol ng mga katutubong Malauegs pagkat halos ganito rin noon ang pangyayari nang tumagal ang desisyon ng lupon ng mga matatandang Malauegs hanggang sinalakay na lamang ng mga soldados ang kanilang lumang komunidad kaya mainam na ang maneguro dahil walang konsiderasyon sa kanilang kalagayan ang gobyerno. Kahiman sumanib sa kilusan ang mga kalalakihang Malauegs ay wala pa rin kaseguruhan kung karaka–rakang darating sa bagong komunidad ang grupo ni Kumander Tallang dahil depende pa rin ito sa priyoridad kung sabay–sabay darating ang kahilingan ng apat na tribu ng mga katutubo ng Sierra Madre lalo na kung nahiling din mula sa karatig–lalawigan ang kanilang tulong..
“’Yan ba talaga . . . ang naisip mong solusyon . . . ha?! Bag–aw?!” Sa tanong pa lamang ni Lakay Awallan ay malinaw na hindi nagbago ang kanyang desisyon maski nagbabanta sa bagong komunidad ang panganib dahil wala namang katiyakan sakaling kailanganin nila ang tulong balang araw pagkat walang kalalakihang Malauegs ang nagpahayag ng kagustuhang mapabilabng sa kilusan bukod sa masyadong malayo ang kuta ng grupo ni Kumander Tallang. Nagpasunod pa siya ng mariing iling upang ipagdiinan ang kanyang pagtutol sa katuwiran ni Bag–aw pagkat hindi niya namamalas ang kahalagahan ng kilusan para payagang sumanib dito ang mga kalalakihang Malauegs kung kailan matagal nang kinamkam ang kanilang malawak na lupain matapos kubkubin ng mga soldados ang kanilang lumang komunidad kaya wala na rin kabuluhan ito. Palibhasa, hindi pa nangyayari sa buhay ni Bag–aw ang mga naranasan ni Lakay Awallan buhat nang mahirang siya bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs kaya naging madali lamang para sa kanya ang magsalita sa halip na isipin muna ang posibleng epekto ng kanyang suhestiyon lalo na sa kanilang bagong komunidad at sa magiging kalagayan ng matanda na nagpalaki sa kanya. Seguro, naroroon na sa isip ni Lakay Awallan ang katiyakan kaya hindi puwedeng isantabi ang posibilidad na maaaring ikinabahala lamang niya kung matuloy ang pagsanib ni Bag–aw sa kilusan maski hindi tahasang sinasambit ang kagustuhang matupad ang ipinangakong paghihiganti ngunit ramdam naman ito nang walang pagdududa ng pusong nag–aalala pagkat tiyak na maiiwan siya kung kailan lubhang nangangailangan ng karamay ang kalagayan niya matapos magsakripisyo sa mahabang panahon ang sarili para magampanan lamang ang iniwang tungkulin ng mag–asawang Alawihaw at Dayandang. Minsan, tinangka rin ni Lakay Awallan ang magpakamatay sanhi ng matinding kasawian pagkat halos madurog ang kanyang puso nang masawi ang mag–asawang Alawihaw at Dayandang ngunit napigilan lamang ang masamang balak na ito nang mapag–isip–isip niya ang magiging kalagayan ni Bag–aw dahil sanggol pa lamang siya noong naulila ng mga magulang. Kaya ganoon na lamang katindi ang pagtutol ni Lakay Awallan maski naging bilin niya noon ang ipagpatuloy ni Bag–aw ang iniwang laban ng kanyang amang Alawihaw ngunit hindi na akmang tuparin ang atas dahil nanatiling dehado ang kanilang kalagayan habang lalong lumalakas ang tropa ng pamahalaang Kastila ng Alcala kaya hindi pa rin pumapabor sa kanila ang sitwasyon.
ITUTULOY
No responses yet