Kung hindi man napaknit sa isip ni Bag–aw ang paghihiganti mula nang marinig niya ang kuwento tungkol sa lumang komunidad ay makabubuting kalimutan na lamang niya ito dahil tiyak na kapahamakan lamang ang kahahantungan ng kanyang kapusukan kahit maraming soldados ang mapatay pa niya kung hindi naman sila ang bumaril sa kanyang amang Alawihaw kaya magpapatuloy ang paghahanap niya ng katarungan nang walang kaseguruhan. Muling umiling nang mariin si Lakay Awallan para ipagdiinan na ayaw niya sa naisip na paraan ni Bag–aw maski mangyari pa ang pananalakay ng mga soldados sa kanilang bagong komunidad pagkat hindi rin naman maaasahan sa lahat nang pagkakataon ang grupo ni Kumander Tallang upang manalig sila makaraan ang mahigit sa dalawampung taon na walang nagparamdam ng habag dahil sa kanilang sinapit. Baka lalong lumubha ang kanilang problema maski sumanib pa sa kilusan ang mga kalalakihang Malauegs pagkat araw–gabing mararamdaman nila ang tigatig kaya mawawalan na rin ng katahimikan ang kanilang buhay dahil magiging huli na ang lahat upang ituwid sa pagsisisi ang malaking pagkakamali kapag naulit ang kasaysayan ng lumang komunidad. Hanggag sa napahinagpis nang buong kapaitan ang Punong Sugo dahil hindi niya lubos–maisip kung bakit naging interesado pa sa kilusan si Bag–aw gayong puwede namang isakatuparan ang paghihiganti kahit hindi siya sumapi sa grupo ni Kumander Tallang kung talagang hindi na maiwasan ito pagkat kusang gumagawa ng paraan ang pagkakataon lalo na kung makatuwiran ang mithiin. Kaya talagang hindi pa rin katanggap–tanggap kay Lakay Awallan ang paghihiganti pagkat walang duda na tutol din sa naisip na paraan ni Bag–aw ang mag–asawang Alawihaw at Dayandang kahit ang layunin nito ay para mabigyan ng katarungan ang kanilang pagkamatay kung ito naman ang magiging sanhi upang magambala lamang ang kanilang matagal nang pananahimik. Ngayon pa bang ramdam na ng mga kaluluwa ang tunay na kahulugan ng kapayapaan na ipinagkait sa kanila noong nabubuhay pa sila kaya walang dahilan upang hangarin pa rin nila ang katarungan kung ipinagkaloob na ito sa kanila dahil sa kalangitan lamang nakakamtan ang totoong hustisya na taliwas sa daigdig ng mga buhay pagkat mga inosente ang nagdurusa. Masaklap lamang dahil ang paniniwala ng mga nabubuhay sa panahon ng lumang komunidad ay salungat na sa katuwiran ng mga isinilang sa bagong komunidad kahit may pagkakahawig ang mga kuwento pagkat paulit–ulit lamang ang kasaysayan maliban sa mga pangunahing tauhan at kung kailan ito naganap ngunit maiisip kaya ni Bag–aw ang paghihiganti kung buhay pa hanggang ngayon ang kanyang mga magulang.. Napakamot na lamang sa ulo si Bag–aw nang malaman na hindi pala katanggap–tanggap kay Lakay Awallan ang kanyang pahayag maski nanatili ang paniniwala niya na makabubuti pa rin kung hikayatin nito ang mga katutubong Malauegs upang suportahan ang grupo ni Kumander Tallang dahil talagang wala na silang mapagbabalingan kung tumitindi pa ang kaguluhan. Marahil, talagang natuon na lamang sa paghihiganti ang isip ni Bag–aw dahil mas pinapahalagahan pa niya ang proteksiyon na maipagkakaloob ng grupo ni Kumander Tallang sa mga katutubong Malauegs sakaling ipag–utos ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang pagsalakay sa bagong komunidad kahit hindi niya alam na ang katuparan ng kanyang layon ay depende pa rin sa sitwasyon. Sapagkat wala namang nakababatid kahit si Kumander Tallang kung kailan magaganap ang pananalakay ng mga soldados sa bagong komunidad dahil naging gawain na ng tropa ni Alferez ang pagsasakatuparan ng kanilang misyon sa hating–gabi kaya kailangang hindi masusungkaran ang mga katutubong Malauegs upang magtagumpay ang balak ni Bag–aw. Napatingin na lamang si Bag–aw kay Lakay Awallan upang muling pakinggan ang mga paliwanag nito kahit maraming beses nang narinig niya ito sa kanilang pag–uusap ngunit nalipos ng lumbay ang kanyang mukha habang iniisip ang kabiguan sa kanyang balak hanggang sa napayuko siya nang sumagi sa kanyang alaala ang mga magulang niya. Hanggang sa tuluyan nang aminin niya na talagang mahihirapan din siya upang isakatuparan ang paghihiganti kahit sa kabundukan ng Sierra Madre magaganap ang engkuwentro kung hindi naman niya kontrolado ang teritoryo na kanyang kinalakhan dahil napasok na ito ng mga soldados mula noong panahon pa ng kanyang amang Alawihaw. “Gusto ko lamang . . . ipaalaala sa ‘yo . . . Bag–aw! Hindi madali . . . ang buhay ng mga manghihimagsik! Maraming limitasyon! Hindi lamang sila . . . ang nalalagay sa panganib . . . maging ang mga pamilya nila! Nagsasakripisyo rin! Oo! Sa panig mo . . . Bag–aw! Maaari kang sumanib sa kilusan . . . dahil binata ka! Ngunit problema ang dulot nito . . . sa mga pamilyadong kalalakihan! Paano na ang kanilang mga pamilya . . . kung sumanib sila sa kilusan?! Ha?!” Kahit maraming beses nang nagpaliwanag si Lakay Awallan sa layuning maintindihan lamang ng mga kalalakihang Malauegs ang kanyang punto ay hindi ito naging kapaguran niya upang muling ulitin para sa kapakanan naman ni Bag–aw ngayong nalaman niya na mali pala ang kanyang naging palagay na siya ang magiging saklay niya kung hindi na kayanin ng kanyang mga paa ang lumakad pa. Walang nakatatalos kung ano ang iniisip ni Bag–aw basta yumuko siya habang nilalagom ng kanyang malak ang paliwanag ni Lakay Awallan dahil binata naman siya ay puwede pa rin palang tuparin ang kanyang balak ngunit hindi niya masagot ang tanong kung naisin pa rin ba niya ang mapabilang sa grupo ni Kumander Tallang kahit mag–isang maiiwan sa bagong komunidad ang kanyang apong. Hanggang sa napaglilimi niya na maaaring hindi pa ngayon ang tamang panahon para ipagpilitan ang kanyang kagustuhan kaya hayaan na lamang niya na kusang gumawa ng paraan ang pagkakataon maski maghintay siya nang matagal dahil talagang nangangailangan din ng malambis na paghahanda ang pagsasakjatuparan ng paghihiganti pagkat armado ng mga fusil ang mga may utang sa kanya. Seguro, hindi na niya kailanganin pa ang pahintulot ng ninuman kapag dumating ang pagkakataong iyon dahil magiging masakit sa kanyang kalooban kung taglay pa rin hanggang sa kanyang paglisan sa mundo ang kabiguan pagkat wala nang magsasakatuparan sa kanyang hangarin kung sa kuwento na lamang matutunghayan ng mga susunod na henerasyon ang alaala nito. Ramdam ng kanyang sarili ang panunurot sa isip sanhi ng kanyang kahangalan kung bakit binanggit pa niya ang tungkol sa kahilingan ni Kumander Tallang gayong batid naman niya na talagang ayaw ni Lakay Awallan na masasangkot sa kaguluhan ang tribung Malauegs maski kinamkam ng pamalahaang Kastila ng Alcala ang kanilang malawak na lupain sa lumang komunidad. Dahil sa paniniwala na hindi solusyon ang paghihiganti bukod pa ang katotohanan na walang kakayahan ang kanilang mga sarili laban sa puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ngunit pinaninindigan pa rin ang maling katuwiran maski ikapapahamak pa nila imbes na damhin sa kanilang mga puso ang kapayapaan upang magkaroon ng tahimik na pamumuhay ang kanilang tribu. Ngayon, malinaw na kay Bag–aw ang mga kadahilanan kung bakit ayaw ikompromiso ni Lakay Awallan sa grupo ni Kumander Tallang ang mga kalalakihang Malauegs maski para sa kalayaan ng kanilang bayan ang layunin ng kilusan dahil mawawalan naman ng kabuluhan ang pagsasakripisyo kung buhay ang magiging kapalit gaya nang naranasan nila sa lumang komunidad.
ITUTULOY
No responses yet