IKA – 183 LABAS

Totoong mahirap ipagwalang–bahala ang sinapit ng kanyang mga magulang kaya natanim sa isip niya ang paghihiganti mula nang malaman niya na pinatay sila ng mga soldados ngunit hindi rin naman puwedeng suwayin niya ang mahigpit na bilin ni Lakay Awallan dahil kailanganin pa rin niya ang basbas nito maski nakapanghihinayang kung palampasin pa niya ang pagkakataon imbes na samantalahin ito.  Pero sisikapin pa rin ni Bag–aw na maisakatuparan ang kanyang pangako maski maghihintay siya nang matagal kung hindi man niya magagawa ito ngayon dahil may humahadlang ngunit seguradong hindi naman magkakaroon ng katahimikan ang kanyang kalooban hanggang hindi natutupad ito bago man lamang humilagpos ang kanyang huling hininga.  Katunayan, hindi niya napigilan ang magdamdam sa tuwing naalaala na hindi man lamang nagawaran ng ritwal ang bangkay ng kanyang inang Dayandang pagkat naiwan ito nang tumakas ang mga nangakaligtas sa lumang komunidad ngunit pangarap pa rin niya ang bumalik doon sa pagbabakasakali na matunton pa niya ang pinaglibingan ng kanyang inang kahit may katagalan na ito.  Aywan kung may paraan pa upang hukayin ang bangkay ng kanyang inang para mabigyan ng ritwal kahit kalansay na lamang para matahimik na rin ang kanyang kalooban maski katanungan kung magkaroon pa kaya ng katuparan ang kanyang ninanais kung naipagbili na sa mga negosyante ang mga lupain na sinasakop noon ng lumang komunidad matapos magpalabas ng mga huwad na titulo ang pamahalaang Kastila ng Alcala.

            “Pasensiya na po . . . Apong!  Naguguluhan lang po . . . ako!   Kasi po . . . hindi na po tayo nagkaroon ng katahimikan . . . buhat nang matuklasan po . . . ng pamahalaan . . . ang ating komunidad!  Opo!  Apong!”  Kaagad humingi ng kapatawaran si Bag–aw pagkat hindi na kailangang isipin pa ang pagkakamaling nagawa niya sabay hawak sa dalawang kamay ni Lakay Awallan na sandaling natahimik ngunit pansin sa kanyang damdamin ang pagtatampo kung wariing mabuti dahil tiyak na hindi kakayanin ng kanyang kalooban ang mamuhay nang mag–isa maski totoong hindi rin siya pababayaan ng mga katutubong Malauegs kung hindi naman sila ang lunas ng kanyang kalungkutan.  Hanggang sa napagtanto ni Bag–aw na dapat isantabi na muna ang kanyang hangarin dahil talagang hindi rin naman niya magagawang iwan nang mag–isa si Lakay Awallan pagkat seguradong magiging bangungot ang kanyang panaginip kung gabi–gabing nagpaparamdam ang kanyang mga magulang upang ipaalaala sa kanya ang mga sakripisyong tiniis ng kanyang apong para sa kanya.  Dagdag pang balakid ang matinding problema ngayon ng kanilang tribu dahil sa cedula kaya naging katanungan ng sarili niya kung paano na lamang si Lakay Awallan kapag sinalakay ng mga soldados ang bagong komunidad habang kasama siya ng mga manghihimagsik pagkat may mga pamilya rin ang mga kalalakihang Malauegs kung ipaubaya niya sa kanila ang matanda.  Siyempre, ayaw rin naman ni Bag–aw ang mawalan siya ng pangalawang amang pagkat talagang walang–kapara ang sakit ng maging ulila kahit musmos pa lamang siya noon nang mamatay ang kanyang mga magulang ngunit nang magkaroon na siya ng malay hanggang sa nalaman niya ang totoong sinapit nila ay hindi na tumahan sa pananangis ang kanyang puso.  Ito ang malinaw na dahilan kung bakit isinantabi muna niya sa isip ang magkaroon ng sariling pamilya dahil ayaw niya na mararanasan din ng kanyang mga magiging anak ang sinapit niya kung maulit sa kanya ang naging kapalaran ng kanyang mga magulang pagkat matanda na si Lakay Awallan para mag–alaga pa ng mga bata kaya maluwag na tinanggap niya ang mga kantiyaw maski masakit sa kanyang damdamin.  Sa halip na bumalik sa bintana si Bag–aw ay tumayo na lamang siya sa likuran ng silyon at sadyang ipinatong pa sa mga balikat ni Lakay Awallan ang kanyang dalawang kamay para muling iparamdam ang kanyang taos na paghingi ng kapatawaran habang ipinagpatuloy ang kanyang pagsasalita dahil naniniwala siya na ito ang mas akmang paraan imbes na yakapin pa niya ang matanda gaya nang laging ginagawa niya noong maliit pa lamang siya.  Napalingon sa kanya si Lakay Awallan ngunit siya naman ang nabaghan nang titigan lamang siya nito habang pinapakinggan ang kanyang pagsasalita upang ipaunawa ang naging palagay niya tungkol sa mga kaganapan sa labas ng bagong komunidad mula nang matuklasan ito ng dalawang soldados hanggang sa walang abog na dinalaw sila ng grupo ni Kumabder Tallang.  Lingid kay Bag–aw ay gusto sanang tumayo ni Lakay Awallan para yapusin siya na dati nang ginagawa niya sa tuwing nagtatampo ang paslit ngunit hindi na lamang niya itinuloy maski ramdam niya ang awa habang pinagmamasdan ang kanyang apo na tumayo nang nakayuko sa kanyang harapan sabay hawak sa mga palad niya dahilan upang maglubag ang kanyang kalooban.  Kunsabagay, alam din naman ni Lakay Awallan kung bakit sakbibi ng balais ang kalooban ni Bag–aw dahil naging madali para sa kanya upang ihalintulad sa nakaraan ang mga pangyayari sa kasalukuyan pagkat tila nauulit lamang ang mga kaganapan kung pagbatayan ang mga kuwento na maraming beses nang napakinggan niya mula nang matutong umunawa ang kanyang malak.  Kaya naging dalangin na lamang ni Bag–aw na sana marapatin ni Bathala upang maisakatuparan pa rin niya ang paghihiganti bago pa lumihis ang kapalaran ng kanyang buhay patungo sa direksiyon na maghahatid sa kanya sa huling hantungan dahil tiyak na hindi rin magkakaroon ng katahimikan ang kanyang kaluluwa kung taglay niya sa hukay ang kabiguan.  “Baka po . . . mauulit na naman . . . ang mga pangyayari noon . . . Apong!  Noong . . . nabubuhay pa lamang!  . . . ang aking mga magulang!  Opo!”  Nang mahiwatigan ni Lakay Awallan ang matinding tigatig na bumabagabag sa kalooban ni Bag–aw ay lalong humigpit ang kanyang pisil sa mga palad nito dahil totoo naman ang lahat kaya ito rin ang dahilan kung bakit araw–gabi ang ginagawang pagdarasal niya upang ipakiusap kay Bathala na sana hindi na nila muling mararanasan ang pangyayari na halos kumitil sa kanilang buhay.  Habang tinititigan niya si Bag–aw ay paragasang nagbabalik sa gunita niya ang nakaraan dahil naging ugali na ng paslit ang magpakandong sa kanya maski abala siya sa pagdarasal pagkat may mga katanungan ang musmos na kaisipan nito kaya kailangan ipaliwanag niya kung bakit naganap ang mga ganoong pangyayari lalo na ang tungkol sa sinapit ng lumang komunidad hanggang sa nalipat sila sa pusod ng kagubatan.  Maya’t maya ang pagtatanong kung sino ang kanyang mga magulang; mahal ba siya ng mga magulang niya; saan naroroon ngayon ang kanyang mga magulang; sino ang pumatay ng kanyang mga magulang; bakit binaril ng mga soldados ang kanyang mga magulang; bakit may mga soldados; saan galing ang mga soldados; ano ang hitsura ng mga soldados dahil sadyang likas sa isang bata ang nagtatanong upang maputos ng maraming katotohanan ang kanyang isip para hindi siya magkakamali pagdating ng araw na kailangang gumawa siya ng sariling desisyon.  Ngayon, hindi na kailangang magtanong pa siya kay Lakay Awallan pagkat sapat na ang paulit–ulit na pakikinig sa mga kuwento na walang karugtong dahil akibat pala ng kanyang buhay ang mga natitirang kabanata nito upang magiging malinaw ang paglalahad sa mga pangyayari na kinasasangkutan ng kanilang angkan mula sa kanyang amang Alawihaw hanggang sa kanyang paglaki para magkaroon ng wakas ang kasaysayan.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *